Chapter 39


Ayaw pauwiin ni Leo si Eugene. Iniisip nila ni Clark na baka roon sa unit nito magwala at ireklamo ng HOA. Nasa lobby lang ng office ng lending business nila si Eugene habang nasa labas si Leo at kinakausap si Divine sa call.

"Ano ba kasi'ng pinag-awayan n'yong dalawa?" usisa ni Leo, namamaywang habang pinanonood ang apo niyang tumakbo sa kalsada. Nagmuwestra pa siya kay Luan na alalayan ang anak nito dahil baka madapa at masugatan ang tuhod.

"Wala po ba siyang sinabi sa inyo?" tanong ni Divine.

"Ang sabi lang niya, tinatanong mo raw siya kung bakit sila naghiwalay ni Carmiline."

"Yes, that's the reason po."

"Sinagot ka naman daw."

"He said, hindi raw niya alam," sagot ni Divine. "Pa, if maging honest siya sa kahit anong reason, I'll accept anything."

"Puwede ko bang malaman kung para saan itong mga tanong mo, Divine?"

Akala ni Leo, isa ring matatahimik si Divine kapag inusisa, pero naalala niyang madali nga pala itong kausap.

"Ayoko ng emotional baggages. 'Yon lang 'yon, Pa," deretsong sagot ni Divine, walang alinlangan. "Kasi no'ng nagpakasal ako sa anak mo, sigurado ako sa sarili ko na kaya kong unawain ang lahat ng emosyong mararamdaman ko. Mabuti, masama—kaya kong pangalanan ang lahat ng gusto kong mangyari at lahat ng nararamdaman ko kahit gaano pa ako ka-unstable. Kaya huwag niya akong sasabihan na hindi niya alam kung bakit sila naghiwalay ng ex niya, kasi hangga't hindi niya ina-acknowledge 'yon, lahat ng sasabihin niya, hindi ko tatanggapin."

"Divine, anak, baka puwedeng intindihin mo na lang si Eugene."

"Paano ko siya iintindihin kung sarili niya mismo, hindi niya maintindihan? Inuutusan ko siyang kausapin si Carmiline para malaman niya ang sagot doon sa tanong ko, ayaw niyang gawin. Sino ba ang dapat sumagot doon? Kayo ba?"

Pinandilatan na lang ni Leo ang kalsada habang minamasahe ang noo. Umaatake na naman ang stress niya.

"Anak, mahirap naman kasing manghimasok sa buhay nilang dalawa . . ."

"Pa, huwag na tayong maglokohan dito," putol ni Divine kay Leo. "Mahirap manghimasok? Kung gano'n kahirap manghimasok sa buhay nilang dalawa, bakit ako nakakarinig sa kanila mismo na kasalanan ng pamilya ninyo kaya hindi naging maganda ang relasyon nilang dalawa? Paanong mahirap manghimasok kung ngingialam kayo noon pa? Bawal daw pumunta si Carmiline sa family gatherings kasi sabi n'yo, ano 'yon?"

"Hindi naman sa bawal, anak. Ayaw lang naming mapagsasalitaan si Carmiline ng masasakit na salita nitong mga kamag-anak ng mama ni Eugene kaya namin hindi pinapupunta. Walang kasalanan si Eugene doon. Kami ang may utos n'on . . ." mahinahong paliwanag ni Leo habang hina-hotseat siya ni Divine kahit nakatayo siya.

"Kayo pala ang may utos, bakit sasabihin n'yo sa 'king mahirap manghimasok, e nanghimasok naman pala kayo? Huwag nga kayong selective."

Si Leo ang hindi makaimik kay Divine. Gusto sana niyang pagsabihan na bakit pinagtataasan siya ng boses kaso baka bumalik sa kanya dahil sinisigawan din naman siya ni Luan.

"Papa, si Eugene, sigurado akong masunurin 'yan sa pamilya. Kasi kung talagang may sariling kalayaan 'yan, magpapakasal ba 'yan sa 'kin?" naghahamon nang tanong ni Divine. "Yung kapatid nga niyang mas bata, nag-asawa ng labas sa status ng so-called requirements ng pamilya. Kung ako ngang mapapangasawa niya, nagawang i-delay ang kasal nang apat na taon, so ano siya? Aso na susunod na lang sa mga amo niya basta inutusan siya?"

"Ayaw lang niyang malungkot ang mga lola niya . . ." katwiran ni Leo na labas pa sa ilong niya.

Sarkastikong natawa si Divine. "A, so yung mga lola niya, bawal malungkot pero siya, ayos lang. No'ng sinabi ni Carmiline na people pleaser ang anak mo; alam mo, Pa, hindi ako tumanggi, you know that? Because that's true. Everything na sinabi ni Carmiline, that was true. At ang gusto kong gawin ng anak mo ngayon, kung talagang may bayag siya, magpakalalaki siya. Puntahan niya yung ex niya, tanungin niya kung ano ang naging problema nila, mag-sorry siya, manghingi siya ng maayos na closure, kasi ayokong dalhin ang burden ng past niya na never nilang nai-settle. Ako na ang magkukusang mag-utos kasi nakakahiya naman, e. Parang wala siyang balak ayusin 'yan hanggang ilibing siya."

Pagtalikod ni Leo, nakita niya agad si Clark sa lobby ng opisina nila, sumesenyas mula sa likuran ng glass wall kung ano na ang balita.

Gumawa na lang ng nakabungkos na mga daliri si Leo at akmang ibinato sa bibig para sabihing "nganga."

"Sige, ipapaliwanag namin," nang-aamo na sabi ni Leo. "Ayaw ba siyang kausapin man lang?"

"Kausapin niya 'ko kapag may sagot na siya sa mga tanong ko. At kayo, Pa, please lang, ha? Tigil-tigilan n'yo 'ko diyan sa katwiran n'yong ayaw lang n'yong magalit yung mga kamag-anak n'yo kaya kayo sumusunod. Kasi nakakatanga talaga, Pa, promise," dugtong ni Divine na ikinangiwi na ni Leo. "Kung magalit sila sa ipinagagawa ko sa asawa ko, sabihin nila sa 'kin at dadagdagan ko pa ang galit nila hanggang sa sumabog silang lahat diyan! Hindi naman sila ang nagpapakain sa amin kaya wala silang karapatang magdesisyon! Mga letse sila!"

Nang patayin ni Divine ang call, saka lang nakahinga nang maluwag si Leo sabay paikot ng mata. "Hay, naku, Diyos ko, bakit ba ako pinaliligiran ng sakit ng ulo."

Buryong na buryong si Leo nang pumasok sa loob ng maliit na satellite office nila.

"Hulaan ko: nagalit sa 'yo," sabi agad ni Clark.

"Alam ko na kung bakit paborito 'to ni Tita Tess."

Natawa tuloy si Clark. "Ayaw umuwi kay Eugene?"

"Hindi ko na tinanong," dismayadong kuwento ni Leo nang maupo sa single-seat sofa roon. "Inalok ko ngang kausapin ang anak ko, ako pa pinagalitan, e."

"Ano sabi sa 'yo?"

"Huwag ko raw sabihin na para sa mga kamag-anak namin 'tong kung ano mang ginagawa namin. Nagbanta pa nga. Kung magagalit daw sila, dadagdagan pa niya hanggang sumabog silang lahat."

"Hahahaha! Alam na alam talaga ni Mame ang bagay sa mga anak-anakan niya."

Nilingon ni Leo ang anak niyang balisa pa rin sa mahabang sofa at kanina pa tahimik. "Gene, kausapin mo si Chamee. Kung hindi mo siya kakausapin, hindi ka rin kakausapin ni Divine. Makinig ka na lang sa 'min."

"Lagi na lang akong nakikinig sa inyo, wala namang magandang pinatutunguhan ang buhay ko," pabalang na sagot ni Eugene at pairap na naglayo ng tingin.

Pasimpleng nandilat si Clark sa gilid para lang sarkastikong sagutin ang pagdadrama ng inaanak niya. "E, pa'no nga 'yon, inutos ng asawa mong kausapin si Chamee? Hindi mo gagawin?" buyo niya kay Eugene.

"Bakit ba kasi niya tinatanong?" naiirita na namang tanong ni Eugene. "Gusto niyang malaman na binu-bully nina Tita Honey si Chamee? Na sobrang daming pautos sa 'kin sa Golden Seal na halos hindi na ako umuwi kasi lagi akong overtime? Na bawal akong mag-oppose sa mga decision n'yo kasi wala pa 'kong nararating sa buhay no'ng naghiwalay kami ni Chamee? Sabihin ko na lang sa kanya na, 'Mine, palamunin lang kasi ako before the breakup. Wala akong choice, e. Sila nagpapakain sa 'kin.' Ganyan ba? Acceptable ba 'yang reason na 'yan?"

Tikom ang bibig ni Clark nang salubungin ang tingin ni Leo. Alam din naman nila iyon. Binubuo pa lang nila ang corporate building ng lending company nila noong kainitan ng pagbukod ni Eugene sa kanila.

"Ilang taon din naman akong nagtanong kay Chamee kung saan ba ako nagkulang, sinagot ba 'ko? Saan yung mali? Wala. Saan yung dapat baguhin? Wala pa rin. Nag-enroll siya sa BA nang hindi ko alam. Nag-work siya sa ibang company nang hindi ko alam. Kumuha siya ng Visa nang hindi ko alam. Kung nahihirapan na pala siya, sana sinabi niya agad, para nagawan ng paraan. Hindi 'yong malalaman ko na lang lahat kasi aalis na siya. Paano ka magtatanong sa taong ayaw ka namang sagutin?" Napapunas na lang ng mata si Eugene nang may tumakas na luha sa mga mata niya. "Tapos kapag nagrereklamo ako, bawal din. Bawal magalit. Bawal mainis. Bawal lahat! Ano'ng gusto n'yong maramdaman ko lagi? Dapat masaya lang ako? Sobrang unfair n'yong lahat. Wala na akong tinamaan sa kahit saang gusto n'yo."

Balisa si Eugene habang tutok pa rin sa phone niya. Tinatadtad pa rin niya ng text si Miss Van para lang makausap ang asawa niya.

Ayaw niyang kausapin si Carmiline. Hindi dahil galit siya o masama ang loob. Ayaw niyang kausapin ito sa dahilang dapat siyang humingi ng tawad dahil ilang beses na niya iyong nagawa noon. Humingi na siya ng tawad sa lahat ng nagawa at hindi niya nagawa pero sa ex-girlfriend na niya mismo nanggaling na wala na ring magagawa ang bawat sorry niya para sa relasyon nilang dalawa.

Alam niyang sinira ng pamilya niya ang relasyon nilang dalawa ni Carmiline. Kaya nga hinayaan na lang niyang pamilya na rin niya ang pumili para sa pakakasalan niya—yung babaeng hindi mapagsasalitaan ng masasakit ng mga ito, yung babaeng tanggap ng pamilya niya at hindi ipapahiya, yung babaeng walang magrereklamo kapag iniharap niya sa altar.

May sama siya ng loob sa lahat ng nakapaligid sa kanya habang iniisip kung gaano na kalaki ang isinakripisyo niya para lang maging maayos ang pamilya nila.

Ilang pangako na ang ginawa niya bilang anak ni Leopold Scott. Buong buhay niya, para siyang nagbabayad ng utang na hindi naman siya ang may gawa.

Gustuhin man niyang makiusap kay Divine na kausapin siya kahit ilang segundo lang, pero ito naman ang may ayaw kaya wala na rin siyang magagawa. Wala raw ang asawa niya sa bahay ng mga Lee. Wala rin daw sa probinsiya, sabi ng Ninong Clark niya. May pinuntahan daw ito kasama ang ina at ayaw ipasabi sa kanya kung saan.

Naiisip na lang niyang parang nagpakasal lang siya para sa negosyo, hindi para magkaroon ng asawang makakasama habambuhay.

Nami-miss na niya si Divine, pero ayaw naman siyang kausapin, kaya mas matindi ang sakit na kailangan niyang tiisin.

Pangalawang araw na hindi alam ni Eugene kung nasaan na naman ang asawa niya. Ayaw rin niyang pumasok sa trabaho. Buong araw lang siyang nakahiga. Kinagabihan, sinubukan niyang mag-bar para uminom at makalimot gaya ng ginagawa ng iba. Pero hindi pa siya nakakalayo sa entrance nang mangasim ang mukha sa amoy na nalalanghap niya. Amoy maasim na amoy pawis na amoy paa. Iba pa ang amoy ng alak at iba't ibang pabango. Paglabas niya, bahing lang siya nang bahing at nasagot ang sarili kung bakit nga ba hindi siya kahit kailan naging tambay ng bar.

Gustuhin man niyang maglasing, ang kaso ay hindi naman talaga siya umiinom. Bumili siya ng isang can ng beer pero dalawang lagok pa lang, napapailing na siya para sabihing ayaw niya ng lasa. Bandang huli, napabili na lang siya ng yogurt drink at paisa-isang humihigop sa napakanipis nitong straw.

Napapakamot na lang tuloy siya ng ulo dahil dumayo pa siya ng kabilang city para lang mag-bar tapos mauuwi lang din pala siya sa yogurt drink.

Idinaan na lang niya sa pasyal ang gabi. Dumaan siya sa itinayong outdoor exhibit malapit sa park na katabi ng isang malaking mall. Maraming tao roon at hindi na niya naiwasang isipin na paniguradong matutuwa sa maraming pailaw si Divine. Napabili na nga rin siya ng headband na may butterfly antennae at umiilaw sa dilim ang dulo na kulay orange. Nag-selfie pa siya at sinend sa asawa ang photo kahit alam niyang hindi siya nito re-reply-an.

Nang maubos ang yogurt drink niya, napabili naman siya ng tall-size coffee at naglibot-libot.

Hindi lang niya inaasahang makikita si Carmiline sa isang wooden bench sa ilalim ng mga banderitas. Tiningnan pa niya kung baka kamukha lang pero iyon talaga ang nakaupo roon sa bench.

Napahinto tuloy siya sa paglakad. Nang mamataan siya nito sa pathway, sigurado na siyang si Carmiline nga iyon nang matitigan din siya.

Sobrang habang katahimikan ang namagitan sa kanilang dalawa sa gitna ng maiingay na mga taong dumaraan doon sa exhibit. Ilang sandali pa'y umurong pakanan si Carmiline at tinapik-tapik ang malaking blangkong parte ng bench para alukin si Eugene na maupo.

Malalim na pagbuga ng hininga ang nagawa ni Eugene at lumapit na rin sa ex-girlfriend para tabihan ito. Napansin agad niyang wala itong ibang dala maliban sa phone at wallet. May katabi itong water tumbler na kinuha agad nito para lang masabing may inaabala ang kamay.

Natahimik na naman silang dalawa, kanya-kanyang tanaw sa kung saan-saang bahagi ng exhibit. Ilang saglit pa'y nagtanong na si Carmiline para basagin ang katahimikan sa pagitan nila.

"Asawa mo?"

"Ha? Uh . . ." Napaturo sa kung saan si Eugene. "Sa province. Work."

"Oh. Yung sa livelihood program niya."

"Yeah." Tumango naman si Eugene at ibinalik ang tanong. "Si Kuya Aki?"

Itinuro ni Carmiline ang kaharap na building nila. "May meeting si Mat. Siya muna ang nag-secretary. Mamaya pa raw 8:45 ang tapos ng meeting nila."

"Ah." Napatango naman si Eugene at pasimpleng sumilip sa wristwatch niya. 8:02 pa lang.

Nangibabaw na naman ang katahimikan sa kanila habang tumutugtog ang malakas na speaker na nasa gitna ng platform ng exhibit.

"But if by chance you're here alone.
Can I have a moment before I go?
'Cause I've been by myself all night long,
hoping you're someone I used to know . . ."

"Kumain ka na?" tanong ni Eugene para lang may mapag-usapan.

Matipid na ngumiti si Carmiline. "Kanina, bago mag-start yung meeting nila, nag-dinner muna kami."

"Ah." Tumango na naman si Eugene at panibagong katahimikan na naman ang dumalaw sa kanila.

"I was so scared to face my fears
Nobody told me that you'd be here

And I'd swear you moved overseas
That's what you said when you left me
You still look like a movie
You still sound like a song
My God, this reminds me of when we were young . . ."

Parang isang bagsakang bumalik ang mga alaala ni Eugene noong naghiwalay sila ni Carmiline bago lumubog ang araw. Pero gabi na. Lumipas na ang araw at nangibabaw na ang dilim sa pagitan nilang dalawa.

Pero hindi gaya noon na kada sasagi iyon sa isipan niya ay masasaktan siya, ngayong kasama niya si Carmiline at naalala niya iyon, wala siyang ibang naiisip kundi ang lahat ng sagot sa lahat ng mga tanong niya sa nagdaang sampung taon.

"Chamee . . ."

"Hmm?"

"Bakit hindi nag-work yung sa 'ting dalawa?"

Hindi naiwasang takasan ng tawa si Carmiline at nilingon si Eugene. "Seriously?"

Lumingon din si Eugene, pero nakikita ni Carmiline na wala nang sakit o poot sa mga mata ng lalaki nang titigan niya ito.

"We've got tired of dealing with everyone's fucked-up expectations?" nakangiting tugon ni Carmiline, hindi sigurado sa isinagot. Ibinalik niya ang pagtanaw sa mga pailaw ng exhibit; sa mga naka-display roong malalaking heart at iba't ibang designs. "I mean . . . everyone's tiring to deal with. We were too young back then. Asa pa sa parents. Tanga pa magdesisyon sa buhay."

Natawa na lang din nang mahina si Eugene saka tumango para sumang-ayon. "I thought of the same thing." Nagbuntonghininga siya at tumanaw sa mga pailaw. "I thought . . . maybe we were too young to live on our own kaya lahat ng decisions, hindi natin kontrolado."

"Naka-move on ka na ba?" curious na tanong ni Carmiline. "Tingin ko, naka-move on ka na. Nakakatingin ka na sa 'kin nang deretso nang hindi ka mukhang iiyak."

"Gusto ko ngang umiyak ngayon, e."

Natatawang lumingon si Carmiline sa kanya. "Why? Feeling dramatic ka na naman ba? Miss mo wife mo?"

"Ayaw nga niya akong kausapin."

"Why? Moody?"

"Mag-sorry nga raw ako sa 'yo. Ano'ng sorry pa ba ang gagawin ko?"

"Bakit ka pinagso-sorry sa 'kin?"

"She felt bad kasi nga raw, sinayang ko yung fifteen years mo. Gusto niyang mag-sorry ako sa 'yo."

"Hahaha! That's so weird!" Hindi na naiwasang humalakhak ni Carmiline. "Gusto ba niya ng proof na nag-sorry ka? Huwag kang luluhod sa harap ko, pagagalitan ka ni Aki."

"You wish na luluhod ako sa 'yo. Ikaw nakipag-break, ako pa luluhod? Grabeng oppression na 'yan."

"Hahaha! Ang restrictive!" Napailing na lang si Carmiline dahil sa di-pagkapaniwala. "Just tell her that you've moved on. We've moved on. Okay na 'yon."

"Gusto nga niya ng reason—exact reason why we broke up. Because honestly, I don't know." Nilingon niya si Carmiline na nakangiti sa kanya, gaya noong huling araw na nakita niya ito bago sila naghiwalay. "I want to know . . . why?"

Tumipid ang ngiti nito at sumagap ng hangin bago sumagot. Tumanaw na naman ito sa malayo na para bang nasa langit at mga pailaw ang sagot sa mga tanong ni Eugene.

"We grew up pleasing everyone. I was pleasing you; I was pleasing your family, our friends—everyone around us. Alam mo 'yon? They wanted a perfect couple. Yung matured. Yung ready to handle responsibilities. Fifteen years old lang tayo pero sobrang taas na agad ng expectations nilang lahat sa 'ting dalawa. Nakakawala ng freedom. Nakakasakal. You were hitting their limits tapos damay rin ako. Although we'd worked hard for their blessing, pero wala talaga, e. Ang toxic talaga."

"You know what? Yung fifteen years na 'yon, parang stolen years sa 'ting dalawa," dismayadong sabi ni Eugene kahit pa idinaan niya sa pekeng ngiti. "Parang I was fighting for your rights. I was fighting for us. You were waiting for the right time tapos wala palang right time. Parang lugi talaga tayo."

"It was. Hindi na siya parang. Hindi ko ite-take as parang 'yon kasi I never enjoyed my high school and college life because of those bullshit expectations." Napabuntonghininga na lang si Carmiline at napainom sa tumbler niya nang manuyo ang lalamunan.

"Hindi rin nag-work yung pagbili ko ng condo unit," sabi ni Eugene sabay buntonghininga. "Pinagastos lang ako sa napakaraming bill tapos ang hirap mag-work."

"Magastos pero, at least, may sariling condo unit ka na," pakunsuwelo na lang ni Carmiline. "Gusto ko lang maging optimistic."

"Hindi na rin masama. Although magastos talaga. Tsk! Gusto ko na lang ulit maging twelve years old," nagtatampong sabi ni Eugene. "Parang na-stop yung growing years ko sa age na 'yon."

"Binibigyan ka na kasi ng chance umalis dati, ayaw mo pa."

"Wrong move, right?" sabi pa ni Eugene nang sulyapan ang katabi.

"Yeah. You've missed a lot of good things in life," napapangiting sabi ni Carmiline.

"I love you."

Biglang nangasim ang mukha ni Carmiline nang lingunin siya.

Napakuyom naman ng suot na polo si Eugene sa bandang dibdib sabay ngiwi, umaktong nasaktan sa parteng iyon. "Sumamâ bigla yung pakiramdam ko, a."

"Bakit kasi sinabi, tanga ka ba?"

"Mine-make sure ko lang kung mahal pa kita."

"Hindi mo na 'ko mahal romantically. Ang dami pang drama, e. Aawayin mo nga ako para kay Divine."

Napabusangot na naman si Eugene nang marinig ang pangalan ng misis niya.

"Miss ko na talaga asawa ko." At ayun na naman ang maiiyak na mukha niya habang nakatanaw sa malayo. "Gawa kaya akong prayer circle diyan sa gitna ng stage?"

"Yeah, tapos mag-summon ka ng devil. Ang daming tao ngayon, maraming sacrificial lamb."

"Gusto ko, portal. Yung pagbukas, siya agad makikita ko."

"Grabe, ang hopeless romantic ng wish! Hihiling ka na lang, ang tipid pa."

"Ikaw nga, devil agad," sarcastic pa niyang tugon kay Carmiline sabay simangot. "Ginawa mo pang sakripisyo 'tong mga namamasyal dito. Tama ba namang mindset 'yan, Chamee?"

"Hahaha! Kaya ka nama-manipulate, e. Nagse-settle ka sa okay lang."

Hindi na nawala ang simangot ni Eugene nang irapan ang ex niya. "Pahingi nga ng selfie. Send ko sa kanya. Baka lang magselos, ma-miss din ako agad." Kinuha agad ni Eugene ang phone sa bulsa ng pantalon.

"Hahaha! Seryoso ka talaga, ha?" natatawang sabi ni Carmiline.

"Maging cooperative ka na lang this time. Ikaw, kasama mo si Kuya Aki, paano naman ako?" Pilit ang ngiti ni Eugene nang ngumiti sa camera.

Nag-thumbs up lang si Carmiline na bahagyang nakatagilid para makasama sa selfie ni Eugene. Lalo pa siyang napangiti nang mag-reflect ang umiilaw na antenna sa headband ng lalaki.

"I have a feeling na hindi magseselos ang asawa mo kahit pa makita niya 'yang selfie natin," sabi ni Carmiline.

"Sinend ko na sa kanya. Dapat magselos siya, yung malala," masama pa ang loob na sabi ni Eugene habang tutok sa phone. "Sana mag-reply na siya. Gusto ko na ulit siyang makita."


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top