Chapter 6
Sobrang tagal na panahon na rin noong may makatabing matulog si Eugene maliban sa alaga niyang aso, kaya hindi niya alam kung ano ba ang gagawin dahil tulog na si Divine.
Nakasuot ito ng jacket. Wala sanang problema kung pullover o letterman jacket. Pero ang jacket na suot nito ay 'yong klase ng jacket na pang-risk and disaster rescuer na kayang sumagupa sa bagyo nang hindi nagpapayong. At hindi siya matutulog na may katabing ganoon sa kama niya.
Nakahilata naman si Divine kaya madaling alisan ng jacket. Ang kaso, pagbaba ni Eugene ng zipper sa pangitaas nito, mabilis din niya iyong isinara nang makitang bra na ang kasunod nitong suot pagkatapos ng jacket.
Anong lalim ng buntonghininga niya nang imasahe ang noo dahil sa stress pag-upo niya sa silyang nasa tabi ng kama.
Natulog si Divine na ganoong damit ang suot, na kahit siya ay naaalibadbaran kahit hindi naman siya ang naka-jacket nang ganoon kakapal.
Wala na siyang nagawa. Kumuha na lang siya ng long sleeves sa cabinet na de-butones para ipalit sa jacket ni Divine. Sinubukan pa niya itong gisingin pero ang himbing ng tulog nito. Noong binuhat niya ito para ibangon, ramdam talaga niyang tulog na tulog nga ito dahil sa bigat ng katawan nitong nakadantay sa kanya.
Mabilis naman niyang malalaman kung nagtutulog-tulugan lang ito o talagang tulog nga.
Nagsabi naman na ito na nakainom ito ng gamot kaya kung gawa man ng gamot ang himbing ng tulog nito ay hindi na siya magtataka.
Hinubad na niya ang jacket ni Divine habang nakasandal paharap ang katawan nito sa katawan niya.
Naaamoy niya ang pabango nito na kahawig sa amoy ng pampakalma. Hindi na rin siya sigurado kung pabango ba ang lavender na naaamoy niya o essential oil lang.
Hindi na niya matandaan kung kailan ba siya huling nagbihis ng babaeng tulog. Hindi na niya isasama sa bilang si LA dahil lagi naman itong tulog noong baby pa ito.
Ni hindi man lang nagising si Divine kahit inoobserbahan niya ang katawan nito kung may tattoo ba o peklat o mga sugat man lang. Malinis ang likod nito.
Naalala niya ang mama niya na may maliit na tattoo sa likod, doon sa bandang gulugod na malapit sa batok. Semicolon iyon na hindi madaling makikita, maliban kung itataas nito ang lahat ng buhok tuwing magbabackless dress.
Inihiga rin niya si Divine nang maisuot sa magkabila nitong braso ang mga manggas ng damit. Sinilip niya ang leeg nito kung may kakaiba ba gaya ng hiwa o sugat. Wala naman siyang nakapang kung ano roon, maliban sa suot nitong gintong kuwintas na may pendant.
Bumaba ang tingin niya sa malusog na dibdib nitong halos lumabas na sa suot nitong balconette bra at mabilis na ibinutones ang parteng iyon para takpan.
Sinilip niyang huli ang tiyan nito. Wala nga itong tattoo na mabilis mapapansin, pero meron itong hikaw sa pusod. Manipis na bakal ang nakatuhog sa balat nito at dalawang pabilog na metal naman sa magkabilang dulo. Bumakas ang kaunting disappointment sa mga tingin niya nang tingnan si Divine na tulog pa rin at walang kamalay-malay sa ginagawa niyang pag-iinspeksiyon sa katawan nito.
Pero mabilis ding nawala ang disappointment niya. Wala na rin naman siyang magagawa, nahikawan na ang pusod nito. Wala na ring saysay kung mainis pa siya. Hindi naman maibabalik ang butas na balat nito sa dati kung pagalitan man niya ito.
At dahil sa hikaw nito sa pusod, mabilis niyang sinilip ang magkabila nitong braso. Inangat niya ang magkabilang manggas para maghanap ng hiwa o sugat doon, at nakahinga naman siya nang maluwag nang makitang malinis ang balat nito sa kanang braso. Pero sa kaliwang braso, may sulat ng ballpen naman na kulay asul. Pero hindi naman nakakagalit dahil mukhang drinowingan lang ni Divine ang braso niya ng smiley at . . .
Ayun na naman ang buntonghininga ni Eugene dahil nabasa niya ang address ng condo niya sa braso nito. Saka lang nagkaroon ng saysay sa kanya kung bakit naka-jacket ito pagdating sa condo niya at kung paano siya nito nahanap nang wala ang phone nito.
Kumuha na naman tuloy siya ng pamunas para burahin ang sulat sa braso nito. Pero mas pinili na niyang kunin ang maliit na spray bottle ng alcohol na nasa nightstand niya at facial tissue na nakapatong doon. Napapaisip na tuloy siya kung ano ba ang ginawa ng mga Lee kay Divine dahil ang layo nito sa ibang ipinakilala sa pamilya niya.
Sa tanang buhay niya, isa lang ang naging girlfriend niya, at masasabing naging perfect couple sila ni Carmiline noong silang dalawa pa. Pero isang dekada na rin ang lumipas, at marami nang nagbago sa pananaw niya.
Maraming nagawa ang paghihiwalay nila na dahilan kaya hindi na rin siya naghanap pa ng kapalit nito. At wala rin siyang balak ituring si Divine bilang kapalit nito dahil baka ma-disappoint lang ang mga nakakakilala sa kanila noon kung ang ipapalit niya ay halos sampung taon ang bata sa kanya at nakilala lang niya dahil sa usapan ng pamilyang may kaugnayan sa negosyo.
May expectations na si Eugene sa magiging gabi niya dahil babantayan nga raw niya si Divine. Ang kaso, wala talagang sumapul sa lahat ng inasahan niya bago niya ito patulugin sa bahay niya. Alanganin ang bawat oras ng gising niya sa tuwing gagalaw ito.
Gisingin daw niya ito kapag hindi ito makahinga, pero alas-dos na ng madaling-araw, masarap pa rin ang tulog nito. Makailang beses nga lang naghatak ng kumot kaya ilang beses din niyang kinumutan nang maayos.
Hindi pa niya alam kung ano ba dapat ang gagawin dahil itatalukbong nito ang kumot hanggang ulo at maririnig niyang hinihingal na ito makalipas ang ilang minuto lang. Napipilitan tuloy siyang alisin ang kumot na tabing sa ulo nito na ilang saglit lang ay hahatakin na naman para itaklob ulit para mahirapan na naman itong makahinga.
Nauubos na lang ang gabi niya kababantay kay Divine at kalalaban sa antok. Hindi pa naman siya sanay na nagpupuyat lalo kung hindi naman inaasahan ng katawan niya ang schedule ng buong gabing hindi pagtulog.
Nakakaidlip naman siya pero iilang minuto lang at magigising din agad sa bawat galaw ng katabi. Ang likot ding matulog ni Divine. Papaling sa kanan, papaling sa kaliwa, hihilata, dadapa, mamamaluktot, dadapa na naman pero ang mga braso at binti ay dapat nakalaylay sa labas ng kama. Ayaw na ayaw na ayaw niyang malikot ang katabi at mas gugustuhin pa niyang matulog sa sahig nang mag-isa kaysa roon.
Alas-tres na ng madaling-araw at nagising na naman si Eugene mula sa saglit na pag-idlip. Gumalaw na naman kasi si Divine at nakahilata na ang puwesto pero nakalaylay ang kanang braso sa labas ng kama.
Pinakinggan niya kung nahihirapan ba itong huminga pero ayos lang naman ang daloy ng hangin nito, kaya sa hindi na mabilang na pagkakataon, inayos na naman niya ang kumot nito para hindi ito lamigin.
Bumalik siya sa pag-idlip at unti-unting bumibigat ang pakiramdam. Akala niya ay magtatagal na ang tulog niya pero alas-tres y medya pa lang at palalim pa lang ang tulog niya ay nagising na naman siya dahil pumaling ito patalikod sa kanya saka ito namaluktot.
Napalakas ang buntonghininga ni Eugene at gusto na talaga niyang makatulog nang maayos. Sa sobrang umay sa ginagawang pagbabantay sa gabing iyon, hinapit na niya si Divine mula sa baywang para ilapit sa kanya. Nakatalikod naman at namamaluktot pa rin ito, masarap pa rin ang tulog na sana'y magawa rin niya bago pa siya sikatan ng araw. Isinilid niya ang braso mula sa bandang kilikili nito patawid sa ibabaw ng dibdib at hinawakan niya ang kanang kamay nitong nakadantay lang sa kama para hindi na ito maglikot at hindi na rin maghatak pa nang maghatak ng kumot na ilang beses din niyang inayos buong gabi.
At sa wakas, sa natitirang tatlong oras bago tumunog ang alarm niya ay nakatulog din siya nang dere-deretso.
♥♥♥
Ang sarap ng tulog ni Divine. Walang gumising sa kanya kaya mas masarap kaysa noong mga nakaraang
araw, linggo, o taon man.
Iyon lang, pagmulat niya, hindi agad siya nakakilos para mag-inat dahil may nakabalot sa kanyang matipunong braso at hawak-hawak pa ang isa niyang kamay.
Pinandilatan niya agad iyon at dahan-dahang nilingon ang may-ari ng braso mula sa likuran. Dahan-dahan ang pagsinghap niya nang makita ang tulog na si Eugene.
'Holy fuck!' malakas na mura niya sa isip.
Yakap siya ni Eugene.
'Holy cow!'
Magkatabi sila sa kama.
'Holy Shittake mushroom!'
Dahan-dahan din siyang pumaling paharap ulit sa posisyon niya paggising at marahang pinadudulas paalis ang kamay niya sa kamay ng lalaki.
Kagat-kagat pa niya ang labi habang kinakalkula ang bawat kilos para lang hindi magising ang kayakap niya sa kama.
"Slowly . . . slowly . . ." bulong niya habang unti-unti nang lumalayo ang kamay niya sa kamay nito. "You can do it, Mine . . ." Dulo na ng mga daliri niya ang maaalis sana sa pagkakahawak ni Eugene nang mapasinghap na naman sa gulat ang dalaga dahil mabilis na hinuli ng lalaki ang bawat dulo ng daliri niyang nakalapat pa sa palad nito.
"I'll assume you're awake," bulong sa kanya ni Eugene, at halos magtayuan ang mga balahibo sa buong katawan ni Divine dahil sa lalim ng bagong gising na boses nito.
"You don't have to assume, Mr. Scott. I am," naiilang na sagot ni Divine at nanginginig-nginig pa ang kamay habang pilit na binabawi ang mga daliri niyang hinuli ni Eugene.
"Good morning, Miss Lee."
Saglit na huminto sa paghinga si Divine at pagpilit na bawiin ang daliri bago nilingon si Eugene sa likuran niya. Pumikit-pikit pa siya nang makitang nakapikit pa pala ito habang nakabaon ang kalahati ng mukha sa unan.
"Um . . . good morning, Mr. Scott," bati na lang niya nang silipin ang mukha nito. "Napuyat ba kita?"
"Yes."
Mabilis na ngumiwi si Divine sa mabilis na sagot ni Eugene. "Dapat kasi, hinatid mo na lang ako sa 'min."
"If I can do that, sana araw-araw na lang kitang dinalaw kaysa kulitin ang secretary mong maramot sa reply."
"Hindi ka pa rin ba nire-reply-an ni Vanessa?"
"Annoyed na siguro sa 'kin."
"Textmate na kayo?"
"That can't be unless magre-reply na siya, as frequent as she should."
"As she should, so it's a must?"
"It's a must, of course. I'm asking about you pero hindi nga kasi siya nagre-reply. Bigay mo number mo sa 'kin para hindi ko na siya kukulitin."
"Pfft!" Humagikgik naman si Divine, natatawa sa sinasabi ni Eugene. "Five years ago pa tayo unang nag-meet, ngayon mo pa lang hihingin ang number ko? Ganito yung ginagawa ng mga guy sa mga nakaka-one-night stand nila, di ba? Tapos magpa-part ways tayo, then destiny will brought us back together."
"Wedding na natin a few days from now. Si Lola Tessa at daddy mo ang magde-decide ng next meeting natin, hindi ang destiny."
"Ang KJ mo naman."
Binitiwan na rin siya ni Eugene at mabilis nitong kinuha ang phone na nasa nightstand, sa kanang gilid lang ni Divine. Napalingon ang dalaga sa kamay ni Eugene na nakatukod sa kama at binubuksan ang phone nito, walang pakialam kung makita man niya ang gagawin nito roon.
Naiilang si Divine sa puwesto niya. Namamaluktot siya roon habang nasa itaas lang niya si Eugene na nakatukod ang mga braso sa kama bilang alalay sa bigat ng katawan nito.
Sinilip niya ang phone nito at nangasim agad ang mukha niya nang buksan nito ang message box kausap ang secretary niya.
Halos lahat ng text, puro lang kay Eugene, wala man lang ka-reply-reply sa left side ng chat.
"Papagalitan ko si Vanessa, hindi ka nire-reply-an," sabi ni Divine kay Eugene.
"You don't have to. I'll get your number na lang, para kapag ikaw na ang hindi nag-reply, wala kang mapagagalitang iba."
Sinisilip na lang ni Divine sa gilid ng mata niya si Eugene na nasa ibabaw lang niya at nakatingin din. Ipinagpapasalamat na lang niya na naka-T-shirt ito, hindi siya mahihiyang lumapat ang katawan nito sa kanya.
"I used to greet my mom a good morning with a kiss," sabi ni Eugene.
"Hindi mo 'ko mama," seryosong sagot ni Divine na sina-side-eye na lang si Eugene dahil hindi siya makahilata nang deretso.
"I know."
"Pero puwede mo rin naman akong i-kiss," dugtong ni Divine. "Tapos kapag na-activate ang fight or flight response ko, sasampalin na lang kita gamit ang isandaang porsyentong lakas ko. But, at least, may kiss ka."
"Hahahaha!" Napabuga ng halakhak niya si Eugene at ibinagsak ang sarili sa kama, hindi inaasahan ang isinagot sa kanya ni Divine. "Fine. No kisses muna until the wedding," natatawang sabi ni Eugene at bumangon na.
"Ayaw mo talaga ng kiss?" tanong pa ni Divine nang sundan ng tingin si Eugene.
"Hindi kita mama," balik na sagot ni Eugene at nilingon ang dalaga. "Bangon ka na diyan. Tatawagan ko si Uncle Jun kung saan ka puwedeng i-pick up."
"Tss! Ginawa n'yo pa 'kong parcel! Hmp!"
♥♥♥
Next Wattpad update,
kapag natapos na ang buong novel sa advanced updates sa Telegram.
Ending na po ni Eugene sa October 8 sa exclusive channel.
You can avail the advanced chapters (and full novel version) for 150 pesos.
Chat lang po kayo sa Telegram, t.me/lenareacts if interested kayo.
Join po kayo sa t.me/TambayanNiLena sa Telegram kung nais ng spoilers. Pero kung ayaw n'yong ma-spoil, don't join para hindi kayo magreklamo na puro ako spoiler doon, hahaha
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top