Chapter 36


Nalilito si Eugene kung ano ba ang ikinagagalit ng asawa niya. Inisip pa niyang baka moody lang kaya lahat ng bagay, kinagagalitan. Pero after lunch, nagulat na lang siya nang biglang magpasabi ang daddy niya.

"Uuwi na raw si Divine," sabi ni Leo habang naghahanda na ang iba paalis.

"Okay, I'll fix her things—"

"Sinundo siya ni Vanessa."

Natigilan si Eugene at napakunot ng noo. "Sinundo? I thought, doon muna siya sa 'kin hanggang Saturday?"

"Uuwi muna siya sa kanila. Sa papa niya."

Natahimik si Eugene, napapikit-pikit na lang habang iniisip pa kung ano ang ibig sabihin ni Leo roon.

"Nag-away ba kayo?" usisa ni Leo. "Tinanong ko kung bakit siya uuwi sa kanila. Ang sabi lang niya sa 'kin, may atraso ka sa kanya. Ano'ng nangyari?"

Napabuntonghininga si Eugene at napahimas ng noo. "Baka hindi lang siya nakainom ng gamot. Kanina pa kasi siya moody."

"Hindi. Tigilan mo 'ko diyan sa ganyang katwiran mo, Eugene. Nag-away ba kayo?" mahigpit nang tanong ni Leo sabay pamaywang.

Napabuntonghininga na naman siya at nagkusot ng mata. "Tinatanong niya kasi ako kung bakit kami nag-break ni Chamee."

"O, ano'ng sinabi mo?"

"Sabi ko, hindi ko alam."

"Paanong hindi mo alam?" naiirita nang tanong ni Leo. "Nag-break kayo ni Carmiline nang hindi mo alam?"

"The list was too long, Dada."

"E, di isa-isahin mo sa asawa mo para maintindihan niya."

"Why do I have to bring it up again?" naiinis na ring tanong ni Eugene. "Chamee's happy with Kuya Aki. We're okay na. Hindi ko lang maintindihan kung bakit kailangang sagutin ko pa 'yang mga ganyang tanong. Wala na rin namang magbabago kahit masagot ko pa, right?"

"Oy, oy, bakit nag-aaway na naman kayong dalawa?" biglang sabad ni Clark na naglalakad palapit sa kanila. "Uuwi na lang, mag-aaway pa kayo. Nakita ko si Vanessa saka yung van ni Julio sa gate. Ano'ng meron?"

"Nag-away yata sila ni Divine," sumbong ni Leo kay Clark nang ituro niya si Eugene.

"Nag-away? Bakit?" Inakbayan agad ni Clark si Leo at tiningnan ang inaanak. "Ano'ng ginawa mo?"

"Bakit ako ang may ginawa?" gulat na tanong ni Eugene.

"Asawa mo yung umalis kaya malamang na ikaw ang may ginawang masama."

"Wala nga akong ginagawang masama, Ninong Clark!" depensa ni Eugene.

"O, bakit mo 'ko sinisigawan?" naghahamong tanong ni Clark. "May ginawa ka talagang masama. Defensive ka na naman. 'Yang mga ganyan mo, alam na alam ko na 'yan."

"Tsk! Wala nga akong ginagawang masama!" naiiritang sagot ni Eugene at naiinis na hinilamos ang palad sa mukha. "Tinatanong niya 'ko kung bakit kami nag-break ni Chamee, what for? Past na 'yon, ibi-bring up pa niya? Kung nako-conscious siya kay Chamee, puwede niya namang sabihin sa 'kin, e!"

Napangiwi lang si Clark kay Eugene. "Gene, kahit sakalin mo 'yon si Divine, hindi 'yon mako-conscious sa ex mo, sinasabi ko na sa 'yo. Ano'ng pinag-usapan n'yo?"

Kamot-kamot na ni Eugene ang ulo at kung saan-saan na tumitingin habang nagpapaliwanag. Sa sahig, sa ceiling, sa malayo—kahit saan basta hindi sa mata ng mga kausap niya.

"She asked kung bakit hindi ko isinasama dati si Chamee sa family gathering natin. I told her na kasi bawal nga si Chamee, sabi ni Lola Tessa."

"Walang sinasabing ganyan si Mame Tess, 'nak," sabi pa ni Clark kay Eugene.

"But that's the gist of it!" pilit ni Eugene. "Kahit din naman kayo ni Dada, ayaw n'yo siyang papuntahin sa gatherings, e!"

"Kaya namin ayaw siyang papuntahin, kasi yung mga kamag-anak ng mama mo, mga walang-hiya," paliwanag agad ni Leo. "Ang punto ni Lola Tessa mo, kaysa pagpiyestahan nilang i-bully si Chamee, mas mabuting huwag na lang siyang pumunta kasi para din sa kanya 'yon. Alam ng lola mo kung gaano kasasamâ ng ugali ng mga tita mo kaya nga pinaiiwas siya para hindi siya saktan ng mga 'yon. Hindi namin sinasabing bawal siyang pumunta. Naiintindihan mo ba?"

Napapailing na lang si Clark sa inaanak niya. "Ginawa mo pang masama si Mame Tess. Ay, nakung bata ka."

"Pero tapos na nga kasi 'yan!" naiiyak at naiinis nang depensa ni Eugene. "Ang point nga kasi, bakit kailangang i-bring up pa ni Divine!"

"Tinanong kasi siya kung bakit sila nag-break ni Chamee," kuwento ni Leo kay Clark.

"Ano'ng sabi nito?" pagturo ni Clark kay Eugene.

"Hindi raw niya alam."

"Paanong hindi alam?" Bumaling agad si Clark kay Eugene. "Akala ko ba, nag-break kayo ni Chamee kasi pupunta na siyang Canada?"

"Sabi ko na rin nga kay Divine! Pero ayaw niyang tanggapin!"

Napakamot ng leeg si Clark sabay tingin kay Leo. "Kahit ako, hindi ko rin tinanggap 'yon, e. Napakababaw naman kasi." Napapangiwi na lang siya nang ilingan ang ama ni Eugene. "Si Ky, nag-tour around the world for three years, hindi ka naman nakipag-break."

"Hindi ko naman kasi siya girlfriend n'on, Clark. Co-parenting pa lang kami."

"Kahit pa. Bihira ka nga lang uwian ni Kyline, lagi pang dala anak mo sa kung saan-saan. Bakit si Ky pa rin?"

"Tingnan mo 'tong anak ko tapos sabihin mo sa 'kin kung bakit si Ky pa rin," pagturo ni Leo sa panganay niya.

"'De, wala. Crush mo talaga ever si Ky, hahaha!" Patawa-tawa pa si Clark nang tingnan si Eugene. "Gene, itong daddy mo, nilaban talaga nito ang mama mo kahit buwisit na buwisit kaming lahat sa mga Chua. Kaya kung ako rin si Divine, lahat ng sasabihin mo sa 'kin, hindi ko rin tatanggapin."

"Ninong, ang point ko lang, kung malalaman ni Divine lahat, para nga saan? Kasal na kami, e. Bakit niya kailangang usisain pa 'yan, e break na nga kami ng ex ko at asawa ko na siya?"

"Eto, Eugene, makinig ka . . ." seryoso nang sabi ni Clark at inalis na ang pagkakaakbay kay Leo. "Si Divine, hindi 'yon magtatanong kapag alam na niya ang sagot. At hindi 'yon magagalit na lang basta dahil lang sinabi mo sa kanya ang totoo. Kasi walang masakit na katotohanan para sa batang 'yon. Kaya kung magalit man 'yon, malamang kasi hindi ka honest sa kanya."

"Pero sinabi ko na nga kasi ang totoo!"

"Totoo na ano? Na hindi mo alam kung bakit kayo naghiwalay ni Chamee?" sarcastic na tanong ni Clark. "Ay, wait! Inutusan ka ba niyang kausapin mo si Chamee?"

"Yes! And mag-apologize daw ako!" tugon ni Eugene. "Para saan pa yung apology? Okay naman yung breakup namin ni Chamee, siya lang yung gustong palakihin pa 'to!"

Nandidilat si Clark nang pumihit paharap kay Leo, gumagawa ng hiwa sa leeg gamit ang magkakatabing mga daliri. "'Tol, wala na 'to. Inutusan na pala, hindi nga lang sumusunod. Kaya pala nilayasan na."

Napahimas na lang ng sentido niya si Leo sabay buntonghininga. "Diyos ko, bakit ba ako nag-anak?" Sinukuan na lang niya ang usapan nila at nakiusap sa panganay. "Gene, mag-sorry ka na lang kay Chamee."

"Mag-sorry?" gulat na tanong ni Eugene. "For what reason?"

"Kung ano yung sinabi sa 'yo ni Divine," mahinahong utos ni Leo. "Sige na, para okay na kayo ng asawa mo."

"Anong ikaso-sorry ko, Dada?! Sorry na nag-break kami? Sorry kasi nag-Canada siya kaso ayaw ko? Bakit ako magso-sorry, hindi naman ako ang nakipag-break? Bakit parang kasalanan ko pa kasi iniwan ako?"

"Kausapin mo si Chamee tapos mag-sorry ka na lang. Para hindi ka na rin awayin ni Divine," segunda ni Clark at tinapik pa ang balikat ni Eugene. "Kasi kung wala kang gagawin, hindi talaga uuwi 'yang asawa mo sa 'yo, sinasabi ko na."

Hindi maintindihan ni Eugene kung bakit niya kailangang mag-sorry kay Carmiline. Ilang taon niyang tinatanong ang sarili kung saan ba siya nagkamali, saan ba siya nagkulang, saan sa mga ginawa niya ang dapat niyang baguhin dahil wala ni isang sagot siyang nalaman sa mga tanong na iyon noong tinatanong niya ang ex-girlfriend niya.

Naghiwalay sila na masama ang loob niya dahil kahit anong tanong niya rito tungkol sa mga bagay na gusto pa sana niyang iligtas, hindi na siya nito sinasagot. At kung sagutin man siya, lagi nitong sinasabi na wala na rin naman nang mangyayari kahit gawan pa niya ng paraan kasi nga, wala nang maililigtas pa sa relasyon nilang dalawa.

Umuwi siya sa condo unit niya nang mag-isa kahit pa nasa usapan nang tatlong araw pang mananatili roon sa kanya ang asawa niya.

Gusto ni Divine na mag-apologize siya sa ex-girlfriend niya, at ramdam naman niyang hindi iyon gawa ng selos. Dahil kung gawa iyon ng selos, duda siyang uutusan pa siya nitong kausapin ang ex niya.

Pinalampas na lang niya noon ang nangyari sa relasyon nila ni Carmiline. Ilang taon niyang pinilit gawan ng paraan na matanggap ito ng pamilya niya, pero bago pa man niya magawang panindigan ang lahat, umalis na lang ito dahil ang katwiran nito, mas mabubuhay ito sa ibang bansa sa kung paano nito gustong mabuhay.

Bumabalik na naman ang mga tanong niya sa isip. Na bakit kailangang maghiwalay silang dalawa? Ano pa ang kulang na hindi niya nagawa? Ano ang mga bagay na ginawa niya na hindi nito nagustuhan? Napakarami na naman niyang tanong sa isip, at lumipas ang buong gabi na hindi siya nakatulog kaiisip sa mga dahilang pinilit na lang niyang kalimutan noon.

Nag-file siya ng leave at inaasahan na ng katawan at utak niyang kasama niya ang asawa sa araw na iyon, pero mag-isa na naman siya.

Ilang tawag at text na ang nagawa niya sa secretary ni Divine pero gaya ng dati, wala pa rin siyang natatanggap na reply rito. Kaya naman desidido na siyang puntahan ang asawa niya sa bahay ng pamilya nito, nagbabakasakaling makausap ito tungkol sa gusto nitong mangyari.

Malapit sa watershed ang bahay nina Divine. Sobrang dami ng punong madaraanan bago pa makapasok sa lupain ng mga ito. Nasa loob ng lote ng mga Lee ang isang malawak na golf course. Sa bandang dulo na halos kakahuyan na ang lokasyon ng bahay ng mga ito. May-ari ng telecommunication company ang mga Lee, pero habang nasa biyahe si Eugene papunta sa bahay ng asawa niya, namomroblema na siya sa signal at internet connection niyang ilang beses nawala pagpasok doon.

Sampung text messages niya ang hindi mai-send nang maayos kay Miss Van dahil walang network connection. Hindi rin siya makatawag dahil walang signal para sana maabisuhan ang mga Lee na dadalaw siya kay Divine.

Nakapunta na siya noon sa mga Lee, pero binigyan lang sila ng notice na wala munang gagamit ng gadget bilang respeto sa may-ari ng bahay. Pero wala nang namumuna sa kanya ngayon at wala talagang signal sa loob kaya wala talagang makakagamit ng gadget doon kahit anong pilit niya.

Paglagpas sa kalsadang pinaliligiran ng matataas na puno, sa dulo matatanaw ang malaking puting bahay na maraming balkonahe. Sa kaliwang gilid matatanaw ang golf course ng mga Lee.

Umikot ang sasakyan niya sa rotunda ng façade at inihinto ang sasakyan sa harapan ng malaking bahay.

Pagbaba niya, sinubukan niyang tawagan si Miss Van para sana sabihing nandoon na siya sa bahay ng mga Lee. May signal na roon kahit paano pero pakislap-kislap lang ang network bar para sabihing may signal sa ilang segundo na mawawala rin nang ilang segundo pagkatapos at babalik na naman. Paulit-ulit.

"Magandang umaga ho. Sino ho sila?" tanong sa kanya ng may-edad na babaeng kalalabas lang sa nakabukas na malaking pinto ng bahay. May dala pa itong palanggana na may lamang mga panlinis at sabon.

"Hi, good morning!" bati agad ni Eugene at ibinaba ang phone niya bago nginitian ang babae. "I'm Eugene Scott. Si Divine?"

"Eugene Scott . . ." Inusisa pa ng babae ang bisita nila bago dahan-dahang tumango. "A . . . ikaw yung asawa ni Miss Mine!"

"Yes." Tumango naman si Eugene. "Nandiyan ba siya?"

"Wala naman siyang sinabing may pupunta, ser."

"I—I, um, I want to surprise her," katwiran na lang ni Eugene sabay ngiti.

Inaasahan pa niyang kikiligin ang maid sa sinabi niya pero nandiri pa nga ito at pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. "Tss. Manunuyo kayo, 'no? Wala kayo sa schedule, e."

Napawi ang ngiti ni Eugene at pilit nilunok ang bara sa lalamunan niya para lang huwag sumagot nang pabalang. "Asawa po ako. Puwede pong pumasok?"

"Hindi ho puwede."

"Bakit po hindi puwede?"

"Basta ho hindi puwede."

"I'm the husband of Divine. Son-in-law ako ng may-ari nitong bahay."

"Ser, tagarito ho ako. Mas matagal pa ako rito kaysa sa inyo kaya huwag n'yo ho akong tatakutin kung asawa kayo o son-in-law ng mga Lee."

"Hindi ko po kayo tinatakot," naiirita nang depensa ni Eugene. "Gusto ko lang makita ang asawa ko."

"Wala nga po kasi kayo sa schedule kaya malamang na hindi kayo gustong makita ni Miss Mine."

"I don't care! Gusto ko siyang makita!" Dali-daling sumugod si Eugene papasok sa loob ng malaking bahay. "Divine!" sigaw niya pagpasok.

"Ser, bawal nga kasi kayo rito!" hiyaw rin ng maid at nailapag nang wala sa oras ang mga bitbitin para lang pigilan si Eugene.

"Divine! Kausapin mo 'ko!" Tuloy-tuloy na naglakad papuntang hagdanan si Eugene pero hinarangan agad siya ng maid, tulak-tulak na siya para lang hindi siya makalagpas pa.

"Mando! Tawagin mo si Jay, dali!" tili ng kasambahay nang makita ang isa pang katiwala roon.

Bawal si Eugene sa bahay ng mga Lee, at kung bakit? Hindi rin niya alam. Basta sinabihan na lang siyang bawal at sinabing desisyon iyon ng mga Lee kaya tinanggap na lang niya nang hindi nag-uusisa pa.

Bata pa lang si Eugene, sinasabihan na siya ng Lolo Adrian at Lola Hellen niya na kapag may tanong siya at sinabing bawal o huwag nang alamin ang sagot, makinig na lang siya at huwag mag-usisa. Ang dami-dami niyang tanong na sinasagot na lang ng "basta" dahil bawal niyang malaman ang totoong sagot sa mga tanong na iyon. Nakalakihan na niya iyon. Kapag walang sagot, basta.

At noong lumaki siya, nalaman na lang niya ang mga sagot sa mga tanong niya noon—mga sagot na walang matinong saysay o walang maayos na paliwanag kung bakit ginagawa ng pamilya niya maliban sa ayaw lang nila dahil hindi iyon ang nakasanayan.

Bakit hindi ikinasal nang maaga ang mga magulang niya? Kasi bawal. Bakit bawal? Basta.

Ni hindi man lang naipaliwanag sa kanya nang maaga kung bakit. At noong nalaman niya ang sagot, dahil lang ayaw ng mga Chua sa daddy niya. Dahil daw mas gusto ng mga ito na kung hindi Lauchengco, sana Dy na lang ang lalaking mapupunta sa mama niya. Pero dalawang ninong niya iyon. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi puwede ang daddy niya samantalang wala namang problema kay Leo. At bakit hindi puwede si Leo? Basta.

Tinanong niya rin noon kung bakit hindi pa sila puwedeng ikasal ni Carmiline kahit 23 naman na silang dalawa at may sarili nang mga trabaho. At ang natanggap lang niyang sagot, kasi bawal pa. Bakit bawal? Basta.

Tapos malalaman na lang niyang ibang babae pala ang gusto ng pamilya niya para sa kanya at ayaw nila kay Carmiline dahil ampon lang at hindi naman din anak ng kung sinong maimpluwensiyang tao.

Noong tinanong niya rin kung bakit si Divine at hindi si Tanya Ongco o hindi ang anak ni Mr Teng; ang sagot sa kanya, kasi matalino raw si Divine. Matalino rin naman ang dalawang inireto sa kanya pero bakit si Divine? Basta.

Nalaman na lang niyang marami palang koneksiyon ang asawa niya sa pamilya nila kaya roon lang niya naintindihan kung bakit ito gustong-gusto ng Lola Tessa niya.

Hindi na siya nag-uusisa dahil kada tanong niya, sigurado siyang hindi rin naman niya matatanggap ang sagot na gusto niya. Lahat ng sagot sa mga tanong na iyon, nalalaman na lang niya kapag hindi na niya kailangan ng sagot kasi tanggap na niya ang lahat ng basta ng mga ito.

"Pati ba naman sa mga Lee, nag-eskandalo ka na?" sermon ni Leo nang sunduin pa siya nito at ng Ninong Clark niya kina Divine.

Hindi sumagot si Eugene. Tinulalaan lang niya ang sahig ng opisina nila sa West. Ang bigat din ng paghinga niya habang nakaupo sa office chair.

Karga-karga naman ni Luan si LA habang nakikiusisa kung bakit pinagagalitan ang kuya niya.

"Bakit sumugod ka ro'n?" namamaywang na tanong ni Leo.

"Ayaw nga kasi akong sagutin ni Miss Van!" naiinis na sagot ni Eugene.

"Kahit pa! Hindi ka man lang nagpasabing pupunta ka ro'n? Sigaw ka pa nang sigaw sa kanila. Bahay mo ba 'yon para sumigaw-sigaw ka ro'n?"

"Ilabas nga kasi nila yung asawa ko!" galit na sagot ni Eugene nang sigawan na rin ang daddy niya.

Kahit sina Clark ay napakislot at nagulat sa malakas na sigaw niya.

"Tito Jijin . . ." Sa sobrang gulat ni LA, napaiyak na lang siya nang yumakap kay Luan. "Daddy, gagalit si Tito Jijin ko . . ."

"Sshh . . . doon na lang tayo sa labas, Bibi." Napapailing na lang si Luan sa pagkadismaya sa kuya niya. Tinakpan niya ang likuran ng ulo ng anak para paiwasin sa paglingon kay Eugene. "Lalabas kami ni LA . . . we'll play kay Dukki. Don't cry na, ha?"

Napabuntonghininga na lang sina Clark at Leo nang tuluyang maisara ni Luan ang pinto ng opisina bago binalikan si Eugene.

"Uulit ka na naman," sermon ni Clark sa inaanak. "Aawayin mo na naman kaming lahat dahil hindi ka nasusunod."

"Ninong Clark, asawa ko 'yon, e! Bakit bawal ko siyang makita?!" naiiyak nang sumbong ni Eugene nang sigawan na rin si Clark.

"Oo nga, asawa mo nga. Pero hindi ka naman kasi sinabihang pumunta sa kanila."

"Bakit nga kasi bawal akong pumunta?!" sigaw na naman niya nang sipain ang kanto ng office table na bahagyang naurong.

"E, bawal nga kasi . . ."

"Lahat na lang, bawal! Lahat na lang, bawal! Pati pagdalaw sa asawa ko, bawal!" Umiiyak na si Eugene nang isubsob ang mukha sa mga palad. "Sinusunod ko na nga kayong lahat, marami pa ring bawal . . . sabihin n'yo lang kung bawal din ba 'kong maging masaya para matatanggap ko agad . . ."

Panibagong buntonghininga na naman mula kay Leo. "Tawagan mo nga si Divine," pabulong nang utos niya kay Clark. "Gusto kong makausap."

Napapailing na lang si Clark dahil hayun na naman sila sa problema nila kay Eugene. Umaasa na naman siyang lahat sila ay mangingialam sa problema nito gaya ng nangyari noon.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top