Chapter 4: Damaged


Malayo ang clinic sa field.

Mula sa labas, papasok pa sa CEA building para lang makapunta sa nearest clinic na nasa dulong hallway pa. Sampung rooms pa ang dapat lampasan bago makarating sa clinic.

Alam naman na ni Kel na hindi talaga ako nahimatay kaya iminulat ko na ang mata ko habang karga niya 'ko. Naglalaro na nga lang ako ng dulo ng buhok ko habang buhat niya.

Hindi naman ako every day binubuhat kaya sinamantala ko na ang gaan ng feeling. Saka fault naman niya kaya ako bumagsak kanina sa field.

Dinala nga talaga ako ni Kel sa clinic. Walang tao sa loob pero bukas naman.

Ang loob ng clinic, may dalawang hospital bed. Not really the kind of bed na pang-operating room. Mukha lang 'yong single bed na mas mataas lang sa normal height ng kama. Sa ilalim, may mga nakalagay na kung ano-anong kahon at tungtungan ng paa para makaabot sa taas ng kama. May cover naman kada bed. Green na makapal na kurtina na puwedeng hatakin para maibalot sa space na exclusive for that bed kung saan 'yon nakatutok.

Itinapat ako ni Kel sa isang kama at walang habas akong ibinagsak doon.

"Aray ko, fu—" Ang sama tuloy ng tingin ko sa kanya.

"Sakit?" pang-asar niya.

Mabilis kong dinampot ang unan sa likod ko at buong lakas kong hinampas sa kanya. "Buwisit ka!" pigil na tili ko.

"Malakas ka na pala, e. Pinagbuhat mo pa 'ko sa 'yo."

Inamba kong ihahampas uli sa kanya ang unan. Pinangsangga agad niya ang mga palad niya para hindi siya matamaan.

"Hahaha! Bakit kasi ang arte mo? Para natamaan lang ng bola, e."

"Tumalsik nga ako!"

"Kasalanan mo 'yon kasi pumayag kang tumalsik."

GRRR! Kampon talaga 'to ng dilim!

Mabilis akong tumalon sa kama para lang abutan siya. Kaso ang tanga ko rin talaga. Ang katawan ko, ine-expect na ang height ng kama sa clinic ay height ng kama ko sa kuwarto na isang tapak lang, nasa sahig na.

Pagtapak ko sa "sahig" slash "hangin," bigla akong dumulas paibaba dahil masyado 'yong mataas para sa sukat ng binti ko.

Another katangahan na naman. Plakda na naman ako sa sahig.

"HAHAHAHA!"

Ang lakas ng tawa ni Kelley at bumangga-bangga na siya sa pader sa likuran niya sa sobrang pagtawa.

"Buwisit ka talaga, Mijares!" tili ko sa kanya. Tumayo agad ako para sugurin siya pero eksaktong pagtayo ko, para akong kinidlatan sa buong katawan at bumagsak na naman ako sa sahig habang namimilit sa sakit. "Aaahhh!" Hawak-hawak ko ang paa kong sobrang kirot.

Shet! Na-sprain pa yata ako!

Gusto ko lang namang magdrama pero natuloy nga talaga ang pakay ko sa clinic dahil sa nangyari sa paa ko.


• • •


"Nabigay ko na yung excuse letter kay Sir Dizon."

Ang sama ng tingin ko kay Kelley nang makabalik siya sa clinic.

May isa pa kaming exam dapat ngayon pero hindi na talaga kinaya. I guess I have to take a special exam for Business Correspondence.

Namamaga na ang paa ko. Ten minutes nang ibinabad ni Nurse Mai ang paa ko sa cold compress pero kitang-kita pa rin ang pamamaga. Para akong tinubuan ng tumor sa ankle part.

"Nurse, yung referral ng x-ray?" tanong ni Kelley.

"Nasa kanya na," sagot ni Nurse Mai nang ituro ako.

Maga ang paa ko. Makakalakad naman ako, pero hindi 'yon ang issue ko ngayon. Naka-scooter kasi ako. Malamang na pahirapan kahit pag-alis ng scooter ko sa parking.

Hindi sumasakit ang paa ko, basta ba hindi gagalawin.

"Nurse, puwede na 'kong umuwi?" tanong ko sa nurse.

"Yes, puwede naman. Kung kaya mo. Magkasama ba kayo?" tanong ni Nurse Mai sa amin ni Kelley.

"Hindi po."

"Yes."

Napatingin ako nang masama kay Kelley matapos niyang mag-yes.

Anong magkasama, e ayoko na ngang makita ang pagmumukha niyang letse siya?!

Binato na ako sa ulo, binigyan pa ako ng ankle sprain?!

"Samahan mo na palabas ng campus," utos ni Nurse Mai saka ako iniwan para pumunta siya sa sariling CR ng clinic.

Pagtingin ko kay Kelley, tatawa-tawa pa siya matapos ang lahat ng kahayupang ginawa niya sa 'kin ngayong hapon—gabi na nga!

Dinampot niya ang isang sapatos kong kinailangan kong hubarin para mabalutan ng benda ang kanang paa ko. "Tara na. Iuuwi na kita."

"May motor ako, epal ka." Kinuha ko na ang bag kong pinakuha ko sa kanya sa locker ko para makauwi na.

Pababa na sana ako sa mataas na kama nang bigla niyang saluhin ang likod ng binti ko at likod.

Napandilatan ko siya sa gulat. Niyabangan lang niya ako ng tingin sabay ngisi.

"Try to fall again, pagtatawanan talaga kita hanggang next year."

"May nakapagsabi na ba sa 'yong nakakabuwisit ka?"

"Yeah, ikaw."

"Puwes uulitin ko. Nakakabuwisit ka."

"Yeah, right." He shook his head and smirked at me.

Ang buwisit talaga ever.

Yakap-yakap ko ang bag ko. Nakapaa na 'ko sa kanan na may balot na elastic bandage. Kaliwa na lang ang may sapatos. Ang isang sapatos ko, laman ang medyas ko na hawak ni Kel sa isa niyang kamay na nasa may likod ng binti ko nakaalalay.

Hindi naman na makirot ang paa ko pero pumipintig ang laman. Madaling masabi na kaunting pitik lang, sure na aaray na naman ako sa sakit.

Paglabas namin sa CEA Building, madilim na ang langit. Maliwanag naman dahil sa mga nakabukas na ilaw sa bawat post sa campus.

Ang layo ng CEA sa CBA kaya nang makasalubong namin sina Nathan at Vicky, alam ko nang dinayo pa nila ako sa clinic para lang makitsismis.

"Chi, okay ka lang ba?" mahinhing tanong ni Vicky.

Mukha ba 'kong okay, nakita na ngang isang paa na lang ang gumagana sa 'kin ngayon?

"Bakit may benda siya sa paa?" tanong ni Nathan.

"Malamang kasi sa paa yung masakit," sarcastic na sabi ko sabay irap.

"Akala ko, sa ulo ka tinamaan."

"Gusto mong ikaw ang patamaan ko sa ulo, ha?" mataray na sagot ko sa kanya at saka ako sumiksik sa dibdib ni Kelley para magtago.

Wait, hindi pala dapat ako rito sumiksik. Kaaway ko rin nga pala 'tong letseng 'to.

Pumaling na lang uli ako pakaliwa para isnabin naman si Kelley dahil hindi pa kami bati.

"Uuwi na ba kayo, Kel?" tanong na naman ni Nathan.

"Hindi. Magha-honeymoon kami kasi karga niya 'ko. duh?" sarcastic na sagot ko kay Nathan, na bigla kong kinunutan ng noo kasi ang sagwa pakinggan! Yuck!

Nararamdaman kong nanginginig ang dibdib ni Kel. Pagtingala ko, nagpipigil lang pala ng tawa.

"Iwan n'yo na nga kami!" utos ko kina Nathan. "We need privacy!"

Hindi na napigilan ni Kel, sumabog bigla ang tawa niya sa kalagitnaan ng paglalakad namin—niya lang pala, hindi ako kasama.

"Isa ka pa!" singhal ko sa kanya na lalo pa niyang tinawanan.

Bakit ba napapalibutan ako ng mga nakakabuwisit na tao sa Earth?

God! Lord, why?!

Nakaabot kami sa parking lot na tawang-tawa talaga 'tong Kelley na 'to.

Huminto kami sa scooter ko. Ngayon ko lang yata hindi nagustuhan kung bakit ADV160 ang motor ko. May isang motor si Ate Chewy na cute size, yung pink Vespa niya. Tingin ko, kaya ko 'yong sakyan nang hindi ako namomroblema sa sakit ng paa ko. Kompara dito sa motor kong pangmalaking tao.

Ibinaba ako ni Kelley sa concrete na bakod ng mga halaman sa may parking space ng Gate 1. Pagtapak ko sa lupa ng paa ko, pumitik na naman mula ankle hanggang frontal lobe ko ang sakit.

"Aarrgh!" pigil na hiyaw ko nang mapayuko na naman sa sakit. Namaluktot ako sa inuupuan ko at halos humiga na ako pakaliwa sa sobrang kirot.

"Alam na kasing masakit, ite-test pa na masakit nga. Ang bright mo diyan."

Ang sama na naman ng tingin ko kay Kel nang kunin niya ang susi ng scooter ko sa gilid ng bag ko.

"Kaninong kasalanan ba kaya may ganito ako?!" sermon ko.

"Of course, sa 'yo. Ikaw ang tumalon sa kama, e."

"Aarrgghh!" Dumampot ako ng maliliit na pebbles sa may halamanan at pinagbabato ko sa kanya.

"Hey! Totoo naman, a!" Pinang-shield na naman niya ang palad niya sa mga bato galing sa 'kin.

"Manahimik ka na! Isang salita mo pa, ire-report na talaga kita sa coach mo!"

"Guilty ka lang kasi."

"Letse ka!"

Nang tumigil ako sa pagbabato, saka lang niya in-start ang motor ko para malaman kung gumagana ba—o baka para malaman kung motor ko ba talaga ang pinakikialaman niya. White ang black 'yon, hindi pang-girly. Huwag siyang mag-expect ng Hello Kitty motor sa 'kin.

Nilapitan na naman niya ako. Sa sama ng tingin ko, saglit pa siyang umatras, nagdalawang-isip na kunin ako. Pero nang hindi ako umimik, saka lang niya ako binuhat para isakay sa motor ko.

"Buwisit ka talaga!" biglang sigaw ko at kinurot siya sa kanang braso.

Hindi ako nagpapahaba ng kuko. Ayoko rin na mahaba ang kuko na parang kay Vicky na kung makapagpa-nail extension, kada buwan talaga.

Para tuloy akong tanga na nangungurot sa muscle ni Kelley, as if namang ang sakit kong mangurot.

Tiningnan niya 'ko na para akong lamok na kumakagat sa braso niyang sobrang tigas.

Pinaikutan niya ako ng mata at saka siya maingat na sumakay sa motor ko para magmaneho.

Wait. Pumayag ba 'ko rito? Wala akong natatandaan, a?

"Mag-helmet ka," utos niya. Inabot pa sa 'kin ang helmet kong nakasabit sa throttle.

Ipinatong ko sa support ang paa kong sumasakit at ramdam ko talagang kumikirot 'yon sa bawat pagbangga sa ibang bagay.

"Ang sakit ng paa ko, Kel," reklamo ko na.

"Tanggalin natin para hindi na sumakit."

"Letse ka."

"Hahaha!"

Pinaandar na niya ang motor para makaalis na kami. Kapag talagang nalaman ni Naynay na may sprain ako ngayon, sure nang mapapagalitan talaga ako nito.

Haaay, life.


♥♥♥

Telegram latest update: Chapter 23

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top