Chapter 18
Pangalawang araw ni Divine sa condo ng asawa at kahit paano'y maayos naman ang gising nilang dalawa. Mas nauna pa rin siyang magising dahil naiihi nga raw.
Nagising na lang din si Eugene dahil sa paggalaw ng kama. Tinanong pa niya ang asawa kung kailangan ba nito ng tulong dahil hindi pa niya inaalis ang mittens nito, pero mukhang kaya na nitong mag-isa kahit pa may balot ito sa kamay.
Ngayon lang naisip ni Eugene na sana ay nag-aral pa siya kung paanong magluluto ng ibang pagkain dahil maliban sa pritong itlog, sausages, at sliced ham, wala na siyang ibang alam lutuin. Iyon lang ang tinutukan niya sa nagdaang tatlong taon bago ang kasal niya. Bigla tuloy niyang naalala ang daddy niyang hindi naman daw talaga marunong magluto noon pero nag-aral na lang para laging nalulutuan silang pamilya.
May laman naman ang ref niya, mga leftover at mga prutas. Napapatulala tuloy siya sa labas ng bintana ng kusina. Hindi kasi siya madalas mag-almusal. At kung mag-almusal man, dumadayo pa talaga siya sa West para makakain ng almusal na luto ng daddy niya. Kung maabutan man sa biyahe, drive-thru ang sandigan niya para sa mabilisang almusal.
Himas-himas tuloy niya ang baba habang iniisip kung ano ba ang magandang ipakaing almusal sa asawa niya. Pumatak na ang alas-sais ng umaga. Mataas na nga ang araw at maaliwalas na ang langit.
"Jijin . . ."
Nalungkot agad ang mukha niya dahil wala pa siyang naihahandang pagkain nito. Masyado niyang inisip ang parusa niya rito at nakalimutan niyang may almusal pa pala siyang dapat isipin kinabukasan.
Pero may orihinal naman sana siyang plano. Kakain sila sa labas, doon sa fast food restaurant na nasa ibaba lang ng condominium kung saan siya nakatira. Ang kaso, wala ngang damit ang asawa niya.
Nakayuko lang si Divine na lumapit sa kanya, bagsak ang mga buhok nito sa mukha, pero hindi naman magulo dahil malambot ang buhok nitong halatang inaalagaan talaga.
"Jijin, nagugutom na 'ko . . ." nakangusong sabi nito at inalok agad ang mga kamay na balot ng mittens.
"Gusto mo ng cheesy pandesal?" tanong agad ni Eugene at sinalubong ang yakap ni Divine. "Masarap yung breakfast meal nila diyan sa ground floor."
"Gusto ko ng coffee na maraming milk," nakangusong sabi ni Divine, tinitingala si Eugene habang nakatukod ang baba sa dibdib ng asawa.
"Coffee na maraming milk," ulit ni Eugene, inaalis ang hibla ng buhok na harang sa mukha ni Divine. "Tapos ano pa?"
"Fried rice."
"Fried rice and?"
"Tocino."
"Tocino and?"
"Mashed potatoes na maraming gravy."
"Ano pa?"
"'Yon lang."
"Sige, order tayo niyan, ha?"
Kung makapangako siyang o-order ng mga gusto ni Divine, ganoon lang kadali, pero napapaisip na siya kung saan ba siya bibili ng mga gusto nito. Alam niya kung saan may mashed potatoes pero wala naman doong mabibilhan ng tocino. At paniguradong sa alam niyang mabibilhan ng tocino at fried rice, wala rin doong mabibilhan ng coffee na maraming milk.
Hindi niya matatangay si Divine sa labas dahil ilan lang ang dala nitong damit kaya naghintay pa talaga siyang dumating ang delivery ng order niyang mashed potatoes dahil may available namang tocino at kape sa isang bukas na fast food at café sa ibaba lang ng building. Bumili na lang din siya ng pancake at egg drop sandwich pandagdag sa dalawang order na request ng asawa niya.
May dining table naman siya pero gusto ngang naglilikot ni Divine sa upuan kapag walang naninitang nakatatanda kaya dumoon na naman sila sa sala kumain habang sinusubuan niya ito. At nahahalata na niyang kinakarir na nito ang mittens para mas alilain pa siya. Nag-aalmusal sila pero ang mga binti nito, hayun at nakapatong sa mga hita niya habang nakasandal ito sa pinagpatong-patong na unan at pinakakain niya.
"Nakainom ka na ba ng vitamins mo?" tanong agad ni Eugene nang maalala na before meal nga pala ang nasa reseta nito ng pag-inom ng gamot.
"Kanina po," pa-cute na sagot ni Divine. "Kain pa 'ko. Ah . . ." Pagbuka niya ng bibig, sinubuan agad siya ni Eugene ng pancake na wala naman sa naunang order niya.
"Maglalaba ako today ng mga damit mo. Hindi muna tayo lalabas kasi hindi mo naman sinabi na ilan lang ang baon mong masusuot," paalala ni Eugene.
"Okay po."
Mas maayos ang naging tulog ni Eugene noong nagdaang gabi dahil yakap niya si Divine. Mas tahimik dahil hindi ito makalikot kapag hinaharangan. Naisip niyang baka ganoon na lang lagi ang gawin niya kung magtatabi sila sa pagtulog.
"Kailan ang balik mo rito after nitong three days?" tanong ni Eugene bago isubo ang kinakain niya.
"Baka sa June na lang ulit? After kong mag-enroll," sagot ni Divine.
"Saan ka mag-e-enroll? Gusto mong samahan kita?"
Ngumisi agad si Divine. "Secret muna yung school ko. Para hindi ka ma-stress agad."
"Ay. Business administration, 'no? Third year na."
Mabilis na tumango si Divine.
"Other than school, may iba ka pa bang commitments?" tanong ni Eugene.
"Every last Friday of the month, need kong dumalaw sa projects ko sa north."
"Puwede kitang samahan ngayong month?"
Kumibit si Divine. "I think puwede naman. Para din makita mo yung community."
"Susunduin kita sa inyo?"
Umiling si Divine. "Sunduin ka na lang namin dito. Hindi ako puwedeng umalis sa van kapag pupunta ako sa community. Bulletproof yung van; yung kotse mo, hindi."
Napahinto sa pagnguya si Eugene nang titigan si Divine, inaalam kung tama ba ang narinig niya.
"What do you mean sa bulletproof?" maagap na tanong ni Eugene nang malunok ang laman ng bibig niya.
"Bulletproof. Hindi basta nasisira kapag pinaulanan ng bala," simpleng tugon ni Divine.
"What do you mean by pinaulanan ng bala?" tanong ulit ni Eugene.
"Pinaulanan ng bala. Like . . . binaril kayo nang more than one time."
"Oo nga, I know—"
"O, bakit mo pa tinatanong?"
"What I mean is bakit kayo pauulanan ng bala? May ginagawa ka bang bawal?" nag-aalalang tanong ni Eugene.
"Hindi naman 'yon sa bawal . . ." Itinuro ni Divine ang bibig niya pero hindi siya agad sinubuan ni Eugene. "Kakain pa 'ko."
"Answer me first bago kita ulit subuan," mahigpit na sabi ni Eugene kaya napahalukipkip agad si Divine, ipi-ipit sa kilikili niya ang mga mitten. "Bakit ka pauulanan ng bala?" ulit ni Eugene.
"Kasi kinukuha ko yung taniman doon ng marijuana para taniman ng gulay ng mga nasa community."
"Oh my god . . ." Napasapo agad ng noo si Eugene nang ma-frustrate na naman kay aga-aga.
"Six hectares din 'yon. Natabas na dati yung mga marijuana ro'n, pero for photo op lang para sa news. Two years nang hindi pa rin nawawala 'yon kaya nga kine-claim namin para mas mapakinabangan ng ibang farmer yung lupa," paliwanag ni Divine. "But, of course, it's not an easy battle kasi malaking pangalan ang involved diyan. Kaya habang under negotiation pa 'yan, safety first."
Nangangasim ang mukha ni Eugene habang nakikinig sa asawa niya. Sa isang iglap, bigla niyang naisip na padoblehan ito ng security mula sa Afitek. Napapaisip na rin siya kung magdadala na rin ba siya ng baril kung sasamahan niya ito roon, pero ayaw niya talagang magdala ng kahit na anong armas. Kaya niyang mag-inspect ng kahon-kahong baril kada quarter para sa armament company ng lola niya, pero naiilang pa rin siya kapag gagamitin na niya para sa personal security.
"Hindi ba puwedeng si Miss Van na lang ang mag-check ng community?" suhestiyon ni Eugene.
"Ginagawa na rin 'yon ni Vanessa weekly para sa 'kin. Once a month na nga lang ako sisilip doon sa project ko, hindi ko pa magagawa?"
"Para kasing delikado," naaasiwang sabi ni Eugene.
"Hindi 'yon parang. Delikado talaga. Kaya nga ayaw kitang isama dati kahit pa nabubuwisit ka na sa secretary ko. Kain pa 'ko, uy!"
Umagang-umaga pa lang, tingin niya ay lalo pang madadagdagan ang to-do list niya para kay Divine. At mukhang kailangan na niyang kausapin ang Lola Diyosa niya at Ninong Clark para malaman ang magandang remedyo tungkol sa project ni Divine doon sa probinsiya.
Pagkatapos na pagkatapos ng almusal nila, nag-text agad siya sa Ninong Clark niya at nag-iwan ng email para makapag-set ng appointment sa Lola Diyosa niya sa darating na Biyernes.
Once a month lang daw ang pagdalaw roon ni Divine. Kaya pala kung makapagbitbit ito ng mga security aide, parang may papatay rito anumang oras.
Alas-nuwebe pa lang ng umaga, abala na agad si Eugene dahil maglalaba nga siya ng iilang damit ng asawa niya. Nasa balcony ang lahat ng mga gamit niya sa laundry kaya naroon din si Divine nakatanghod habang pinanonood siya. Nilagyan pa niya ito ng ottoman doon para makaupo nang maayos at hindi mukhang batang namamalimos sa tabi.
"Okay lang sa 'yong mag-hand wash?" tanong agad ni Divine dahil sa palanggana pa talaga ibinabad ni Eugene ang ilang gamit niya imbes na sa washing machine. May bangkito pa ito roon sa tapat ng palanggana bilang upuan.
"Hindi nga kasi for machine wash itong underwear mo. So, need niya talagang i-hand wash. Pero ibababad muna natin for thirty minutes."
"Ayaw mong magpa-laundry service na lang?" Nakasunod naman ang tingin ni Divine kay Eugene na hinahanda ang pagsasampayan nito.
"Ilan lang naman 'tong lalabhan. Kaunti lang."
"Sino'ng nagturo sa 'yong maglaba?" tanong ni Divine at nangalumbaba na.
"Before, noong bata pa 'ko, pinanonood ko lang si Dada. Tapos no'ng parang 8 or 9 years old ako, tinutulungan ko na siyang mag-wash ng damit namin. Yung kay Mimy, yung akin, tapos kanya. Then after a few years, kasama na yung baby clothes ni Luan. Bonding time na rin namin 'yon ni Dada before."
"Yung ex mo, napaglaba mo dati?"
Ang pait ng tawa ni Eugene bago umiling. "It's her things. Sabi niya, gamit niya 'yon kaya siya dapat ang maglalaba. Saka she's a girl, so yung mga sinusuot niyang for girls lang, ayaw niyang ako ang naglilinis or naglalaba. Sabi rin naman ng babi niya na huwag siyang basta-basta magpapahawak ng personal things kahit kanino—kahit sa 'kin—basta lalaki, and it makes sense naman."
"E, bakit ikaw ang naglalaba ng bra ko?"
Hindi na naiwasang matawa roon ni Eugene, pero mas lamang na ang genuine na tuwa. "Because you don't know how to wash your clothes at may mittens ka pa. Saka ang weird din na bababa ako sa laundry shop para lang magpalaba ng underwear mo at isang pair ng damit. Wala naman akong fetish sa underwear na ikaba-bother mo kaya ako na lang ang maglalaba."
"Hmm . . ." Ngumuso lang si Divine habang tapik-tapik ng mittens ang pisngi niya. "Yeah, that made sense . . ." Tumango-tango pa siya habang pinanonood si Eugene na mag-ayos ng ibang maliliit na balde sa gilid. "But you know? Doon sa community, yung mga daddy doon ang naglalaba. Which I found cute din kasi parang love language nila 'yon para sa mga wife nila. Act of service ganyan. Or baka sa perspective ko lang na love language 'yon, but still, sweet pa rin."
Ang lapad ng ngiti ni Eugene nang lingunin si Divine dahil sa sinabi nito. "You think na love language maglaba ng damit ng asawa mo?"
Mabilis na tumango si Divine. "For me lang, ha? Parang it's a way na hindi mo inaasa lahat sa wife mo ang household chores dahil lang sa stereotypical setup na wife ang labandera palagi. Kaya kapag ipinaglaba mo siya, ibig sabihin, mahal mo talaga siya."
Hindi agad nawala ang ngiti ni Eugene. Hindi pa kasi niya naririnig sa kahit sinong babaeng nakilala niya na love language ang paglalaba. Sa ilang taon niyang nabubuhay sa mundo, para sa kanya, sign of love ang paglalaba ng damit at nawala iyon noong ayaw ng ex-girlfriend niyang maglaba siya ng mga gamit nito. Kaya nga hindi agad mapawi ang ngiti sa labi niya nang muling bumalik ang paniniwala niya noon na tanda ng pagmamahal ang paglalaba dahil iyon din ang tingin doon ng asawa niya.
Pinanonood siya ni Divine sa paglaba niya ng damit nito at napansin agad nito ang tamis ng ngiti niya. "Masaya ka kapag naglalaba ka?"
"Um . . . hindi naman sa masaya because masayang maglaba. Masaya lang ako kasi, feeling ko, pinagkakatiwalaan mo 'ko ng mga gamit mo," paliwanag ni Eugene. "'Yon bang parang hindi ko na kailangang mag-explain kung bakit kita kailangang bigyan ng mga ganitong favor."
"May trauma ka ba sa ex mo?" natatawang tanong ni Divine. "Parang ang lungkot ng defense mo, e."
Lumabas na naman ang pait ng tawa ni Eugene at unti-unting nawala ang ngiti niya habang tutok sa kinukusot.
"Tumira din ba siya rito?" dagdag na tanong ni Divine.
Dismayadong tumango si Eugene at hindi makatingin ng deretso sa asawa niya.
"So, talagang may pinalitan lang ako," sabi ni Divine. "Doon din yung room n'yo sa tinutulugan natin?"
"No," mabilis na sagot ni Eugene. "Doon ang room niya sa spare room. Akin yung room ko."
"Oh . . . so, hiwalay kayo ng room?"
"Yeah . . ." marahang pagtango ni Eugene. "Ang plan sana, magli-live in kami. The thing was, parang naging border lang kami rito sa condo ko. Magkasama lang kami sa unit, pero hindi sa kuwarto."
"Gaano 'yon katagal? Fifteen years kayo, di ba?"
"Three years kaming magkasama rito sa unit. Kaso . . ." Tumanaw sa langit si Eugene habang inaalala ang nakaraan nila ng ex niya. "I was young pa n'on, e. We were young pa. Parang . . . may goal pa 'ko na nire-reach para maging stable kaming dalawa." Saka lang lumipat ang tingin niya kay Divine na nakikinig lang sa kuwento niya. "Nag-work ako nang mabuti para maging stable kami in the future. Gusto ko kasi, kapag nag-settle down na kami, one year na wala akong work. Gusto ko, focus lang ako sa kanya. So, I'd spent so many years for that goal, for that stability kahit for one year lang."
"Parang alam ko na ang nangyari," natatawang sabi ni Divine. "Naka-priority ka sa work mo, napabayaan mo siya."
"Yeah." Pilit ang ngiti ni Eugene nang tumango. "Madalas na umuuwi na lang talaga ako rito para matulog. Or minsan, hindi na rin ako umuuwi kasi overtime. O kaya kapag naaabutan ako sa labas, nagho-hotel na lang ako kasi hindi na talaga kayang mag-drive sa sobrang antok. Ayokong i-risk ang safety ko sa gano'n."
"Hindi ba niya naintindihan 'yon?"
Napakibit ng balikat niya si Eugene. "Maybe it was hard to understand that situation kasi feeling din niya, hindi ko na siya priority. So, kapag hindi ka na priority, parang feeling mo, hindi ka na rin mahal."
"Gano'n ba 'yon? Parang ang labo naman. Five years—or six years ago na yata—noong kai shao natin, right?" tanong ni Divine na tinanguan naman ni Eugene. "Wala kang naging girlfriend before ng wedding natin?"
"Nakapangako na 'ko ng commitment, of course, hindi na 'ko puwedeng maghanap ng iba."
"I don't think so. May dalawa ka pa ngang option na puwedeng pakasalan aside from me, haha!"
"Ikaw kasi yung ipinakilala. Siyempre, ang awkward naman kung ikaw ang ipinakilala tapos iba yung bigla kong pakakasalan."
"Puwede naman 'yon. Hindi naman sasamâ ang loob ko."
"Wala na ring reason para sumamâ ang loob mo, four months na tayong kasal."
"Yeah, I know. But my point is you could have chosen a better woman to marry siguro kung binigyan mo ng chance yung iba," paliwanag ni Divine. "Hindi 'yon sa ayoko ng kasal or something. Ayoko lang ng idea na parang nandito lang ako kasi wala nang choice. Half-hearted na kasi yung love na puwede kong matanggap. Tingin ko naman, hindi ko deserve ng love na napipilitan lang."
"Hindi naman ako napipilitan lang," pagpapaunawa agad ni Eugene. "Sa 'yo na rin naman na nanggaling na may mga choice ako. Pero sinabi ko na rin sa sarili ko na sa kai shao pa lang, kapag hindi ako okay, ayokong ituloy. Pero okay naman ako, so from there, kailangan ko nang i-maintain ang commitment ko sa 'yo."
"Kahit na ilang beses lang tayong nagkita sa five years na 'yon?" tanong agad ni Divine, hinahamon na ang asawa.
"Kaya nga commitment, di ba?" paliwanag ni Eugene. "It doesn't matter kung magkasama kayo lagi. Paano mo masasabing committed ka kung mabilis kang ma-distract kapag hindi kayo magkasama?"
"Kahit never mo 'kong naging girlfriend?"
"You can still be faithful sa isang tao kahit pa friends lang kayo or lower than that degree. It's about keeping them sa place na ibinigay mo exclusively for them," katwiran ni Eugene. "After ng kai shao natin, ang nasa isip ko na talaga, ikaw ang tinanggap ko as my soon-to-be wife, so hihintayin na lang kita para pakasalan. It doesn't matter kung maging girlfriend kita or not. Naro'n na ang commitment ko sa 'yo, e."
"So, hindi ka nagre-rely sa love para maging basis ng commitment?" tanong ni Divine. "Na dapat ma-feel mo munang love mo ang isang tao bago ka mag-commit sa kanya?"
May pait sa ngiti ni Eugene dahil sa sinabi ni Divine. "May bittersweet take ako about love and commitment kaya hindi ako basta-basta nagre-rely doon. Kasi . . ." Humugot ng malalim na hininga si Eugene at tumanaw na naman sa city view na kaharap lang niya bago itinuloy ang sinasabi. ". . . kasi kahit mahal mo, minsan, hanggang mahal mo lang, e. Yung commitment, hindi siya basta feeling mo lang. It's about responsibilities, about keeping things at place kahit anong pag-rattle sa 'yo ng buhay. And madaling ma-feel ang love, pero ang commitment, hindi mo 'yon basta mararamdaman lang. Hard work ang kailangan mo n'on and consistency saka loyalty."
"E, di sa five years na 'yon, committed ka sa 'kin kahit hindi mo 'ko love?" tanong ni Divine, mas lumalamang ang pagiging curious sa sagot ni Eugene.
"Let's say na committed ako sa agreement ng families natin."
"A, so it's not about me pala. Business and family decisions pa rin."
"Everything about you is a different story. Na-fulfill ko na ang obligations ko sa families natin, kaya obligations ko naman sa 'yo ang ipu-fulfill ko ngayon. Committed ako sa agreement, and looking forward ako to be with you after that."
"Na-imagine mo ba before na mag-aalaga ka ng asawa, not the way you expected kung paano ba dapat alagaan ang magiging asawa mo?" curious na tanong na naman ni Divine. "I mean, may special needs kasi ako, di ba? In-expect mo ba at any point?"
"Actually, hindi," natutuwang pang sagot ni Eugene. "Last year before the wedding, nalaman ko na PWD ka nga."
"And that didn't turn you off?"
"Not at all. I didn't feel a single percent of saying no to you because of that," pag-iling ni Eugene. "And to be honest, it was a funny situation kasi noong nalaman ko yung tungkol doon, ang unang reaction ko, 'Okay, I need to know her doctor agad para malaman ko yung about sa medicines.' 'Yon agad ang naisip ko, while yung ninong ko, ang reaction niya, tinatanong ako kung itutuloy ko pa ba kasi good choice din daw si Miss Tanya para ipalit as my bride."
Ang lapad tuloy ng ngiti ni Divine habang nakikinig sa kuwento niya. "Ayaw mo kay Tanya Ongco? Ang ganda rin niya, in fairness, tapos doctor pa."
"As a person, hindi naman sa ayoko sa kanya. She's a nice person. But hindi ko talaga naisip na magpapalit ako ng bride a month before my wedding kasi wala talagang sense. Hindi ko rin alam kung bakit parang niroroleta lang nila yung wedding ko, but na-survive naman natin ang wedding, so okay na 'ko sa lahat ng nangyari last year."
"Pero na-stress ka sa 'kin ngayon, hahaha!"
"We're working on it. I'm working on it. Nasa adjustment period pa lang tayo pero kakayanin nating mag-adjust. One step at a time."
"Okay lang sa 'yo na clingy ako?" napapangiting tanong ni Divine.
"Okay lang. Clingy rin naman ako."
"Yung ex mo, clingy?"
Mabilis na umiling si Eugene. "Not really. Mas clingy pa rin ako kasi sanay naman akong minamahal palagi."
"Hahaha! Kaya pala comfortable kang mangyakap! Sana all, minamahal."
"Lagi mong tinatanong ang ex ko, wala kang ex?" tanong ni Eugene, itinatago ang ibang pahiwatig tungkol sa alam niyang sworn statement nito.
"Ex . . . hmm . . ." Nag-isip pa si Divine ng isasagot. "Yung ex na galing sa official boyfriend, wala. Meron lang akong mga nakalandian pero hindi rin nagtagal."
"About ba sa disorder mo ang reason?"
Pumaling-paling ang ulo ni Divine sa magkabilang gilid para sabihing parang ganoon na nga. "Yeah, kinda."
"Yung mga nakaka-fling mo, mga naging classmate mo or same age bracket?" tanong ni Eugene, sinisimplehan ang tungkol sa 37 years old na naging boyfriend di-umano nito noon.
"Ayoko ng ka-age ko," mabilis na sagot ni Divine. "Mga isip-bata pa kasi sila. I really looked for someone older than me kasi . . . ewan ko? Maturity sa pagha-handle ng situation ko? Parang I looked for someone na parang papa ko lang din kasi si Papa, sobrang haba ng patience niya sa 'kin. Kahit sobrang sakit ko na sa ulo, he's trying to understand everything kahit hindi niya na kayang i-understand ang nangyayari sa 'kin."
Hindi masabi ni Eugene kung anong klaseng tao ba si Julio Lee, pero kapag nakakausap naman niya ito, alam niyang maunawain ito kahit may pagka-istrikto itong tao.
"Sabi mo, ayaw ka niyang mag-school," sabi ni Eugene nang maalala ang kuwento ni Divine.
"Ayaw niya talaga. Nagagalit nga siya, e," malungkot na tugon ni Divine. "Pero sinu-support pa rin niya 'ko kahit ayaw niya. Ilang beses pa nga siyang nagalit no'ng nag-master ako. Pero siya rin naman yung nag-hire ng bodyguards ko saka siya rin yung nag-schedule ng mga travel ko sa van. Ayun. Nagagalit lang siya pero wala naman siyang magagawa. Anak niya 'ko, e."
"That sounds like my dad. Pero sa kapatid ko naman."
"Ang tigas siguro ng ulo ng kapatid mo. Ilang beses mong nire-relate sa awkward stories ko, hahaha!"
"Sobrang tigas ng ulo. Pero hindi naman kayang tiisin ng daddy namin."
"Good boy ka siguro kaya hindi ka problema ng daddy mo. Parang hindi ko pa kasi narinig sina Madame Tessa na naging problema ka ng mga Scott."
Napabuntonghininga roon si Eugene at inilipat sa isang baldeng may malinis na tubig ang nilalabhan niya.
"I'm trying to be a good and responsible son kasi hindi mentally stable ang parents ko no'ng ipinanganak ako," may lungkot na kuwento si Eugene. "I grew up na nagte-take ng medicine ang daddy ko para sa PTSD niya. Tapos antidepressants ang mommy ko para hindi siya atakihin ng depression niya. Ilang years din akong inalagaan ng mga stable na tao around us kasi hindi pa sila ready na alagaan ako. Kaya ayun . . . ayokong maging burden sa kanila."
"Oh . . . kaya pala doktor ko agad ang una mong hinanap sa 'kin. Sanay kang nagha-handle ng mga mentally unstable na tao, hahaha!" natatawang sabi ni Divine. "Tapos ang resolution mo sa case ko, mittens?" Sabay taas ng mga kamay niya.
"Honestly, nate-tempt na 'ko ngayong alisin 'yan sa 'yo kasi tingin ko, okay ka naman na. But then again, a punishment is a punishment. Dapat maging committed ako sa salita ko. Kapag 24 hours ang usapan, then 24 hours dapat ang tapusin."
"Grabe, ang strict sa promise," nangingiting sabi ni Divine. "Pero nag-e-enjoy na nga ako sa mittens ko. Feel na feel ko talagang aalagaan mo 'ko every day kapag suot ko 'to, e. Maghasik kaya ulit ako ng lagim diyan sa ground floor para ma-extend 'tong punishment?"
"Do that again para tatalian na kita ng leash habang nandito ka sa balcony."
"Hahaha! Ang strict mo sa rules, 'no?" sarcastic na sabi ni Divine pero natawa naman pagkatapos. "But expect na rin na madalas akong totopakin. Ang dami kong unreasonable request kaya asahan mo na. Hindi ko pa maiisa-isa ang mga stupid idea ko na dapat mong abangan, kaya heads up na lang."
Hindi na naman naiwasan ni Eugene ang matawa nang mahina habang nagbabanlaw ng nilalabhan. "Kapag may binabanggit ka about self-awareness mo, sure na akong nasa normal state ka. Ganyan ka rin kahapon nang ganitong oras. I'll take note of the time para alam ko kung kailan kita aabangang magkalat at kailan ka behave."
"Ah . . . nice, marunong magbasa ng pattern," bilib na sabi ni Divine. "Kapag nakapag-enroll na 'ko, magre-request akong mag-stay rito sa 'yo nang mas matagal," paalala agad niya. "For now, tiisin mo muna ang one-day stress sa pagsunod sa mood shift ko. For sure, maya-maya lang, makakaisip na naman ako ng kalokohan kaya mag-ready ka na lang. Instantaneously pa naman akong makaisip ng weird na mga bagay."
Tumango lang doon si Eugene at nginitian ang asawa. "I'll take note of that. Don't worry, iisipin ko na agad kung paano kita pipigilan."
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top