Chapter 16
"What?" Di makapaniwala si Hernan sa narinig niya. Nag-immediate resignation na raw si Liz sa trabaho. Hindi man lang sila nagkaroon ng closure bago umalis si Hernan sa Maynila.
"Opo, sir Hernan. Yon ang nabalitaan ko," anang nasa kabilang linyang kausap ni Hernan.
"That's surprising. Wala bang ibang balita sa kanya?" usisa pa ni Hernan sa kanyang kausap.
"Wala na po, sir. Yon lang po ang nalaman ko," sagot naman nito.
"Fine, thank you." Pagkasabi nito ay binabaan na niya ng telepono ang kausap.
Iniisip pa rin niya ang kalagayan ni Liz at ng baby nito, kung kumusta na ang buhay nila kasama ang basagulerong asawa. Gusto sana niyang i-text ang ginang pero naisip niyang baka gusto na nito ng tahimik na buhay o nagpakalayu-layo na.
Nasa labas siya ng bahay ng kanyang lolo habang nakaupo sa isang silya sa likod ng hardin. Tatlong upuan ang naroroon at saktong-sakto para tambayan.
Tumayo si Hernan at naglakad-lakad muna. Panaka-naka siyang tumitingin sa langit at paligid. Napakapayapa rito. Malayo sa buhay sa Maynila. Bigla ay narinig niya ang boses ni Thalia na papalapit. Tama nga siya, papalapit sa kanya ang dalaga.
Nakasuot ito ng off-shoulder na kulay-violet na dress at masaya siyang sinasalubong.
"She's so pretty," kausap ni Hernan sa sariling isip habang pinagmamasdan maglakad si Thalia papalapit sa kanya.
Nakangiti itong bumati sa kanya. "Good afternoon po, sir Hernan."
Nginitian niya rin ito. "Same to you."
Hindi siya mahilig pumuri sa mga suotan ng babae pero pinuri niya ngayon-ngayon lang ang suot ni Thalia.
"I like your dress, simple but elegant."
Ngumiti na naman si Thalia at nagpasalamat sa binata. Ngayon ang unang araw na ililibot niya sa labas ang binata gaya ng hiling nito.
"Salamat po, sir," magalang na sagot ni Thalia.
Luminga-linga si Hernan, hinahanap si Samuel. Kaya lang naman niya naisip na isama si Samuel ay para siguradong sasama si Thalia. Baka kasi isipin ni Thalia na may gusto siya sa kanya kung sila lang dalawa. Pero, hindi ba totoong nagkakagusto na siya?
"Nasaan si Samuel?" tanong niya.
Sagot ni Thalia, "May pasok po siya ngayon. Sabi naman po ng lolo ninyo ay kahit tayo na lang muna dalawa. Hindi naman po ako makatanggi sa lolo ninyo."
Tumangu-tango si Hernan. Mas mabuting sila lang dalawa para mas makilala niya ang babae. Gusto niyang mas malaman kung ano ang meron sa kanya dahil may nararamdaman siyang kakaiba sa dalaga.
"At ang papa mo?" tanong ng binata na tinutukoy kung ano ang sabi ng papa ni Thalia sa desisyon ni Hernan.
"Okay lang naman daw po sa kanya," sagot ng dalaga.
"Good," tipid niyang sagot. "Tara na."
Nauna nang naglakad si Hernan kasunod si Thalia. Tinatanaw mula sa bintana ni Robert ang kanyang paboritong apo kasama ang anak ng kanilang hardinero.
Napapailing-iling siya sabay sabi sa sarili, "I already warned you, Hernan."
Napadaan sila sa hardin kung saan si Ferdinand ay naglalagay ng mga pataba sa mga halaman. Nagmano sa ama si Thalia kahit pa marumi ang kamay nito. Nakatayo lang sa harap nila si Hernan, pinapanood ang moments ng mag-ama. Kung kasama niya ang kanyang daddy ay baka ganyan din ang pagiging close nila sa isa't isa.
"Mag-iingat kayo," paalala ni Ferdinand sa dalawa.
Ngumiti lang si Hernan bilang tugon at naglakad na sila palabas. Mga ilang minuto silang hindi nagsasalita at si Thalia na ang bumasag ng katahimikan.
"Sir Hernan, sabihin ninyo lang po pag may gusto kayo."
"Why?"
"Wala lang po. Kasi tayo lang po dalawa yong magkasama, sa'kin ninyo po masasabi kung may gusto kayo kainin o ano."
Tuloy lang sila sa paglalakad pero may distansiya sa gitna. Para tuloy alalay ni Hernan ang dalaga. Habang naglalakad ay may nakasalubong silang grupo ng mga lalaking magsasaka.
Mukhang kilala ng mga ito si Thalia dahil nginitian nila siya. "Ang ganda mo ngayon, Thalia, ah," puri ng isang medyo bata-batang lalaki kay Thalia.
Napatingin si Hernan sa lalaki at nagkatitigan sila. Masama ang tinging pinukol ni Hernan sa lalaki kaya mahina na lang nitong kinausap si Thalia.
"Sino yang kasama mong ang sama makatingin?" sabi ng lalaki kay Thalia.
Sumagot siya. "Ah, apo siya ng amo ni papa, si sir Hernan."
"Ang sama naman makatingin," reklamo nito. "Ingat ka diyan, baka kung ano gawin sa'yo," paalala ng lalaki. Natawa pa nga si Thalia pero natigil ito nang tawagin siya ni Hernan.
"Thalia, come with me," pa-Ingles na utos nito.
Nagpaalam na ang dalaga sa mga magsasaka at nagngitian pa sila bago nagkanya-kanya ng daan. Naglakad na nang mabilis si Thalia para makasunod sa lalaking masama nga ang tingin sa mga magsasaka kanina.
"Bakit gano'n sila makatitig sa'yo?" tanong ni Hernan.
"Mga kakilala ko lang po sila. Yong iba do'n kaibigan ni papa at madalas kami magkabatian pag magkakasalubong."
Tiningnan ni Hernan si Thalia habang naglalakad. "Okay, kakilala."
Gano'n na pala ang mga kakilala ngayon? Parang may pagnanasa ang mga titig o baka naman, hinuhusgahan lang agad niya ang mga yon.
"Tabi po tayo, sir," saad ni Thalia. Huminto sila sa paglalakad at tumabi sa daan.
Sumakay na sila sa loob pagkatapos na pumara ng traysikel. Maliit lang ang loob ng traysikel. Si Thalia ay malapit sa tabi ng drayber katabi si Hernan. Sa tangkad ni Hernan ay nauntog pa siya pag-upo. Natawa si Thalia pero binawi niya ang tawa dahil nakita niyang naasar ang mukha ni Hernan.
Sobrang lapit nila sa isa't isa. Sobrang bilis din ng pagpapatakbo ng drayber kaya nagkakadikit ang kanilang mga balat.
Dumadampi sa balat ni Hernan ang mahabang buhok ni Thalia pero imbes na magalit, hinayaan niya lang ito.
Mukhang magugustuhan niya ang bagong yugto ng buhay niya kasama si Thalia.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top