Chapter 42
Ibang klase ang pagod ni Eugene pagbaba nila mula sa kung saang kapatagan na hindi niya alam na nag-e-exist pala sa mundo. Nagtanong pa siya kung puwedeng dumaan sa shortcut. Pumayag naman si Theo. Pero namaos na lang siya kasisigaw nang magbangka sila at nagpaanod sa malakas na agos ng tubig sa mahabang ilog.
Nakapag-water rafting na siya noon at kompleto sila sa safety gear. Kaya halos isumpa na niya ang buong lugar dahil nakabangkang kahoy lang sila, siya lang ang may life vest sa limang nasa bangkang kasama niya, mukha pang uulan na ipinagpapasalamat niyang hindi natuloy, nasira pa niya ang kahoy na upuan ng bangkero kaka-panic, muntikan pa silang tumaob sa gitna ng batuhan, at kahit na forty minutes lang ang itinagal bago sila makarating sa bayan, hinding-hindi na siya uulit pa sa pagdaan sa mga shortcut kahit na kailan.
Sa sobrang pagkabalisa niya sa umagang iyon, nakisuyo na lang siya kay Theo na ipag-drive siya hanggang Makati dahil wala na talaga siya sa huwisyo pagbaba ng kabayanan.
Nakakawala ng stress sa kapatagan pero nakakapuno naman ng trauma pagpunta at pag-alis.
Umuwi na si Eugene sa condo niya suot ang windbreaker jacket at jogging pants na ipinahiram sa kanya sa center. Umaga sila nakaalis pero alas-kuwatro na siya ng hapon nakauwi. Hindi nga siya makapaniwalang maglalakad siya sa lobby ng condo na nakapaa dahil nasira ang loafers niya nang sinubukan niyang ilakad sa batuhan pababa ng ilog.
Pagtapak niya sa loob ng unit, una agad niyang nasilayan si Divine na nakasuot ng sweater niya, wala na namang pang-ibaba, at hawak ang mug niya.
"Pfft! HAHAHAHA!"
Sumimangot na lang siya at pagod na pagod na tumungo sa sofa bago ibinagsak ang sarili roon.
"Saan ka galing?" natatawang tanong ni Divine.
"I went from hell to heaven, and hell again! My God, Divine." Kinuha niya ang malambot na unan ng sofa at niyakap. "I'm tired!"
Inilabas niya sa kunwaring pag-iyak ang frustration sa naging biyahe niya.
"Tumawag si Kuya Theo. Ano'ng ginawa mo sa center?"
Kunwaring humagulhol si Eugene nang maalala ang naging paglalakbay niya pag-akyat at pagbaba roon.
"Hahahaha! Ayan, sinasabihan ka kasing huwag pupunta, makulit ka pa."
"Nakakapagod!"
Tawa lang nang tawa sa kanya si Divine habang namamapak ito ng cookies at tinimplang chocolate drink. Nagsumiksik pa ito sa sofa kung saan siya nakahiga kaya napapaling siya patagilid para lang magkasya sila.
"Umuwi ka raw kahapon," sabi ni Eugene nang paurungin si Divine malapit sa bandang dibdib niya. Niyakap niya ang baywang nito gamit ang kaliwang braso saka niya sinilip ang mukha nito mula sa gilid.
"Yeah, akala ko nga, nandito ka sa unit," sagot nito.
Napasimangot na naman si Eugene nang maalala ang sermon sa kanya ng Lola Tessa niya.
"Umuwi ka muna. Hintayin mo na lang ang asawa mo sa inyo. Uuwi rin 'yon."
Pero hayun siya at nagsasariling desisyon. Naisip niyang dapat talaga ay nakinig na lang siya sa lola niya.
"How was your trip?" natatawang tanong ni Divine.
Bumusangot na naman si Eugene. "The struggle is real."
"Hahaha! Ang pabibo mo kasi, wala namang nag-uutos sa 'yong umakyat ng bundok."
"Ayoko nang bumalik do'n," sumusukong sabi ni Eugene. "Moral support and other things na lang i-request mo, Mine. Akala ko talaga, hindi na 'ko makakauwi."
"Kapag kasi sinabihan kang huwag pumunta, huwag nang pumunta. Hindi rin marunong makinig, e."
"Gusto lang naman kitang makita." Isiniksik na lang niya ang mukha sa baywang ni Divine at dinama ang kaunting init ng katawan nito.
"O, nakita mo na 'ko. Happy ka na?" pang-asar ni Divine. Tumango naman si Eugene habang nakasiksik pa rin sa kanya. Natawa na lang tuloy siya rito. "Take your rest. Dito lang muna ako."
Sinusukat ni Eugene kung hanggang saan nga ba niya kayang panindigan ang nararamdaman niya para kay Divine.
Nagkasukatan na sa pag-akyat niya ng bundok, at tanggap na niyang hindi niya talaga ito puwedeng dalawin doon. Noong sinabi ni Divine na basta hindi ito puwedeng dalawin, tinanggap na lang niya ang basta nito. Noong nalaman niya ang sagot kung bakit hindi puwede, nagsisi lang siya sa naging desisyon niyang alamin ang sagot sa basta na iyon. Ang usapan lang naman kasi ay dadayo sa farm. Hindi naman niya alam na nasa liblib pala ang farm na dadayuhin nila.
Pero ikakatwiran naman niya na literal na susuungin niya ang ilang bundok at ilang ilog para lang makita ang asawa niya. Ike-credit na niya iyon sa sarili niya—experience.
Pagdating tuloy ng dinner, mas marami na silang napag-usapang dalawa kompara noong mga nakaraang dinner nila. At gaya ng dati, nasa sala na naman sila, magkaharap at nakabalagbag ng upo sa iisang sofa habang nagtitipid na naman sa mga damit.
"Okay na talaga kayo ng ex mo?" usisa ni Divine.
"Okay naman kami. Kayo lang naman ang hindi okay para sa 'ming dalawa."
"Siyempre, invested kami! Natural, magre-react kami, duh!"
Ngumiwi lang doon si Eugene at sinubuan na lang ang asawa niya ng baked sushi na ibinalot niya sa nori. "Okay na kami ni Chamee kasi gusto na lang naming maging okay para sa isa't isa. Saka kung meant to be naman kami, hanggang dulo, kami pa rin naman, right?"
"Sinumbatan mo siya? Sinumbatan ka niya?" nakangising tanong ni Divine.
"Walang ganyan. Please, ayoko na ng sumbatan."
"Bakit hindi ka nanumbat? Bakit hindi rin siya? Wala? Umay na?"
"Wala na rin namang sense manumbat. After all, both naman kaming may kulang, both din kaming may inilaban. In-accept na lang namin 'yon. Wala na, e. Saka happy naman na kaming dalawa kahit magkahiwalay na kami. Feeling ko nga, mas happy siya na hiwalay kami."
"Ikaw? Happy ka ba?"
Sumimangot lang si Eugene. "Umakyat ako ng bundok for you! Nag-water rafting ako nang hindi ako mentally prepared! Mukha ba 'kong happy, ha? Look at me and tell me na happy ako."
"Hahahaha!" Naipadyak ni Divine ang mga paa dahil damang-dama niya ang sama ng loob ni Eugene sa pinagdaanan nito, makita lang siya. "Bakit ka nga kasi umakyat ng bundok, wala namang nagsabi sa 'yong nandoon ako!"
"Nandoon ka, umuwi ka lang agad bago ako nakarating!" sumbat ni Eugene sa kanya.
"Haha—" Natigil sa pagtawa si Divine. "Well, technically, yeah. Been there. Nagpahatid kasi sa Baguio si Mama, so nag-check ako ng center bago bumaba ng Manila. But still! Hindi pa rin kita pinapunta sa bundok, duh! Not my fault. Own it kasi bida-bida ka."
"That was enough of an experience," masungit na tugon ni Eugene sabay subo ng sushi niya na inipit niya sa gilid ng pisngi saka nagsalita. "I love you, and I will catch a bullet for you, but I will never go back to that place again unless naka-helicopter tayo." Saka siya nagpatuloy sa pagnguya.
"See! I knew it!" Napapalakpak si Divine saka itinuro ang asawa niya. "You're just a spoiled brat trapped in a man's suit!"
"You can never change my mind, Miss Lee." Idinaan na lang ni Eugene sa pagnguya ang desisyon niyang hindi na ulit dadayo sa iba pang community na pinupuntahan ng asawa niya maliban kung emergency na.
Tawa lang nang tawa si Divine at hindi na makakain nang maayos sa bawat reklamo ni Eugene. Halatang masama ang loob nito dahil iba pala ang dadayuhin sa tipikal nitong pinupuntahan.
"Grabe, sobrang dami ng leeches doon! I mean—basta, marami! Magpapa-check up nga ako bukas, baka kasi bigla akong magkasakit or something."
"Napakaarte talaga ng Eugene Scott na 'yan."
"Hindi 'yon kaartehan, Mine. Siyempre, mahirap nang magkasakit, di ba? Prevention is better than cure."
"Doon lang naman sa paanan ng bundok maraming linta," sabi pa ni Divine habang ngumunguya at padampot-dampot ng tempura.
"I think, doon lang din talaga. Tapos sa bamboo bridge! My God talaga. Yung pag-rattle n'on habang tumatawid kami. Lord, help, please!"
"Hahaha! Mabigat ka kasi! Ako, hindi naman nag-she-shake yung tulay kapag tumatawid ako."
"Kahit pa! Sobrang dangerous kaya n'on! Siguro, yung nagustuhan ko lang, yung sa cave. Although lumusong pa rin kami sa tubig kasi medyo mataas yung freshwater doon sa part na 'yon, pero ang ganda sa loob lalo n'ong inilawan ko ng flashlight."
"Maganda talaga doon. Dati, tourist spot 'yon. Isinara lang temporarily kasi yung kabilang bundok na kahati ng cave, nagka-landslide last December. For safety muna kaya hindi pa siya bukas sa mga turista."
"Oh . . . pero bukas siya sa mga local."
"Yeah. Basta yung mga kabisado yung daan doon."
"Bakit hindi ka gumagamit ng helicopter kapag pumupunta ka roon?" usisa ni Eugene.
"Hindi mo kasi makikita ang problema kung nasa comfortable place ka," tugon ni Divine at makahulugan ang tingin nang sulyapan siya. "Yes, puwede akong gumamit ng helicopter any time. But the objective of walking there on foot is to see how difficult it is to travel on foot. Kaya nga kami nakikipag-coordinate sa LGU, NGOs, and other sponsors para mapatayuan doon ng sturdy footbridge at hindi na mag-rely palagi sa bamboo bridge na laging nasisira every quarter of the year." Nagkibit ng balikat si Divine. "Yes, puwede kang magreklamo nang magreklamo. Mag-rant ka sa 'kin kung gaano kahirap umakyat doon. Pero sa perspective ko, nagrereklamo ka kasi may problema. Bababa ka rito sa city na iniwan mo ang lugar na may problema. At kaya ako bumabalik doon, kasi may problema na need ng solution. Nandoon ang calling ko. Dito sa city, wala namang may kailangan sa akin dito. Pero sa 'yo, maraming may kailangan sa 'yo rito. Kaya nga hindi kita pinapupunta roon."
"Sorry if I can't be there for you any time you need me," malungkot na sabi ni Eugene sa asawa niya.
Pero imbes na malungkot din. Ngumiti lang si Divine kay Eugene. "You don't have to be there for me all the time. Huwag mong paiikutin sa 'kin ang mundo mo. Live your own. Sabi ko nga sa 'yo, hindi tayo pareho ng pacing sa buhay. Kapag sinabayan mo 'yon, mahuhuli ka lang. Kapag sinabayan kita, mapapagod lang ako. Hindi beneficial sa ating dalawa na laging magkasama."
"Okay lang sa 'yo kahit magkaiba tayo ng path?" malungkot na tanong ni Eugene nang titigan sa mga mata ang asawa niya.
"We may be taking different paths, but we're living in the same home. Kahit ilang kalsada pa ang daanan mo, kahit ilang bundok pa ang dayuhin ko, uuwi at uuwi pa rin tayo rito, and that's what really matters."
Hindi nakasagot si Eugene. Sobrang nagpapasalamat siya na nag-asawa siya ng understanding at open-minded na babae. Iniisip pa lang niya kung iba ang gusto at demand nito na hindi niya kayang maibigay, nahihirapan na siya. Pero wala naman itong ibang hinihiling sa kanya kaya masaya na siya na kahit saan man ito pumunta, sa kanya pa rin ito uuwi.
Kinabig na lang ni Eugene ang balikat ni Divine para dampian ito ng halik sa noo. "I love you, Mine . . ."
Humagikhik lang ito at agad na lumayo para lang pisilin ang magkabilang pisngi niya. "You are so dramatic."
"Hmp!" Ngumuso lang doon si Eugene para kunwaring nagtatampo. "Baka napipilitan ka lang sa 'kin kahit bad boy talaga ang gusto mo. Sorry ka, hindi bad boy ang asawa mo."
"Hahahaha!" Mabilis na dinampian ni Divine ng halik sa labi si Eugene saka siya nakangiting umatras para titigan ito. "You can't fool me, Mr. Scott. You're just a bad boy on a leash." Tumakas agad ang makahulugang ngisi sa labi ni Divine. "Believe me . . . I know one when I see one.
The end of Eugene's POV
TEN TIMES WORSE STATUS: COMPLETED
PROLOGUE43 CHAPTERS
EPILOGUE
3 SPECIAL CHAPTERS
You can avail of the advanced chapters (and the full novel version) for 150 pesos.
Chat lang po kayo sa Telegram, t.me/lenareacts if interested kayo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top