Chapter 16

"Hindi gan'to ang na-imagine kong pagsalubong mo sa akin," mabigat sa loob kong sambit habang kumakalas sa yakap. May kumikirot sa puso ko. Pinulot ko ang bag ko at tinitigan siya mata sa mata. "I miss you. Sobra. Pero ito pa talaga ang pambungad mo sa akin? Ano bang nangyayari sa'yo, Miro?"

Bigo akong mabasa ang nasa isipan niya. Blangko ang emosyon sa kanyang mukha, maliban na lamang sa 'di maitagong pag-igting ng bagang nito. Siya ang unang bumitiw sa aming titigan at bumuntong-hininga.

"Mas magiging madali kung hindi ka nalang bumalik," diretsong sambit niya sa mababang boses.

Sinisikap kong mahuli ang kanyang mga mata ngunit pilit rin siyang umiiwas. Lalong sumikip ang dibdib ko. Nahihirapan akong huminga dahil sa bigat ng lahat ng ito ngayon. Ang atmospera, ang damdamin ko, ang kanyang mga salita, ang presensiya niya mismo. Hindi na ito ang Miro na kilala ko.

"Ito ba talaga ang gusto mo?" naibulong ko na lamang ang mga katagang ito dahil hindi ko magawang humugot ng hangin mula sa naninikip kong kalooban.

Doon ko nakuha ang kanyang tingin. Muli kaming nagkakatitigan. At sa ilang segundo'y walang nagsalita sa aming dalawa. Hinayaan kong mabasa niya ang lungkot sa aking mga mata. Wala akong itinago at hinayaang tumulo sa gilid ng aking kaliwang mata ang luhang kanina pa nagbabadyang pumatak. I am not weak, but he makes me.

Nanginginig ang kamay na pinahid ko ang aking namasang pisngi at muli siyang tinanong sa malumanay at nanginginig ring boses, "Ano bang nais mo, ang makipaghiwalay na?"

Saglit na lumukob ang katahimikan sa buong kabahayan. At tanging tunog lang ng nagdadaanang mga sasakyan ang naririnig mula sa kalayuan. Narito lang kami sa harap ng pinto at nagpakikiramdaman. Ang mata ko'y nasa kanya subalit pilit siyang umiiwas muli. Ilang segundo ang lumipas bago nagkaroon ng komosyon. Isang malalim na buntong-hininga mula sa kanya na sinundan ng kanyang pagtalikod.

"Hindi ito madadaan sa pag-iiwasan natin, Miro," pahabol kong tanong at bumuntot sa kanya. "Ayokong palakihin ito kaya please lang makipag-usap ka ng maayos."

Umikot siya paharap. Naitikom ko ang aking bibig nang masalubong ang matalas niyang titig.

"Wala tayong dapat pag-usapan!" para akong tinakasan ng sarili kong kaluluwa sa lakas ng kanyang naging sigaw. "Wala tayong dapat ayusin! Because this can never be fixed!"

Impit akong napasigaw at napaatras nang marahas niyang tinapon sa dingding ang saklay niya. Dumagundong ang tunog noon lalo na nang tuluyang lumapat sa sahig. Nanginginig ang buo kong katawan kasabay ng panlalamig nito. Kasabay doon ang awtomatikong pagtulo ng aking mga luha.

"Miro..." is all that I can say.

Rinig ko ang bigat ng kanyang paghinga. At hindi ko mawari kung anong puwersa ang sumusuporta sa kanyang tindig ngayon kahit wala siyang saklay. Nakatayo lang siya doon, nakakuyom ang palad. Kita ko ang ugat sa kanyang braso na senyales ng pigil na galit.

"Nakaya ko ng tatlong araw. Makakaya ko ng panghabambuhay," makahulugan niyang wika.

"So iyon ang kinagagalit mo?" Nagtaas-baba ang dibdib ko sa pinaghalong inis at takot na namuno sa kalooban ko. "Kung sinabi mo sanang hindi na ako sumama, edi sana dito nalang ako! Pero hindi! Sinabi mong sige, pumayag ka. Tapos ngayon magagalit ka?"

"Punyeta! Hindi mo ba maintindihan?"

Nanlaki ang mata ko nang marinig siyang magmura. For the longest time that we're together, ngayon ko lang siya narinig na sambiting ang katagang iyon.

"Intinding-intindi ko, Miro! Kuhang-kuha ko na labag sa loob mo iyong pagsama ko sa business trip na iyon." Humugot ako nang malalim na hininga at sinikap magsalita sa pagitan ng bawat paghikbi. "Pero tapos naman na diba, nandito na ako, nakauwi nang maayos, walang nangyari doon! Ako nga itong dapat magtampo, e. Ako dapat..."

Habang tumutulo ang mga luha sa aking pisngi at nanlalabo ang aking paningin ay pinulot ko ang kanyang saklay. At sa nanginginig na kamay ay inabot ko sa kanya iyon. Ramdam ko ang pagsunod ng kanyang tingin sa aking bawat galaw.

"Ako dapat ang nagtatampo kasi sa tatlong araw na iyon, hindi mo ako nagawang kamustahin. May facebook naman sana, may messenger. Naghintay ako, Miro. Naghintay akong maalala ng asawa ko, pero ano?"

Marahas kong pinulot ang bag ko at hinarap siya. Nanlamlam ang mata nito nang magtagpo ang aming tingin.

"Mahal kita, Miro. Mahal na mahal." Binuhos ko ang sinseridad sa aking puso sa mga salitang binitawan. "Pero minsan, kinikwestyon ko na lang ang sarili ko kung mahal mo rin ba talaga ako."

Nilagpasan ko siya matapos iyong sabihin ngunit hindi pa ako nakakalayo ay muli siyang nagsalita.

May diin sa kanyang pagbigkas ngunit hindi nakatakas sa pandinig ko ang paghina ng kanyang boses, lalo na sa dulo. "Sa tingin mo makakapangumusta ako kung ang ibabalita ko lang din sayo ay ang pagkakasesante ko sa trabaho? Ha?"

Napahinto ako at muli siyang hinarap.

"What do you mean?" naguguluhang wika ko.

Imbes na magpaliwanag ay nag-iwas siya ng tingin at nakayukong lumakad tungo sa pinto. Naroon lamang ako sa harap ng TV, tinatanaw ang paglabas niya sa aming bahay. Napasinghap ako nang padabog niya iyong sinara. Nanlalambot ang aking tuhod kaya napaupo na lamang ako sa sahig at napahilamos sa mukha. Doon, muling naglagaslasan ang aking mga luha.

Bakit ba nangyayari 'to sa aming mag-asawa?

Mugto ang mata ko habang nagluluto ng hapunan. Nang-aanghang pa nga ang gilid nito. Kanina pa rin hindi pumapasok si Miro. Sumilip ako kanina mula sa bintana at naroon lang naman siya sa terrace namin. Nakaharap sa kalsada at malayo ang tingin. Halata ring may dinadalang sama ng loob dahil sa marahang pagtaas-baba ng malapad nitong balikat na para bang binibigyang ginhawa ang naninikip na dibdib.

Napailing ako at muling ibinalik ang atensiyon sa niluluto. Ilang minuto pa ay natapos din ako kaya inihanda ko na ang lamesa at tinawag niya sa labas.

"Dy..."

Pansin ko ang paninigas niya nang maramdaman ang presensiya ko sa likod.

"Kain na tayo..." pagyayaya ko at nilapitan siya.

Huminto lamang ako nang mag-isang dangkal na lamang ang aming layo. Rinig na rinig ko na ngayon ang bigat ng kanyang paghinga.

"Dy, sige na."

"Mauna ka na," sambit niya na 'di man lang ako tinatapunan ng tingin.

"Hindi, sabay na tayo..." malambing kong suhestiyon. "Halika na."

Hinagod kong marahan ang kanyang braso ngunit agad akong napaatras nang marahas niyang binawi ang braso niya. Napahawak ako sa kamay kong nakahawak sa kanya kanina at nagkagat labi. Ayan na naman ang mga luha sa mga mata ko.

Nasasaktan man sa inasal niya ay nilunok ko pa rin ang lahat ng pwede kong lunukin para sa kanya. "Miro, please..."

Lumingon siya sa aking gawin at pinukulan ako ng isang masamang tingin."Pwede ba, Jean? Pabayaan mo na ako."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top