Chapter 41
Gumaling din sa wakas ang binti ni Thalia. Nagawa pa nga siyang ihatid ni Charles sa kanyang pupuntahang trabaho raw. Magmula nang mapilay siya ay si Charles na muna ang tumulong sa kanya, mula sa pagbayad ng bills hanggang makahanap siya ng boarding house kaya laking pasasalamat niya sa binatang pulis.
Ang alam niya ay magiging tagalinis siya ng club na kakilala ni Amanda, yong babae sa grocery store sa kanilang probinsiya.
"Sigurado ka bang ito yon?" paniniguro ni Charles habang nakatingin sa labas ng club.
"Oo, sigurado ako ito yon," sagot niya.
"O sige. Mauuna na ako. Tawagan mo na lang ako kung may kailangan ka."
"Kuya Charles, nahihiya na ako sa'yo," sabi niya. Kuya ang tawag niya dahil 14 taon ang tanda nito sa kanya.
"Wag kang mag-alala, mababayaran ko lahat ng ginastos mo sa'kin."
Umiling si Charles. "Wag na. Tulong ko na yon sa'yo. Masaya akong natulungan kita basta kontakin mo na lang ako pag may kailangan ka pa."
Ngumiti ang binata. May hitsura rin ito at malakas ang dating dahil naka-uniporme pa ng pampulis. Nginitian niya rin ito.
"Aalis na ako. Good luck dito sa work mo," ani Charles at sinuot na ang helmet. Kumaway na lang si Thalia habang sinusundan ng tingin si Charles.
Pumasok siya sa loob ng club at nagpalinga-linga sa paligid. Ang daming tao. Ang daming lalaki at mga babae. May mga pailaw-ilaw pang nakakahilo dahil iba-iba ang kulay. May mga babaing sumasayaw sa pole na ipinanlaki ng mga mata niya. Naka-panty at bra lang ang mga babae sa pole. Mayroon din mga babaing nakapatong sa hita ng ibang lalaki.
Napakapit siya nang mahigpit sa kanyang bag dahil sa kakaibang pakiramdam sa lugar na ito.
"Tagalinis, tagalinis ng club," kausap niya sa sarili habang hinahanap ng kanyang mga mata ang sabi ng ma'am Amanda na ang isang beki na may pangalang ate Mel daw. Magandang bakla raw ito na hindi mapagkakamalang bakla. Mukha raw itong babae.
Lumapit siya sa bartender at nagtanong.
"Hi, may kilala po ba kayong ate Mel?"
"Ate Mel? Hmm syempre siya leader ng girls dito e," maarteng sabi ng bartender.
"Ano'ng kailangan mo sa kanya? Isa ka ba sa na-recruit niya?" dugtong nito.
Nangunot ang noo niya. "Ako po si Thalia. Galing probinsya. Sabi po ng kakilala kong si ma'am Amanda ay magiging tagalinis po ako rito sa club ninyo."
Natawa ang bartender habang inaabutan ng alak ang isang customer.
"Puno na ang slots ng tagalinis dito. Saka—" tiningnan nito ang hitsura ni Thalia. "Pasok ka sa girls ni ate Mel."
"Girls?" pag-ulit ni Thalia. Ibig sabihin ba niyon ay marami silang tagalinis? Pakiramdam niya tuloy ay may hindi magandang mangyayari. Sana mali ang nasa isip niya.
"Oo, girls. Tingnan mo mga yon." Ngumuso ang bartender sa mga babaing lumalapit sa mga kalalakihan. Tumatabi sila sa mga lalaki at sumasayaw pa sa harap ng mga yon.
Napalunok si Thalia. Mali yata ang inalok na trabaho sa kanya. Ang akala niya ay tagalinis lamang siya.
Bumulong sa isang babae ang bartender habang nakatayo lang si Thalia sa isang sulok. Tumatayo ang kanyang mga balahibo sa buong katawan. Kinikilabutan siya sa naiisip na sakaling siya ay hindi talaga dapat na magiging tagalinis dito.
"Aalis na lang po ako. Salamat," paalam niya at naglakad na palayo. Siksikan pa ang paligid sa dami ng tao kaya sumisingit na lang siya sa maliliit na espasyo para lang makalabas. Paglingon niya ay parang napansin niya ang baklang ate Mel at ang babaing binulungan ng bartender kanina.
Tinuro ng bartender si Thalia kaya binilisan niya ang mga hakbang ng paa para makalabas. Naipit siya sa daan dahil sa dami ng mga tao. Nalapitan siya ng baklang ate Mel daw ang ngalan.
"Ikaw ba si Thalia?" tanong nito sa kanya.
Napalunok siya at tumanggi. "Hindi po. Nagkakamali po kayo."
"Talaga?" mataray nitong sabi at humalukipkip sa harap niya.
Sumulpot sa likod ng ate Mel ang babaing binulungan kanina ng bartender.
"Siya yon, ate Mel," sabi nito. Napaatras si Thalia at binangga ang mga nadadaanan niyang tao. Bumilis ang kabog ng puso niya. Gusto niyang makatakas at makaalis sa lugar na ito ngayundin. Nahablot siya sa braso ng ate Mel nila at binulungan.
"Wag kang matakot. Mababait naman kami dito. Saka gusto mo ng trabaho, di ba?"
Lumunok na naman siya. Malapit na maubos ang laway niya sa kakalunok at kaba. Pumasok sa isip niya ang kanyang papa na nagpaalala sa kanya ng mga pangaral. Ang hiling ng ama niya ay mapabuti ang buhay niya rito sa Maynila, hindi para mapariwara.
"Wag po, maawa po kayo," nagmamakaawa niyang sabi sa ate Mel pero hindi ito nagpatinag. Pasimple nitong kinaladkad si Thalia papunta sa isang kuwarto.
Pagbukas ng kuwarto ay tumambad sa mga mata ni Thalia ang mga sexy na babaing nag-aayos ng mga sarili. Naglalagayan ng mga kolorete sa mukha ang mga babae. Mga naka-tube ang iba. Ang iba ay nakapalda ng sobrang iikli.
Napatingin ang mga ito sa pagdating ng dalagang si Thalia na may suot na puting t-shirt na naka-tucked in sa kanyang maong na palda at naka-rubber shoes pa.
"A-ano po gagawin ninyo sa'kin?" nahihintakutan niyang tanong kay Mel.
"Papagandahin ka lang namin. Di ba girls?"
"Yesss," maarte at sabay-sabay na sagot ng mga babae.
Pinaupo nila si Thalia sa isang upuan at inumpisahang lagyan ng kung anu-anong make up at pampaganda. Nasa harap niya ang salamin kaya nakikita niya ang ginagawa sa kanya. May nagtitirintas din ng kanyang buhok habang may naglalagay ng lipstick sa kanya.
"Little makeover," anang isang babaing nag-aayos sa kanya.
"Ano'ng name mo at sino nag-refer sa'yo dito?"
"T-Thalia po. Si ma'am Amanda po nagpasok sa'kin dito."
Hindi pa rin tumitigil ang bilis ng tibok ng puso niya. Dahan-dahan niyang binubuksan ang bag para mai-text man lang si Charles pero pinigilan siya ng isang babae.
"Bawal yan. Pag nakita ka ni ate Mel, naku."
"Bawal mag-cellphone dito?"
Tumango ang isa. "Bawal pag baguhan pa lang."
"Bawal magsumbong, girl."
"H-hindi naman ako nag-apply ng ganitong trabaho. Sabi sa'kin ay tagalinis daw ako rito."
Natawa ang isang babaing nagme-make up sa kanya.
"Girl, di hiring ang tagalinis dito saka walang malinis dito. Lahat dito ay gamit na gamit na."
"Oo nga pero ikaw, mukhang virgin at fresh na fresh pa. Malaki kikitain ni ate Mel sa'yo."
"Huh?" Mas lalong kumabog ang kanyang puso. Sana ay panaginip lang lahat ng ito. Sana.
~~~~
Mabibilis ang mga hakbang ni Charles habang naglalakad sa loob ng club. May mga babaing lumalapit sa kanya pero pinapaalis at nilalagpasan niya ang mga ito. Sabi na nga ba hindi maganda ang kutob niya sa club na ito.
Nakita ng dalawang mga mata niya ang nangyari kanina. Malayo siya at nagtago sa gilid kanina. Hindi totoong iniwan niya si Thalia. Bumalik siya agad at pumasok sa club para tingnan ang gagawin ni Thalia at tama ang hinala niya.
"Hi." Lumapit ang isang babae sa kanya at humawak sa dibdib niya pero tinulak niya ito. Naglakad siya nang naglakad hanggang marating niya ang kuwartong nakita niyang pinagdalhan kay Thalia kanina.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top