Kabanata 11 - Mabangong Halimuyak
“Bibinka oishī!” (Ang sarap ng bibingka!) bulalas ni Toro. Naglalakad sila ngayon ni Emman sa isang tulay na madadaanan bago ang simbahan.
Kagagaling lang nila sa simbahan at nagdesisyon silang lumakad pauwi matapos ihatid ang mga batang miyembro ng choir sa kabi-kabilaang mga magulang na siyang nagsimba rin nang araw ding ’yon.
Nakasukbit sa likod ni Emman ang isang kulay itim na bag na lalagyan niya ng mga librong ginagamit upang tignan ang chords ng gitara. May laman ding ’yong iba pang gamit bukod sa mga libro. Si Toro naman ay hawak ang kinakaing bibingka habang maligalig na naglalakad sa gilid ng tulay.
Ang tulay na ’yon ay marami ring dekorasyong Pamasko. Ang mga poste nito ay nababalot ng mga solar Christmas lights na tampok sa kapanahunan ngayon sa dahilang mas matipid sa gamit at konsumo ng kuryente ang mga ito kumpara sa ordinaryong mga Christmas lights.
Imbis na ilaw naman ang nakakabit sa poste ay nilagyan ito ng parol na siyang nagbibigay-liwanag din sa lugar tuwing gabi. Sa ngayon ay nakapatay na ang mga dekorasyon sa tulay dahil mag-uumaga na.
“Anata wa hontōni bibinka ga sukidesu yo ne?” (Talaga ngang gustong-gusto mo ’yang bibingka, ano?) tanong naman ni Emman kay Toro habang nakangiti.
“An’nojō, kore wa osoraku watashi ga kore made no jinsei de ajiwatta naka de saikō no tabemonodesu!” (Oo naman, ito na yata ang pinakamasarap na kakaning natikman ko sa buong buhay ko!) masigla namang tugon ni Toro.
Hindi nga nagtagal ay napadaan sila sa gitna ng tulay, saglit pang huminto si Emman nang umihip ang malamig na hangin mula sa norte. Parehas silang kumalipkip ni Toro dahil sa lamig. Maski pa nakasuot ng makapal na damit si Toro ay mabilis lang talaga siyang nilalamig.
“Tenki wa samuidesu, Kurisumasu wa hontōni kite imasu. Jikan ga tobu yō ni sugiru.” (Ang lamig ng panahon, talaga ngang sasapit na ang Pasko. Ang bilis talaga ng panahon.) Ngiti ni Toro at tumingin siya kay Emman.
Ngunit bigla siyang bumahing nang wala sa oras.
Nanlaki ang mga mata ni Emman at saglit pa’y kinuha niya ang isang jacket sa dala niyang bag na nakasukbit sa kan’yang likuran. Kaagad niya ’yong ibinigay kay Toro.
“Kore, totte. Koko wa samu-sa ni narete inai nodeshou ne, Nihon wa yukigafuru kara motto samui node wa arimasen ka?” (Ito, kunin mo. Mukang ’di ka yata sanay sa lamig dito, ’di ba mas malamig sa Japan kasi may niyebe ro’n.) Nagtakang tanong ni Emman.
“Watashi wa kaze ga sukina dakedenaku, kazewohiku to kanarazu kushami o shimasu. Watashi mo yuki to fuyu ga nigatenanode, kyōkai ni kigaete ikimashita ga, sore dakede wa jūbunde wa arimasen.” (Hindi lang kasi ako mahilig sa lamig, palagi akong binabahing kapag nalalamigan ako. Hindi ko rin hilig ang niyebe at taglamig, kaya nga balot na balot na rin akong nagsimba pero ’di pa rin pala sapat ’yon.) Marahan namang tawa ni Toro.
“Tokorode, koreha arigatō—” (Siya nga pala, salamat nga pala rito—) ngunit natigilan si Toro sa pagsasalita.
Naamoy niya ang jacket at siyang tunay na kaybango nito at ang amoy na ’yon ay para bang bigla siyang ibinabalik sa nakaraan. Sa ilang pagkakataon, nababatid niyang naamoy niya na ang halimuyak na ’yon, at nang sumagi sa isip niya ang mga detalye ay nanlaki ang mga mata niya.
***
Sabay na lumabas ng simbahan ang batang sila Toro at Emman, masayang nagtatakbuhan at nagtatawanan. Katatapos lamang ng misa kaya nasasabik silang bumili ng bibingka na pamatid-gutom nila bago umuwi sa mga tahanan nila.
Binilhan nga sila ng bibingka ng kanilang mga magulang na siyang kinakain nila habang naglalakad sila pauwi. Ilang kanto lang kasi ang pagitan ng bahay nila Emman sa bahay ni Toro at pareho lang din ang dadaanan nila pauwi kaya sabay naglalakad ang magkaibigan.
At habang naglalakad nga sila pauwi at kinakain ang bibingkang hawak nila sa kanilang mga kamay ay umihip ang malamig na simoy ng hangin. Napatigil si Toro at bumahing, dahil dito ay walang kaano-anong hinubad Emman ang suot niyang jacket.
Ipinatong niya ang magkabila nitong dulo sa balikat ni Toro na ikinagulat naman nito ng bahagya, ngumiti naman si Toro kalaunan at tuluyan niyang isinuot ang jacket.
“Ang bait talaga ng anak mo, Mareng Michelle, tignan mo ang ginawa niya sa anak ko, oh.” Ngiti ni Reiko habang pinagmamasdan silang dalawa.
“Pinalaki kong natuturuan ng magandang asal ang anak ko, Kumareng Rei, natural lang na gan’yan ang pagtrato niya sa mga tao sa paligid niya at sa matalik niyang kaibigan.” Ngiti rin naman ng ina ni Emman na si Rachelle Navidad.
“Ang suwerte lang ng anak naming si Toro dahil may kaibigan siyang kagaya ng anak mo, Kumare, kaybuting bata.” Saad naman ni Pasqual.
“Isuot mo ’yan, baka malamigan ka.” Ngiti ni Emman kay Toro habang inaayos nito ang manggas ng jacket sa gawing kamay ni Toro.
“S-salamat dito...” utal na saad naman ni Toro.
Napaiwas siya ng tingin sa batang si Emman na seryoso ngayon sa pag-aayos ng jacket nitong kasyang-kasya lang sa kan’ya. Nagdulot ito ng pag-init ng pakiramdam ni Toro, pinaghalong saya at hiya ang nadama niya ngunit hindi pa nito alam kung paano nga ba ipahiwatig ang nararamdaman.
Ngumiti na lang siya at sabay nga muli silang naglakad ni Emman. At habang naglalakad, naamoy ni Toro ang pinaghalong halimuyak ng pabangong amoy candy at ang detergent na ginamit sa paglalaba ng jacket.
Ang sarap sa ilong ng amoy na ’yon, napapikit si Toro at dinama ang jacket sa katawan niyang nag-iinit na ngayon dahil do’n. Isama pa ang amoy ng jacket na nakakapagpadama sa kan’ya ng isang ’di maipaliwanag na pakiramdam.
***
Bumalik sa ulirat si Toro at ngumiti siya kay Emman, muli ay naramdaman niya ang pakiramdam na nadama niya na noon salamat sa ginama nitong pagpapaalala sa kan’ya ng nakaraang kaysarap balikan.
Nagpatuloy nga sila sa paglalakad pauwi sa kanilang mga tahanan, at nang marating na nila ang tahanan ni Toro ay isinauli na rin nito ang jacket na suot niya. Bago siya pumasok sa bahay ay nagpaalam na siya sa kaibigan.
Ang pag-uumpisa ng bagong araw ay tiyak na magkakaro’n pa ng bagong atmospera para kay Toro, at dahil nga ro’n ay naging masaya ang araw na iyon para sa kan’ya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top