TAA KABANATA 35

[Kabanata 35]

KINABUKASAN, maaga pa lang ay nagising na si Pablo. Napatingin sya sa kanyang gilid at nasilayan nya ang mahimbing na natutulog na si Patricio, hindi nila kasamang matulog si Isabelita. Napangiti si Pablo habang pinagmamasdan ang mukha ng kanyang anak, hindi maitatanggi na kamukha nya ito. Bumangon na si Pablo at bumaba na, naabutan nya ang mga kasambahay na naghahanda ng almusal.

Ngunit ang pumukaw sa kanyang atensyon ay si Isabelita, napangiti agad sya nang makita ito. Napatingin din si Isabelita sa kanya at napangiti, bumaba na sya mula sa hagdanan. Lalapitan na nya sana si Isabelita nang biglang may putok ng baril na naghari sa kanilang kapaligiran, napatigil si Pablo at naistatwa. Natamaan ng bala si Isabelita, natamaan ito sa kanyang puso...

Biglang napabalikwas ng bangon si Pablo dahil sa kay sama nyang panaginip, agad syang napatingin sa kanyang katabi. Tulad sa kanyang panaginip ay mahimbing ding natutulog ngayon si Patricio, hinalikan nya ito sa noo at agad na lumisan sa kanilang silid. Katulad din ng kanyang panaginip ay naghahain ang mga kasambahay, ngunit ang pinagkaiba ay... Wala si Isabelita.

Agad syang lumapit kay Manang Juana. "Manang... Nasaan po si Isabelita?" kinakabahang tanong ni Pablo.

"Naroon sa kanyang silid hindi ba? At bakit mukhang ikaw ay balisa?" nagtatakang tanong ni Manang Juana, napahinga naman ng malalim si Pablo.

"Ako'y nanaginip ng masama Manang, na... Nabaril daw si Isabelita" mabigat ang loob na sabi ni Pablo, hinawakan naman ni Manang Juana ang balikat ni Pablo at ngumiti.

"Huwag kang mag-alala Pablo, panaginip lamang iyan. Baka pinaaalahanan ka lamang ng iyong panaginip na mag-ingat ka, kayo" nakangiting sabi ni Manang Juana. "Ayon sya oh" dagdag pa ni Manang Juana at itinuro ang kabababa lang na si Isabelita at Patricio, lumuwag naman ang pakiramdam ni Pablo at ngumiti kay Manang Juana.

"Salamat po Manang" matapos nyang sabihin yon ay lumapit na sya sa kanyang mag-ina, inalalayan nyang umupo si Isabelita. Nasa sentro ng hapag kainan si Pablo habang magkatapat naman si Isabelita at Patricio. Nagdasal muna sila bago magsimulang kumain.

"Sa susunod ay nais kong bilhan kayo ng mga magagandang damit, nais kong maranasan ang masayang buhay kasama kayo" nakangiting sabi ni Pablo, napangiti naman si Isabelita dahil sa dulo ng sinabi ni Pablo.

"Nais nyo bang mamasyal tayo sa Santa Prinsesa?" nakangiting tanong ni Isabelita, agad namang tumango si Patricio. Si Pablo naman ay nag-aalinlangan ngunit tumango na rin sapagkat doon masaya ang kanyang pamilya. Nagsimula na silang kumain.

NASA kalesa ngayon sina Pablo, Patricio, at Isabelita. Nakasuot ng magarbong baro't saya si Isabelita na kulay lila habang si Pablo at Patricio naman ay nakasuot ng barong tagalog. Itinuturo ni Pablo kung ano ang mga nadadaanan nila habang si Isabelita ay nakangiting pinagmamasdan sila, hangang-hanga naman si Patricio sa kanyang mga nakikita.

Ito ang unang beses nya na makasuot ng mamahaling kasuotan at makasakay sa kalesa na labis nyang ikinatuwa, si Isabelita ay labis na namangha rin sa kanyang kasuotan. Maya-maya lang ay tumigil sila sa hardin ng Santa Prinsesa, inalalayan ni Pablo na bumaba si Isabelita. Hindi na maawat ang pagngiti ni Isabelita sapagkat tila kinikiliti ang kanyang puso ngayon.

"Alam mo ba anak, dito kami palaging nagkikita ng iyong ina kahit wala naman kaming usapan. Palagi ko syang naabutan na may hawak na magandang lilang rosas na kasing ganda nya" banat ni Pablo, natawa naman si Isabelita.

"Ito ang lugar na aming naging tagpuan, ang lugar na ito na syang naging saksi sa aming pag-iibigan" nakangiting sabi ni Isabelita, namangha naman si Patricio. Bigla silang napatingin sa dalawang lalaki na kalalabas lang sa loob ng hardin at may dalang panguha ng litrato (kamera), nagbigay galang ang mga ito at ganoon din sina Pablo.

"Magandang hapon mga Ginoo, kung ayos lang sa inyo ay maaari nyo ba kaming kuhanan ng litrato?" magalang na tanong ni Pablo, nagkatinginan naman ang dalawa at tumango.

"Maaari Señor" magalang na ani ng isa, inayos nang isang Ginoo ang kanilang pwesto habang ang isang Ginoo naman ay hinanda na ang pagkuha sa kanila ng litrato. Magkatabi si Pablo at Isabelita habang si Patricio naman ay nasa kanilang harap at nasa kanilang gitna rin, pumunta na sa kanilang harapan ang umayos sa kanilang pwesto.

"Wala muna pong gagalaw, bibilang ako ng tatlo. Isa, dalawa, tatlo" pagkasabi niyon ay may pinindot ang potograpo sa kuhanan ng litrato, sumenyas ang isa na tapos na kung kaya't malaya na ulit silang gumalaw. Ilang sandali lang ay binigay na ng potograpo ang litrato kay Pablo, nagbayad naman ng salapi si Pablo bilang kabayaran. Nagpasalamat sila at ganoon din ang pamilya Natividad, pinagmasdan nila ang larawan.

"Kay ganda" namamanghang saad ni Isabelita, napangiti naman si Pablo at tumango. Seryoso ang mukha nila sa larawan, hindi pa rin iyon ganoong kalinaw.

"Oh sya, tayo'y pumunta na sa ilog" nakangiting sabi ni Pablo, tumango naman si Isabelita at Patricio. Sumakay na muli sila sa kalesa papunta sa ilog kung saan matatagpuan nila ang alon ng buhay at pag-ibig.

NANG makarating sila roon ay muli silang napangiti, ang ilog na konektado sa lawa. Hinawakan ni Pablo ang kamay ni Isabelita at hinalikan ito.

"Hindi ko akalaing mangyayari ang araw na ito, mahal na mahal kita Isabelita" emosyonal na sabi ni Pablo at may kinuha sa kanyang bulsa, isang singsing na may nakasulat na 'Te Amo, Mi Amor'.

"Nais kitang pakasalan, Isabelita..." nakangiting sabi ni Pablo, nangilid naman ang luha ni Isabelita at tumango-tango. Lumuhod si Pablo at dahan-dahang ilinagay ang singsing sa palasingsingan ni Isabelita, umihip ang malamig na hangin at kasabay niyon ay ang pagngiti ng kanilang mga labi dahil sa labis na saya.

Napapalakpak naman si Patricio dahil
sa tuwa. "Mahal ko po kayo Itay at Ina--" Hindi na natapos nya natapos ang kanyang sasabihin nang may putok ng baril na naghari sa buong kapaligiran, at ang bala na iyon ay diretsong tumama kay... Patricio.

Tinamaan sya sa balikat, nagulat naman si Pablo at Isabelita. Agad hinawakan ni Isabelita at Pablo ang kanilang anak. Napatingin sila sa may hawak ng baril, si Victorina. Tumatangis ito ng sobrang lakas at napakasama ng tingin nito ngayon kay Isabelita at Pablo.

"Kasalanan nyo! Kasalanan nyo kung bakit namatay ang aking ama!" sigaw ni Victorina, naalala nyang muli kung paano nya nalaman na namayapa na ang kanyang ama sa isang iglap...

Napatingin sya sa kanyang pintuan ng bumukas ito, bumungad sa kanya ang malungkot na si Rosa. Binitawan nya naman ang kanyang tinatahi at tinignan ito nang nagtataka.

"Ano iyon?" tanong ni Victorina.

"Aking nalaman na nagbalik na ang tunay na minamahal ni Pablo, si Isabelita" puno ng galit na saad ni Rosa, nagulat naman si Victorina.

"Ano?!" inis na sigaw nito at napatayo.

"Ang mas nakakagulat pa ay... May anak na pala sila, itinago lang ni Isabelita ito sa loob ng mahabang panahon dahil sa pag-aakala nya na ikakasal na kayo ni Señor Pablo" saad ni Rosa na ikinatigil ng mundo ni Victorina, kusang tumulo ang luha sa mga mata nya.

"T-totoo ba iyan?" lumuluha na tanong ni Victorina, tumango si Rosa.

"Oo, totoo ang aking mga tinuran at ang anak nyang iyon ang magiging dahilan upang kailanman ay hindi ka magagawang mahalin pabalik ng iyong sinisinta" dadag ni Rosa upang lalong magalit ang señora, kumuyom ang kamao ni Victorina. Biglang may kumatok sa kanyang pinto, binuksan iyon ni Victorina at bumungad sa kanila ang isang kasambahay na may dalang liham. Kinuha ito ni Rosa at binigay kay Victorina, kinuha naman iyon ni Victorina at binasa.

Binibining Victorina Angeles,

Ako ang naging doktor ni Don Tiburcio Angeles simula nang makarating sya rito, agad nyang ginusto na magpagamot na agad naming ginawa upang hindi na lumala pa ang kanyang sakit. May sakit sya sa puso. Ginawa namin ang lahat upang mapagaling sya ngunit sa kasamaang palad ay hindi nya kinaya ang operasyon, hindi namin nailigtas ang iyong ama. Naririto ang kanyang labi sa Maynila. Paumanhin binibini, ikinalulungkot namin ang kanyang pagkawala.

Doktor Asuncion.

Nabitawan ni Victorina ang papel na kanyang hawak dahil sa labis na pagkabigla, napahawak sya sa kanyang dibdib na ngayo'y patuloy na naninikip. Tuluyan nang tumulo ang sunod-sunod nyang luha at kasabay niyon ay pamumuo ng galit sa kanyang puso at ang tanging kanyang sinisisi sa pangyayaring ito ay si Isabelita at ang anak nito.

"Kasalanan nyo! Sisiguraduhin kong mamatay kayong lahat!" puno ng galit, hinagpis, at poot na sigaw ni Victorina. Ang putok ng bala ay nagbigay ng gulat at takot sa mga tao sa bayan ng Santa Prinsesa, ang mga guardia sivil ay nagulat din ay hinanap kung saan nanggaling ang putok ng bala.

"Victorina! Wala kang karapatan na saktan ang sino man sa mga mahal ko!" galit na sigaw ni Pablo, binitawan nya muna ang kanyang anak at lumapit may Victorina upang pigilan ito ngunit napatigil din sya nang itutok nito ang baril sa kanya.

"Ikaw naman Pablo, kahit kailan ay hindi ka nagkaroon ng puso para sa akin! Kahit kailan ay hindi mo ako minahal! Magsama-sama kayong mga taksil! Mga trahidor!" sigaw ni Victorina at itinutok ang baril sa puso ni Patricio na ngayo'y labis na iniinda ang baril nya sa balikat. Tila tumigil naman ang pag-ikot ng mundo ni Pablo nang tuluyan ng ipinutok ni Victorina ang bala papunta kay Patricio.

"Patricio!" sabay na sigaw ni Pablo at Isabelita, agad na hinarangan ni Isabelita si Patricio na naging dahilan upang sya ang tamaan sa puso. Sa sandaling iyon, tuluyang gumuho ang mundo ni Pablo habang nakatingin ng diretso kay Isabelita. Kasabay ng biglaang pagbuhos ng ulan at pag-ihip ng malamig na hangin ay ang tuluyang pagbagsak ni Isabelita sa lupa.

********************
#TeAmoAdiós


A/N: Waaa huhu nanghihinayang ako sa buhay ni Isabelita :((

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top