Chapter 11


Malabo ang naaaninag ni Hernan pero nakikita niyang kasama niya ang isang babae. Nasa isang bukid sila at nakahiga sa damuhan.

Nakatitig siya sa babae pero malabo ang mukha nito. Mahaba ang buhok ng babae at sinusuklay nito ang buhok ni Hernan gamit ang mga daliri. Hinaplos ni Hernan ang pisngi ng dalaga pero di niya malaman kung ano ang hitsura nito.

"Masaya akong makasama ka rito," nakangiting sabi ng babae.

"Ako rin, sagot ni Hernan. "Dito na lang ako sa tabi mo."

"Paborito ko ang lugar na 'to kasi tahimik lang, malayo sa mga gulo, " sabi pa ng dalaga.

Naupo ang babae at tinulungan si Hernan na makatayo. Tinuro nito ang isang lugar sa malapit na may nakatayong puno ng mangga.

"Doon tayo."

Tanong ni Hernan. "Saan? Ano gagawin natin do'n?"

"May ipapakita ako sa'yo."

"Ano yon?"

"Basta."

Tumayo si Hernan. Hinawakan ng babae ang kanyang kamay at sabay silang tumakbo. Nauuna ang babae sa kanya at nagpapatianod lang ang binata sa pagkakahawak ng babae.

Nang makarating sa sinasabi niyang puno ng mangga ay huminto sila roon. Umupo ang babae na siyang ginaya naman ni Hernan. Hinihingal sila parehas at natawa na lang.

"Ano'ng meron dito?" usisa ni Hernan sa babae.

"Ito ang paborito kong lugar dito." Tumingala ang babae sa itaas ng puno at tinuro ang mga nakalambitin na mangga.

"Tingnan mo. Ang daming bunga, di ba?"

Tumango si Hernan pero di siya nakatingin sa mga mangga. Nakatingin siya sa babae. Kahit malabo ito sa paningin niya ay ramdam niyang maganda ito, at ang samyo nito, simbango ng bulaklak.

Bigla ay tumayo ang babae kahit kakaupo lang nila at akmang aakyat sa puno.

Nag-aalalang tanong ni Hernan, "Ano'ng gagawin mo?"

Sa lagay kasi ng dalaga ay natatakot siyang mahulog ito.

"Gayahin mo na lang ako. Do'n tayo sa taas," sabi nito na ang tinutukoy ay ang itaas ng puno.

"Sa taas?" naguguluhang tanong ng binata. Wag niya sasabihing gusto niya ring umakyat si Hernan. Paslit pa siya nang huli siyang umakyat ng puno, sobrang tagal na niyon kaya nag-umpisang kumabog ang dibdib ng binata.

Nag-aalinlangang sagot niya, "Hindi na ako marunong umakyat ng puno."

"Kaya mo yan." Nilahad ng babae ang kamay sa kanya para tulungan siyang makaakyat.

"Hali ka na." Wala nang nagawa si Hernan. Kahit nanginginig ay sumampa na siya sa sanga ng puno ng mangga at ginaya ang ginawa ng babae.

Tila bumabalik si Hernan sa pagkabata. Ganito pala kasaya mamuhay nang walang iniisip na problema. Payapa, sariwang hangin, masaya lalo na kasama niya ang isang--- di niya kilalang babae?

Natawa na lang ang dalaga nang makitang nakakapit nang mahigpit sa sanga si Hernan pagkaakyat. Nakaupo na sila sa isang malaking sanga. Sa likod at harap nila ay mga dahon ng mangga.

Pumitas ng mangga ang babae at kinagat ito. Walang hugas-hugas at hindi na binalatan.

Nakita nito ang napapangiwing reaksyon ni Hernan kaya nagpaliwanag ito. "Wag kang mag-alala. Malinis 'to."

Inabot niya kay Hernan ang manggang kinagatan niya. "Tikman mo," utos niya.

Ilang segundo pa ang lumipas bago tinanggap ni Hernan ang manggang kinagatan ng babae. Masarap nga, sariwa pero medyo maasim. Napangiwi si Hernan kaya natawa na naman ang babae.

"Ang asim ba sa'yo?" tanong ng dalaga.

Binalik ni Hernan sa kanya ang mangga. "Ayoko na. Di masarap."

Ang babae na lang ang umubos ng mangga. Mahigpit pa rin ang kapit ni Hernan sa takot na baka mahulog sa puno.

Naubos na ng babae ang mangga at hinulog niya sa baba ang buto. Tiningnan nito si Hernan na di pa rin inaalis ang mahigpit na kapit sa puno. Magkadikit pa ang mga binti at tuhod ni Hernan sa pagkakaupo kaya hindi maayos ang balanse niya.

Ang pagkakaupo naman ng dalaga ay nasa pagitan ng dalawang hita niya iyong inuupuang sanga at nakakapit ang isang kamay sa isa pang sanga sa gilid.

Nilapitan siya ng babae. Nakakalula kung titingnan ang baba at medyo mataas ang inuupuan nila kaya kataka-takang di siya natatakot. Marahil ay sanay na sanay na ito roon.

"Ayusin mo upo mo. Gaya sa'kin," utos nito.

Umiling-iling si Hernan. "A-ayoko," nauutal nitong sagot.

Tinawanan lang siya ng babae. Ang laki-laki niyang tao, sa puno lang pala siya matatakot.

"Paghiwalayin mo kasi yong hita mo," saad niya. "Tapos, sumandal ka do'n sa puno nang patalikod, wag patagilid."

"Hindi ako mahuhulog?" takot pa rin niyang tanong.

Hindi siya mahuhulog sa puno pero mukhang sa iba siya mahuhulog..

Umiling ang dalaga kaya dahan-dahang ginawa ni Hernan ang utos nito. Malapad naman ang masasandalan niyang sanga sa likod at ngayon ay naayos niya pa ang balanse niya.

"Sabi sa'yo e," nakangiting turan ng babae. "Magtiwala ka lang sa sarili mo. Kailangan mo lang lakasan ang loob mo."

Napangiti si Hernan. Tama naman siya kaso tinitingnan niya ang baba kaya nalulula siya. Naiisip niyang paano kung mahulog siya.

"Wag ka tumingin sa baba," sabi na naman ng kasama niya.

"Sa'kin ka tumingin," dugtong nito.

Napalunok si Hernan. Kumakabog ang dibdib niya hindi dahil natatakot siyang mahulog sa puno kundi dahil unti-unti siyang nahuhulog sa babaing malabo ang mukha. Kung sinuman siya ay tila siya na ang 'the one.'

"Titingin ako sa'yo?"

Tumango ang dalaga kaya tiningnan ni Hernan ang babae sa parte ng mga mata nito. Malabo pa rin talaga ang nakikita niya. Hindi niya ito mamukhaan. Pati ang boses nito ay pilit niyang tinatandaan.

Napaka-kalmado ng paligid kasama ang dalaga. Pakiramdam niya ay isa ito sa pinaka-payapang naranasan niya kasama ang isang babae. Kung para sa iba ay imposible pero amaminin niya sa sariling nai-inlove siya sa babaing kasama niya, sa babaing blurred ang mukha.

Unti-unting lumilinaw ang paningin niya sa babae ngunit ilang saglit lang, nakarinig si Hernan ng umiiyak na batang babae. Habang papalakas nang papalakas ang iyak ng batang babae, unti-unti ring nawawala sa paningin ni Hernan ang kasamang babae.

NAALIMPUNGATAN si Hernan sa pag-iyak ng batang babaing katabi niya. Kalong-kalong ang bata ng kanyang ina at pilit na pinapatahan pero mas humihiyaw pa ito.

"Sorry po," paumanhin ng nanay kay Hernan dahil nakita nitong nagising ang binata sa mahimbing na pagkakatulog.

Kinusot-kusot ni Hernan ang kanyang mga mata at nakitang nasa loob siya ng bus. Doon lang niya naalalang nasa biyahe siya pauwi ng kanilang probinsya. Pagtingin niya sa orasan ng bus, 4:30 AM pa lang.

Ang babaing kasama niya kanina ay panaginip lang pala.

Kung gano'n, hindi pala totoo ang lahat.

Sayang, lovelife na, naging bato pa.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top