Chapter 26
Hindi nagkamali si Damaris sa hinuha niya bago sila mapunta sa dining area sa front yard ng main house. Pinaayos pa naman iyon ng mama niya para nga raw maganda ang shot kapag nag-picture taking. Pero mukhang malabo nang mangyari ang picture taking na gusto nito.
Kilala niya ang mama niya. Tsismosang likas at walang kahiya-hiya tuwing may gustong sabihin. Pero sa mga oras na iyon, tahimik lang ito na nakikiramdam habang pangiti-ngiti. Ultimo habang nagdarasal bago
kumain, nakangiti pa rin ito na parang may masayang nagaganap sa gitna ng tensiyon sa mesa. Pareho silang natutuwa pa. Alam nga niyang tsismisan ang pakay nito sa mesa. Pinauupo si Melanie sa dulo dahil nga siya ang may-ari ng bahay, pero mas pinili nitong tumabi kay Jaesie na katabi ni Connor—malayo sa mga magsasabong doon sa kabilang panig ng mesa. Ang naiwan nga lang doon sa dulo ay si Rico bilang referee ng mga Scott at mga balikbayan.
Nagalit kanina ang Kuya Eugene niya, pero hayun at maayos na ulit ito. Sa pagkakaintindi niya ng sitwasyon, mas kumalma na ito dahil maayos na ang pakiramdam ng asawa nito.
Pero si Damaris? Hindi mawawala ang inis niya sa nangyari. Naiinis siya sa haba ng mesang iyon. Napunta kasi sila sa dulo. Katabi niya si Rex na may sariling tsismis sa kuya nito. May sarili ring tsismisan segment sina Sabrina at Clark na nasa kabisera ng mesa. Nasa kabilang panig naman ng mesa ang magpinsang Connor at Cheesedog. Pinagharap sa kabilang dulo ng mesa sina Eugene at Divine pati sina Aki at Carmiline para nga raw makapag-explain ng nangyari at "makapagbati" na duda silang mangyayari nga. Hindi tuloy niya masyadong marinig ang pag-uusap doon.
Samantala, bantay-sarado ni Leo ang panganay dahil baka biglang magbato ng plato at baso kapag nagalit na naman. Mas kabado siya dahil pinagdikit-dikit lang na square table ang mahabang mesa nila. Magaan lang buhatin dahil ilan lang ang nakapatong. Kaya kung magtaob man ng mesa si Eugene, malamang na makakapagtaob ito ng puwesto lang nila, hindi damay ang iba. Nagpapasalamat na lang siyang nagpaiwan sa ibang kuwarto si Luan kasama ang mag-ina nito dahil nagta-tantrum si LA, inirereklamong mainit nga raw sa labas at gustong mag-air con habang kumakain. Kung biglang sumugod si Eugene at sumegunda si Luan para tulungan ang kuya nito, baka pati siya, mapaaway nang wala sa oras.
Nakausap na raw ni Rico si Carmiline at napaliwanagan. Nananalig sila sa persuasive power ni Rico, pero hindi pa rin nila hawak ang desisyon ni Carmiline kung makikinig ito.
Kilala pa naman nila si Carmiline na pinalaking huwag basta-basta makikinig sa pambubudol ng mga lalaki. Naiintindihan ni Leo iyon dahil baka ganoon din ang gawin niya sa apo niya. Pero maniniwala pa rin siya sa salita ni Rico.
Pinatapos na lang nila ang pagkain at wala talagang nagsalita sa kanila tungkol sa kahit ano. Kung mag-usap man, pabulong at pasimple pa. Kung may ipapaabot man, para silang nagpa-pass the message na animo'y palalayasin sa mesa ang mahuhuling nagpapadala ng mensahe.
Maamo ang tingin ni Eugene sa asawa niyang ayaw magpasubo dahil may epekto pa rin ang gamot dito. Naiintindihan naman niya kung ayaw nito dahil wala ito sa tamang mood na inaasahan niya. Kung madako man ang tingin niya kay Carmiline, biglang tumatalim ang tingin niya at may pagbabanta nang kasama.
"Ram, ang tagal naman ng main event," tsismis ni Melanie kay Damaris, pilit hinihinaan ang boses at halos sumubsob na sa mesa para magkarinigan sila ng anak na nasa kabilang panig.
"Ayaw iparinig sa 'yo, Ma," sabi pa ni Damaris. "Sabihin mo, required mag-riot dito ngayon, sabi ng farm owner."
"Tapos habulin sila ng itak diyan ni Lolo Tiago, hahaha!" Nag-apir pa ang mag-inang kahit nasa magkabilang side ng mesa ay nakukuha pang magtsismisan. Hindi pa man din sila magkaharap dahil si Cheesedog ang kaharap ni Damaris.
"Ma! Utusan ko kaya si Papa Rico na pag-awayin na sina Kuya Eugene?"
"Sshh!" saway sa kanya ni Patrick na katabi lang niya. "Ram, bad 'yan."
"I'm just helping them solve the problem, Papa," sabi pa ni Damaris habang kumikibit pa ng balikat at nagtataas-taas ng isang kilay.
"You're not helping, baby. You're the problem," sabi ni Patrick sa anak.
"Psst! Mamaya na kayo diyan!" saway ni Melanie at itinuro ng nguso ang dulo ng mesa sa kabila nila.
Ang lalim ng buga ng hininga ni Rico nang ipagsalikop ang mga kamay. "All right, ladies and gentlemen. We had a little confusion earlier this afternoon, and I want to settle everything tonight kasi sure na magkikita pa rin tayong lahat sa mga susunod na araw o buwan since si Mathilda nga ang mag-o-organize ng wedding ni Luan." Itinuro niya si Carmiline na nasa kanan habang nakatingin sa mga Scott na nasa kaliwang panig niya. "Na-explain ko na kay Carmiline ang nangyari, and everything she has to know about the onesie issue."
Deretso naman ang tingin ni Carmiline kay Divine na hindi nagbabago ang emosyon sa mukha.
"Sorry kung na-offend ka sa mga sinabi ko kanina," paumanhin ni Carmiline. "I've been with Eugene for a very long time kaya ko nasabi ang mga sinabi ko. I knew him too well, and I don't want anyone to force him to do things na ayaw niya namang gawin. I should have confirmed everything, and that's my fault."
Mula kay Carmiline, lumipat ang tingin nilang lahat kay Divine na wala man lang kaemo-emosyon ang mukha.
"I don't think you are genuinely sorry for saying cruel things to me," sabi ni Divine kaya napahugot ng hininga si Carmiline sa pagkontra niya sa apology nito. "If they asked you to apologize dahil lang tingin nila, mali ang ginawa mo, you're only offering an apology with caveats. Hindi ka talaga sincere. At hindi ako tumatanggap ng half-hearted apology kasi hindi ko 'yon deserve. If you say what you intended, be accountable for them. Mag-sorry ka if you feel like sorry. But if not, don't force yourself to do so kahit utusan ka pa nila."
"Divine, ang gusto lang namin ay magkaayos kayong dalawa," paliwanag sa kanya ni Rico.
"Mr. Dardenne, unstable lang ako, pero hindi ako shallow na tao," tugon ni Divine nang lingunin si Rico. "If I cried earlier, maybe because unbalanced na naman ang mood ko, and I think, nagkataon lang na nasa mood shift ako at sumaktong si Carmiline ang kausap ko." Saka niya ibinalik ang tingin sa ex ng asawa niya. "Hindi ako galit sa 'yo, don't worry. I knew you meant no harm dahil concerned ka lang sa asawa ko, and I appreciate that. Hindi ko tatanggapin ang sorry mo if you think na na-offend ako about sa onesie o sa pag-uutos ko kay Mr. Scott. Wala kang dapat ika-sorry sa bagay na hindi ka naman aware na madaratnan mo rito."
Abala sa pagpapaliwanag si Divine pero nagbabatuhan na ng table napkin sa bandang dulo ng mesa. Tinatawag ni Melanie ang atensiyon ni Shin na kanina pa tahimik. Sa lahat ng mga naroon sa mesa, silang dalawa pa naman ang mas kilala si Divine at ang pamilya nito.
Akala nila ay ayos na, pero hindi pa pala tapos si Divine sa sinasabi. "Kung mag-sorry ka man, sana nag-apologize ka na lang for assuming something tungkol sa asawa ko at sa ginagawa naming dalawa na nakikita ng lahat."
Natigilan si Melanie sa pangungulit kay Shin at napatutok na naman sa mga nasa dulo ng mesa.
"You knew him too well at ayaw mong pino-force siya ng ibang gawin ang ayaw niya?" sabi pa ni Divine. "Then you don't know him well enough. At sasabihin mo sa 'king disappointed ka dahil nagpakasal siya sa hindi niya ka-level?" Nagtaas siya ng mukha para hamunin si Carmiline. "Hindi ako basta nakasalubong lang ni Eugene sa daan. Arranged ang kasal namin, so I don't think pipili ang family niya ng babaeng hindi niya ka-level . . . and I'm just 25. Hindi lang ako ang iniinsulto mo kundi buong pamilya niyang pumili sa 'kin."
"Miss, I think there's a miscommunication lang dito," sabad ni Aki na hindi na komportable sa usapan.
"Yes, there is a miscommunication, Aki," sagot agad ni Divine nang ibaling ang tingin sa fiancé ni Carmiline. "Nag-start ang miscommunication noong nag-drop ng competitive conversation si Carmiline, and she's not aiming to listen, but to claim victory and deliver her unsolicited opinion about my husband wearing cute pajamas."
Nambato na naman si Melanie ng table napkin nang makitang ngumiti si Shin habang pasimpleng nakikinig at umiinom ng tsaa.
"I think na-misinterpret lang niya ang suot ninyo," paliwanag ni Aki.
"Now, may miscommunication na, misinterpretation pa," kontra ni Divine. "Bakit kailangang i-interpret ang pagsusuot namin ng onesie? Tingin niya, nakakahiya ang ginawa namin kanina? It was planned ahead of time. Kung may go signal ni Papa Leo at wala namang negative feedback sa amin ang mga ninong at ninang niya, anong karapatan niyang magbigay ng opinion about me and my husband? Kung yung family nga ng asawa ko, happy sa amin. Bakit siya, hindi masaya, e classmate lang naman siya ni Eugene dati?"
Sabay-sabay na nanlaki ang mga mata nila sa mesa, nagpipigil ng tawa at salita dahil sa sinabi ni Divine.
"Kung alam ko lang na may permission kayo, wala naman akong sasabihin," depensa agad ni Carmiline.
"Kung alam mo lang?" hamon ni Divine. "You asked why we wore those pajamas, pero noong nag-e-explain ako, ilang beses mo 'kong pinutol para sagutin ang sarili mong tanong." Nagtaas na naman siya ng mukha para manukat ng tingin. "Don't say that wala kang alam o hindi mo alam o sana nagtanong ka, kasi that moment when you had the chance to know the answer, sumasagot ka sa sarili mong tanong dahil wala ka naman talagang balak makinig. Kaya huwag kang magso-sorry sa isang bagay na umpisa pa lang, sinasadya mo naman, kasi ang plastic talagang pakinggan. Naglolokohan na lang tayo rito, e."
Ang daming gustong sabihin ni Eugene pero tikom na tikom ang bibig niya. Naalala na naman niya ang
asawa niya noong photoshoot nila na kung mag-rant, inabot nang dalawang oras at pababa pa sila noon ng bundok.
"Miss, nakaka-offend ka na," saway ni Aki kay Divine.
"Nao-offend ka para sa fiancée mo?" tanong ni Divine kay Aki, hinahamon ang tono ng pananalita nito. "Ah, baka kaya siguro sabi nila, galit ang asawa ko kanina. Na-offend din yata siya for me dahil din sa fiancée mo. Imagine na wala sana tayong discussion ngayon kung itinikom lang niya ang bibig niya. Puwede sana nating i-reframe itong discussion, e. Kaso baka lalong madikdik ang fiancée."
"Mine . . ." saway na ni Eugene nang mapansing tumataas na ang boses ni Divine.
"Imagine, you don't like seeing people wearing cute animal clothes," dugtong ni Divine. "You spoil someone's happiness, tapos proud kang nasa animation studio ka nagwo-work? Fuck ironies, right?"
"Okay! The night's done! This is not working right now," putol ni Rico nang makarinig na ng mura sa usapan. "Magpahangin muna tayo, okay? And we need to explain everything sa mga concerned party so we can understand where we're coming from," parinig niya kay Eugene at minata ang inaanak para sabihing alam na nito ang tinutukoy niya. Tumayo na siya at sumenyas kina Clark na nasa kabilang dulo ng mesa at may sariling tsismisan site na roon.
"Leo," tawag ni Rico at idinaan na lang sa body language ang kasunod ng sinasabi para sabihin sa mga Scott na bumalik muna sa balwarte nila. Pinasunod niya si Melanie dahil magkasama pa naman sa iisang kuwarto sina Divine at Carmiline. Plano na lang nilang dalhin sina Eugene at Divine sa rest house na malapit sa secret garden ng farm at ipaiwan na lang si Carmiline doon sa main house kasama nina Ikay.
"Sure ba na hiwalay kami sa inyo, Dada?" tanong ni Eugene sa ama.
"Yung asawa mo ang may special needs dito kaya mas okay kung doon siya sa hindi nakaka-pressure na lugar," sabi na lang ni Leo sa anak. "Kinuha na ni Mama mo ang gamit ni Divine sa kuwarto nila. Bumalik na lang kayo rito bukas ng umaga."
Tumango si Eugene at tinanaw ang asawa niyang nasa kotse na at naghihintay na lang na makaalis sila. Napabuntonghininga na lang siya at nalungkot sa kinahinatnan ng reunion nila.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top