Chapter 13


Umaga pa lang, nasa bahay na ni Eugene si Divine. At dahil gustong sulitin ni Eugene ang tatlong araw na magkakasama sila ng asawa, inaya niya agad itong mamasyal kaysa magkailangan lang sila sa condo unit niya.

Tinanong niya ito kung saan nito gustong pumunta. Ibinalik naman nito ang tanong sa kanya na kung dadalhin niya ito sa isang lugar, saan iyon?

Naisip tuloy niya ang sinabi ni Divine na gusto nito sa lugar na may mayamang history at masarap na food trip. Naisip agad niya ang mga Vizcarra basta pagkain.

"Isa itong farm ng Ninang Mel ko sa favorite places namin para magbakasyon," kuwento ni Eugene habang naglalakad sila ni Divine.

"Saan ito papuntang dinaraanan natin?" usisa ng asawa niya.

Itinuro ni Eugene ang harapan ng daang nilalakad nila. Puro puno ang daanan nila at para bang gubat iyon sa gitna ng farm na pinanggalingan kung saan ipinarada ni Eugene ang sasakyan. "Papunta 'to sa commercial garden nila. Itong mga puno, kami ang nagtanim nito ng mga kinakapatid ko. 800 square meters lang naman itong area. Ngayon, malalaki na kami, malalaki na rin itong mga puno. But before, noong wala 'tong mini forest na 'to, nakakadaan pa ang sasakyan dito."

"Wala bang ibang way papunta roon sa garden?" tanong ni Divine. "Hindi ako nagko-complain, ha? Curious lang kasi kung commercial 'yon, meaning may mga dumadayo."

"Yes. Iikot ka ng dalawang municipality bago makarating doon sa kabilang entrance."

"Wow, ang layo."

"Gusto sana kitang dalhin sa ancestral house nina Ninang Mel, kaso hindi kasi tayo maaasikaso roon, lunch time na rin kasi."

"Okay lang. Ang sarap nga ng hangin dito, parang gusto kong magkabit ng duyan sa puno tapos tulog lang ako maghapon, hahaha!"

Nakapamulsa lang si Eugene habang naglalakad sa tabi ni Divine na paugoy-ugoy naman sa puwesto nito. Tama rin ang sinabi nito na masarap ang simoy ng hangin doon dahil maraming puno. Patag naman ang daan at ginawa talaga para daanan dahil may kawayang bakod pa sa mga gilid bago ang mismong lugar ng mga puno. Hindi naman iyon ganoon katagal lakarin kaya wala pang sampung minuto, nasa labas na sila ng maliit na gubat at bumungad doon ang flower garden na marami nang tao pagdating nila.

Umikot pa sila ng daan na hinaharangan ng mga kawayang bakod bago nakarating sa back door ng hardin.

"Oh! This is awesome!" masayang sabi ni Divine nang magulat sa naabutan.

Parang may piyestahan doon sa dami ng banderitas. AUTHORIZED PERSONNEL ONLY ang nakalagay na tag sa kahoy na pintong binuksan ni Eugene.

"Gene!" biglang bati ng may-edad na lalaking may dalang malaking kaserola na nilutuan ng nilagang baka.

"Hi, Tatay!" masayang bati ni Eugene.

"Sa likod kayo dumaan?" tanong nito.

"Yes po!" nakangiting tugon ni Eugene at hinawakan sa tuktok ng ulo si Divine. "Asawa ko po, si Divine."

"A! Siya ba? 'Musta, madame?"

Hindi na bumati pa si Divine nang lampasan sila ng tinawag na tatay ni Eugene.

"He's Tatay Marco. Isa siya sa mga cook dito. Specialty niya ang soup—kahit anong soup—pero favorite kong luto niya, yung bulalo," kuwento ni Eugene nang magtuloy-tuloy sila ng lakad ng asawa papasok sa hardin. "Meron siyang timpla for me ng bone marrow. Medyo expensive lang ang request ko lagi, but it's worth the price. Hindi naman ako araw-araw kumakain n'on."

Hindi madaling masasabi ni Divine na mamahaling restaurant ang pinuntahan nila. Marami kasing kumakain na mukhang napadaan lang o di kaya'y nakapambahay. May tatlong dining area ang garden. Ang dining area sa labas ay lupa pa rin ang pinakasahig. Patag iyon at tuyo, nakalilim ang mga kumakain sa magkabilang gilid. Ang kanan ay may bubong na gawa sa palapa ng niyog, at ang kabila naman ay dinisenyuhan ng makakapal na banderitas. Ang bahay na pinaglulutuan naman ay sobrang laki para sa bahay na may kahoy na pader.

Pagpasok sa loob ay naroon ang counter at buffet area kung saan puwedeng umorder ng special menu o di kaya'y self-service naman para sa regular meals. Sementado ang sahig pero magkahalong bato at kahoy naman ang dingding.

May pinaka-second floor ang bahay na hindi ganoon kataas sa ground floor. Tatatlong hagdan lang ang lalakarin para makatapak doon. May bakod ang railing nito na binarnisang mahogany at di-hamak na mas tahimik doon kaysa sa labas. Pansin din na mas elegante ang mesa at upuan doon maging ang mga disenyo sa dingding at chandelier. Ultimo ang kubyertos doon ay iba sa mga nasa labas.

Ang bawat mesa ay gawa sa matibay na kahoy na inukitan ng detalyadong disenyo. Natatakpan iyon ng puting mantel at may patong pang kulay gintong satin na tela at ang gitna ay may maliit na plorerang may lamang ilang sariwang bulaklak.

"This is the exclusive area nitong garden," mahinang sabi ni Eugene pag-upo nila ni Divine sa pandalawahang mesa pero masyadong malaki para sa dalawa lang. "Parang VIP section nila para sa mga ayaw sa self-service."

"Ayaw mong mag-self-service?" tanong agad ni Divine.

"Hmm . . ." Napaisip sa sagot niya si Eugene. "Not really ayaw. May special menu kasi ako rito, and hindi 'yon puwedeng i-expose sa mga customer sa labas. Ise-serve 'yon na para sa 'kin at sa mga kasama ko lang."

"Bakit ka may special menu? Maarte ka sa pagkain?" curious na tanong ni Divine.

"Hindi naman sa maarte," nakangiwing sagot ni Eugene at inilatag na ang table napkin niya sa kandungan nang makita na ulit si Tatay Marco mula sa dulo ng upper ground area ng bahay. "May timpla lang talaga ako ng pagkain na gusto kong kainin dito."

Napasulyap si Divine sa kaliwang gilid nang may mapansing dadaan na dining cart. Napadalawang sulyap siya nang huminto iyon sa gilid nila.

"Bakit ngayon lang kayo napadaan?" tanong agad ni Tatay Marco, isa-isang inilalatag ang mga laman ng dining cart kahit wala pa silang inoorder.

"She's busy po kasi," paliwanag ni Eugene.

"Busy ka na nga, busy pa ang asawa mo. Paano kayo magkakaanak niyan?"

Tinawanan na lang iyon nang mahina ni Eugene pero may parte sa kanyang hindi talaga makasagot dahil sinabi nga ni Divine na hindi pa ito handang magkaanak.

"Sina Damaris po ba, dumadaan dito?" usisa agad niya.

"Ay, si Ramram, alam mong dadaan lang 'yon dito kapag naghahanap ng sinabawang gulay. Yung magpinsan, doon pa rin ang kuha ng pagkain sa kusina ni Ruby."

Nakatutok si Divine sa mga pagkaing naroon sa mesa nila. Bulalo nga ang inihain sa kanila sa magkaibang mangkok at may nakahiwalay pang inadobong sitaw. May isang bowl din ng kanin at may hinog na mangga na hiniwa-hiwa na. Naaamoy niya ang bango ng sago't gulaman sa baso na malapit sa baso ng tubig na malamig naman pero walang yelo.

"Kain kayong mabuti, ha? Ipabaon ko na lang mamaya ang panghimagas n'yo, kainin n'yo pag-uwi," sabi ni Tatay Marco.

"Thank you, Tatay!" pasalamat ni Eugene nang matapos ihain sa kanila ang tanghalian.

Ang lapad ng ngiti ni Eugene kay Divine at itinuro agad ng nakalahad na palad ang pagkain nila. "Every time na pumupunta ako rito, hindi na ako umoorder. Sila na ang bahala sa gusto nilang i-serve sa kasama ko."

"So, may nadala ka na rito before aside sa 'kin?" tanong agad ni Divine. "Ay, wrong question. Ilan na ang nadala mo rito aside sa 'kin?"

Natawa lang nang mahina si Eugene sa tanong ng asawa. "Honestly, sobrang dami na ng dinala ko rito."

"Ang dami mo sigurong niligawan."

"Sorry, but once lang akong nanligaw."

"Ooh . . ." Tumango-tango naman si Divine. "Yung iba, date agad?"

"If you're talking about romantic dates with other girls, the last time I dated a girl with romantic intention was ten years ago."

"Ten years ago?" gulat na tanong ni Divine sa mahinang boses. "Wow . . . fifteen pa lang ako n'on, hahaha!"

"Yeah," asiwang sagot ni Eugene nang mabanggit ang kaibahan ng edad nilang dalawa.

"Yung tinutukoy mong marami, sino-sino sila and ano ang purpose ng pagdala mo sa kanila rito?" usisa ni Divine habang namimili na ng unang titikman.

"Most of them, puro clients. Some were colleagues and new found friends," sagot ni Eugene. "I really want them to discover this place kasi sobrang sarap talaga ng luto rito. Saka siyempre, income rin 'yon nina Tatay."

Hindi agad kumain si Eugene. Nakangiti lang siya nang tulungan si Divine sa pagsasandok ng pagkain nito. Ilang buwan din niyang hinintay na mapagsilbihan ang asawa kaya sinusulit na niya ang unang beses na kakain sila nang silang dalawa lang at hindi kasama ang mga pamilya nila.

"Oh my God . . ." mahinang sabi ni Divine at napapikit pa nang humigop ng mainit na sabaw na may kaunting laman ng buto ng baka. "This is really good." Hinawakan pa niya ang magkabilang gilid ng malaking mangkok at kunwaring niyayakap iyon.

"I'm glad you like it," nakangiting sabi ni Eugene.

"I can eat this every day."

"Hahaha! Isang dish pa lang 'yan. You will surely love the other dishes na sine-serve nila. Yung gulay diyan, masarap din. Favorite ko 'yang sitaw ni Tatay Marco." Hinintay pa niyang matikman ni Divine ang lahat bago siya nagsimulang kumain.

Ang tagal na rin noong huli siyang kumain sa labas na hindi tungkol sa trabaho o tungkol sa pamilya ang pakay. Hindi na tuloy niya maitago-tago pa ang ngiti rito. Pinanonood lang niya si Divine na mag-enjoy sa pagkain nito, hindi na mapatid ang ngiti niya.

Limang taon na rin mula noong una niya itong makita sa kai shao nila. Noong una silang nagharap, literal na kumikinang sa liwanag ang mukha nito dahil sa makeup. Pero ngayong wala naman itong kahit ano sa mukha, pansin niyang natural ang pagiging maaliwalas ng aura nito at makinis din ang kutis. Kompara sa ibang kakilala niyang pingkit din, bilugan nang kaunti ang mata nito kahit masasabi agad na hati ang lahi nito. Nakuha nito ang ilong ni Julio Lee, iyon ang una niyang napansin kay Divine. Hindi sobrang tangos ng ilong, pero matulis pa rin ang dulo kaya nagmumukhang mahaba at makitid. Manipis din ang labi nitong maputla.

Kung tutuusin pa'y halos hindi nagkakalayo ang hulma ng mukha nito sa Tita Shin niya noong kabataan n'on at hindi niya masasabing nasa tipo niya si Divine pagdating sa pisikal na aspekto. Pero hindi naman iyon ang habol niya.

Iniisip pa lang niyang si Divine sana ang pakakasalan ng kapatid niya, napapasimangot na siya. Pakiramdam niya, mas lalong gugulo ang pamilya nila kung ito ang napangasawa ni Luan. Baka araw-araw dalhin sa ospital ang daddy niya gawa ng alta-presyon.

Nagpahuli na siyang kumain pero nauna pa rin siyang matapos. Nakapatong lang ang mga braso niya sa mesa habang pinanonood ang asawa niyang namnamin ang kinakain nito.

Makulit si Divine, pansin niya iyon. Pero habang tinititigan niya ito, pansin din niya na disiplinado ito pagdating sa harap ng mesa. Hindi ito basta nagsasalita kapag may laman ang bibig. Kung ngunguya man ay sarado ang mga labi at walang ingay na ginagawa. Mahinhin din ang kilos at bilang na bilang ang galaw. Tita Shin at mama niya agad ang naaalala niya rito. O marahil ay ganoon lang talaga ang pagpapalaki sa mga ito dahil mahigpit din sa etiketa ang kinalakihan nitong mga pamilya.

Biglang lapad ng ngiti niya nang maisubo nito ang huling sandok sa plato. "How was it?"

"Tataba agad ako sa 'yo. Naka-two cups ako ng rice."

"Hahaha! I'll take that as a compliment."

Bigla tuloy na-miss ni Eugene na may alagaan sa bahay na hindi kaedad ng pamangkin niya. Sa sobrang hilig din niyang kumain, hindi malabong tumaba nga si Divine kapag kasama niya.

Tahimik lang ang asawa niya kaya siya na ang nag-initiate ng topic.

"Kumusta pala ang thesis mo? You said, galing ka pang North Luzon," usisa ni Eugene.

"Yeah. Medyo madugo nga ang topic ko. Mabuti at naka-graduate na."

"I really assumed na gusto mo lang magtanim ng halaman sa garden."

"Hahaha!" Hindi na naiwasan ni Divine ang matawa sa sinabi ni Eugene. "Gusto ko talagang magtanim!" natatawang sabi nito. "But I'm taking master's program, so of course, hindi ka lang basta magtatanim."

Tumango-tango naman doon si Eugene, nakikinig lang. "About poverty ang core ng topic mo?"

"More like solution sa lalabas na diagnosis related sa poverty," paliwanag ni Divine. "Di ba nga, nag-take ako ng social studies. I've met a lot of pupils from North Luzon and present ang kakulangan sa basic needs nila. From there, ite-trace mo ang root cause kung bakit may challenge sa pag-aaral nila or pagpasok sa school every day. Financial problem ang main reason, and chronic ang poverty doon sa dinalaw kong mga area. After the diagnosis, of course, gagawa ka ng solution, and I needed to propose a livelihood project sa apat na community to check the sustainability ng napili kong program. Naka-focus ako sa last six months ng masteral ko kasi kailangan ko ng variables. Sobrang laking help na nag-take ako ng IT kasi mas madaling mag-execute ng data analysis saka statistics nang hindi na ako nanghihingi ng assistance sa ibang forte 'yon. Good news! It's been working out so well until now na natapos ko na ang master's ko."

"Eto ba yung ginawa mo before and after our wedding?" nabibilib na tanong ni Eugene.

"Yep!" masayang sagot ni Divine. "Sobrang matrabaho ng project na halos sa van na lang ako natutulog every day kasi every day akong nagta-travel from one barrio to another. Tapos aakyat ng bundok, bababa sa kapatagan, sisilip sa wet market, ganyan."

"I thought na sobrang sipag ko na," natatawang sabi ni Eugene. "Hindi ba mahirap 'yon na may sakit ka? I mean, not to offend you about your health, but to know if I need to adjust sa future kapag may ganitong activity ka ulit."

"Hmm . . ." Napatingin sa itaas si Divine at napaisip sa sagot. "Mahirap, yes. Ang bilis ko kasing mawala sa focus, di ba? But the case is this. I'm avoiding maladaptation. Kapag kasi naging maladaptive ako, wala akong progress. Magse-settle lang ako sa stagnant state ko na walang growth at all. May pera ang parents ko, aasa lang ako sa kanila forever. Walang personal development. Again, may disability lang ako pero hindi ako handicapped. May phases lang talaga akong hindi stable, but I'm still productive. May Bipolar Disorder ako, pero hindi ako psychopath, hindi dalawa ang personality ko, hindi ako nahahati sa sampung magkakaibang tao kapag may episodes ako, in case na curious ka sa actions ko."

Mabilis na tumango si Eugene para sabihing naiintindihan niya ang sinasabi ni Divine.

"Meron lang akong phases na sobrang down ako, may phases na hyper ako, may phases na neutral ang mood ko. It's more about how I release my energy in a situation. At ayokong tingnan mo 'ko na parang hopeless akong tao na dapat ikinukulong lang sa kuwarto just because I have this certain disorder kasi marami ring professionals na gaya ko. May adjustments, yes, pero may progress naman."

Napangiti na lang si Eugene at saglit napayuko para itago ang mahinang tawa niya. "To be honest, wala akong ibang kilalang neurotypical na magte-take ng dalawang program sa magkaibang school nang sabay aside sa daddy ko." Ang tamis ng ngiti niya nang ibalik ang tingin sa asawa. "But really, I'm amazed that you managed to take those programs and courses kahit may challenges, hindi pa ganoon ka-align sa isa't isa. But hearing you talk about how you execute that knowledge, it sounds like you carefully planned everything."

Natawa si Divine sa sinabi ni Eugene. "I don't really like planning. Siguro, naging madali siya kasi mahilig akong mag-connect the dots. Kasi minsan, kahit gaano pa kalayo ng isang idea sa isa, as long as existing sila sa iisang plane or dimension, maraming ways para mag-meet sila."

"Sa bagay." Napatango doon si Eugene para sumang-ayon. "You sound so clever. Sorry if mao-offend kita, but I really thought na mag-aasawa ako ng . . . you know? Someone na aalagaan ko lang."

"Hahaha! Aalagaan mo pa rin naman ako. Wala ka namang ibang choice. If you don't, doon ko dadalhin sa bahay mo si Vanessa para alagaan ako."

Napapailing na lang habang natatawa si Eugene nang maisip ang tungkol doon. Ayaw naman niyang magbahay ng dalawang babae sa condo niya.

"You know, akala ko talaga, ka-age ko ang pakakasalan ko," biglang sabi ni Divine na hindi niya inaasahan.

"Yeah. That was supposedly my brother," sagot ni Eugene.

"Ito yung may baby na."

Tumango naman si Eugene. "Yes."

"Bakit late ka nang nag-asawa? Tapos siya, mas maaga."

Humugot muna ng malalim na hininga si Eugene bago nagkuwento. "Yung case ng brother ko, yung wife niya kasi, love niya talaga 'yon."

"Kaya binuntis niya agad."

Napanguso si Eugene sa kanan saka tumango. "Kind of . . . like that."

"Ikaw? Wala kang naging girlfriend man lang?"

"Well . . . about that . . ." May kung anong mabigat na nakabara sa lalamunan ni Eugene na hirap siyang lunukin. Naiilang siyang pag-usapan iyon sa napakaraming dahilan.

"Meron o wala?" tanong ni Divine.

Sinalubong ni Eugene ang tingin ng asawa. "Meron. Isa."

"Wow. Gaano kayo katagal?"

"Um . . ." Papaling-paling ang ulo ni Eugene sa magkabilang gilid. "Yung relationship namin na romantic, mga fifteen years."

"OMG. Wow." Napatakip na lang ng bibig niya si Divine habang dina-digest ang numerong sinabi ni Eugene.

Lalo tuloy nailang si Eugene sa usapan dahil alam niyang hindi biro ang tagal na iyon.

"Fifteen years," di-makapaniwalang ulit ni Divine. "Grabe, parang wala pa ako sa puberty stage ko n'on, a?"

Napayuko na lang tuloy si Eugene at marahang tumango. "Yeah."

"So you knew her more than fifteen years? Kasi romantic relationship lang ang binilang mo, e," sabi ni Divine.

"Yes," pagtango na naman ni Eugene. "I knew her since we were eight." Tumipid lalo ang ngiti niya nang tingnan ang reaksiyon ni Divine.

"Shet. Parang wala pa 'ko sa plano para ipanganak ng parents ko n'on, a?" natutulang sabi ni Divine sa sobrang di-pagkapaniwala. "Where's she?"

"Um . . . I dunno? Abroad?" di-siguradong sagot niya sa asawa.

"Puwede kong malaman ang reason ng breakup?" usisa agad ni Divine. "O secret mo na lang 'yon?"

"No, it's okay. Wife naman kita. And gusto ko ring maging open sa 'yo, as early as now."

"Oh! Good. Sige, I'm all ears." Ipinatong ni Divine ang mga braso sa mesa para makinig kay Eugene.

"Nag-break kami n'ong ganyang age mo. 24, 25?" panimula ni Eugene na tinanguan lang ni Divine. "We grew up together, but unfortunately, we grew apart. I don't want to speak for her kasi hindi ko rin naman alam ang main reason kaya kami naghiwalay maliban sa hindi na nagmi-meet ang core values and future plans namin. May gusto siyang mangyari for her life, iba rin ang akin. Hindi 'yon agad na-resolve hanggang sa nag-shatter na lang lahat nang sabay-sabay kasi yung foundation, wala na. Hindi na kayang i-re-claim pa."

"Wala namang third party?" curious na tanong ni Divine na mabilis na inilingan ni Eugene.

"May ilang nakakaselos na tao sa paligid pero walang third party."

"Love mo pa rin until now?"

Nagusot lang ang mukha ni Eugene kahit walang sagot na lumabas sa kanya agad.

"So, hindi na," sagot ni Divine sa sariling tanong.

"Romantic, hindi na," paliwanag niya sa asawa. "But I don't want to say na hindi ko ino-honor ang pinagsamahan namin kasi matagal din naman 'yon saka kilala na rin siya ng family ko."

"Bale, fifteen years pala ang papalitan ko."

"Hindi mo naman papalitan," kontra agad ni Eugene. "Papalitan means may existing doon sa place na aalisin ko para ipalit ka."

"So, ano ba ang dapat itawag doon?" tanong ni Divine at may timbre na ng paghahamon kay Eugene. "I'm filling an empty place na iniwan ng iba?"

"Hmm, let's say that I reserve a place for you na meant for you talaga. You're not filling any empty places na iniwan ng iba kasi hahanapin ko lang sa 'yo lahat ng iniwan nila, and I don't want you to feel that I'm looking for the shadow of someone in you."

"Sinasabi mo lang ba 'yan kasi 'yan ang gusto kong marinig o . . ."

"Sinasabi ko 'to because I've already learned my lesson matagal na panahon na. And besides, five years na 'kong naghihintay sa 'yo. Hindi na sana ito ang topic natin ngayon kung pumayag ka lang na dalawin kita sa inyo noon pa."


♥♥♥

This story is completed in Telegram.

Prologue43 Chapters
3 Special Chapters
Epilogue
Full version of Good Boy's Dilemma

You can avail of the advanced chapters (and the full novel version) for 150 pesos.

Chat lang po kayo sa t.me/lenareacts if interested kayo.

Join po kayo sa t.me/TambayanNiLena sa Telegram kung nais ng spoilers. Pero kung ayaw n'yong ma-spoil, don't join para hindi kayo magreklamo na puro ako spoiler doon, hahaha

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top