Chapter 42
"Sir, bawal po kayo diyan," pilit na pagpipigil ng isang lalaki sa nanggagalaiting si Charles. Kailangan niyang mailabas si Thalia dahil baka kung ano ang gawin sa kanya sa loob ng mga kung sinuman doon.
"Tumabi ka," seryoso nitong sabi sa kanya. Dahil sa laki ng katawan niya at tikas, walang nagawa ang humaharang. Lumapit sa pinto si Charles.
Utos niya sa lalaki, "Buksan mo yan."
"Pulis ako. Baka gusto ninyong magpaputok ako ng baril dito? Palabasin ninyo diyan ang kaibigan ko."
"Sir, wag po kayo mag-eskandalo rito."
"Ayoko rin ng gulo pero nakita ko kung paano nila kaladkarin yong kasama ko kanina kaya sa ayaw at gusto mo, bubuksan mo ang pintong ito."
Nanginginig sa takot na napilitang buksan ng lalaki ang doorknob. Pagbukas ng pinto ay matalim ang mga titig niyang hinanap si Thalia sa loob.
"Thalia, nasaan si Thalia!"
Napahinto ang mga babae sa loob at nagsitago pa ang iba sa pagpasok ng isang matikas at lalaking may malaking katawan.
Sumulpot naman si Thalia na natatakpan ng mga babaing nagme-make up sa kanya. Tila na-estatwa ang mga tao sa naging eksena ni Charles. Mabilis na lumapit si Thalia sa binata at napakapit sa braso ni Charles sa takot.
"Buti dumating ka, kuya Charles. Ilabas mo na ako dito, please," pagsusumamo nito sa kanya.
Inisa-isa ng tingin ni Charles ang mga tao sa loob. Walang ibig manlaban. Lahat ay nakatingin lang sa kanilang dalawa.
"Wag kayong makialam kung ayaw ninyong masaktan," pagbabanta niya pa saka niya inakay palabas si Thalia.
Pakiramdam niya ay nakahanap siya ng superhero sa pagdating ni Charles. Dumating ito sa oras na kailangan niya ito pero hindi sila umiimik hanggang paglabas. Sinuotan agad ni Charles ng helmet ang dalaga at saka sila umalis. Kahit sa biyahe ay hindi sila nagsasalitang dalawa.
"Kuya Charles, s-salamat," sambit niya habang nasa motor.
"Mamaya na tayo mag-usap," sabi na lang nito.
Saglit niya pa lang nakikilala ang lalaki ay alam niyang mabuti ito sa mga pinakita sa kanya. Malaki ang naging utang na loob niya sa binata dahil marami itong naitulong sa kanya.
Dumiretso sila sa presinto dahil may kukunin lang daw si Charles.
"Ihahatid na kita sa boarding house. May kukunin lang ako sa loob," sabi nito saka siya naiwan.
Hinanapan kasi siya nito ng boarding house para may matutuluyan siya. Nabawasan na ang takot sa dibdib ni Thalia pero marami pa ring tumatakbo sa isip niya. Isang maling desisyon ang nagawa niyang pumunta ng Maynila dahil ini-scam pala siya ni Amanda.
Napakagat-labi na lamang si Thalia. Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag ang mga nangyari sa kanyang papa. Kanino pa ba siya puwede humingi ng tulong? Tama, sa mga kapatid niya rito. Kailangan niya silang kontakin. Ang pinakahuli niyang lalapitan ay si-- Hernan. Ayaw niyang magkita sila sa ganito niyang kalagayan.
Isang babaing maputi at maikli ang buhok ang bumaba sa isang motor at galit na galit ito. Salubong ang mga kilay nitong nagsisigaw.
"Nasaan? Nasaan ang kabit ng asawa ko?" pagsisigaw nito.
Hindi ito pinansin ni Thalia pero nabaling sa kanya ang mga mata ng ginang.
"Ikaw?" Napatingin ito sa helmet na hawak ni Thalia.
"Helmet iyan ng asawa ko, ah?"
Nanlaki ang mga mata ni Thalia sa gulat. Hindi niya maintindihan ang nangyayari. Ang babaing ito ba ay asawa ng tinatawag niyang kuya Charles?
"Po?"
Sinugod siya ng babae. "Wag mo akong pino-po-po. Ikaw ba ang kabit ng asawa ko?"
Nagkatinginan ang iba pang mga pulis. Ang isa ay tinawag na si Charles para sabihing dumating ang babae.
"Hindi po ako kabit," magalang niyang sagot sa babae.
"Ah gano'n? Hindi ka kabit. Ano ka, keridang malandi at makati?!"
Hindi niya alam ang sasabihin. Walang sinabi si Charles na asawa sa kanya. Wala siyang kaalam-alam na kabit na pala siya.
"Helmet yan ng asawa ko. Wag ka nang magmaang-maangan."
Bigla na lang siyang sinabunutan ng babae. Ramdam niya ang paghila nito sa kanyang buhok. Halos matanggal ang kanyang anit sa lakas ng paghila nito.
"Tama na po!" mangiyak-ngiyak niyang pakiusap pero ayaw magpaawat ng babae.
"Malandi ka!" sigaw pa ng babae habang sinasabunutan siya.
Sa ganoong sitwasyon, dumating si Charles at inawat ang babae.
"Tama na yan, Patricia!" awat niya sa babae.
Naawat niya ito at nailayo kay Thalia. Gulo-gulo ang buhok ng dalaga habang inaayos ang sarili. Sunud-sunod ang naging problema niya. Nakakapangsisi talagang nakipagsapalaran pa siya rito.
"Ano bang ginagawa mo dito? Bakit ka nanggugulo?" tanong ni Charles sa babae.
Tinuro ni Patricia si Thalia. "Hindi ako manggugulo kung hindi dahil sa babaing yan! Ayan ba yong bago mong kabit, huh?"
Umiling siya. "Hindi ko siya kabit saka ano bang pakialam mo kung totoong kabit ko siya? Matagal na tayong hiwalay at nagbibigay naman ako sa anak ko."
"Inamin mo rin. Babaero ka kahit kailan, Charles. Magsama kayo!"
Dinuro niya si Thalia. "Ikaw, babae, tandaan mo 'to. Hinding-hindi kayo magiging masaya ng asawa ko dahil habang masaya kayo, isipin mong may batang mawawalan ng ama."
Hindi siya makaimik. Nabigla siya nang husto sa mga pangyayari. Gusto na lang niya lumuhod at humingi ng tawad sa Diyos sa mga kasalanang nagawa niya kung meron man.
Ganito pala sa Maynila, aniya. Kaya pala gustung-gusto ni Hernan na mag-stay sa probinsya nila ng Laguna dahil di hamak na mas tahimik doon at mas masaya.
"Magsama kayo ng kabit mo, Charles! Magsama kayo! Mga makakati!" pagsisigaw pa ni Patricia saka umalis. Inirapan pa nito ang dalaga bago tuluyang umalis.
Naiwang magulo ang hitsura ni Thalia. Hindi siya makatingin nang diretso kay Charles. Hindi niya alam na may asawa pala ito o ex wife at nadamay pa siya.
"Thalia," ani Charles na lumapit sa kanya. Inayos niya ang sarili.
"Pasensya na, kuya Charles. Lalayo na lang ako. Aalis na ako rito. Hindi na kita guguluhin. Hindi ko na kayo guguluhin ng asawa mo."
"Thalia, hindi ko na siya asawa. Matagal na," paliwanag niya.
"Kahit na. May anak kayo," tanggi niya.
"Saka tingnan mo ginawa niya sa'kin. Pinahiya niya ako sa mga tao at tinawag pang kabit. Kuya Charles, wala akong alam sa mga sinasabi niya. Wala akong inaagaw o inaahas."
Pinunasan niya ang kanyang luhang makukulit. Ayaw magpaawat. Mukha tuloy siyang nagpapaawa pero unti-unti na rin kasing bumibigat ang pakiramdam niya.
"Ayokong maging kabit o magmukhang kabit sa paningin ng mga tao," sabi niya pa.
"Hinding-hindi ko magagawa yon. Pasensya na kung naging pabigat ako sa'yo, kuya Charles. Huling beses na 'to. Salamat sa mga naitulong mo sa'kin pero okay na sa'kin yon."
"Thalia, sorry talaga. Gusto lang naman kita tulungan at hindi ko rin inaasahan ang nangyari," sinserong paliwanag ni Charles sa dalagang tinuring niyang kapatid kahit hindi naman niya kaanu-ano.
"Aalis na ako, kuya Charles. Pangako, babayaran pa rin kita. Mag-se-send ako sa'yo ng pera o kung sa anumang paraan basta babayaran ko lahat ng nagastos mo sa'kin, kuya."
"Thalia.. wag na. Tulong ko na yon sa'yo."
Umiwas siya ng tingin dahil sobrang bigat na ng mga luhang kinikimkim niya sa sakit.
Malaki man ang utang na loob niya sa binata ay hindi yon sapat para manatili pa. Kung nagkaroon man sila ng panandaliang pagkakaibigan, hanggang doon na lang yon at panandalian na lang din ang samahan nilang dalawa
"Salamat sa pagligtas mo sa'kin kanina, kuya. Kung hindi ka dumating, baka tinuloy ko na lang yong trabaho."
"Ito na ang huling beses na makikita mo ako."
Tiningnan niya ang binatang tumulong sa kanya at nagligtas sa panahong kinailangan niya ng tutulong sa kanya. Sa maikling panahon ay may nakaramay siya sa unang punta niya sa Maynila. Baka hanggang dito na lang ang pagkakaibigan nilang dalawa.
"Paalam, kuya Charles.."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top