Chapter 32



Nakanguso lang si Divine dahil pinulis na naman ni Eugene ang paggamit niya ng phone nito sa kalokohan. Hindi pa makapag-decide sina Damaris kung ano ba ang puwedeng paglabanan nina Eugene at Aki na mga wala namang pakialam sa gustong mangyari ng mga mas batang kasama nila.

Nakalagay lang sa drawer sa ilalim ng tennis table ang mga gamit para doon at iyon na lang ang nilaro nina Aki at Eugene habang naghihintay sa deliberation nina Damaris na hindi alam kung basketball o badminton ang gagawin. Hindi nga raw marurunong sina Cheesedog sa rules ng table tennis kaya pass agad sila roon.

Nasa outdoor area ang billiard table at table tennis area. Nasa ilalim ng pergola na may bamboo ceiling and lattice panels bilang harang. Mula roon, kitang-kita ang mga hedge ng rose garden at lugar kung saan sila nag-lunch kahapon. Isang talon nga lang kung tutuusin pero hindi nila napuntahan kahapon dahil sa hindi nila inaasahang bisita.

Prenteng nakaupo si Carmiline sa isang wooden bench habang pinanonood sina Aki at Eugene na maglaro ng table tennis. Halatang walang competition sa pagitan ng dalawa. Ilang beses din kasi nilang hindi natamaan ang bola kada palo.

Nakanguso naman si Divine, nangangalumbaba at ang siko ay nasa tuhod. Ipinatong siya ni Eugene sa sementong bakod na harang din sa rose garden para nga raw hindi muna siya magkulit. At kapag kumulit na naman siya, paniguradong mahuhulog siya at mai-injure, gaya ng panakot ni Eugene sa kanya. Gilid lang ang pader ng table tennis area at halos katabi lang din niya si Carmiline. Ang kaibahan lang, nasa mas mababa itong upuan samantalang lampas tao na halos ang inuupuan niya. Nakakatabi na nga niya ang mga ibon na nakatira sa malapit na puno na nagtataka rin kung bakit doon siya nakaupo sa mataas na bakod. Nagpapasalamat na lang siya at abot iyon ng lilim ng puno kaya nasasala pa ang sikat ng pantanghaling araw.

"Ang tagal nina Ramram," naiinip na reklamo ni Divine.

"Are you hungry?" tanong ni Eugene na abala sa paghabol sa maliit na bolang hindi natamaan.

"Hindi naman," sagot ni Divine. "Grabe, ang boring n'yo talaga. Huli tayong kalabaw!"

"Hahaha!" Biglang halakhak si Aki na nagitla sa suggestion niya.

Napatayo lang nang deretso si Eugene at namaywang, nagbabanta na naman ang tingin dahil may masama na naman siyang balak.

"Nanghuli na tayo ng goat kaninang umaga," katwiran ni Eugene at dinuro ang asawa niya gamit ang kamay na may kuyom na orange na bola. "Behave ka lang diyan. We're not going to steal anything from this farm."

"Did she steal anything before?" usisa ni Aki na nakahanda nang bumalik sa paglalaro nila ni Eugene.

"She steals nothing, but she likes the idea of committing crimes at any time of the day . . . for experience."

"Oohh . . . that's bad," natatawang sabi ni Aki.

"I like bad boys!" sabad ni Divine sa usapan nina Eugene at Aki.

"You like bad boys, huh?" ulit ni Aki.

Umikot lang ang mga mata ni Eugene dahil hayun na naman ang kadaldalan ng asawa niyang hindi pa nakakainom ng gamot. Hindi na siya magtataka kung mamaya ay bigla na naman iyong umiyak nang walang matinong dahilan.

"I like the idea of bad boys, I think," sagot ni Divine. "Yung gusto ko, sa akin lang siya mabait."

"Hahaha! Eugene is mabait to everyone," napapangiting sabi ni Aki.

"Plastik kasi 'yan kaya siya mabait sa everyone. Sabi ko, gusto ko, sa akin lang siya mabait, pero ang ginagawa niya, sa akin lang siya masama. Hmp! Hindi marunong sumunod sa instructions. Inilagay pa 'ko rito sa bakod. Asawa mo 'ko, inilagay mo 'ko sa bakod! Hindi naman 'to upuan ng matinong tao!"

"Kaya ka nga nasa bakod, Mine," kaswal lang na sagot ni Eugene sabay hampas sa bolang hawak.

"Hahaha! That's rude," natatawang sita ni Aki kay Eugene dahil sa sarcasm tungkol sa asawa nito.

"Aki, masama talaga ugali niyan," sumbong ni Divine. "Kaya huwag kang maniniwala na mabait 'yan. Mina-mind condition lang niya tayong lahat."

"She's like that every time na wala pa siyang gamot," paliwanag na lang ni Eugene, bingi-bingihan sa sinasabi ng asawa niya.

"I can feel the frustration ng pag-handle sa kanya," natatawa na lang ding tugon ni Aki at siya naman ang namulot ng bolang hindi niya natamaan.

Tumahimik na naman at bumusangot si Divine. Hindi pa nagtatagal ang ilang minuto, naburyong na naman siya at nagtanong.

"Carmiline, bakit kayo nag-break ni Jijin? Share mo naman!"

"Mine!" saway ni Eugene sa asawa niyang kanina pa maingay.

Hindi naman makapaniwala si Carmiline nang tingalain si Divine sa kanan niya. Nagulat sa tanong na hindi niya inaasahan.

"Si Aki, curious din 'yan, hindi lang nagsasalita," dagdag pa ni Divine. "Aki, di ba, curious ka? Oo 'yan si Aki, nahiya lang 'yan umamin."

"My god . . ." Napa-face-palm agad si Eugene, inilapag na sa mesa ang hawak niyang maliit na raket.

"Hahaha!" Hawak lang ni Aki ang tiyan niya nang matawa na naman sa spontaneity ni Divine.

"Sure ako na hindi dahil boring ka," paliwanag pa ni Divine kay Carmiline na napapatakip na lang din ng noo para makaiwas sa asawa ni Eugene. "Si Eugene, na-adapt na yata ang pagiging killjoy mo, so cancel out na 'yan sa option. Tanggap ka niya for who you are siguro. Other than that, ano pa ang reason ng breakup?"

"Mine, baba ka na diyan," sabi pa ni Eugene at inaalok na ang mga kamay niya para saluhin ang asawa niyang nasa bakod.

"Nagtatanong pa 'ko! Doon ka, shoo!" Sinipa-sipa pa ni Divine ang hangin para hindi makalapit sa kanya si Eugene. "Hindi kita bati ngayon. Doon ka sa may corner."

Namaywang lang si Eugene at nabuburyong na tiningnan ang asawa niyang mukhang makakatikim na naman ng punishment pagkatapos ng hapon na iyon.

"Stay ka diyan pero zip ang mouth," utos ni Eugene.

"'Yoko nga!" nakasimangot na sagot ni Divine. "Nagtatanong nga ako kay Carmiline para hindi ako biased. Mamaya, sabihin mo sa 'kin, nag-break kayo kasi busy ka. Pero nag-break pala kayo kasi hindi mo siya binibilhan ng masarap na meryenda." Dinuro-duro pa ni Divine ang asawa niya habang nanliliit ang mga mata niya. "Wala kang maloloko rito, Eugene Scott. And I need the truth!"

Takip-takip na lang ni Eugene ang noo niya dahil sa kahihiyan at sa mga sinasabi ni Divine. Hindi man niya alam kung saan nito nadadampot ang mga sinasabi, pero sigurado siyang may sasabihin at sasabihin itong ikahihiya talaga niya hanggang sa mga susunod na buwan.

"Divine, kapag mamaya, umiyak ka na naman, hindi na 'ko magtataka," sermon agad ni Eugene at inalok na naman ang mga kamay niya. "Baba ka na diyan. Dali na."

"Hindi pa naman ako umiiyak, e!" Namaywang pa si Divine habang nakaupo. "Saka bakit Divine na ang tawag mo sa 'kin? Hindi mo na 'ko mahal, 'no? Mga lalaki talaga, kapag nakikita yung ex nila, nagbabago bigla ang ihip ng hangin."

"Mine, baba ka na, please?" naiinis na naiiyak nang pakiusap ni Eugene dahil siya na ang gustong magpalamon sa lupa sa mga sinasabi ng asawa niya.

"Ngayon, Mine na ulit ako kasi sinita kita! Plastik ka talaga kahit kailan! Dapat hindi kami nagtitiwala sa 'yo, e! Magpa-file na 'ko ng annulment mamaya!"

"Sige na, sige na, whatever," pagsuko ni Eugene at lumapit na siya kay Divine at sapilitan na itong ibinaba roon sa bakod. Inipit niya ang mga kamay niya sa ilalim ng kilikili nito saka ito binuhat para saluhin ng katawan niya. Imbes na ibaba sa lupa, inalalay niya ang mga kamay sa mga hita nito para makarga niya paharap. Inayos pa niya ang pagkakabuhat dito para ipalibot nito ang mga binti sa baywang niya. "Nagpapagod ka na naman. Mamaya, iiyak ka na naman," sermon niya kay Divine.

Umatras si Divine para makita ang mukha ng asawa niya. "Magpapakarga ako sa 'yo pero hindi pa rin tayo bati! Hmp!"

"Fine, hindi pa rin tayo bati. Sige na, quiet ka na." Isinuot na lang ulit ni Eugene ang hood ng penguin onesie ni Divine at ipinasandal niya ang ulo nito sa balikat niya. "Babalik ka kami sa cabin. Pabibihisin ko muna 'to," sabi niya kina Aki, palusot para makatakas sa pangungulit ng asawa niya at kahihiyan sa mga tanong nito.

"All right. Babalik na rin kami sa main house," sabi ni Aki at inalok na rin si Carmiline para umalis na sila roon.

Hinahanap nila sina Damaris at napailing na lang sina Aki nang makita sa kabilang kanto ng kalsada ang ibang kasama nila. May mga dala na itong mga pagkaing nasa dahon ng saging at nagulat pa nang maalalang hindi pa pala sila nakakabalik sa clubhouse.

"Sorry, Kuya! Dumaan kasi sina Lolo Kiko, may ihahatid na meryenda sa guardhouse," paliwanag nina Cheesedog na ngasab lang nang ngasab sa dahon habang nagsasalita. "You like?"

"No, thanks," nakangiting pagtanggi ni Aki. "Enjoy your food. Doon na lang kami sa main house kakain."

"Anyareh kay Divine?" tanong ni Damaris na nag-uusisa habang pinapapak ang kesong naipit sa gilid ng daliri niya.

"Inaway ako ni Jijin!" sumbong ni Divine na mahigpit ang yakap sa asawa niyang karga siya.

Natawa tuloy si Damaris. "Inaway ka pero yakap mo."

"Siya kaya nangyayakap! Gumaganti lang ako. Revenge is the key!" sagot ni Divine na tinawanan nilang lahat.

"Ram, hug din kita tapos gantihan mo rin ako," sabi pa ni Connor, nakangisi.

"Sure! Sabihin ko kay Mama, maghanda na ng pampiyansa sa 'kin kapag gumanti ako sa 'yo."

"Grabe naman! Hug lang!" sagot ni Connor at marahang binangga si Damaris sa paglalakad nito.

Pansin ang init sa daan dahil sa taas ng sikat ng araw. Kung dumaan ang mga ulap, mabilis lang din dahil malakas ang hangin. Mainit na malamig.

Takip-takip na ni Aki ang ulo ni Carmiline gamit ang kanang palad. Sumuot naman si Rex sa loob ng T-shirt ng kuya niya sa may likod sabay reklamo na ang pawis daw doon. Patatagan na lang sa init sina Connor at Damaris na sanay na roon sa lupain na pagmamay-ari din naman ng pamilya ni Damaris.

Wala pa sila sa kalahati ng nilalakad nang bigla silang nakarinig ng sumisinghot-singhot at humihikbi.

Nagkatinginan pa sila kung saan galing iyon hanggang sa malingunan nila si Divine na umiiyak na naman sa gitna ng katahimikan nila sa paglalakad.

"Ate Divine, ayos ka lang?" usisa pa ni Cheesedog nang makita na namang umiiyak ang asawa ni Eugene gaya kahapon.

Bigla na lang humagulhol si Divine habang litong-lito naman sila kung ano ang iniiyakan nito. At sigurado na silang inosente sa pagkakataong iyon si Carmiline na kahawak-kamay lang ni Aki sa paglalakad.

"Hala, Ate Divine! Bakit ka umiiyak?" Hindi na rin naiwasan nina Rex na mag-aalala dahil lumalakas ang iyak ng asawa ng kuya nila.

Hinagod agad ni Eugene ang likod ni Divine na sigurado na siyang nagsisimula nang mapagod. Ganoong-ganoon din ito noong photoshoot nila noong nakaraang taon.

Bigla niyang naalala na ang tahimik pala nila habang naglalakad. Naisip niya ang tungkol sa kuwento nito kung bakit gusto nito sa maingay na lugar.

"Mine . . . what are you feeling?" malambing niyang tanong dito habang hagod-hagod ang likod ng onesie nitong mainit na dahil sa araw.

"I'm sad . . ." umiiyak na sagot ni Divine.

"You're sad kasi?"

"Kasi makulit ako . . ."

Pabuga pa lang ng tawa niya si Eugene pero inawat na niya ang sarili dahil umiiyak nga ang asawa niya. Napasimangot naman sina Damaris nang marinig ang sagot ni Divine kung bakit ito umiiyak. Akala pa naman nila kung ano na.

"Kasi makulit ka," ulit ni Eugene.

Tumango naman si Divine. "Tapos inaway kita . . ." pagpapatuloy niya. "Bati na tayo, Jijin . . ." Saka siya humagulhol na naman at niyakap nang mahigpit ang asawa niyang karga siya.

Natatawa na lang tuloy si Eugene sa dinadamdam ng asawa niya. "Sige na, bati na tayo." Inayos niya ang hoodie nitong nagugusot na. "Huwag nang umiyak, ha? Tutulog tayo pagbalik sa cabin." Umiiyak na tumango si Divine habang nakasubsob pa rin ang mukha sa leeg niya.

Nagpapaluan na sina Rex sa likod dahil kinikilig sa lambot ng boses ni Eugene sa asawa nito. Ibang-iba kapag sinesermunan sila sa mga kalokohan nila.

Sinubukan na lang balewalain ni Carmiline ang nakikita at nginitian si Aki.

Nang mangibabaw na naman ang katahimikan, nagsimula nang kumanta si Eugene para sa asawa niyang ayaw ngang maalala ang ingay na nasa loob ng utak nito na hindi nila naririnig.

Nagulat tuloy sina Connor dahil hindi naman nila tipikal na naririnig na kumanta ang kuya nila.

"Wanting every hour of those many nights . . . when you wake up in the storm, trees will all be standing tall. I come to you, you'll never be alone . . ."

Nagpipigil na lang ng ngiti niya si Damaris at para bang may napanalunan siyang laban na hindi naman siya ang naglalaro.

"When your hopes fall apart . . . night is cold, day is dark . . . I give my heart . . . it's right where you belong . . . right where you belong . . ."

Nagwawagayway na lang ng kamay nila sina Cheesedog sa likod para suportahan ang kuya nilang ngayon lang ulit nila narinig na kumanta.

Isa't kalahating kilometro ang layo ng clubhouse sa main house at panibagong isang kilometro naman papuntang cabin. Pagdating sa main house, nakatulog na sa pag-iyak si Divine.

"Ano 'yan?" tanong pa ni Leo pagkakita sa panganay niyang may karga nang penguin.

"Napagod," sabi na lang ni Eugene.

"Tsk, tsk, tsk. Sabi nang huwag magtatagal doon, e." Napailing na lang si Leo. "Bumalik na kayo sa cabin. Doon na kayo sa kotse. Ihahatid ko na kayo."

"Thanks, Dada."


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top