Chapter 40


Hindi na pinaabot ni Eugene ang pagtapos ng meeting nina Aki. Inihatid lang niya si Carmiline sa lobby ng building kung nasaan ang mga kasama nito saka siya umalis para doon muna umuwi sa bahay ng daddy niya.

Gumaan ang pakiramdam niya kahit paano nang makausap si Carmiline, pero hindi pa rin kasi niya nakakausap ang asawa niya kaya pakunsuwelo na lang ang pag-uusap nila ng ex niya.

Pag-uwi niya sa bahay ng mga magulang, naabutan pa niya si Leo na nagtitimpla ng gatas. Malamang na para sa mama niya iyon dahil nasa malaking baso.

"Saan ka galing?" tanong ni Leo. "Wala pang tumatawag, may magre-report ba ng damage na gawa mo?"

"Wala akong ginawa, Dada," sabi na lang ni Eugene at dumeretso sa kusina.

"Sigurado ka?"

"Wala nga po."

Kumuha pa ng isang baso si Leo na sigurado si Eugene na para sa kanya naman. Hindi naman kasi mahilig sa gatas ang daddy niya.

Pumuwesto siya sa likod ni Leo para yakapin ito mula roon. Ibinalot niya ang mga braso niya sa baywang ng ama at idinantay ang pisngi sa balikat nito. Napakalalim na buntonghininga ang nagawa niya habang pinakakawalan ang lahat ng pagod niya sa araw na iyon—kahit pa buong araw lang naman siyang humiga at gabi na lumabas ng condo unit.

"Nahihirapan ka na ba?" usisa ni Leo habang nagtitimpla ng gatas para sa panganay niya.

"Dati pa naman, Dada."

"Ayaw magpakita ng asawa mo. Alam kong mahirap talaga 'yan. Pero huwag kang gagawa ng ikapapahamak mo kahit sobrang hirap na," paalala ni Leo. "Ayokong gumagawa ka ng eskandalo sa kung saan-saan. Kung magagalit ka, dito ka magalit. Walang magrereklamo sa 'yo rito."

"Dumaan ako sa San Juan kanina . . ." kuwento ni Eugene.

"O, ano'ng ginawa mo ro'n?"

"Nagpahangin," simpleng sagot niya. "Nakita ko si Chamee. May meeting daw sina Tita Mat doon sa business center."

"Nag-usap kayo?"

"Yeah."

"Ano'ng sabi sa 'yo?"

"Wala naman. Tinanong ko lang kung bakit kami nag-break. Same naman kami ng sagot. Pero okay naman kaming dalawa. Kayo lang naman ang nagsasabing hindi."

"Wala naman kaming sinasabi."

"Hmm, wala raw. I doubt that. Si Ninang Mel nga, sobra makatsismis."

"Ninang Mel mo 'yon."

"Ikaw rin kaya, Dada."

Masama pa ang loob nang lingunin ni Leo ang anak. "Ano'ng pati ako?"

Natawa na lang si Eugene kahit may pait sa tawa niya. "Dada, miss ko na si Divine. Tawagan mo naman si Uncle Jun, baka puwedeng madalaw asawa ko."

"Wala nga raw sa kanila, sabi ni Julio. Galing ka na ro'n, di ba?"

"Baka kasi tinatago lang nila, Dada."

"Nakausap ko na si Julio. Kung ayaw magpakita ng anak niya, hindi rin niya 'yon makikita. Si Lola Tessa mo ang kausapin mo. Siguradong hindi mahihindian 'yon ni Divine."

Napaderetso agad ng tayo si Eugene nang maalala ang lola niya. "Yeah! Si Lola!"

"Ay! Tumigil ka diyan. Bukas ka na mag-lola-lola diyan, gabi na. Baka ikaw ang palayasin ni Tita Tess kapag ngayon ka pa dumayo sa kanila." Tinapik ni Leo ang kamay ng anak na nakabalot sa bandang tiyan niya. "O, maggatas ka. Dito ka ba matutulog?"

"Um-hmm."

"Aayusin ko lang yung kama mo sa itaas. Ubusin mo na 'yang gatas mo at matulog ka muna. Bukas ka na maglamierda sa kung saan."

Natawa na lang si Eugene. "Thanks, Dada."

Buong gabing tinititigan ni Eugene ang message thread nila ni Divine. Sa fifty messages na ipinadala niya, isa lang lang reply nito. Like icon pa. Sa mga sumunod, wala na. Tinadtad na lang niya ito ng text kahit wala siyang natatanggap ni isang reply.

Nakatitig siya sa huling message niya rito. Picture nila ni Carmiline at may follow-up text na, Bati naman kami nito eh. Hindi niya raw need ng sorry. Uwi ka na, please? Miss na kita. :'(

May kung ano sa damdamin niyang hindi makapaniwala na darating din pala ang araw na masama pa rin ang loob niya habang nakatingin sa picture nila ng ex-girlfriend niya, pero hindi dahil ang ex niya ang dahilan ng sama ng loob niya kundi dahil ayaw siyang reply-an ng asawa niyang ang daming demand.

Ilang oras lang ang tulog niya at madaling-araw pa lang, kumakatok na siya sa kuwarto ng mga magulang niya para magpaalam.

"Dada . . ."

Ilang mahinang pagkatok pa at nagbukas na ng pinto si Leo. "Hmm?"

"Alis na 'ko, Dada," paalam niya.

"Saan ka pupunta?"

"Kina Lola Tessa."

Bored na bored ang tingin ni Leo nang silipin ang dulong bintana sa hallway ng second floor. Ang dilim pa.

"Mag-almusal ka muna," sabi na lang ni Leo.

"Doon na lang ako kina Lola kakain."

Mabilis na umikot ang mga mata ni Leo at hindi pa nagsisimula ang diskusyon nila ng anak, napapagod na agad siya.

"Magpaalam ka na lang sa mama mo," pagsuko ni Leo.

"Okay." Pinapasok na siya ni Leo sa loob ng kuwarto at nakangiting nilapitan ang mama niyang nakabangon na sa kama kahit nakapikit pa. "Good morning, Mimy." Hinalikan niya sa noo ang mama niya at saglit itong niyakap mula sa gilid. "I'll go ahead na. Call ako later."

"Take care, baby. I love you."

"Love you, too." Paglayo niya kay Kyline, matipid lang siya nitong kinawayan bago ito bumalik sa paghiga. "Call ako mamaya, Dada," paalam niya at tinapik sa balikat ng daddy niya.

"Huwag kang gagawa ng kalokohan, ha? Baka mamaya, sa police station na kita dalawin."

Natawa tuloy nang mahina si Eugene. "I can't do that. Lalo kong hindi makikita ang asawa ko."

"Dapat lang. Sige na, ingat sa pag-drive."

"I will. Thanks, Dada."

Pangatlong araw na wala ang asawa ni Eugene at para bang sobrang tagal ng oras dahil ngayong araw pa lang sana uuwi ang asawa niya gaya ng napagkasunduan na sa kanya muna ito titira nang tatlong araw.

Papasikat pa lang ang araw nang makarating siya sa mansiyon ng mga Dardenne. Naabutan pa niyang nag-aalmusal ang lola niya kasama si Connor. Sa haba ng dining table, ramdam ang kawalan ng mga tao sa mansiyon nang ganoong oras.

"Good morning, Lola," bati ni Eugene at napataas agad ang dalawang kilay ni Tessa Dardenne nang magulat sa kanya. "Where's Daddy Ric?"

"Nasa jogging kasama ng kapitbahay. Ang aga mo. May nangyari ba?" Nakasunod lang ang tingin ni Tessa kay Eugene matapos siya nitong halikan sa tuktok ng ulo.

"We'll talk about that later po," sabi na lang ni Eugene at naupo sa kabilang gilid ng puwesto ng lola niya, katapat ni Connor. "Tapos na vacation n'yo nina Carlisle?" usisa niya sa anak nina Rico.

"Yeah. Enrollment na kasi, Kuya. Sabay kaming mag-e-enroll ni Ramram."

"Oh, I see."

Hindi alam ni Eugene ang mararamdaman para kina Connor at Damaris. Naalala niyang sabay rin sana sila noon na mag-e-enroll ni Carmiline pero nauna na ito.

Magkaiba naman ang kurso nina Connor at Damaris pero palagi pa ring magkasama ang dalawa. Hindi pa kasi ipinanganganak si Connor, sigurado na sina Melanie at Jaesie na ipakakasal ang mga ito pagdating ng tamang oras. Malapit nang mag-22 si Connor. Kung tutuusin, puwedeng-puwede na silang ikasal ni Damaris, pero magtatapos nga raw muna ng pag-aaral ang dalawa. Hindi lang din siya sigurado kung gusto ba talaga ng mga itong magpakasal.

Naalala na naman tuloy niya ang babaeng pinakasalan niya. Nangako si Divine na doon daw muna ito titira sa kanya pagdating ng June dahil pasukan na, pero hayun at ayaw naman nitong magpakita sa kanya.

Ipinaghain siya ng almusal at sumabay sa maglola. Alas-siyete pasado na siya nagkaroon ng pagkakataong makausap nang sarilinan ang Lola Tessa niya.

"Sumugod ka raw kina Julio," panimula nito nang maiwan silang dalawa sa poolside habang nagtsa-tsaa ito.

"Gusto ko lang namang makita ang asawa ko, Lola," malungkot na sabi ni Eugene.

"And you've caused a scene for that?"

Hindi nakaimik si Eugene.

"Kung kailan ka tumanda saka tumigas ang ulo mo. May gusto ka bang patunayan?"

"I just felt that I had to do something to bring her back."

"And shouting in their house would bring her back?"

"I guess I'm tired of accepting answers without valid reasons. Ayoko na pong tumanggap ng sagot na basta without proper explanation kung bakit 'yon nangyayari o bakit bawal akong magtanong tungkol sa kahit anong bagay."

Idinaan na lang ng Lola Tessa niya ang pagsagot sa buntonghininga bago sumimsim ng tsaa. Sandaling nangibabaw ang katahimikan sa kanilang dalawa at hinayaan na lang niyang matahimik sila habang nakatanaw sa mga punong nasa dulo ng pool area.

"Si Divine . . ." pagbasag ni Tessa sa katahimikan nila. ". . . four years ago pa dapat kayo ikinasal."

Napasulyap agad si Eugene sa lola niya dahil sa inamin nito.

"Honestly, ang plano lang naman para sa kanya, makahanap ng lalaking aalagaan siya dahil sa sakit niya. That was all. She was meant to marry Luan. But your brother was far from what Julio wanted for her daughter."

Naalala niya tuloy ang biglaang pag-arrange ng kai shao nila ni Divine noong nagbago ng isip ang mga Scott at siya ang ipinalit sa puwesto ng kapatid niya.

"Kinausap kami ni Julio na sana'y anak na lang niya ang mapili mong pakasalan dahil kumpiyansa siya na maaalagaan mo ang anak niya nang maayos. Isa 'yon sa mga ikinatatakot niyang mangyari noon . . . na maiiwan niya ang anak niya sa lalaking hindi naman mamahalin si Divine gaya ng pagmamahal niya sa dalaga niya."

Naibuga na lang ni Eugene ang bigat sa dibdib nang maisip ang tungkol sa sakit ng asawa niya.

"Pero noong ina-arrange na ang kasal ninyo, humindi agad si Divine. Tinanong pa namin siya kung bakit ayaw niyang magpakasal . . ." Natawa nang mahina si Tessa habang nakatanaw sa malayo. "Hindi raw kasama sa usapan na magpapakasal siya. Ang sabi lang daw kasi sa kanya noong kai shao ninyo, kakain lang daw sila ng dinner ng pamilya niya kaya pagkain lang din ang inasahan niya sa event."

Hindi na naiwasan ni Eugene ang matawa. Nasapo na lang niya ang noo nang mapailing dahil hindi makapaniwala sa kuwento ng lola niya. Pero hindi na rin siya nagtaka kung iyon ang naisip ng asawa niya.

"We didn't expect that," dugtong ng lola niya at bahagyang ngumiti. "Kaya nga biglang sumingit si Tanya saka si Sandy. Hindi naman dapat sila ilalagay sa choices kung umpisa pa lang, pumayag na si Divine sa kasal."

"I couldn't count how many times I asked why you always ignored Tanya kahit nasa option naman po siya."

"Because I know na gagawin ka lang trophy ng pamilya niya," deretsong sagot ng lola niya na hindi niya inasahan. "It's always a business for them. Kaya nga sabi ko sa daddy mo, puwedeng magaganda at matatalino ang mga 'yan, pero hindi pa rin tayo dapat makampante sa maganda at matalino lang."

"Why did you pursue Divine, Lola? This time ba, malalaman ko na ang sagot?"

Ngumiti lang ang lola niya nang sulyapan siya, nagpapahiwatig ng magandang balita. "She's reckless and impulsive . . ."

"But she's smart, I know. Kabisado ko na sa sobrang paulit-ulit na sagot mo, Lola, sorry," dagdag ni Eugene.

Napahalakhak tuloy ang lola niya dahil doon. "Controlled na tao sina Tanya at Sandy. They're always eager to please their relatives. They're working hard to keep their families in good standing. Si Divine? Walang expectations sa kanya. Everyone looks at her as someone na alagain lang. Noong nag-decline siya sa kasal, sabi ng mga tita mo, okay na si Tanya. Even your Ninong Clark voted for her dahil bagay nga raw kayo. But we were surprised nang lumapit si Divine kay Shin, nagtatanong kung puwedeng mag-sponsor ang Red Lotus para sa projects niya."

"Kaya ba boto si Tita Shin sa kanya?"

"Shin is a wise woman. She will never invest in anyone she thinks of as a liability. Hindi naman siya agad napapayag ni Divine. Pinatunayan pa rin ng asawa mo na deserving siyang suportahan. And we know that Divine is far from perfect, like Tanya or Sandy." Nakangiting lumingon sa kanya ang lola niya. "She might be reckless and impulsive . . . but she's smart. Yes, may Bipolar Disorder siya, and that was a possible cause for the wedding to be called off, but she can manage herself better than anyone else. And those who can control their demons are to be feared."

Napapikit-pikit na lang si Eugene nang mapansin ang kakaibang ngiti sa kanya ng lola niya.

"Trust me, darling, hindi mo kailangang mag-alala sa asawa mo," dugtong ni Tessa. "Don't underestimate your wife. Siya ang pumili sa 'yo kaya hindi mo siya kailangang hanapin. Kusa siyang magpapakita sa 'yo kapag alam niyang kailangang mo siyang makita. At this point, believe me, hindi ikaw ang nagbabantay sa asawa mo. Asawa mo ang nagbabantay sa 'yo."


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top