Chapter 9
Akala ni Eugene ay magtutuloy-tuloy na ang pagkikita nila ni Divine dahil nakasama na niya ito nang isang buong gabi, pero balik na naman siya sa sunod-sunod na araw na pagtatanong kay Miss Van kung puwede na bang makausap si Divine o kahit makumusta man lang ito kahit saglit lang.
"Sorry, Mr. Scott. Busy si Miss Divine ngayon," sagot ni Miss Van sa kanya nang tawagan ito.
"Ano'ng ginagawa niya?"
"Yung thesis niya, sir."
"Puwedeng makahingi kahit picture lang?"
"Bawal po, sir."
"Bakit bawal?"
"Protocol, sir."
"Puwede ko ba siyang dalawin?"
"Mawawala po kasi siya sa focus, sir."
"Kailan siya available for a talk?"
"Sa kasal na lang siguro, sir."
Biglang sumamâ ang tingin ni Eugene sa harapan niya sabay pamaywang. Dalawang araw na lang at kasal na nila. Mula nang sunduin ito ni Julio Lee sa Marriott, hindi na niya ulit ito nakita.
Nagsumbong na tuloy siya sa Lola Diyosa niya dahil doon.
"Lola, hindi ko ba talaga puwedeng dalawin si Divine?" naiirita na niyang tanong nang maupo sa katapat nitong puwesto.
Gusot naman ang mukha ni Tessa Dardenne nang humigop ng tsaa, hindi agad siya sinagot sa tanong na 'yon.
"Pinalampas ko na ang hindi n'yo pag-inform sa 'kin na may sakit siya. So, what's the point ng hindi ko pagdalaw sa kanya this time?"
"Let's say na hindi ka muna namin binababad sa stress," kalmadong tugon ng lola niya.
Nagkrus lang ng braso niya si Eugene, pinag-iisipan kung sasang-ayon ba roon o hindi. "All right, let's consider that. But why am I still not allowed to visit her before the wedding aside from that? Ilang beses ko pa lang siyang nakita. No'ng kai shao? No'ng ting hun? No'ng failed photoshoot? No'ng dinalaw niya 'ko sa condo ko? What if hindi kami compatible?"
"Well, I must say, hindi talaga."
"Lola!" saway agad ni Eugene. "If hindi pala kami compatible, then why me?!"
"You're nicer than anyone else around her. Hayaan mo na, makikita mo naman siya sa wedding. After that, every day mo na siyang makikita."
"I didn't know you can be as unreasonable as this, Lola Tessa."
"Darling . . ." Nakikiusap na ang tingin ng lola niya sa kanya nang magbaba ito ng tasa ng tsaa. "Divine is . . . special."
"Um-hmm? You think so?" sarcastic nang tanong ni Eugene sabay halukipkip, hinahamon ang lola niya. "I can see how special she is. Let's start with her recklessness."
"Yes, she's reckless. But she's smart."
"Is that all? Smart din naman ang anak ni Mr. Teng. Even yung panganay ni Mrs. Ongco. Magna cum laude 'yon. Bakit si Divine? And most of all, bakit hindi ko siya puwedeng dalawin?"
Ang lalim ng paghinga ng lola niya bago nito ibinuga iyon. "Darling, decision 'yon ng mga Lee. Yes, Divine is . . . reckless . . . and impulsive . . ." paisa-isang sabi nito na halatang labag pa sa loob ang pagkakasabi, "but she's smart. And she's a better option than Mr. Teng's daughter or Mrs. Ongco's eldest."
"I trust in you, Lola. And I don't want your decision to disappoint me big time."
"Eugene, darling, I'm too old for your threats. Kung gusto mo 'kong takutin, may kutsilyo diyan sa kitchen, saksakin mo na lang ako agad."
Nananaway ang tingin ni Eugene nang magbuntonghininga sa lola niya. "So, hindi pa kami puwedeng magkita ulit hanggang sa araw ng kasal."
"If you miss her that much, then good for her, pero maghintay ka pa rin ng kasal. Dahil kung gusto ka naman niyang makita, magpapakita siya sa 'yo," sermon na ng lola niya. "Kung nagagawa niyang tumakas sa kanila para lang makita ka, kaya niya namang gawin ulit 'yon—kung! Gusto ka nga niyang makita ulit."
"That's unfair. But okay, I'll think about the wedding na lang. All you guys are weird, and I'm not liking it."
♥♥♥
Sanay si Eugene na madaling napagbibigyan. Sa ayaw man niya o sa hindi, lumaki siyang spoiled ng lahat ng mga nakapaligid sa kanya. Ang kaibahan lang, kapag meron siyang hiniling, dapat malalim ang rason niya para asamin 'yon. Lagi niyang hinahanapan ng saysay ang bawat desisyon dahil ayaw niyang gumawa ng hakbang dahil lang sa mababaw na dahilan.
Ang problema niya, mukhang mapapasubo siya sa mapapangasawa ngayon dahil kumikilos ito nang hindi na nag-iisip.
Araw ng kasal nila at scripted ang halos lahat. Ang vow niya ay generic lang din dahil wala naman siyang maisusulat na personal para kay Divine dahil aapat na beses lang niya itong nakasama, bawal pa niya itong makita kapag gusto niya itong makausap.
Nakasuot siya ng tuxedo at tinitingnan ang loob ng simbahan. Doon din ikinasal ang Ninong Rico at Tita Jaesie niya. Wala nga lang siya noong araw ng kasal dahil tumama ang petsa sa bakasyon nila ng mama niya sa Brazil.
Ang daming tao at kahit paano ay kilala niya ang ilang bisitang dumalo. Umasa pa naman siyang uulitin ang photoshoot nila, pero nasa altar na siya at naghihintay sa bride niya, ang photoshoot na inaabangan niyang mauulit ay mukhang hindi na matutuloy pa.
Naranasan niyang mag-best man, unang beses pa noong kasal ng Ninong Patrick at Ninang Mel niya. Pakiramdam niya, sobrang bilis lang ng panahon dahil hayun at siya na ang ikakasal.
Best man niya ang kapatid niya at bumawi ang mga ninong niya sa haba ng listahan ng sponsors nila ni Divine.
Nakasara ang pinto ng simbahan habang nakaabang silang lahat. Pagtugtog ng orchestra, umalingawngaw sa buong simbahan ang Wedding March kasabay ng dahan-dahang pagbukas ng pinto na hinahatak ng dalawang lalaki mula sa loob.
Napahugot ng hininga si Eugene at inabangan si Divine mula sa dulo ng simbahan. Nanlamig bigla ang mga kamay niya dahil nag-rehearsal nga sila pero ang kasama niya ay mama niya at ito ang naglakad papasok ng simbahan para kunwaring bride niya. Iba ang pakiramdam noong mapapangasawa na nga talaga niya ang sasalubungin niya sa altar—ang mapapangasawa niyang hindi pa kinompleto ang bilang ng mga daliri niya sa isang kamay nang makita ito mula pa noong nakaraang limang taon.
Napapunas siya ng noo gamit ang puting panyo dahil sa namumuong pawis doon. Nakasuot ng white wedding gown si Divine na may sweetheart neckline at sobrang habang train. Ang haba rin ng belo nito at nakatago roon ang hawak nitong pulumpon ng bulaklak.
Pasimple pang kumaway si Eugene para mag-hi nang magkasalubong ang tingin nila ni Divine nang nasa gitna na ito. At alam niyang napansin nito ang pagbati niya dahil napangiti agad ito na mabilis nitong pinigilan.
Pinalobo pa nito ang pisngi at pasimpleng yumuyuko para i-compose ang sarili.
Paglapit nito sa may altar, humalik muna ito sa pisngi ng mga nakatatanda roon at parang batang naghihintay ng instruction si Eugene dahil alam niyang may gagawin din ang kapatid niya bilang best man at ang maid of honor na galing naman sa mga Lee.
Kahit paano ay umabot naman sa balikat niya si Divine at nang tingalain siya nito ay nginitian lang niya ito kahit kinakabahan siya sa gagawin nila. Mas kabado pa siya dahil hindi niya ito nakasama sa rehearsal kaya wala siyang alam kung alam din ba nito ang gagawin gaya ng alam niya.
Habang nakikinig sa sinasabi ng pari, iniisip din ni Eugene na unang beses niyang ikakasal kaya kinakabahan pa siya. Naisip din niya na ilang beses ba siya dapat ikasal para maisip na unang beses 'yon? Bigla niyang naaalala ang kapatid niyang ikakasal na rin sa simbahan sa susunod na taon kaya baka nga hindi lang isang beses puwedeng ikasal, basta iisang tao lang din ang ihaharap sa altar.
May kaunting pagkadismaya lang sa kanya na wala man lang silang personalized na vow gaya ng meron ang mga ninong at daddy niya. Gusto rin kasi niyang gumawa ng ganoon, sa kasamaang-palad ay hindi naman niya ganoon kakilala ang mapapangasawa niya at wala siyang maisusulat sa vow niya na kasingganda at kasing-sweet ng sa mga kasal na napuntahan niya.
Meron sana siyang wedding vow na matagal nang naisulat. Iyon nga lang . . . para kasi 'yon sa ex-girlfriend niya.
"Eugene at Mary Divine, nais n'yo na rin lamang na sumailalim sa sagradong sakramento ng kasal, pagdaupin ninyo ang inyong mga kanang kamay at sabihin ang inyong mga intensiyon sa harap ng Diyos at Kanyang simbahan," sabi ng pari.
Makalipas ang siyam na araw, noon na lang ulit nahawakan ni Eugene ang kanang kamay ni Divine mula nang pigilan niya ito sa kalikutan nitong matulog.
"Hi," bati niya rito.
"Hi," nahihiya ring bati ni Divine.
"Hindi kayo magkakamayan, ha?" paalala ng pari. "Ngayon pa lang ba kayo magkakakilala?"
Tinawanan lang 'yon nang mahina ni Eugene, kahit pa gusto sana niyang sabihing five times pa lang niyang nakikita nang personal ang babaeng kaharap niya ngayon sa altar.
Sinisilip niya mula sa belo ang mukha ni Divine. Kagat-kagat nito ang labi habang naghihintay ng uulitin nilang salita na sasabihin ng pari. Gusto sana niyang awatin dahil nginangata rin nito kasama ang lipstick kaso idinaan na lang niya ang pagkuha ng atensiyon nito nang pisilin niya ito sa kamay.
"Hmm?" tanong ni Divine.
Itinuro ni Eugene ang labi niya para sabihan si Divine na kinakagat nito ang labi.
"Iki-kiss kita?" inosenteng tanong ni Divine.
"Mamaya na ang kiss," paalala ng pari.
"Father, siya 'yon, a?" sumbong agad ni Divine nang ituro si Eugene.
"Hindi," depensa ni Eugene. "Huwag mong kagatin ang labi mo."
"Ashush! Palusot," buyo ni Divine. "Pinagalitan ka lang ni Father, e."
"Behave ka," sermon ni Eugene at pinindot ang tungki ng ilong ni Divine.
"Hmp!" Ngumuso lang si Divine at kinusot ang ilong niya habang hinuhusgahan ng tingin si Eugene.
Matamang nakikinig ang dalawa at inulit ang mga sinasabi ng pari para sa vow nila. May kaunting pagkadismaya roon kay Eugene dahil nangangako siya ng habambuhay ngayon sa harap ng altar sa babaeng lilimang beses pa lang niyang nakakasama sa personal.
Matapos basbasan ang singsing, nakasunod na lang doon ang tingin ni Eugene dahil magsusuot siya ng simbolo ng pangako sa taong hindi pa siya sigurado kung matatagalan ba niyang katabi sa pagtulog.
Pagkuha niya sa singsing mula sa pari, tinanggap na niyang kailangan na niya talaga iyong panindigan.
"Mary Divine, sa pagsuot mo ng singsing na ito, nawa'y ang ating mga buhay ay maging isa . . ."
Habang naririnig niya ang sarili sa bawat utos ng pari na ulitin niya, saka lang niya naintindihan kung bakit ang tagal ikinasal ng mga magulang niya. 35 na siya, at kung tutuusin, mas matanda pa siya nang ikasal kaysa sa lahat ng nag-alaga sa kanya kaya hindi na rin niya masisisi ang mga lola niya kung bakit mas atat pa ang mga ito na makapag-asawa siya kaysa sa kanya na ikakasal.
Pagkatapos ng pronouncement na ganap na silang kasal ni Divine at maaari na niya itong halikan, hindi niya alam kung tatawa ba o maiirita dahil nanunukat ang tingin nito sa kanya, parang nagtatanong pa kung balak ba niyang ituloy ang sinabi ng pari na hahalikan niya ito.
"Sabi ni Father, I may now kiss the bride," paliwanag ni Eugene.
"You may, not you should," katwiran naman ni Divine na nanliliit pa rin ang mga mata sa kanya.
"Puwede namang hindi. I-flying kiss na lang kita."
"Sige na, bilis na! Pa-flying kiss ka pa, mas marami ka pang ritwal kaysa kay Father."
"You're questioning the instruction kasi."
"Pakidalian," pasuyo ng pari sa kanila.
"Ayan, nagagalit na si Father," sabi ni Eugene at sinapo na sa pisngi si Divine na nanlalaki ang mga mata sa kanya. "It won't hurt."
"Huy! Anong it won't hurt?" sita ng pari kay Eugene at nahampas pa tuloy siya nito sa balikat.
Natawa na lang nang mahina si Eugene at mabilis na dinampian ng halik sa labi si Divine bago ito binitiwan.
Hindi masabi ni Eugene kung matagal ba o mabilis ang kasal nila ni Divine. Pakiramdam niya ay mabilis lang ang halos kalahating oras sa simbahan, pero halos buong araw siyang napagod kakaasikaso sa lahat ng bisita nila.
At aaminin niya sa sariling umasa siyang uuwi kasama si Divine, pero hayun na naman at pagkatapos ng kasal, balik na naman siya sa dating gawi.
"Miss Van, puwedeng makausap si Divine?"
"Bukas na lang daw, Sir Eugene. Tatapusin lang daw niya ang thesis niya."
Parang gusto nang isumpa ni Eugene ang thesis ng asawa niyang pinakasalan lang yata niya para lang masabing may asawa na siya.
December 28 sila ikinasal at umasa talaga siya nang sobra na magba-Bagong Taon siyang kasama ang asawa niya, pero March na nang sumunod na taon, nagtatanong pa rin siya sa sekretarya nito kung kailan ba ulit niya ito puwedeng makausap man lang kahit sa call.
"Magde-defend na lang daw siya ng thesis niya, Sir Eugene.
Tatawagan na lang po namin kayo."
"Hindi ako applicant para tawagan n'yo na lang, Miss Van," naiinis nang sabi ni Eugene sa kausap. "Hindi ko ba siya puwedeng dalawin man lang kahit five minutes?"
"After po ng thesis defense niya, sir, tatawag po kami."
At sa unang pagkakataon, siya na ang nagpatay ng tawag sa sobrang stress.
Three months na silang kasal ni Divine. Ultimo Valentine's Day, nag-celebrate siyang mag-isa! Hindi naman nangibang-bansa ang asawa niya para hindi siya payagang makita ito nang personal.
Wala tuloy siyang magawa kundi makibahay sa bahay ng mga magulang niya at makipaglaro sa pamangkin niyang naroon.
"Tito Jijin, mewon din ako ring." Ipinainggit agad ni LA ang singsing niyang green at may butterfly na design sa ibabaw.
"Wow, ang cute-cute naman ng ring ni Baby LA." Pinagtabi nilang dalawa ang mga kamay nilang may singsing. Itinutok ni LA ang butterfly ng singsing niya sa gintong wedding ring ni Eugene.
"Si Daddy, may wing din siya na ganto." Itinuro ng bata ang singsing ni Eugene sunod ang daddy nito na nasa likuran lang nila at nagtatrabaho.
"Saka si Dada, 'no? Meron din si Dada na golden ring."
"Akin po, butterfly!" Iniyabang na naman ni LA ang singsing niya, patutok sa mukha ni Eugene.
"Butterfly kay LA kasi cute-cute ang LA namin!" Pinanggigilan agad ng yakap ni Eugene ang pamangkin.
Hagikgik naman ito nang hagikgik sa ginagawa niya.
"Saan asawa mo, Kuya?" tanong ni Luan na paikot-ikot na sa swivel chair nito.
"Hindi ko pa nga matawagan, e," sagot ni Eugene.
"Sa thesis pa rin ba?"
"Yeah. Annoying na nga yung reason. Si Ikay?"
Natawa naman si Luan sa tanong ng kapatid. "Susunduin ko 'yon mamayang out niya at magkatabi kaming matutulog mamayang gabi."
"Hindi ako inggit," nakangusong sabi ni Eugene at pinisil-pisil na lang ang pisngi ng pamangkin. Inayos pa niya ang upo nito pasandal sa nakatupi niyang mga binti na nakapatong din sa upuan. "Kasi may Baby LA naman ako. Di ba, gusto mo 'kong kasama, LA?"
"Opo!"
"Sino mas favorite mo sa 'min ni Daddy Shoti?"
"Dada!"
"Ay." Ngumuso naman si Eugene at pinisil-pisil ulit ang pisngi ng pamangkin. "Hindi puwede si Dada kasi winner na agad siya."
"Si Dada, sasama niya 'ko sa horses!"
"Sasama ka ni Dada sa horses?"
"Opo!" Nagturo agad si LA. "Ta's nag-walk kami isasama si Dukki."
"Saan kayo pumunta ni Dukki?"
"Sa may ganto!" Gumawa ng padulas na arko si LA gamit ang kamay at tumango na lang si Eugene kahit wala siyang maintindihan sa sinasabi ng pamangkin. Akala pa naman niya ay slide pero biglang umikot ang liko ng kamay nito kaya sigurado na siyang hindi.
"Binilhan kang toys ni Dada?"
"Opo! Bibili si Dada malaki na bear."
"Malaki na bear?" Nangunot agad ang noo ni Eugene at napatingin sa kapatid niyang busy na naman sa trabaho nito. "Si Dada ba yung bumili no'ng bed na bear sa sala?"
"Oo, pina-request niya kay Ninong Clark 'yon. Para may kama raw si LA."
"So, hindi counted ang kama mo saka yung crib as kama ni LA?"
"Ang gusto nga kasi ni Daddy, kama mismo ni LA."
"Bakit nasa sala?"
"Para nga raw hindi na magkakalat ng balahibo ni Dukki sa second floor."
"Saan niya pinatutuloy yung mga bisita sa bahay?" usisa agad ni Eugene.
"Saan pa ba? Of course, dito sa office."
Napangiwi agad doon si Eugene dahil mukhang nagre-relocate na naman ng extension ng bahay nila ang daddy niya para sa apo nito. Hindi na rin siya magugulat kung isang araw, mababalitaan na lang niyang welcome area na nila ang sala ng Ninong Clark niya dahil lang exclusive na sa apo nito ang buong bahay nila.
Naiinggit na tuloy siya sa kapatid niya. Mabuti pa ito, nasusundo ang asawa nito sa trabaho pag-uwi, samantalang siya, kahit sa call man lang, hindi siya nito nasasagot.
Pero tatapusin lang daw ang thesis ni Divine at sigurado na "raw" na tatawagan siya nito. At sa lagay na iyon, hanggang tawag lang ang magagawa niya.
Mukhang kahit kasal na sila ay bawal pa rin niya itong makita sa personal.
♥♥♥
TEN TIMES WORSE STATUS: COMPLETED
PROLOGUE
43 CHAPTERS
EPILOGUE
3 SPECIAL CHAPTERS
You can avail of the advanced chapters (and the full novel version) for 150 pesos.
Chat lang po kayo sa Telegram, t.me/lenareacts if interested kayo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top