Chapter 2
Chapter 2
51 years ago. April 18, 1965
"Gerry, parang matutunaw na ako sa kanyang tingin." Impit na tili ng pinsan ni Gertrude habang nakaupo sila sa isang kainan at naghihintay nang inorder nilang pagkain. Tiningnan niya ng masama ang pinsan dahil hindi na siya natutuwa sa inaasta nito. Para itong inahing baboy na hindi mapakali. Nakakahiya sa mga makakarinig at baka sabihing malandi silang dalawa.
"Ano ka ba Gemma! Tumigil ka nga at nakakahiya ang ginagawa mo!"
"Hindi ko talaga mapigilan Gerry. Ang pogi pogi niya. Ang tangkad at kung tumingin, parang hinihigop ang kaluluwa ko." Gertrude rolled her eyes at her cousin. Sa isang beses niyang pagsulyap sa lalaking tinutukoy nito, napagtanto niyang magandang lalaki nga ito. Maputi, matangkad at halatang may dugong banyaga. Sa isang beses niyang pagsulyap nakita niya ang nakahandang ngiti nito na lumapad nung magsalubong ang mga tingin nila. Agad niyang iniiwas ang tingin sa lalaki.
"Wag mong tingnan. Malay mo may balak siyang masama sa atin kaya ganyan siya kung makatingin." Pasimple niyang sinulyapan ang lalaki at nakita niyang nakatingin pa din ito sa kanila. Naramdaman niya ang pagtayo ng mga balahibo niya sa batok. Napaka-creepy ng lalaki.
"Ano naman ang magagawa niya sa atin? Nasa pampublikong lugar tayo."
"Malay mo uutangan niya tayo. May pera ka bang ipapautang sa kanya?" Ang pera nilang dala ay kasya lang sa pagkain nila, pamasahe at sa asukal na pinabili ng nanay niya.
"Mukhang hindi naman siya mangungutang."
"At paano mo naman nalaman ang mukha ng taong mangungutang at ng taong hindi?" Pinilit niya ang sariling hindi sulyapan ang lalaki kahit na para bang may humahatak sa kanyang tingnan ito. Ramdam na ramdam din niyang nakatingin pa din ito sa kanila.
"Hindi ko kasi siya kamukha." Tumawa ito ng malakas at napangiti na din siya dahil may bahid ng katotohanan ang sinabi nito. Palagi siya nitong inuutangan ng pera.
Tumigil lang sa pagtawa si Gemma nung may marinig silang tikhim. Sabay pa silang napalingon at sabay din na nanlaki ang mga mata nila nung makita nilang nasa tabi na ang pinag-uusapang lalaki.
"Magandang araw mga binibini." Nakangiting bati nito sa kanila. Hindi siya agad nakapagsalita pagkarinig sa baritonong boses nito. Parang masarap pakinggan at nanunuot sa kanyang kalamnan.
"Magandang umaga din ginoo at magandang umaga Antonio." Ganting bati ni Gemma at noon niya lang napansin na kasama pala ng lalaking mangungutang na may magandang boses si Antonio.
Kababata nila si Antonio pero nung nagkolehiyo ay lumipat ito sa Maynila at doon na nag aral. May kaya ang pamilya ni Antonio kaya nakaya ng mga magulang nitong ipadala ito sa Maynila. Ang alam niya ay sa Ateneo ito ngayon nag aaral. Sila ni Gemma ay sa kolehiyo sa bayan nag aaral. Kung hindi pa siya scholar ay baka hindi siya makakatapak sa kolehiyo.
"Magandang umaga Gemma, Gertrude. Pwede ba kaming makiupo sa mesa ninyo?" Nakangiting sabi ni Antonio. Tumingin ito sa kanilang dalawa pero nahalata niya ang malagkit na titig ni Antonio sa kanyang pinsan. Alam niyang may unawaan ang dalawa pero dahil sa hindi pa pwedeng magnobyo ang pinsan ay tinatago ng mga ito ang relasyon. Hindi na siya magtaka kung hindi pagkakataon ang pagkikita nila ngayon.
Umupo na ang dalawang lalaki sa mesa nila. Agad na tumabi si Antonio sa upuan na katabi ni Gemma at siyempre nakatabi niya ang lalaking mahalay kung tumitig.
"Kamusta ka na Gertrude?" Malambing na tanong sa kanya ni Antonio at hindi niya napigilan ang pag ismid. Ang dami pang pasakalye, si Gemma naman ang gustong kamustahin.
"Mabuti naman si Gemma Antonio. May nanliligaw sa kanya pero hindi niya pinapansin dahil alam naman ng lahat maliban sa Nanay niya na may unawaan na kayo." Napatawa ng malakas si Antonio at ang kasama nitong lalaki dahil sa sinabi niya. Pinamulahan naman ng mukha ang kanyang pinsan.
"Always witty Gertrude." Nanunukso ang ngiting ibinigay sa kanya ni Antonio.
"Alam ko Antonio." Bigla siyang napatigil sa pagsasalita at napatingin sa lalaking katabi niya na ngayon ay nakadantay na ang kamay sa likuran ng silyang kinauupuan niya. Tiningnan niya ito ng masama.
"Mister kung mangugungutang ka ay sabihin mo ng diretso. Wag mo akong daanin sa pagdikit dikit mo sa akin." Singhal niya sa lalaking mabango. Bigla itong nasamid ng tubig na iniinom na nagkataon na tubig niya na binigay ng waiter kanina. Halatang mangungutang talaga ito dahil kahit tubig ay hindi nito kayang bilhin. Agad naman nitong inalis ang braso sa kanyang upuan pero hindi niya inalis ang matalim na tingin dito.
"Ger! Sinabi ko nang hindi siya mangungutang! Antonio, bakit hindi mo ipakilala sa amin ang kasama mo?" Siniko na ni Gemma ang nobyo.
"Pasensiya ka na Gerry at nawala sa isip kong ipakilala kayo." Hinging paumanhin ni Antonio.
"Hindi na kailangan Antonio!" Sabi niya dahil wala siyang planong makipagkilala sa lalaki. Ayaw niya aura nito.
"Walang anuman pare!"
Sabay pa silang nagsalita at tiningnan niya ng masama ang lalaking mabango, na may maganda at nakakaakit na boses.
"Ano ka ba! Wag ka ngang sabat ng sabat sa usapan! Hindi naman ikaw ang kausap. Narinig mo naman siguro na Gerry ang sinabi. Gerry ba ang pangalan mo?" Hindi na niya napigilan ang pagtaas ng boses. Naiinis siya sa lalaki. Masyadong pakialamero at sabat ng sabat sa usapan ng may usapan.
"Gerry nga ang pangalan ko." Nakangiting sabi nito habang mataman na nakatingin sa kanya.
"Ahm...Gerry, meet Gerry..." Natatawang sambit ni Antonio at nung di na nito napigilan ay tumawa na ito ng malakas at nakitawa na din si Gemma at si...ang lalaking mang-aagaw ng pangalan.
"Wag niyo akong pinagloloko!" May pruweba na ito na Gerry din ang pangalan nito?
"Hindi ka namin pinagloloko Gertrude. Gerry talaga ang pangalan niya. Gerry Villegas." Sabi ni Antonio at sa tingin niya ay nagsasabi naman ito ng totoo. Kilala niyang hindi sinungaling si Antonio. Katunayan, minsan ay ito ang nagbabayad ng utang ni Gemma sa kanya.
"Totoo Gerry! Nabanggit na siya sa akin ni Antonio sa isa sa mga sulat niya at alam ko din na kasama siya ngayon ni Gerry. Ang totoo kaya tayo pumunta dito ay dahil gusto namin kayong ipakilala sa isa't isa dahil sa tingin namin ay bagay na bagay kayo." Pinanlakihan niya ng mata ang pinsan. Anong pinagsasabi nito na bagay sila ng lalaking ito? Maganda siya at ito ay mabango. Kelan pa naging bagay ang maganda at mabango? Isang malaking kalokohan ang pinag iisip ng kanyang pinsan.
"Tama! Isa pa hindi na mapakali itong si Gerry simula nung..." dugtong ni Antonio pero na ito pinatapos pa ng lalaki.
"Simula nung masilayan ko ang iyong larawan na kasama si Gemma sa mga larawang pinadala niya kay Antonio. Naisip ko kaagad na kailangan kong makilala, sa lalong madaling panahon ang babaeng aking mapapangasawa. Ang babaeng magiging ina ng aking mga supling. Ang babaeng..." Madamdaming sabi nito pero natigil ito sa pagsasadula nung padabog siyang tumayo at pinanlisikan ito ng mga mata.
"Ang kapal ng pagmumukha mo, ginoo. Hindi kita gusto!" Mas madamdaming pahayag niya habang nakatingin dito. Nararamdaman niya ang bilis ng tibok ng puso niya at sigurado siya na dahil iyon sa galit. Ano ang karapatan ng lalaking ito na paglaruan ang damdamin niya?
"Parehas pala tayo ng nararamdaman binibini. Hindi rin kita gusto dahil sa tingin ko, minamahal na kita." Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ng lalaki. Aba't napakakapal talaga ng pagmumukha at ang lakas ng apog ng lalaking ito. Gustong gusto niyang hampasin ito ng upuan.
Hindi niya alam ang sasabihin at nararamdaman niya ang pag iinit ng pisngi dahil sa mga narinig.
"Antonio, saan mo ba napulot ang lalaking ito at mukhang napakahangin ng pinanggalingan na hanggang dito ay dinala ang hangin?" Nakita niya ang aliw sa pagmumukha nina Antonio at Gemma habang nakatingin sa kanilang dalawa. Paanong naaaliw ang mga ito samantalang siya ay gusto nang magbuga ng apoy?
"Sa Cubao Gerry." Nakangiting sabi ni Antonio.
"Natutuwa akong malaman na interesado ka na kaagad sa aking pinagmulan binibini." Hindi naman maalis ni Gerry ang tingin sa kagandahan na nasa tabi niya. Napakaganda at napaka-inosenteng mukha. Hindi siya nagkakamali sa pagtakas ng kotse ng kanyang ama para makasama kay Antonio sa bayan nito. Hindi niya kailanman pagsisihan ang ginawa niya dahil ngayon ay nasilayan na niya ang babeng ilang linggo siyang binulabog sa umaga at gabi.
Hindi niya aakalaing may mas ikakaganda pa ito sa larawang kanyang nasilayan ilang linggo na ang nakaraan. The picture didn't give her justice. Hindi naipakita ng larawan ang makinis at mamula mula nitong kutis, ang mahahabang pilik mata at ang mapupulang labi. Hindi rin naipakita ng larawan ang mata nitong mapusyaw na brown at napapalibutan ng makakapal na pilikmata na para bang palaging nangungusap. Hindi nabigyan ng hustisya ng larawan ang kagandahan nito na lalong pinatingkad ng mamula muila nitong buhok.
"Hindi ako interesado sa'yo!" Galit na sabi ni Gertrude pero ngumiti lang si Gerry dahil ngayon lang siya nakakita ng babaeng lalong gumaganda habang nagagalit. Hindi siyang magsasawang galitin ito palagi. Kahit araw araw pa.
"Alam ko naman na mahirap paibigin ang mga babaeng katulad mo, mahal!" Nanlaki ang mga mata ni Gertrude sa sinabi ni Gerry. Hindi kaya nababaliw na ang lalaki at parang naghahalusinasyon na ito?
"Wag mo akong tawaging mahal!" Singhal niya dito.
"Mahal na kita kaya yun na ang itatawag ko sa'yo mula ngayon. Isa pa, hindi ka ba naaasiwa kapag tinawag mo akong Gerry? Parang kinakausap mo na din ang sarili mo. Baka mapagkamalan ka pang baliw. Kaya kung ako sa'yo mahal na din ang itawag mo sa akin. Hindi ako magrereklamo" Kumindat pa siya sa babae at umismid naman ito sa kanya. Simply adorable.
"Umuwi na tayo Gemma." Tuluyan nang nawala ang gana niyang kumain dahil sa lalaking ito. Hindi siya makakatagal na makasama pa ito ng matagal.
"Pero hindi pa tayo tapos kumain Gerry."
"Wala na akong gana. Iuwi na lang natin ang mga pagkain sa bahay." Matalim ang sulyap ang ibinigay niya sa lalaki para ipaalam dito na ito ang dahilan ng kawalan niya ng gana.
"Pero Gerry, kararating lang nina Antonio..." Nagsusumamo na ang boses ni Gemma pero wala siyang panahon na maawa dito. Baka kasi pag nagtagal pa siya ay makapatay siya ng tao.
"Kung gusto mo maiwan ka dito at kapag nagtanong si tiya ay sasabihin ko na kasama mo si Antonio." Banta niya sa pinsan at dahil sa sinabi niya at bigla na din itong tumayo.
"Wag!"
"Mabuti atang sabihin na nating sa nanay mo ang tungkol sa atin Gemma. Ilang buwan na rin lang naman at magtatapos na ako." Nagkatinginan ang magkasintahan at wala pang isang minute ay parang may sarili nang mundo.
"Tamang tama para makilala ko na din ang magiging biyenan ko! Kailangan malaman niya ang malinis kong intensiyon." Nagsalita na naman ang mayadang na lalaki sa tabi niya. Naririndi na siya sa boses nito. May palagay siyang hidni niya makakalimutan ang timbre ng boses nito.
"Hindi kita magiging kasintahan, lalong lalo na ang magiging asawa. Ang presko presko mo! Ang kapal ng mukha!" Singhal niya dito at mukhang hindi man lang ito natinag. Kung hindi ba naman makapal talaga ang pagmumukha.
"Hindi talaga kita magiging nobya dahil pipikutin mo ako." May lakas ng loob pa itong ngumisi sa kanya. Nangangati na ang kamay niyang sampalin ito pero hindi niya ugali ang manakit ng tao.
"Aba't!" Pinigil niya ang damdamin at tumingin kina Gemma at Antonio.
"Aalis na tayo Gemma."
"Sige, teka at hihintayin lang namin ang mga pinabalot na pagkain. Mauna na kayo sa labas." Tumalikod na siya at naglakad palabas ng kainan. Gusto na talaga niyang makalayo sa lalaking hambog.
"Ihahatid na namin kayo mahal!" Masayang sabi ni Gerry habang nakatingin pa din kay Gertrude. Hindi talaga siya nagsasawang titigan ito. Mabilis siyang sumunod dito.
"Wag kang lalapit sa akin!" Biglang sabi nito nung nasa labas na sila ng kainan at akmang lalapit na siya dito.
"Eh di hindi! Tama na ba ang distansiyang ito mahal?" Mga isang dipa ata ang layo nila.
"Wag mo nga akong tawaging mahal!" Lumalabas na ata ang litid niya sa leeg dahil sa galit. Pakiramdam niya mauubusan na siya ng dugo.
"Ayaw mo ba na may nagmamahal sayo?"
"Ayaw ko sa'yo! Ang presko mo!"
"Ayaw mo ng presko? You want it hot? Masyado ka namang liberated mahal." Nakita niya ang panunuksong ngiti sa mga labi nito na lalong nagpatindi sa inis na nararamdaman niya.
"Alis-alisin mo ang pagmumukha mo sa harapan ko!" Ano ba ang ginawa niyang kasalanan kahapon at mukhang minamalas siya ngayon araw?
"Hindi maaari mahal. Kapag ginawa ko yun, suicide na yun. Hindi ko kayang ihiwalay ang mukha ko sa katawan!" Pilosopong sabi nito.
"Ibig kong sabihin, umalis ka sa harapn ko!" Bulyaw niya sa lalaki. Hindi kaya kulang ito sa talino at hindi naiintindihan ang mga sinasabi niya? Nakita niyang naglakad ito palapit sa kanya at tumayo hindi malayo sa kanya. Hindi na nga niya ito kaharap pero nasa tagiliran naman niya ito.
"Okay na ba?" Nakangiti pang sabi nito. Naiiyak na siya sa inis pero bigla naman ang pagdating nina Antonio at Gemma.
"Tara na Gerry. Ihahatid na natin sina Gemma sa kanila." Yaya ni Antonio sa kaibigan.
"Ayaw kong kasama siya!"
"Sa kanya ang kotseng maghahatid sa atin Gerry. Pumayag ka na Gerry. Kailangan ko ng moral support sa pagtatapat namin sa Nanay." Pagsusumamo ng pinsan niya.
"Sige pumapayag na ako sa isang kondisyon..." Tiningnan niya ng masama ang lalaki. "Wag kang magsasalita. Mangako ka na hindi ka magsasalita!" Hinintay niyang pumayag ito sa kondisyon niya pero hindi ito nagsalita. Nakatingin lang ito sa kanya.
"Mangako ka!"
"Sabi mo hindi ako magsasalita. Pwede na ba akong magsalita, mahal?"
"Oo."
"Sige pangako, hindi ako magsasalita." Dahil sa sinabi nito ay pumayag siyang sumakay sa kotse nitong walang bubong. Sa awa nang diyos, tinupad naman nito ang sinabi na hindi magsasalita pero panay ang sulyap nito sa kanya. Natakot pa nga siya at baka mabangga sila sa puno o kaya ay mahulog sa kanal dahil sa ginagawa nito. Sa kabutihang palad ay nakarating naman sila ng matiwasay sa bahay nila. Sa tapat ng bahay nina Gemma sila tumigil at dahil magkapaitbahay lang sila, agad na sinalubong sila ng kanyang Nanay.
"Oh Antonio, mabuti at napadalaw kayo. Gerry, anak, nasaan na ang asukal na pinabili ko para sa lulutuin kong maruya mamaya?" Bigla niyang naalala ang pinabili ng ina.
"Nay, nakalimutan ko po..." Patay siya. Alam niya. Sa sobrang inis sa lalaki, nakalimutan niya ang bibilhin niya. Naghihintay na siyang mapagalitan nung mapatingin siya sa nanay niya na nakatingin kay Gerry.
"Mano po, Nanay." Nanay? Nanghilakbot siya sa ginawa at sinabi nito.
"Aba at sino ka naman?" Gusto na lang niyang magtago dahil sa mga nangyayari.
"Ako po ang inyong magiging manugang." Nakangiting sabi nito sa nanay niya.
"Kasintahan mo Gerry!?" Patay siya! Pero bago mangyari yun, papatayin muna niyang ang lalaking ito.
"Hindi po!" Agad niyang tanggi bago pa lumala ang sitwasyon.
"Manliligaw po ako sa kanya. Ipagpapaalam ko sa inyo ang panunuyo ko sa anak niyo. Kailangan niyo po ba ng asukal? Kung gusto niyo po ako na lang ang babalik sa bayan para bilhin ang asukal." Nakita niyang ilang beses na kumurap ang nanay niya habang nakatingin sa lalaki. Mukhang pati ito ay hindi alam ang gagawin.
"Aba eh, hindi ba nakaka-abala sayo?" Ano ang nangyari? Bakit bigla atang naging masuyo ang nanay niya sa isang lalaki? Sa pagkakatanda niya, ayaw nitong nililigawan siya.
"Hindi po. Ikinagagalak ko pong pagsilbihan kayo basta sa ikakatamis ng ngiti ng anak niyo." Utang na loob!
"Si-sige...ano nga ang pangalan mo anak?" Masuyong tanong ng ina niay sa lalaki.
"Gerry po. Pwede ko po bang tawagin kayong Nanay?" Masuyo din ang ngiti ng talipandas na laalki sa nanay niya. Galit ang nanay niya sa mga lalaki dahil iniwan ito ng Tatay niya pero bakit napakagiliw nito kay Gerry.
"Kung yan ang kagustuhan mo." Malambing na sabi ng ina na nagpalaki sa mga mata niya. Parang...parang pumayag na itong maging manugang ang lalaki. Hindi siya makakapayag!
"Nay!"
#HokageMovesNiLolo
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top