Chapter 7

"Pakilinisan nang maayos. Gusto ko walang maiiwan na kahit isang alikabok."

Kahit ilang beses na winalisan ng kasambahay ang sahig ay paulit-ulit niya pa rin itong winawalis. Masiguro lang na malinis at makintab na ito sa paningin ni Robert. Hawak ng matanda ang kanyang tungkod na nag-iikot sa loob ng kuwarto na gagamitin ng kanyang apong si Hernan.

Nahahati sa dalawang kulay ang dingding ng kuwarto. Sa kanan ay kulay-itim, at sa kabila ay puti. May dalawang bintana ito sa harap na natatakpan ng kulay-abong kurtina. Mayroong dalawang kabinet sa loob, mahabang salamin sa may bandang paanan ng kama at sa gilid ay may epasyo para sa banyo.

Mayroon din maliit na espasyo ng veranda sa labas. May dalawang magkaharap na upuan at sa gitna ay maliit na mesa. Sa gilid naman ng bintana sa labas ay mayroong dalawang magkabilang nakasabit na halaman. Simple lang ang kuwarto pero maganda tingnan, hindi puno ng mga gamit at malinis.

Iginiya ni Robert ang mga mata sa loob ng kuwarto. "Siguradong magugustuhan ito ng aking apo."

"Balita ko ho ay magandang lalaki ang apo ninyo," nangingiti-ngiting sabi ng taga-linis.

"Aba, kanino pa ba sya magmamana?" lakas-loob na sagot ni Robert. "Edi sa magandang lalaking lolo niya."

"Yon po ang narinig ko. Sabi nila ay guwapo raw po iyon, mana sa inyo, sir."

Natawa na rin ang matanda. Matagal na niyang hindi nakakasama si Hernan kaya dapat lang ay paghandaan ang pagdating nito.

"Lolo!"

Humahangos na dumating ang isa pang apo ni Robert, si Samuel. Medyo hawig ni Hernan ang lalaki pero mas matangkad si Samuel. Kulay-itim ang mga mata, buhok at mas maputi ang kulay kaysa kay Hernan. Nakasuot ito ng salamin sa mata, itim na shorts at t-shirt na gray. Tila mas batang bersiyon lang ito ni Hernan.

Magalang na nagmano ang kanyang apo. Tiningnan niya ang kabuuan ng kuwarto na gagamitin ng kanyang paparating na pinsan.

"Handang-handa na ang kuwarto ni kuya Hernan ah," puna nito.

"Syempre. Malapit na siya dumating kaya ihanda na ang mga dapat ihanda."

"Magpapakatay na ba ako ng letson, lo?" biro ni Samuel.

"Magandang ideya."

Napatanong pa ang matanda sa apo. "Tapos na ba ang klase mo?"

"Opo, lo."

"Mabuti kung gano'n. Mag-aral ka lang nang mabuti para maging kagaya ka ni Hernan."

Madalas nga pala bukambibig ng matanda si Hernan. Kahit hindi nila ito nakakasama, palagi siya nitong ikinikuwento sa mga kamag-anak at kakilala. Ipinagkakalat nito na mayroon siyang apo na kagaya ni Hernan.

"Idol ko po yon si kuya Hernan kaya wag ka mag-alala lolo," umakbay ito sa matanda at ngumiti. "Gagayahin ko si kuya Hernan. Eksayted na rin akong makauwi siya dito."

"Aba, dapat lang, Samuel. Saka ikaw, wag ka muna mag-girlfriend girlfriend. Makakasira lang yan sa pag-aaral mo," pangaral pa nito.

Sa edad na 21 ni Samuel ay kasalukuyan itong nag-aaral ng kolehiyo at isa sa sumusuporta sa kanya ay ang lolo Robert.

"Bakit po si kuya Hernan lo, gusto ninyo na mag-asawa?" Nangatwiran pa nga si Samuel.

"Tapos ako, kahit gf lang, bawal."

Natawa ang kasambahay sa narinig pero nagpatuloy lang ito sa paglilinis.

"Matanda na ang pinsan mo, Samuel. Ikaw, ilang taon ka na ba?"

"21 na po."

"21 ka pa lang, nag-aaral pa. Ang pinsan mo ay mag-fo-forty na kaya pinag-aasawa ko na."

Nagulat naman si Samuel. Sa pagkakaalam niya ay 34 o 35 pa lang naman si Hernan. Malayo-layo pa sa 40.

"Parang 35 pa lang po si kuya Hernan, di ba? Gano'n na po ba siya katanda?"

"Basta, gano'n. Nasa 40 na siya. Napakarami mo namang tanong," reklamo ni Robert sa makulit na apo.

"Nagtatanong lang, e," untag pa ni Samuel. Inakbayan siya nito at niyakap ang kanyang lolo. Mabait at masiyahing apo si Samuel.

"Pag 40 ka na, pag-aasawahin na rin kita."

Natawa si Samuel sa sinabi nito. Ang totoo ay hinahangaan niya si Hernan dahil ito ang ginawang example ng lolo niya sa kanya. Masipag daw ito sa trabaho, mabait na apo, habulin ng babae at kung anu-ano pang magagandang salita. Minsan ay kinaiinggitan niya ito.

"Pag nagka-gf ako, lo, sa'yo ko unang ipapakilala kaya wag ka mag-alala. Study first naman ako."

Inangat ni Samuel ang kamay niya at tinaas ang mga palad na parang nanunumpa. "Promise po, lo!"

"Mabuti nagkakaintindihan tayo. Aral mabuti ah."

"Noted po, lo. Friend po lolo puwede?" Humirit na naman ito.

Napatanong naman si Robert. "Ano'ng friend?"

"Girl friend po, lo."

Akmang hahampasin siya ng kanyang lolo gamit ang tungkod pero mabilis na napigilan ni Samuel.

"Girl po na friend, lo, puwede naman, no? Hindi po girlfriend," paliwanag niya.

Napapakamot sa batok na naguguluhan ang matanda.

"Oo naman basta kaibigan lang."

Napailing-iling na lang at lihim na natatawa ang kasambahay. Mukhang sanay itong nakikita at naririnig na nag-aasaran ang maglolo. Nangiti-ngiti si Samuel sa sarili niyang tanong kaya nakaisip na naman ng sasabihin si Robert.

"Ikaw ba ay may girl na friend?"

"Meron po kasi friendly po ako."

"Huh?"

"Joke lang po, lolo. Pinapatawa ko lang po kayo."

"Pinapatawa?" Pag-ulit ni Robert sa sinabi nito. "Puwes, hindi ako natatawa," seryoso nitong sabi. "Sumasakit ulo ko sa'yo, Samuel. Umalis ka na nga at baka mahampas ko sa'yo itong tungkod ko."

Sanay na sa ganitong pang-iinis si Samuel.

"Si lolo talaga. Bababa na ako lo ah. May gagawin lang."

Nagmamadali nang bumaba ng hagdan si Samuel. Naiwang napapailing si Robert. Sigurado siya magkakasundo sina Hernan at ang apo niyang si Samuel.

"Ganyan na ba mga kabataan ngayon?" tanong ni Robert sa taga-linis niya.

"Ganyan din po yong anak ko, sir. Siguro kasi nga bata pa sila, active pa sila sa mga kalokohan, ganyan."

"Pag matanda na kasi, seryoso na sa mga bagay-bagay," dugtong pa nito.

Nangunot ang noo ni Robert. "Sinasabi mo bang matanda na ako?"

"Naku, hindi po sir. Bata pa po kayo, mukha lang po kayong nasa 30s," pagbawi naman agad ng taga-linis.

Sabay na nagtawanan ang dalawa. Lumabas sa veranda si Robert at doon ay tanaw niya ang ibabang parte ng kanilang bahay.

Tanaw niya sa ibaba si Samuel. Namimitas ito ng kamatis habang kausap ang dalagang anak ng kanilang hardinero, si Thalia.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top