Chapter 9 - CONDRAFR

SOBRANG magalang.

Iyon ang unang impression ko sa kanya. Laging may opo 'pag nakikipag-usap siya sa ibang tao. At lahat ng officemates namin ay tinatawag niyang ate at kuya. Sabagay, bata pa kasi siya. Nineteen lang siya nang ma-hire sa office. Pero sa likod ng batang katawan at murang isipan ay naroon ang maturity pagdating sa pag-handle ng mga responsibilidad niya sa trabaho. Kaya nga hindi na ako nagtaka nang pinakyaw niya ang monthly awards na ibinibigay sa team. At tila 'di pa nakuntento, naging top performer pa siya isang buwan bago siya ma-regular sa trabaho. Nakakatuwa. Sa kabila ng mga karangalang nakuha niya sa iilang buwan pa lang na pagtatrabaho ay hindi nagbago ang ugali niya pagdating sa pagtupad sa kanyang mga responsibilidad sa opisina.

USERID: CONDRAFR

Ang suplado mo naman.

'Yon ang nabasa niya sa natanggap niyang email. 'Di niya malaman kung sino ang nagpadala sa kanya no'n dahil APProcessing mailbox ang ginamit.

Hmmm... Secret admirer?

Baka naman stalker?!

Hindi ko alam kung nakuha ng email na iyon ang kanyang atensiyon, pero ilang araw lang ay nakatanggap naman siya ng text message galing din kay APProcessing.

At mula noon ay nakatatanggap na siya ng mga mensahe mula rito.

Ewan ko lang kung nirereplayan niya ang mga text message ni APProcessing pero knowing Raffy, alam kong siya 'yung tipo na 'di magre-reply sa mga nagte-text na 'di niya kilala.

At noong Valentine's Day, kung saan may pakulong Greeting's On Air sa production floor, tatlong mensahe mula kay APProcessing para kay Raffy ang binasa ng DJ. Mga mensaheng nagsasabi ng paghanga niya kay Raffy mula sa pisikal na anyo nito hanggang sa mga ngiting nagpapawala sa kanyang katinuan. Mensaheng nagpaparamdam kung gaano kasidhi ang pagnanais niyang makilalang mabuti si Raffy at maging malapit na kaibigan.

Sino si APProcessing?

Babae ba siya o lalaki?

That's my tomboy o pogay?

At saka ko nalaman, ako pa pala ang naging dahilan para makuha ni APProcessing ang number ni Raffy.

"Tsong! Anong number ni Raffy?" Tinawag ako ng team lead naming si Tina pagdaan ko sa station niya.

"Marami po siyang number, eh. Wala ka po bang number niya?"

"Meron kaso 'di ko kabisado."

Pasimple kong nilabas mula sa bulsa ko ang cellphone. Bawal sa production floor ang phone at lagot ako kapag nakita nilang nagdadala ako ng telepono sa loob ng production area.

Tiningnan ko sa phone book ang number ni Raffy at binigay ko kay Tina. 'Di ko na inalam kung para saan. Siguro ite-text niya si Raffy para sa kung ano mang importanteng bagay.

Ilang araw lang ang nakakalipas at may sinabi sa akin si Raffy.

"Tsong, may nagte-text sa akin hindi ko kilala."

"E 'di mag-reply ka, tanungin mo kung sino."

"Hindi pa nga ako nagre-reply. Hindi kasi ako sumasagot sa text 'pag hindi ko kilala."

Hindi na ako nagsalita. Alam kong gano'n nga si Raffy, dedma sa mga unknown numbers na bigla na lang magte-text sa kanya.

Pero nang sumunod na araw, may sinabi na naman siya sa akin.

"Tsong, kilala ko na kung sino 'yung nagte-text sa akin."

"Sino raw?"

"Si AP Processing."

"Ha? Nagpakilala na ba kung sino siya?"

"Hindi pa rin. Sinabi lang na siya si AP Processing."

"In fairness, resourceful siya. Nag-effort pa talaga siya na makuha ang number mo!"

"Sino kaya 'to? Ayaw naman talagang magpakilala." Ang pagtataka ay hindi nawala sa mukha ni Raffy.

Hindi na ako nakasagot. Anong isasagot ko sa isang bagay na ako mismo ay walang kaalam-alam?

ISANG araw ay nilapitan ko sa station niya si Tina. Hindi mawala sa isip ko na nagsimulang mag-text kay Raffy si APProcessing pagkatapos na hingin ni Tina sa akin ang number nito.

"May nagte-text kay Raffy pero hindi niya kilala," kaswal kong sabi.

Tumingin sa akin si Tina at saka tumawa nang mahina. "Kilala ko yata 'yong nagte-text sa kanya."

"Kilala n'yo po?"

"Hindi ba hiningi ko sa'yo ang number ni Raffy?"

"Sino pong humingi sa'yo? Kanino mo binigay?" tanong ko.

"Do'n sa isang lead. May tao raw siyang gustong malaman ang number ni Raffy."

"Sinong lead? Sino po 'yong tao niya?"

At sinabi sa akin ni Tina kung sino ang lead na iyon at pati na rin ang tao nito na interesadong malaman ang cellphone number ni Raffy.

MADALAS na pareho kami ng shift ni Raffy. Parang package deal yata kami. Kung ano ang shift ng isa ay gano'n din ang shift ng isa pa. Kaya nang mapunta kami sa night shift ay nakasabay din namin ng shift ang taong pinagsususpetsahan kong si APProcessing.

Pagdating ko sa office ay naroon na si Raffy. Medyo nagulat ako dahil nakaupo sa bandang likuran niya ang isang lalaking kilalang-kilala ko sa mukha at pangalan. Itago natin siya sa pangalang Bryan. Siya ang sinabi sa akin ni Tina na diumano ay humingi ng cellphone number ni Raffy. Kung ganoon, siya si APProcessing?

Umupo ako sa station na katabi ng station ni Raffy. Mas malapit sa likuran ko si Bryan. Ilang sandali pa ay nakita ko si Bryan na tumayo at nag-login sa computer na nasa likuran ng station ni Raffy.

---to be continued

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top