Chapter 72


Hindi lang ang atensyon ng madla ang nakuha ni Eina. Mukhang nahagip rin pati atensyon ng kanyang ex. Kung hindi ba naman makapal ang mukha, magtetext pa sa kanya. Saan nito nakuha ang number niya?

 Ano raw ang sabi?

 Namiss siya nito?

 Napakain tuloy siya ng cheese burger. Naglakad pa siya papunta sa malapit na convenience store. Ofcourse, she was bothered by him. Hindi niya itatanggi ang bagay na iyon. At hindi dahil lamang sa text nito kundi sa kung paano nito nakuha ang kanyang contact. She blocked him already. Wag lang siguro niya itong makita sa harap ng bahay niya, baka makatawag siya bigla ng pulis.

Umorder na din siya ng kape. Kalagitnaan ng pagkain, nag-ring ang telepono niya. Nakita niya ang mukha ni Saulo at agad iyong sinagot.

"Gigi texted me. Congrats."

Nawala ang inis niya pagkarinig sa boses ng binata. "Thanks."

"Di na ako magugulat kung isang araw, ikaw na papalit kay Ms. Serrano."

"Huy, malayo pa 'no."

"It's not impossible. Nakuha mo ang atensyon ng lahat."

"Not true. Nagbasa ako ng comments. Marami rin ang supporters ang ibang models. Curious lang 'yung iba na napasali ako doon. That's it."

"So, fucking humble."

Natawa si Eina. "Kinukumbinsi na nga ako ni Gigi. May brands na raw na kumakausap sa kanya. Ang akin lang, mawawalan ka ng magaling na empleyado kung magre-resign ako para magmodelo."

"Sino bang may sabi na papayag ako na mag-resign ka?"

"Paano pala kung gusto ko na rin ng ibang career? Hindi naman pwede na wala akong ibang goal."

"I'll help you achieve that. Hindi ba iyon naman ang dahilan kung bakit tayo napupuyat pareho?" pagpapaalala nito sa kanya. Tuloy parang maikling clip na nag-play sa utak niya ang mga live stream nila sa kanyang utak. Namumula ang pisngi na lumikot ang mata niya para tingnan kung may nakikinig sa malapit.

"Okay, but that's different." Aniya, at binabaan niya ang boses. "Ibang career din 'yung tinutukoy ko. What if I want to be a supermodel?"

"Is that what you want? Eh bakit hindi mo pa tinatawagan si Gigi?" may halong kapilyuhang sabi ng binata.

"Because I'm still thinking about the consequences. Obviously, hindi naman 'to parang mainit na kanin na basta ko na lang isusubo. Tapos iluluwa ko na lang pag ayaw ko na."

"Hindi ba para sa pag-aasawa ng maaga 'yang quote na 'yan?" Ang lakas ng tawa nito sa kabilang linya. Lumawak ang ngiti niya sa labi. Tuwing maririnig niya ang tawa nito ay parang may kiliting gumagapang sa puson niya. She just loved the tone of his laugh.

"Bakit ka pala tumatawag? Hindi ba kasama mo ngayon ang mom mo? Nasaan sila?"

"I'm at the hotel. May sinusundo lang ako."

Narinig ni Eina ang pagbukas ng pinto. Kasunod ay ang mahinang boses ng babae. Awtomatikong nagsalubong ang kilay niya at nanliit ang mata. Sinong susunduuin nito?

Kasabay ng paghigpit ng hawak sa telepono, parang bahagyang sumikip ang kanyang dibdib. She cleared her throat. "S-Sino naman?"

Hindi sumagot ang binata. Pagkatapos ay pinutol nito ang tawag ng walang paalam. Hinintay niya na tumawag ulit ito.

Di siya nag-assume na pinagpatayan siya nito. Baka naman napindot lang nito ang end call. Nakaramdam siya ng panunuyo ng lalamunan. Nilagok niya ang malamig na kape.

Inabangan niya ang pagtawag ulit ni Saulo. Anong ginagawa nito sa hotel? At bakit kailangan pang magpasundo ng babaeng 'yon? Hindi uso mag-taxi? Hindi naman nito driver si Saulo.

Napabuntong-hininga siya. Bumukas ang pinto ng store. Agad niyang napansin ang matangkad na lalaki na pumasok. Nagsalubong ang mata nila ng kapitbahay. Magalang na tumango ito sa kanya. Ngumiti siya.

Nung isang araw kumatok ulit sa kanya para manghirap naman ng plantsa. Naiintindihan naman niya ang panghihiram nito ng kung ano-ano. Hindi pa siguro ito nakakapamili ng mga bagong gamit.

Tumingin si Eina sa oras. Nakaka-isang oras na rin pala siyang nakatambay doon. Tumayo na siya para umuwi. Naisipan niyang sumabay kay Derek. Hinintay niya ito hanggang sa makapagbayad sa cashier.

"Uy, Derek. Pauwi ka na?"

Mukhang nagulat ang lalaki nang tawagin niya ito. "Ano ho?"

"Ang sabi ko, pauwi ka na ba? Sasabay na ako sa 'yo para safe."

"Sige ho."

Masyado naman magalang ang isang 'to. Naisipan niyang chikahin ito habang naglalakad. "Lagi kitang nakikitang nakapang-gym tuwing umaga. Ang sipag mo. Anong work-out mo? Turuan mo nga ako minsan. Gusto kong maging healthy pa lalo."

"Bawasan n'yo ho ang pagkain ng cheese burger."

"Aray." Naitago niya sa likuran ang take-out. Ang talas ng mata nito. "Minsan lang ako kumain nito. Na-stressed lang ako," pagdadahilan pa niya.

"Maraming tips sa internet sa healthy lifestyle. Di nyo naman kailangan ng intense work-out. Iwasan nyo lang 'yung stress eating. Kung ako ho tatanungin nyo, mukha na kayong malusog."

Napatigil siya sa paghakbang. Mukhang malusog? Anong ibig nitong sabihin?

"Mataba na ba ako?"

Maagap itong umiling, saka tumawa. "Hindi ho yun ang sinasabi ko. Mukha naman kayong healthy and fit."

"Masyado kang magalang 'no? How old are you?"

"Twenty-seven."

"Tatampalin kita d'yan. Kaedaran lang kita tapos maka-ho sa akin?"

"Nakasanayan ko lang, Miss."

"Eina. Iyon ang pangalan ko. At utang na loob, wag ka masyado magalang. Baka mas matanda ka pa sa akin ng ilang buwan, eh."

Tumango ito sa kanya. Napansin ng dalaga na maganda ang mga ngipin nito kapag nakangiti. He had a very pleasing personality. And good looks. Naitanong niya bigla kung meron itong foreign blood. Pareho raw may dugong Iranian ang magulang nito. Seafarer raw ito noon. Pagkatapos ay nag-virtual assistant na lang.

"Do you have someone now? A girlfriend?"

Umiling si Derek.

"Boyfriend?" Natawa ito at umiling ulit. "Wag mo seryosohin ha. Napansin ko lang. Tuwing nalabas kasi ako ng apartment, nakikita kita lagi na parang may inaabangan ka. Kahit gabi yata napapansin ko kaya naisip ko, ay may hinihintay ang isang 'to."

Nag-vibrate sa bulsa niya ang kanyang telepono. Galing kay Saulo ang text. Later.

Ang tipid ng message. Nagpasalamat siya kay Derek pagkabalik niya sa apartment.

Naghanda na siya sa pagtulog. Di mawala sa isip niya kung sino ang babaeng kasama nito sa hotel. Dinahilan lang ba nito sa kanya na kikitain nito sa dinner ang ina at kapatid nito? Bakit naman nito kailangan pang itago sa kanya?

Pumasok ng late si Saulo kinabukasan. Lagpas isang oras niya itong hinintay. Nagpanggap si Eina na abala pagdating nito. "Good morning," he greeted her with a wide smile.

"Morning."

"I'm sorry I'm late."

Buti alam mo.

"Nag-breakfast ka na? Pupunta ako sa baba para kumain. Sabayan mo na ako."

"Oh, I can't. Marami akong ginagawa."

"Di ba makakapaghintay 'yan mamaya?"

Umiling si Eina, pilit na ngumiti sa binata.

"I'm still full. Nakapag-heavy meal ako ngayong umaga, eh."

"Ganoon ba?"

Di matagalan ni Eina ang matingnan ito ng diretso sa mata. Nagbaba agad siya ng tingin. Pakiramdam niya ay mababasa nito ang mga tumatakbo sa isip niya pati na ang kanyang emosyon.

"Sige. Ipagtimpla mo na lang ako ng kape. Dalhin mo agad sa mesa ko." Pagkapasok nito sa opisina ay saka pa lang siya tumayo para pumunta sa pantry. Nadtnan niya roon si Kristine na may hawak na bulaklak. Nagpapakuha ito ng picture kay Leigh.

"Tingnan mo, Miss Eina, may pabulaklak na naman ang manliligaw ni Ate Tine."

"Baka mamaya siya rin bumibili n'yan sa sarili niya," sabi niya pagkatapos sulyapan ang bouquet na natanggap ng babae.

"Ang salbahe mo na talaga sa 'kin, madam! Ganyan ba kapag hindi nakakaranas ng dilig?"

Correction; kagabi lang siya hindi nadiligan. Tahimik na nagtimpla si Eina sa gilid. Naku, di niya alam kung bakit natutukso siyang lagyan ng asin ang kape.

"Pero seryoso, ate Tine, bakit hindi mo pa sinasagot 'yang si Jovi kung ganyan naman ka-effort sa 'yo? Nagpapakipot ka pa?"

"Syempre 'no! Tingin mo naman sa akin easy to get? Hindi ako ganyang babae 'no. Kailangan mapatunayan ko muna na hindi ang puri ko ang talagang habol niya."

"Ay, iba ang Ate Tine! Tumataas tuloy ang respeto ko sa 'yo kahit mapanirang chismosa ka!"

Parang gustong sabunutan ni Kristine si Leigh sa kabila ng papuri nito.

Naabutan ni Eina ang binata na nakatayo malapit sa glass window ng opisina nito. Tuloy tuloy siya na pumasok para ilagay ang kape nito sa mesa. Naririnig pa niya ang mahinang pagtawa nito. At mas lalong hindi nakaligtas sa kanyang pandinig ang pagpapasalamat nito sa kausap.

"I enjoyed the food last night. Next time magt-take out na ako."

Umasim ang mukha ng dalaga. Pagkatapos ay walang imik na lumabas ng opisina nito. Padabog na umupo siya at matalim na tinitigan ang nakasaradong pinto. Kaya naman pala na dumating. Napuyat siguro sa pagtikim sa luto ng iba. Nagsawa na ba ito sa mga luto niya?

O baka siya 'yung pinagsawaan na?

Pumayag si Eina na makipagkita kay Gigi after work. Dinala siya ng babae sa shopping mall. Bahagyang nawala ang sama ng loob na ininda niya buong araw. Hindi niya pinapansin si Saulo. Kapag meron lang itong ipapakiusap sa kanya, saka lang siya makikipag-usap dito. Mukhang hindi naman napansin ng binata ang pag-iiba ng mood niya dito.

Sa hindi malamang dahilan, naiinis siya sa lalaki. At naiinis rin siya sa sarili na masama ang kanyang loob rito. Ano ba kasing pakialam niya?

Obviously, he looked very happy.

 Napansin ng dalaga na sobrang nag-improve ang mood nito nitong mga nakaraang linggo. Hindi na ito tulad noon na laging nagsusuplado sa kanya. Ito pa ngayon ang bumabati sa kanya tuwing umaga.

 Ngumingiti na ito sa ibang empleyado na hindi nito ginagawa noon. Kaya anong karapatan niya ngayon na sumama ang loob rito dahil lang sa pagsususpetsa niya na may kasama itong babae kagabi?

 Asawa ba siya? She had no right to be jealous. Seriously. Hindi nga niya gustong aminin sa sarili na nagseselos talaga siya.

 Kailangan niyang kontrolin iyon habang maaga pa. It's not healthy. She felt so ugly and bad to feel that way. May pinagkasunduan na sila ni Saulo at kung ano man ang nangyayari sa pagitan nila, alam niyang hindi iyon seryoso.

"Eina? Hello? Nandito ka pa ba sa earth?"

Napakurap siya sa malakas na pagpalakpak ni Gigi sa harap niya. "I'm sorry, ano nga ulit 'yun?"

"What happened to you? You look like you're zoning out. Are you okay?"

"Y-Yes, I'm good." Then she chuckled awkwardly. "Don't worry. Minsan hindi ko lang talaga mapigilan mapatulala."

"Same. Ganyan din ako noon, lalo na noong naghihirap na kami. Minsan napapasobra pa nga."

Napakunot-noo si Eina, may maliit na ngiti sa labi.

"Naghihirap? Mukhang hindi ka dumaan doon."

"It's because I'm a social climber, sweetheart." Kumindat sa kanya si Gigi.

Lumabas sila sa boutique shop na pinasukan nila. Iginagala siya ng babae sa pag-aari nitong beauty store sa mall. May salon at spa rin ito. Hindi na siya nagtaka na puro pampaganda ang line ng business nito. Sunod silang tumigil sa branch ng Belleza. Napatulala si Eina nang makita ang malaking larawan sa entrance.

Totoo ba ang nakikita niya? Mukha at katawan niya ang nakapaskil sa labas ng store!

"Surprised?"

Naitikom niya ang bibig pagkatapos niyang marealized na nakanganga na siya. Paano nangyari iyon? Hindi siya ang dapat na naroon kundi si Farah.

"Kaninang umaga lang nila 'yan pinalitan. Kahit ako nagulat. Dapat next week pa nila 'to papalitan. But I think I understand the obsession. All I see here is perfect, unattainable, ethereal beauty."

Pinamulahan si Eina ng mukha. Ayaw niyang isipin na nasa ganoong level siya. Hindi nga siya ang dapat na naroon.

"Nakakahiya. Hindi kaya isipin ng iba na inaagawan ko ng spotlight si Farah?"

"Ofcourse not. She's still the face of the brand. Siya pa rin ang makikita mong nakabalandra sa ibang store at may malaking billboard sa EDSA. Iba-iba din ang model na inilalagay nila minsan sa ibang store. This is not the first time."

Nakahinga naman siya ng maluwag. Humarap sa kanya si Gigi at makahulugang ngumiti. "Pero kung sino man 'yung nagmadaling maibandera ka dito, mukhang matindi ang tama sa 'yo. And he's totally obsessed with you."

Nagpanggap si Eina na hindi pinansin ang sinabi nito. Nauna siyang pumasok sa store. Parehas silang namili ni Gigi. Bumili siya ng undies at sleepwear. Ibibigay niya iyon sa kanyang Nanay kapag nakauwi siya.

 Pagkatapos mag-shopping, tumigil naman sila para kumain. Busog na busog siya sa usapan nila ni Gigi. Nang maghiwalay na sila, naramdaman ni Eina na parang may nakasunod sa kanya. Kanina pa niyang nafe-feel na parang meron talagang nakatingin sa kanya.

Pasimpleng iginala niya ang tingin. Nahagip niya ang bulto ng isang pamilyar na lalaki. Naka-leather jacket ito, black pants at may cap. Tumalikod ito kaya hindi niya nakita ang mukha. May hawak itong paperbag, mukhang namili lang din.

 Na-praning na si Eina kaya tumawag na agad siya ng taxi.


---


MIDNIGHT MISTRESS IS COMPLETED NOW ON PATREON AND VIP. LINK ON BIO. You can subscribe to read the complete story.

Merry Christmas!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top