Chapter 18
CHAPTER 18
Unattended
Nagising ako nang maramdaman ang sikat ng araw na tumatama sa aking balat. Agad akong napatingin sa orasan at napabangon.
Shit! Ten O’clock na! Sobrang late na ako sa meeting ko!
Nakakahiya. Ako ang nag-set ng meeting tapos ako pa ang ma-le-late. Kahit naman ako ang President ay dapat ipakita ko sa kanila ang kahalagahan ng oras.
I immediately went to the bathroom and took a bath. I just wore a black halter neck jumpsuit matched with my black stilettos. After putting on a casual makeup, I grabbed my mini bag and black blazer before going out of my room.
“Manang si Glenn po?” tanong ko nang matanaw ko si Manang habang pababa ng hagdan.
“Wala pa siya, Miss Franz. Baka tinanghali rin ng gising,” sabi ni Manang kaya nasapo ko ang aking noo.
Ngayon pa talaga siya tinanghali ng gising? My goodness!
At dahil wala naman akong choice ay lumabas na ako ng mansyon at nag-drive patungo sa resort. Mas mabilis sa normal kong pagpapatakbo ng kotse ang takbo ko ngayon. Kalahating oras na akong late sa meeting namin. Baka nabuburyo na ang mga board members kahihintay.
Pagkaparada ay mabilis akong pumasok sa building at sumakay sa elevator. Sinalubong agad ako ni Catalina pagkarating ko sa floor kung nasaan ang opisina ko.
“Miss Franz, kanina pa ho kayo hinihintay ng board members,” sabi ni Catalina.
“I know,” I said before entering the meeting room.
Agad na tumahimik ang buong silid nang pumasok ako. Huminga ako nang malalim bago naglakad patungo sa aking upuan na nasa pinakagitna.
“Good morning, sorry I’m late. Let’s start the meeting.”
***
“Meeting adjourned.”
Isa-isa silang nagsitayuan matapos kong tapusin ang meeting namin. Tumayo na rin ako at nakipagkamay sa ibang naroon.
Nakahinga lang ako nang maluwag nang lahat sila ay nakaalis na at naiwan na akong mag-isa.
I glanced at my wristwatch and saw that it was already ten O’clock in the morning. Nagugutom na ako dahil hindi naman ako nakapag-almusal kanina sa sobrang pagmamadali.
Nasaan na ba si Glenn? Nandiyan na kaya siya?
Lumabas ako ng meeting room at nasalubong ko si Catalina.
“Catalina, nandiyan na ba si Glenn?” tanong ko sa aking sekretarya.
“Wala pa po yata, Miss Franz. Hindi ko pa siya nakita ngayong araw,” sagot niya kaya kumunot ang noo ko.
Wala pa rin siya? Don’t tell me hindi pa rin siya gising hanggang ngayon?!
Kinuha ko ang aking phone mula sa bag at agad siyang tinawagan pero unattended ang numero niya. Muli ko siyang tinawagan at gano’n pa rin.
Napipikon na ako, ha! Hindi man lang siya nagsabi na hindi pala siya papasok ngayon. Ni hindi nga siya nag-text man lang. Huwag niya sabihing wala rin siyang load? Argh!
Pumasok ako sa loob ng opisina ko at tiningnan ang schedule ko ngayong araw. Wala naman na akong importanteng meeting ngayon kaya puwede akong umalis.
Lumabas ulit ako at maglalakad na sana papuntang elevator nang bigla akong tawagin ni Catalina.
“Miss Franz, may lakad po kayo?” tanong niya habang bitbit ang iba-ibang folders sa kanyang kamay.
I nodded. “Yes, why?”
“May mga files pa po kasi kayong kailangan pirmahan.”
“What? Hindi ba puwede bukas ‘yan? Nagmamadali ako ngayon—
“Kailangan na raw po itong mapirmahan, Miss Franz. Hanggang mamaya na lang daw po ito,”
Napapikit ako sa inis. Bakit ngayon pa? Bakit ba nakakainis ang lahat ng mga nangyayari ngayon?! Kanina, na-late ako sa meeting, tapos nalaman kong wala si Glenn, then ngayon kung kailan pupuntahan ko na siya may pipirmahan pa akong sandamakmak na files!
Bumalik ako sa loob at naupo sa swivel chair ko. Nilapag naman ni Catalina ang mga papel na hawak niya sa mesa ko.
“Bakit ang dami naman niyan? Nananadya ba kayo?” inis kong tanong.
Pilit siyang ngumiti at namumutla na. “I’m sorry Miss Franz, ito po ’yung mga papers na dapat pinirmahan niyo noong mga araw na wala po kayo rito.”
“So, it’s my fault now?” I asked her again and she shook her head.
“Hindi naman po sa gano’n—
“Leave. Tatapusin ko ito, don’t worry,” I told her before I massaged my forehead.
Bumuntong-hininga ako bago sinimulang pirmahan ang mga papeles sa mesa ko. S’yempre hindi lang basta pirma ang ginawa ko. Kinailangan ko pang i-scan isa-isa ang mga papel na ito bago ako pumirma. Mahirap na at baka mapahamak pa ang kompanya kung basta-basta na lang akong pipirma nang hindi binabasa ang laman ng dokumento.
Sumulyap ako sa orasan at nakitang alas-kuwatro na ng hapon. Nalipasan na ako ng gutom sa kagustuhan kong tapusin agad ito.
“Finally! Natatapos din. Ouch, my hand!” Minasahe ko ang aking kamay bago ko ini-stretch ang aking likod.
Sobrang nangalay ang buong katawan ko. Ilang oras ba naman akong nakaupo at nakadukdok sa harapan ng mga papel na ito.
Nang masigurong wala na akong gagawin ay lumabas na ako ng opisina ko. Iniwan ko na lang sa mesa ang mga pinirmahan kong papel.
Muli akong nagmaneho patungo sa bahay nila Glenn. Gusto ko kasing malaman kung bakit wala siya sa opisina at kung bakit hindi niya sinasagot ang mga tawag ko.
Kagaya ng dati ay pinagtitinginan ako ng mga kapitbahay nila. Pero hindi ko sila pinansin, dumiretso ako sa pinto ng bahay nila Glenn at kumatok.
“Tao po! Glenn, nandiyan ka ba?” sigaw ko habang kumakatok pero walang lumabas maski anino niya.
Ba’t parang walang tao? Nasaan sila? May family outing ba sila ngayon?
“Tao po! Glenn? Tao po, may tao ba diyan?—
“Miss Franz?” Napalingon ako sa tumawag at nakita ko ang tatay ni Glenn. Mukhang galing pa siya sa kapitbahay dahil hindi ko naman napansin na nanggaling siya sa loob ng bahay nila.
“Ahm, magandang hapon po. Hinahanap ko po si Glenn. Nasaan po siya?” magalang kong tanong kahit na naiilang ako sa presensya ng ama ni Glenn.
“Bakit mo siya hinahanap?” tanong din niya sa akin kaya bahagya akong natigilan.
Hindi ko alam kung ako lang ba o sadyang may halong inis ang pagtatanong niya? Para bang mali na hanapin ko si Glenn?
“Hindi po kasi siya pumasok kanina. Hindi rin po siya nagsabi na a-absent siya sa trabaho,” sabi ko.
Pagak siyang tumawa. “Masiyado ka naman yatang concern sa anak ko. Ginagawa mo rin ba ’yan sa iba mong empleyado?”
Hindi ako nakasagot. Hindi ko alam kung anong pinapalabas niya. Iniisip niya bang may special treatment ako kay Glenn? Gano’n ba?
“Nagbibiro lang ako, Miss Franz. Wala rito si Glenn, sinamahan si Trisya na mamalengke. Alam mo na para makapag-bonding din sila, magandang simula iyon tutal sila rin naman ang magkakatuluyan at ikakasal. Hindi pala siya nakapagpaalam sa ’yo, dahil na rin siguro sa sobrang abala.”
Napahinga ako nang malalim dahil sa sinabi niya. Hindi ko gusto ang tono ng pagsasalita ng tatay ni Glenn. Palagi niyang ipinamumukha sa akin na si Trisya at Glenn ang nararapat sa isa’t isa.
“S-Sige po. Aalis na po ako,” sabi ko at agad na nagtungo sa sasakyan.
Hindi ko agad pinaandar ang kotse. Pinakalma ko muna ang sarili ko dahil pakiramdam ko sasabog ako nang hindi oras.
Kaya pala hindi pumasok sa opisina, kasi abala siya sa ibang babae! Bonding pala at practice bilang mag-asawa, ha!
Nang kumalma ay agad akong nagmaneho at nagtungo sa palengke. Hindi sapat sa akin ang narinig ko sa tatay ni Glenn. Kailangan ako mismo ang makakita na magkasama nga silang dalawa.
Isinuot ko ang blazer ko bago bumaba mula sa sasakyan. Pumasok ako sa palengke at tinignan ang mga tao roon. Mabuti na lang at may face mask akong stock sa kotse kaya nagamit ko iyon para hindi ako agaw-pansin sa mga tao. Pero kahit nakatago na ang kalahati kong mukha ay nagsisilingunan pa rin sila sa akin.
Malamang magtataka sila. Sino ba naman kasi ang pupunta sa palengke nang ganito ang suot?
Lumingon-lingon ako sa paligid para hanapin sila Trisya at Glenn. At hindi naman ako nahirapan dahil natanaw ko na sila agad. Nandoon sila sa bilihan ng mga gulay.
Lalapit na sana ako sa kanila nang mapahinto ako. Nanlaki ang mga mata ko sa nakikita at agad akong napaatras. Sa pag-atras ko ay hindi ko namalayan na may tao pala sa aking likuran at natapakan ko ang kanyang paa.
“Aray! Ano ba naman ’yan, Miss! Hindi ka tumitingin sa dinadaanan mo! Bakit kasi nakatakong ka pa rito sa palengke? Feeling sosyal, nakakasakit na ng tao!”
Natakot ako sa babae kaya agad akong naglakad palayo sa kanya. Masiyado ring malakas ang boses niya at sigurado akong narinig nila Glenn ’yon.
Hindi na ako lumingon pa at tumakbo papunta sa sasakyan ko. Pagpasok sa kotse ay sunod-sunod na nagbagsakan ang mga luha ko.
Napakapit ako nang mahigpit sa manibela habang sumisikip ang aking dibdib.
Hindi. Hindi totoo ang nakita ko. Hindi magagawa ni Glenn sa akin ’yon. Hindi niya ako lolokohin.
But then, he did! Kitang-kita ng dalawang mata ko ang pagtataksil na ginawa niya sa ’kin. Bagay na hindi ko inaasahang magagawa niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top