Epilogo - Pagdating ng Pasko
SA PANANAW NI TORO
Ang Pasko sa Pilipinas na yata ang pinakaninais-nais kong balikan sa bansang ’yon simula noong umalis ako papuntang Japan, hindi ko alam pero umukit na sa puso ko ang pagdiriwang ng Kapaskuhan sa bansang pinagmulan ko. Dahil sad’yang ang Pasko rito ay iba sa lahat, iba kumpara sa Pasko sa Japan.
Kaya nang magkaro’n ako ng pagkakataong muling bumalik sa bansang ’yon ay minabuti ko nang bumalik, pero sa pagbalik ko ay siya ring pagbalik ng mga alaalang nabuo ko sa Pilipinas kasama ang isang taong minahal ko noon, at natutunan ko muling mahalin ngayon.
Ako si Toro Lente, disi-otso, medyo mahiyain at introverted pero pinipilit ko ang sarili kong makihalubilo sa sa mga tao sa paligid ko nang makaapak akong muli sa lupa kong sinilangan.
Tunay ngang kayraming nagbago sa paligid ko, mula sa pagtingin ko sa bawat paligid noong huli ko ’tong nakita labing tatlong taon na Ang nakakalipas. Dahil nga bata pa lang ako no’n, tila ba naglaho ang mga alaalang nabuo ko rito simula noong umalis ako.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, nakilala ko si Emmanuel Navidad. Siya ang kauna-unahang taong naging komportable akong kasama sa lugar na ’to.
Siya rin ang unang taong naging kaibigan ko at dahil nga ro’n ay naging katuwang niya ako sa pag-gabay sa mga kabataang miyembro ng isang choir sa simbahan dito sa baranggay namin.
Ang mga alaalang nabaon ko sa limot, ang mga alaala Paskong nakalipas noong ako ay bata pa ay muling bumalik sa ’kin sa pamamagitan ng muling pagpapadama ni Emman sa ’kin ng diwa ng Kapaskuhan.
At sa ’di inaasahang pagkakataon, naging bahagi rin pala si Emman ng mga Paskong ’yon.
Ito ang dahilan mula noon magpahanggang ngayon, dahil sa mga ginawa ni Emman at sa mga ipinatuklas at ipinaalala niya sa ’kin, ang mga ipinaramdam niya at ang mga ginawa niya simula pa noon. Ito ang nag-udyok sa ’king mahalin siya.
Iminulat ko ang mga mata ko, nakikita ko ngayon ang langit na siyang naging bughaw na dahil malapit nang sumikat ang araw. Ang mga ilaw sa tulay malapit sa simbahan ay nakasindi pa rin at kalaunan ay mamamatay na rin sa pagsikat ng araw.
Suot ko ang karaniwan kong suot pangsimba, at ngayon ay natuto na ’ko. Upang hindi ako malamigan at mabahing pa ay isinuot ko na ang isa sa mga jacket ko, upang hindi na mangyari ang nakakahiyang nangyari noong nakaraang naihipan ako ng malamig na hangin kasama si Emman dito rin sa tulay na ’to.
“Toro, soko ni iru yo zutto kyōkai no mae de sagashi teta.” (Toro, nandiyan ka lang pala, kanina pa kita hinahanap sa harap ng simbahan.) Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko ang pamilyar na tinig.
“Emman, anata ga koko ni ite yokatta. Shibarakunoaida, koko de anata o matte imashita.” (Emman, mabuti naman at nandito ka na. Kanina pa ’ko naghihintay sa ’yo rito.) Ngiti ko naman lumapit ako sa kan’ya.
“Oshiete itadakitai koto ga arimasu...” (May gusto sana akong sabihin sa ’yo...) saad ko.
Huminga muna ako nang malalim bago ako magpatuloy sa pagsasalita, buo na ang loob kong sabihin kay Emman na...
“Emman-kun, watashi wa anata ga sukidesu.” (Emman, gusto kita.) Napapikit ako.
Kasabay no’n ay ang pagpasok ng isang alaala sa isipan ko, at sa mismong tulay ding ito ’yon nangyari.
***
“Emman-kun, watashi wa anata ga sukidesu.” (Emman, gusto kita.) Saad ko kay Emman.
Kasabay nito ang pagsindi ng mga Christmas lights at mga parol na napapalamutian ang buong tulay, para sa isang batang tulad ko noon ay hindi ko pa alam kung paano at kung ano nga ba ang tamang paraan para umamin. Pero... sinubukan ko pa rin.
“Anong sinasabi mo, Toro? Alam mo namang hindi ako nakakaintindi ng Hapon, eh.” Kamot ni Emman sa ulo niya, napaiwas ako ng tingin. Kumabog nang mabilis ang dibdib ko.
Ewan ko, pero para akong isang ’di kilalang tao sa harapan ng matalik kong kaibigan na siyang nagustuhan ko na. Hindi ko alam pero ang hirap sabihin sa wikang naiintindihan niya ang mga sinabi ko kanina.
Na gusto ko siya.
“’Wag mo sanang balewalain ang sinabi ko, Emman.” Pasimple akong ngumiti.
“Ano ba kasing ibig-sabihin no’n?” inosente naman niyang tanong. Napalunok ako at muli akong tumugon.
“Malalaman mo rin balang araw, sana pagbalik ko ay alam mo na ang ibig-sabihin ng mga sinabi ko sa ’yo.” Nang bitiwan ko ’yon ay parang nanlumo ako, parang hindi rin ako umamin sa kan’ya.
“Oo nga pala, bukas na nga pala ang alis ninyo papuntang Japan. Oy, baka naman pagbalik mo, pasalubungan mo naman ako.” Ngisi niya.
“Sige, gagawin ko ’yon. Sana nga sa muli kong pagbabalik dito ay makasama pa rin kita, kasi ikaw lang ang naging kaibigan ko.” Emosyonal akong napatugon.
“Mami-miss kita, Toro.” Napayuko si Emman.
“Ikaw rin, mami-miss din kita.” Lumapit ako kay Emman at humawak ako sa kamay niya.
“Pero ’wag kang mag-alala, ipinapangako ko na babalik ako rito kahit na anong mangyari.” Hinawakan ko nang mahigpit ang kamay niya at tumingin ako sa mga parol na nakasabit sa tulay.
“Bago mag-Pasko, ano mang panahon sa hinaharap, babalik ako rito. Sana nandito ka sa pagbabalik ko, at sana... alam mo na ang ibig-sabihin ng mga sinabi ko sa ’yo.” Ngiti ko.
Sumapit na ang dilim, alam kong nalalabi na lang ang mga oras naming magkasama ni Emman. Kaya noong oras na ’yon, sinulit ko na ang mga pagkakataong kasama ko siya.
Bumili kami ng maraming bibingka at kinain namin ’yon nang magkasama, naghabulan kami sa tulay na puno ng kumukutitap na mga ilaw ng nagdaang Bagong Taon at Kapaskuhan, nagpakapagod kami sa paglalaro at pagtawa nang walang humpay.
Hanggang sa... umuwi na nga kami sa kani-kan’ya naming mga tahanan.
Bago kami maghiwalay sa isang kanto, sinabi ni Emman na kinabukasan ay pupunta siya sa ’min para pormal na magpaalam sa ’kin. Pero ikinabigla ko nang... hindi siya dumating.
Simula noon ay hindi ko na muling nakita si Emman, at sa paglipas ng panahon ay unti-unting nawala sa mga alaala ko ang mga oras na pinagsamahan namin noong kami’y mga bata pa.
Ang naalala ko na lang ay kung ga’no kasaya ang Pasko sa Pilipinas, ngunit hindi ko naalala ang pinagmulan ng kasiyahang nadama ko sa mga Paskong naranasan ko sa bansang aking sinilangan.
Hanggang sa... muli kaming pinagtagpo ng tadhana.
***
“Mitomete kurete arigatō, Toro.” (Salamat sa pag-amin mo, Toro.) Napadilat ako at nabalik ako sa ulirat nang marinig ko ang boses ni Emman.
“Watashi mo zutto anata ga hoshikatta. Watashi wa tada kinchō shite imashita. Demo anata wa... Anata wa watashi ni kokuhaku shimashitaga, watashi wa sonotoki anata o rikai shite imasendeshita.” (Noon pa man din, gusto na rin kita. Naunahan lang ako ng kaba. Pero ikaw... nagtapat ka na pala sa ’kin pero ’di lang kita naiintindihan noon.) Ngumiti siya.
Pero bigla siyang napasimangot at napaiwas ng tingin.
“Jikangireda to omou yo, Toro.” (Sa tingin ko, tapos na ang oras ko, Toro.) Pinilit niyang ngumiti, napakunot naman ang noo ko dahil sa sinabi niya.
“Dō iu imidesu ka?” (Anong ibig mong sabihin?) nagtataka kong tanong.
“Malabong maipaliwanag, Toro. Pero... nagpapasalamat ako sa Diyos na binigyan niya ako ng pangalawang pagkakataong antayin ka sa pagdating mo.” Rito ay ngumiti siya.
“Natatandaan mo pa ba noong araw na muli mo ’kong maalala sa may parke sa bayan? Ang sinabi ko sa ’yo no’n?” tanong niya pa.
Inisip ko ’yong mabuti, at naalala ko ngang sinabi niyang nais niya ang isang maayos na closure mula sa mga sinabi ko no’n.
“Gusto rin kita, Toro, noon pa.” Muli niyang pagtatapat at ngumiti siya.
Bigla niya akong hinagkan nang mahigpit, at mas lalo akong nabigla nang siniil niya ako nang halik sa labi. Humangin nang malakas ngunit napawi ng halik niya ang lamig ng hanging umihip patungo sa ’min. Humiwalay siya sa ’kin at hinawakan niya ang kamay ko.
“Watashi wa zutto mae ni sarimashitaga, satta nochi mo nokotte imashita. Soshite kondo wa watashi wa mata sarimasuga, anata wa hontōni watashi o miru koto wa arimasen.” (Matagal na ’kong umalis, pero nanatili ako kahit umalis na ’ko. At sa pagkakataong ito’y aalis ulit ako pero hindi mo na talaga ako makikita.) Dito na bumagsak ang butil ng luha sa mga mata niya.
“Watashi wa anata o rikai shite imasen, Emman.” (Hindi kita maintindihan, Emman.) Nagtataka kong saad kung bakit, pinilit niyang ngumiti kahit umiiyak pa siya.
“Emman, huminto ka na... hindi talaga kita maintindihan.” Nilapitan ko siya at humawak ako sa braso niya.
“Ako naman ang mag-iiwan ng palaisipan sa isip ko, Toro. Ako ang iniwan mo noon, at patawad dahil ikaw naman ang iiwan ko ngayon.” Ngiti niya.
“Nais ko ng isang magandang closure, at nakamit ko na ’yon. Ngayon, oras na para umalis ako.” Pumiglas si Emman sa pagkakahawak ko sa kan’ya at nakangiti siyang tumakbo patungo sa kabilang side ng tulay.
“Daremoga watashi o wasureru koto ga dekimasuga, anata wa dekimasen. Aishiteruyo, Toro! Sayōnara!” (Makalimutan man ako ng lahat, ngunit ikaw ay hindi. Mahal kita, Toro! Paalam!)
Sandali pa, may mga sasakyang nagsidaan sa kalsada at kasabay ng pagdaan ng mga sasakyan ay ang pagliwanag ng paligid dahil umilaw na ang buong tulay. Pinagmasdan ko lamang si Emman, nakangiti siya habang nakikita kong nagsisidaan ang mga sasakyan.
At sa isang kisap-mata ko ay bigla na lang siyang nawala.
Alam ko naman ’yon.
Dahil matagal naman na talaga siyang wala.
***
Idinilat ko ang mga mata ko at natagpuan ko ang sarili ko sa loob ng classroom dito sa paaralan namin sa Osaka Metropolitan University sa Japan. Napangiti ako, kasabay ng pagtulo ng luha sa mga mata ko.
Napagdesisyunan kong lumabas na lang ng silid-aralan para mag-meryenda. Habang naglalakad ako sa hallway ay nakita ko ang pagbagsak ng niyebe mula sa kalangitan. Kayganda, ngunit kaylamig din.
Malapit na ang Pasko, at nakatakda kaming umuwi sa Pilipinas para bisitahin ang lolo, lola, at tito ko ro’n kapag sumapit ang winter break. Dito na rin ako magkakaroon ng pagkakataong dalawin ang puntod ng matalik kong kaibigang si Emman.
Ang sagot sa misteryo kung bakit hindi siya nakapag-paalam sa ’kin noong araw na umalis kami sa Pilipinas ay dahil sa nasangkot siya sa isang aksidente noong gabing pauwi siya sa bahay nila.
Pinili ng ama at ina kong ilihim sa ’kin ang lahat, alam na pala nila ang balita ngunit nanatili silang tahimik sa ’kin para ’di ako lalong masaktan sa pag-alis ko sa Pilipinas. Sinabi lang nila sa ’kin na wala na si Emman nang makapag-simula na ’ko ng bagong buhay ko dito sa Osaka, Japan.
Ngunit sa mga nagdaang taon, muli’t muli kong iniisip ang matalik kong kaibigan na siya ring unang taong minahal ko. Sa tuwing sasapit ang Pasko, palagi ko siyang inaaalala kasabay ng pag-alala ko sa kapanganakan ng Panginoong Hesukristo.
Alam kong masakit ngunit kinaya kong tanggapin na sa pagbalik ko sa Pilipinas ay hindi ko na siya mahahagilap, ngunit sa darating na Kapaskuhan ay alam kong mas lalo akong magiging masaya.
Muli, mararanasan ko ang Pasko sa Pilipinas, matitikman ang mga pagkain kagaya ng bibingka, masasaksihan ang karoling ng mga kabataan, makikita ko rin ang pailaw sa kabayanan, at masasaksihan ko ang taunang simbang gabi.
Ngunit may kulang pa rin—ang taong nakilala ko noong gabi ng Disyembre 2009.
Sa pag-uwi ko sa Pilipinas ay talagang dadalawin ko siya. Ikukuwento ko ang naging buhay ko at kung gaano ko siya na-miss habang naririto ako sa Japan. Exited na ’kong maranasan muli ang Pasko sa Pilipinas, at mas exited ako na makasama muli ang matalik kong kaibigan.
---Wakas---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top