Chapter 14
"May lakad ka ngayon?" tanong ni Miro nang makabalik ako sa aking pwesto, sa kanyang tabi.
Umiling ako bilang sagot at tumingin nang diretso sa kanyang mga mata. There, I hinted that he wants to know more. Napabuntong hininga ako.
"May meeting daw kasi sa ibang bansa," buwelo ko ngunit agad ding nahinto nang mapagtantong ang susunod na sasabihin ay hindi magiging maganda sa kanyang pandinig. "At sabi ni Sir Wade..." Namaos ako bigla nang ipagpatuloy ang pagsasalita, "kailangan niya daw ako doon."
Ilang segundo kong hinintay ang sagot ni Miro ngunit wala akong narinig mula sa kanya. Kabaliktaran ng aking inaasahan, nanatili siyang tahimik at nang lingunin ko ay nakatitig lang sa kanyang mga paa.
"Pwede ko namang hindi-an iyon," muli kong pagkausap sa kanya. "Hindi pa na rin naman ako nakapag-oo dahil gusto kong marinig muna ang desisyon mo."
Sa pagbigkas ko ng salitang 'desisyon' ay doon siya nag-angat ng tingin. Akala ko nga ay makakakita ako ng reaksiyon mula sa kanya ngunit hanggang doon lang pala. Walang kislap ng emosyon sa kanyang mga mata.
"Kung gusto mong sumama upang gampanan ang trabaho mo, sige."
Iyon lang at bigla niya akong iniwan sa sala. Akay-akay ang saklay, nagtungo siya sa aming kwarto. Ano iyon? Kanina lang ang sweet niya tapos biglang... Mabilis ko naman siyang sinundan.
"Sa pinapakita mo ngayon, parang ayaw mo naman akong sumama," komento ko at naupo sa aming kama.
Narinig ko siyang humugot nang malalim na hininga mula sa kanyang kinatatayuan sa gilid ng bintana.
"Payag nga ako, 'di ba?" wika niya nang 'di man lang ako hinaharap. "Kailangan ka ng boss mo doon. Trabaho mo iyon, kaya sige."
"Pero mas kailangan mo ako dito," mabilis kong sagot.
Nilingon niya ako at sinamaan ng tingin. Doon ko napagtantong mali ang aking naging argumento.
"Anong pinapamukha mo, Jean?" pabalang na tanong sa akin ni Miro at nagsimulang tumaas ang boses niya. Kitang-kita ko ang pagpipigil niya nang inis sa pagtiim ng kanyang panga. "Ano ba ako sa tingin mo? Bata na kailangan pa ng aruga? Na hindi ko magawang alagaan ang sarili ko? Na kailangan palagi kang nakaalalay dahil sa ganito ako?"
Napasinghap ako. Hindi ganoon ang gusto kong ipunto.
"Hindi ganoon ang ibig kong sabihin, dy."
"Pero iyon ang nasabi mo dahil iyon ang nasa isip mo. Na kailangan kita dahil ganito ako. Ganito lang ang asawa mo!"
Mariin akong umiling at tumayo ako upang sana ay pakalmahin si Miro ngunit bigla niyang hinampas ang saklay niya sa dingding. Napaatras ako kasabay nang paglakas ng tibok ng aking puso. Nanhahapdi ang aking mata dahil sa mga luhang nagbabadyang tumulo.
"Huwag mo na naman itong gawing malaking issue, Miro, please," malumanay kong sambit at pilit pinipigilan ang garalgal sa aking boses. "Ang ibig ko lang naman sabihin ay kailangan mo ako dito bilang asawa mo. Mawawala ako ng ilang araw at wala kang makakasama sa bahay. Iyon lang naman ang inaalala ko."
"Wala ngang problema kung iiwan mo ako dito. Hahayaan kitang umalis kung gusto mo. At huwag mo akong aalalahanin dahil kaya ko ang sarili ko!"
Pagkatapos iyong sambitin ay muli siyang tumalikod. Nanatili ang tingin ko sa kanya kaya saksi ang mga mata kung paano magtaas baba ang kanyang likod. Senyales na nagpipigil lamang itong sumabog sa inis o galit o sa sama ng loob. Alin man sa tatlo, alam kong para iyon sa akin at sa mga salitang nasambit ko. I felt so guilty.
Gusto kong sumagot. Gusto ko klaruhin sa kanya kung bakit siya nagagalit. Kung bakit ang pagpayag niya sa pagsama ko sa boss ko ay may kasamang yamot. Halatang hindi bukal sa kanyang puso ang pagpayag, ngunit bakit siya pumapayag?
Nakakalito. Nakakainis din. Ang hirap niya kasing intindihin minsan. Mahal ko ang asawa ko pero nakakasawa din ang ganito. Nakakapuno. Palagi nalang ako ang nagpapakumbaba. Palagi nalang ako ang nagsusumikap na maging maayos kami. We're supposed to meet halfway, but it never happens.
Biglang sumibol ang tampo sa aking puso kaya napagdesisyunan kong iwanan si Miro sa loob ng aming silid upang tumawag kay Sir Wade. Ipapaalam ko na sa kanyang sasama ako.
"Sir, about doon sa meeting..."
"Ah, yes?" malumanay na sagot ng boss sa kabilang linya. "Have you made your decision?"
Napabaling ako sa nakasaradong pinto ng aming kwarto at marahang bumuntong-hininga. "Opo, Sir."
"Great!" natutunugan ko ang kasiyahan sa kanyang boses. "Susunduin nalang kita sa bahay niyo para 'di ka mahirapan sa dadalhin mo."
Umiling-iling ako kahit 'di naman niya iyon makita. "Huwag na po, Sir. Didiretso na lang po ako ng airport. Doon nalang po tayo magkita."
"Hmm, sige. See you tomorrow."
Pagkatapos iyong marinig ay pormal na akong nagpaalam. Nanatili ako sa sala at inabala ang sarili sa paglilinis. Si Miro naman ay nagkulong sa kwarto. Sinilip ko kanina. Iyon, tulog na tulog sa kama.
Dumating ang gabi, magkasabay kaming kumain pero wala siyang kibo.
"Alas-otso bukas ang flight namin," pag-iimporma ko kahit na mukha namang wala siyang pakialam.
Inirapan niya lang ako at bumalik na sa pagsubo ng kanin. Hinayaan ko na lang kahit parang pinipiga ang puso ko. Pakiramdam ko hangin lang ako sa kanyang paningin ngayon.
Pagkatapos nang hapunan, nagpaalam siyang papasok na sa trabaho ngunit iyon lang. Humabol pa nga sana ako ng halik kahit naiinis ako sa kanya nang kunti, pero wala. Umiwas siya at mabilis na tumalikod. Sa kanyang pag-alis nang gabing iyon, bumaha ng luha sa aking bahagi ng kama. At nakatulugan ko na lamang ang paghikbi dahil sa bigat ng kalooban ko sa kanya.
Nagising ako kinabukasan dahil sa ingay ng aking cellphone na nakapatong sa bedside table. Pikit-mata ko itong inabot at basta na lamang nagswipe sa screen.
"Hello..." boses ng lalaki ang bumati sa akin, ngunit hindi kaboses ni Miro. "Nakapaghanda ka na?"
Nanlalaki ang mga matang napabalikwas ako ng bangon. Dali-dali kong hinanap ang tsinelas at nagtungo sa banyo.
"Sorry, Sir. Late akong nagising."
Narinig kong tumawa si Sir Wade na nasa kabilang linya. "It's five in the morning. Mukhang nagising pa kita. Ako dapat ang magsorry."
Kunot noo kong naibaba ang cellphone upang tingnan ang oras. Totoo ngang alas singko pa. Nakahinga naman ako nang maluwag.
"Okay lang, Sir. Nataranta lang talaga ako kasi akala ko alas otso na at nasa airport na kayo. Ah, sige po. Maghahanda na po ako."
Muli siyang tumawa at pagkatapos ay tumikhim. "Sige. Hihintayin nalang kita sa airport."
Parang bigla akong na-pressure. Ba't kasi ang aga nitong si Sir Wade. Tuloy, napilitan akong bumiyahe nang maaga sa airport. Hindi ko na nga naabutan si Miro na makauwi galing sa trabaho. Tinext ko na lang siya na nakaalis na ako ng bahay at nakahanda na ang kanyang agahan.
Sinalubong ako nang malaking ngiti ni Sir Wade nang magkita kami sa waiting area ng airport. Nahiya akong bigla sa suot kong slacks nang mapansing casual na khaki shorts lang ang suot nito na tinernohan ng puting shirt at sapatos.
"Good morning, Jean," bati niya kasabay ng pagtingin sa bag na hawak ko sa aking gilid. "Ako na magdadala niyang bag mo."
Aabutin niya sana talaga ang bag ngunit mabilis akong umatras at umiling. "Naku, Sir. Kaya ko na 'to. Hindi naman gaanong mabigat."
"Sure?"
Tipid akong ngumiti pero bago nakasagot ay tumunog ang intercom at binanggit ang flight number, hudyat na oras na ng flight namin.
Wala ng atrasan, gustuhin ko man. Sana lang maayos namin ni Miro ang gusot na ito pagbalik ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top