Chapter 12
Sari-saring pagkain ang nakahain sa mesa. Mayroong letsong baboy, mga prutas, may pansit, spaghetti, piniritong manok, juice, keyk, softdrinks, at marami pang iba.
Nakaayos din ang mga upuan na naghihintay lang ng mauupo, nangingintab ang mesa at bahay sa sobrang linis.
"Magaling," pumapalakpak na puri ni Robert sa magandang pagkakaayos ng mga handa. Sa likod ng mesa ay mayroong nakasulat na "Bienvenido de nuevo, Hernan" na ang ibig sabihin ay "Maligayang pagbabalik, Hernan."
Paminsan-minsan sa mga mahahalagang okasyon ay inaalala nila ang wikang Espanyol bilang pag-alala sa yumaong ama ni Robert na isang Espanyol.
"Kuya Hernan will surely love it, lolo," puri ni Samuel.
Naputol ang pag-uusap nila nang dumating si Ferdinand, ang kanilang hardinero kasama ang dalaga nitong anak na si Thalia.
Nakasuot ng bestidang kulay-asul si Thalia na hanggang tuhod ang haba, nakatali ang kanyang mahabang buhok gamit ang isang laso at isang pares ng bakya na may disenyong paru-paro.
Magalang na bumati si Thalia. "Magandang hapon po, don Robert."
Bumaling ang dalaga kay Samuel. "Magandang hapon din, Samuel."
Ngumiti naman ang binating binata. "Mas maganda ka pa sa hapon, Thalia," biro nito. Pinanlakihan naman ni Robert ng mata ang kanyang apo.
"Magandang hapon po, sir Robert at Samuel," bati na rin ni Ferdinand.
Iginiya nina Ferdinand at Thalia ang paningin. Napakaganda ng pagkakaayos sa espesyal na okasyong ito. Napakaraming pagkain, may banner pa sa likod at may dalawang kasambahay pa sa gilid nila. Kung hindi lang utos ni Robert na pumunta sila ay hindi sila pupunta.
"Nakakahiya naman po na nandito kami, sir Robert," anang Ferdinand sa matanda.
Tinapik nito ang balikat ni Ferdinand sabay sabing, "Di mo kailangan mahiya. Matagal ka nang naninilbihan sa akin kaya parte ka na ng pamilya."
"Saka," tinuro niya pa ang mga nakahaing pagkain sa mesa. "Napakaraming pagkain, tutulungan ninyo kaming ubusin yan."
Natawa na lamang silang lahat sa sinabi ng matanda. Isa na lang ang kanilang hinihintay - si Hernan. Nasaan na ba ang kanyang apo at ang tagal naman nito dumating?
Paglingon ni Robert ay nakita niyang nag-uusap ang kanyang apong si Samuel at si Thalia. Kita niyang nagbibiruan ang dalawa dahil tumatawa sila parehas.
"Salamat po, sir Robert," ani Ferdinand.
"Kahit di po ako miyembro ng pamilya ninyo ay hindi iba ang turing ninyo sa amin ng anak ko."
Napangiti si Robert at inakbayan si Ferdinand. "Wala 'yon. Nakapabuti mong tao kaya karapat-dapat kang tratuhin nang maayos."
Nabaling na ang usapan nila sa nakatakdang pagdating ni Hernan.
"Pinaghandaan ninyo ho talaga ang pagbabalik ng apo ninyo. Eksayted na rin po kaming makilala 'yon. Sigurado po ay kasing bait ninyo rin siya."
Napapailing na lang si Robert. Naging maayos ang pagpapalaki niya sa mga anak at apo kaya alam niyang mabubuti ang lahat ng kanyang apo.
"Tama ka dyan. Tingnan mo yang isa kong apo." Tinutukoy niya si Samuel na nakikipagkuwentuhan pa rin kay Thalia sa gilid, sa malapit sa harap ng pintuan.
Natuon doon ang mga mata ni Ferdinand.
Saad ni Ferdinand, "Close na close talaga ang dalawang yan. Hindi mapaghiwalay."
"Sabagay," sang-ayon ni Robert. "Teenager pa lang sila ay nagkakasama na silang dalawa."
Di maikakailang maganda ang kanyang bunsong anak at palakaibigan kaya madali nito nagiging kaibigan ang mga tao.
"Kung mag-aaral ka ulit, anong kurso kukunin mo?" tanong ni Samuel kay Thalia.
"Siguro, psychology."
"Maganda yan, magbabasa ka ng isip ng tao."
Nangunot ang noo ni Thalia. Hindi naman nakakabasa ng isip ang psychology students. "Hindi naman totoo yan," protesta niya.
"Hindi pagbabasa ng isip ang pinag-aaralan sa psychology."
"Talaga?" ani Samuel. "Joke lang, alam ko naman yon. So, magiging psycho ka?"
Natawa na lang si Thalia sa sinabi nito. "Sira ka talaga."
"Pero alam mo, pag ako natapos pag-aralin ni lolo Robert, ako naman magpapaaral sa'yo," seryosong sabi pa ni Samuel. Tinawanan na lang siya ni Thalia. Mukha kasing seryoso ito sa sinasabi e.
"Bakit ka natatawa?"
"Totoo kaya 'yon," pilit pa ng binata.
"Baliw ka ba?" natatawa pa ring tanong ni Thalia. "Sino ba ako sa'yo para pag-aralin mo?"
"We're friends," mabilis niyang pagbawi. "That's what friends are for, di ba?"
"That's what friends are for ka pang nalalaman," pang-iinis naman ni Thalia sa kanya.
"Bakit, di naman masama magpaaral ng kaibigan, ah?" ganti naman ni Samuel. Syempre hindi siya magpapatalo.
"Baliw ka talaga kahit kailan."
"Baliw sa'yo," sa isip-isip ni Samuel.
Nasa gitna sila ng pagtatawanan nang matanaw na may papasok sa kanilang bahay. Naglalakad pa lang sa labas ang isang lalaki, may hila-hilang mga maleta sa magkabilang kamay. Nakasuot ang binata ng kulay-puting Henley shirt, itim na trouser at pinaresan pa ito ng itim na Norwich shoes.
Napaka-elegante ng binata tingnan na para bang nanggaling ito sa langit. Kahit malayo pa lang, mukhang amoy-baby powder na.
"Ayan na ba 'yong apo ni sir Robert?" tanong ng kasambahay sa kasama niyang kasambahay rin.
"Ayan na ata."
"Grabe, ang guwapo."
Napadako na rin ang tingin ng lahat sa paparating na bisita.
Tila bumagal ang oras sa bawat paghakbang ni Hernan. Habang papalapit sa natatanaw niyang lolo Robert ay nadaanan ng kanyang mga mata ang isang pamilyar na dalaga.
Napatingin din sa kanya si Thalia at nagtama ang kanilang mga mata. Pakiramdam ni Hernan ay may kumislot na ugat sa puso niya kasi parang kilala na yong babae. Ilang segundo silang nagkatitigan pero agad ring binawi ni Hernan ang tingin.
"Bienvenido de nuevo, Hernán!" masayang pagbati ni Robert sa kanyang apo. Nagyakapan ang maglolo. Halos ayaw pa nga bumitaw ng matanda.
Lumapit na rin si Samuel para batiin ang kanyang pinsan. Totoo nga ang sabi-sabi, magandang lalaki ang kanyang kuya Hernan at kamukha niya pa.
"Welcome back, kuya Hernan." Nakipagkamay si Samuel sa kanyang pinsan at ngumiti.
Nilinga-linga ni Hernan ang paningin sa paghahandang ginawa ng pamilya niya sa kanya. Siya lang naman ang darating pero parang isang buong pamilya ang inaasahan nila.
Napatingin si Hernan sa likod nila dahil nandoon na yong babae kanina sa pinto. May kasama itong medyo may edad na lalaki. Baka tatay niya.
"Sino siya, lolo?" tanong ni Hernan na si Thalia ang tinutukoy.
"Oh, I'll introduce them to you."
Sinenyasan ni Robert ang mag-ama na lumapit sa gawi nila. Nakahawak sa braso ng lalaki ang dalaga habang papalapit.
Pagkalapit ay mas natitigan ni Hernan ang dalaga. Maganda siya, mahaba ang buhok at simple ang dating. Naramdaman na naman niya yong naramdaman kanina, parang may alaala siya kasama ang babae pero di niya alam kung ano at saan.
"Magandang hapon po, sir Hernan," bati ng medyo may edad na lalaki. "Ako po si Ferdinand, hardinero po ng lolo ninyo."
"Good afternoon, mister Ferdinand," pormal na bati ni Hernan.
Napatingin ulit si Hernan sa babae at gaya kanina, nagkatitigan ulit sila.
"Anak ko," ani Ferdinand na nakatingin kay Thalia.
Nahihiyang nilahad ni Thalia ang kanang kamay at pilit na ngumiti sa bisita.
"Ako po si Thalia."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top