Chapter 1
CHAPTER 1
Arrogant
“Miss Franz, nandito na po tayo.”
Mula sa aking phone ay iginala ko ang paningin sa labas ng kotse. Pinagbuksan ako ng pinto ng driver ko kaya bumaba na ako agad. Pinagpagan ko na muna ang suot kong dilaw na sundress at isinuot ko na rin ang aking sunglasses. Pero muli ko rin iyong tinanggal nang mapatingala ako sa mansyon na nasa harapan ko.
“Wow,” I muttered while looking at the mansion.
I didn’t know we own a big mansion like this. Mas malaki pa ito sa bahay namin sa Manila. Bakit ngayon ko lang nalaman ang tungkol dito? And when I said, big. I really mean it. Malaki talaga. S’yempre mansyon nga, kaya obvious naman na malaki.
Nilibot ko ang paningin sa paligid. Punong-puno ng mga halaman at iba’t ibang bulaklak ang magkabilang gilid ng harapan ng mansyon. Umihip din ang malamig at preskong hangin. Hindi katulad sa Manila na mapolusyon. Ibang-iba talaga rito.
Ang ganda rito. Sobra. Kararating ko pa lang sa isla pero sigurado akong mas maganda pa ang ibang lugar na mapupuntahan ko rito.
“Miss Franz, pumasok na ho kayo sa loob. Tirik na tirik po ang araw.”
Lumingon ako sa babaeng nagsalita at pinagtaasan siya ng kilay. Iniihip ng hangin ang kanyang buhok na umaabot sa kanyang balikat at mas lalong lumiit ang singkit niyang mga mata dahil nasisinagan ito ng araw. She is a morena type of girl. Probably, because she’s living here in the island. Nakasuot siya ng brown na T-shirt at itim na shorts na abot sa kanyang tuhod. May bitbit siyang payong habang hinihintay na sumama ako sa kanya.
Mukha namang magka-edad lang kaming dalawa. Katulong siguro siya sa mansyon pero hindi ako sigurado.
“Sure,” sabi ko sa kanya bago lumingon sa driver na bitbit na pala ang mga maleta ko. “Manong, pakidala na lang po sa loob ang maleta ko.”
Tumango ang driver at nauna ng pumasok sa loob ng mansyon habang ako ay lumapit sa babaeng kausap ko kanina. Sabay kaming nagtungo sa pintuan ng mansyon at doon ay may matandang ginang na sumalubong sa amin. She’s smiling to us, showing her wrinkled skin on the face. But still, I appreciated her genuine smile.
Pagtapak ko pa lang sa loob ng mansyon ay agad kong inilibot ang aking paningin. Kulay puti at ginto ang kombinasyon ng buong mansyon. Sumisigaw ng karangyaan at kaginhawaan sa buhay ang lugar na ito. Makikintab at mamahaling muwebles ang naka-display sa bawat sulok na talaga namang hindi mo makikitaan ni katiting na alikabok. Halatang alang-alaga nila ang mansyon.
“Hello, Franzinne, Iha. Ako nga pala si Manang Lydia, ang katiwala rito sa mansyon. At siya naman si Trisya, ang aking apo,” sabi niya at itinuro ang babaeng kasama ko kanina. “Siya ang makakasama at aalalay sa ’yo rito. Maaasahan mo siya sa kahit na anong bagay.”
Tumango-tango ako at ngumiti. “Nice to meet you po. Sa ’yo rin Trisya. Aakyat na po muna ako sa kuwarto ko para magpahinga.”
Ngumiti ulit ang ginang. “O sige. Trisya, ihatid mo na siya sa kuwarto niya.”
“Opo, Lola.” Rinig kong sabi ni Trisya.
Nauna na siyang umakyat at sumunod naman ako. Ang unang pinto sa kaliwang pasilyo ng mansyon ang kuwarto ko. Binuksan iyon ni Trisya bago ako pinaunang pumasok.
Nakabukas ang balcony ng kuwarto kaya natatanaw ko ang magandang tanawin ng isla. Mula rito ay kitang-kita ko ang karagatan sa malayo. May mga puno rin na sumasabay sa ihip ng hanging malamig. Muli akong napangiti.
Mukhang tama nga si Brandon, hindi naman gano’n ka-sama ang tumira rito sa isla. Pero s’yempre unang araw ko pa lang dito kaya hindi muna ako magsasalita nang tapos.
Nilingon ko si Trisya at nakita ko siyang isinasalansan na sa cabinet ang mga damit ko. Napakahinhin niya kumilos. Parang hindi makabasag pinggan. Pansin ko rin na mahiyain siya dahil hindi niya ako magawang tingnan sa mga mata ko.
“Miss Franz, gusto n’yo po ba magmeryenda?” tanong niya nang mapatingin sa akin. Napansin ko na bahagya pa siyang nabigla nang maabutan akong nakatingin sa kanya.
Umiling ako agad. “No, thanks. Hindi pa naman ako nagugutom. Dito na lang muna ako sa kuwarto.”
Ipinagpatuloy niya ang ginagawa kaya pinagmasdan ko siya ulit. Sanay na sanay siya sa ginagawa niya kaya siguro matagal na siya rito sa mansyon. Siguro gano’n naman talaga kapag hindi ka sa syudad lumaki, mahinhin ka talaga kumilos. Well, base lang naman sa mga napapansin ko.
“By the way Trisya, how long have you been working here?” I asked her.
Saglit siyang natigilan bago sumagot. “Limang taon na rin po.”
Tumango ako at hindi na ulit nagtanong pa. Halata namang hindi siya komportableng makipag-usap sa ‘kin kaya nanahimik na lang ako. Sanay naman na ako sa gano’n. Marami talagang nagdadalawang-isip na kumausap sa ‘kin. Akala kasi nila masungit ako at puro kaartehan lang. Pero depende naman talaga sa taong kausap ko ang ugali ko.
Lumabas ako sa balcony para pagmasdan ang napakagandang tanawin. Napapaisip tuloy ako kung nasa Pilipinas pa ba ako?
S’yempre nasa Pilipinas pa ako! Sa ibang parte ng bansa nga lang at hindi sa kinagisnan kong syudad.
Naagaw ang atensyon ko ng mga kabayo doon sa kuwadra. Napangiti ako dahil matagal ko nang gustong matutong mangabayo pero hindi ako pinapayagan ni Dad. Siguro naman ngayong nandito ako, masusubukan ko nang sumakay sa kabayo, ’di ba?
Dahil sa sobrang excitement ay agad akong lumabas ng kuwarto para sana puntahan ang kuwadra. Wala nang makakapigil sa ’kin! Wala si Daddy kaya malaya ako!
“Miss Franz, sandali lang po!”
Napahinto ako sa pagtakbo nang marinig ko ang pagsigaw ni Trisya. Nilingon ko siya at tinaasan ng kilay.
“Why? Do you need anything?” I asked her.
“Saan ka pupunta?”
Napakunot ang noo ko sa tono ng pagtatanong niya. Saan napunta ang mahinhin at mahiyaing Trisya? Bakit bigla yata siyang naging istrikta at masungit?
“I wanna ride a horse,” I told her.
“Nang ganyan ang suot? Hindi ka po ba magpapalit muna?”
Nang dahil sa sinabi niya ay pinasadahan ko ng tingin ang suot ko. Nakalimutan kong naka-dress nga pala ako at heels. Not appropriate outfit for horseback riding. Kumurap ako at taas-noo siyang tiningnan. Ayaw ko namang ipahalata na napahiya ako sa parteng ’yon.
Hindi na ako nagsalita at bumalik na lang sa kuwarto. I changed my outfit to a white long-sleeves button down shirt and a pair of ripped jeans. I also wore my brown boots.
“Ayos na ba itong suot ko?” tanong ko kay Trisya habang itinatali ko into a ponytail ang aking buhok.
Pinagmasdan niya ang aking suot bago tumango. “Ayos na po.”
Pagkatapos kong mag-ayos ay lumabas na kami ng kuwarto at nagtungo sa kuwadra. Muli akong napangiti nang makita ulit ang mga kabayo. My heart is beating so fast because of excitement. This is it! Magagawa ko na ang isa sa mga nasa bucket list ko.
Kasalukuyang naglilinis ang bantay doon kaya hindi muna ako lumapit dahil baka matalsikan ang damit ko. Hinayaan ko si Trisya na kausapin ang nandoon.
“Mang Caloy, gusto raw pong mangabayo ni Miss Franz. Puwede n’yo po ba siyang samahan?” tanong ni Trisya doon sa matandang naglilinis.
The old man looked at me and I smiled at him. My friends said that I have the most adorable smile that could make someone do what I say. So, why not take advantage of it, right?
“Pasensiya na. Binilin ni Sir Matthew na huwag kang hayaan na mangabayo dahil baka maaksidente ka.”
Nawala ang ngiti ko nang sabihin niya iyon. Naglahong parang bula ang excitement na nararamdaman ko.
Nakakainis talaga si Daddy! Palagi na lang niya akong pinagbabawalan sa mga gusto kong gawin. Daig ko pa ang bata samantalang twenty years old na ako!
Basta! I will find a way to ride that horse. No one can stop me!
Tumalikod na ako para bumalik na sa mansyon. Wala naman pala akong mapapala dito sa kuwadra! Sayang ang outfit ko. Ipinagkrus ko ang aking braso habang mabigat ang mga hakbang na naglalakad papalapit sa pintuan ng mansyon.
“Tabi!”
Napalingon ako sa bandang kanan ko nang may marinig akong sumigaw. My eyes went wide when I saw a horse running towards my direction. Sinusubukan iyong kontrolin ng lalaking nakasakay sa kabayo pero mukhang hindi niya iyon mapakalma.
Oh My Gosh! Oh my gosh! Masasagasaan ako ng kabayo!!
Hindi ako nakakilos at nanigas ang aking binti sa kinatatayuan ko. Napapikit ako ng mata dahil sa takot. Ilang segundo pa ang lumipas ngunit wala namang nangyari sa akin. Kaya dahan-dahan akong dumilat at sinalubong ako ng alikabok.
Luminga ako at nakitang muntik nang bumangga sa puno iyong kabayo. Buti na lang ay nailiko iyon agad no’ng lalaki. Pilit niyang pinakalma ang kabayo hanggang sa tumigil ito sa pagwawala. Kumalma na ang kabayo ngunit ang puso ko ay mabilis pa rin ang tibok. Para bang lalabas na ito mula sa aking dibdib.
“Miss Franz, ayos lang po ba kayo?”
Bumalik lamang ako sa ulirat nang magtanong si Trisya nang lapitan niya ako. Bumuga ako nang mabigat na hininga at nagpagpag ng damit bago tumango. Inis kong nilingon iyong lalaki na hindi man lang nag-sorry sa akin. Agad ko siyang nilapitan kahit na medyo nanginginig pa ang tuhod ko sa kaba.
“Hey! Ikaw!”
Lumingon siya sa akin at tinaasan ako ng kilay. Mas lalo tuloy akong nainis. Para bang wala man lang talaga siyang pakealam sa akin!
“Wala ka bang balak mag-sorry? Muntik mo na kaya akong mabangga ng kabayo mo!” bulyaw ko sa kanya at itinuro ko pa iyong kabayo na ngayon ay nakatali na sa puno. Payapa na itong kumakain ng damo ro’n.
“Hindi ko obligasyong mag-sorry. Pinatabi kita pero hindi ka umalis sa puwesto mo. Pasalamat ka nailiko ko agad ang kabayo.”
Napanganga ako sa sinabi niya. This man has the guts to be rude to me, huh? No. One. Talks. To. Me. That. Way.
“Malay ko ba na may paparating na kabayo at may nakasakay pang aroganteng katulad mo!” sigaw ko ulit sa kanya.
This time, I finally got his full attention. Nagulat ako nang bigla niyang hawakan ang braso ko at may tinitingnan doon. Agad kong iwinaksi ang kamay niya.
“How dare you to touch me?!” I shouted.
He sighed. “Wala ka namang galos. Mukhang ayos ka naman dahil nakakasigaw ka pa nga. Pero kung kailangan ko talagang mag-sorry, then fine. I’m sorry.”
Napabuga ako nang malalim na hininga. Ang kapal talaga ng mukha niya! Parang napipilitan pa siya, ah!
“Glenn! Umayos ka nga sa pakikipag-usap kay Miss Franz. Anak ’yan nila Sir Matthew at Ma’am Shy,” sabad ni Mang Caloy sa usapan namin.
Mukha siyang nagulat at hindi makapaniwalang tumingin sa akin. Ngumisi ako sa kanya. Ngising ipinapakita na hindi dapat siya umasta nang gano’n sa ’kin.
Ano ka ngayon? Kilalanin mo kung sino ang babastusin mo!
“Pasensya na. Hindi na mauulit,” sabi niya bago bumaling sa kabayo para ibalik iyon sa kuwadra.
Umirap ako habang pinagmamasdan siya. Plastic!
Muli akong tumalikod para bumalik na sa mansyon pero nakita ko pa si Trisya na nakatanaw kay Glenn.
“Trisya, halika na!”
Sumunod naman siya agad sa akin. Nakasimangot pa rin ako pagpasok sa mansiyon. Mukhang buong araw na akong wala sa mood nito.
Iyong Glenn na ’yun, guwapo sana kaya lang ang pangit ng ugali! Major turn off sa mga babae. Kung nagkataong single ako, hinding-hindi ako magkakagusto sa kanya!
“Oh, anong nangyari sa ’yo, Iha?” tanong ni Manang Lydia nang makasalubong namin siya sa sala.
Huminga ako nang malalim. “Muntik na po akong masagasaan ng kabayo.”
Lumipat kay Trisya ang tingin niya at napakamot naman siya sa ulo. “Sinungitan po siya ni Glenn. Hindi yata nakilala,” sabi ni Trisya.
Umiling-iling si Manang. “ ’Yan talagang si Glenn kahit kailan napakasungit. Pasensya ka na, Franz. Kakausapin ko na lang ang batang ’yun.”
Tumango na lang ako bago ako umakyat ulit sa kuwarto. Nagbihis ulit ako ng damit. Sayang lang ang outfit ko kanina, hindi pala ako makakapangabayo. Ang mas malala pa, may nakilala pa akong nakakainis na lalaki!
Pagkagaling ko sa banyo ay nakita ko si Trisya na nakatanaw sa balcony. Nilapitan ko siya at nakita kong si Glenn ang tinatanaw niya. Hindi ako magaling bumasa ng tao pero unang tingin pa lang, halata nang may gusto siya sa lalaking ’yun.
“Gusto mo siya?” tanong ko at napaigtad naman siya.
Nag-iwas siya ng tingin at nagkunwari pang may nililinis doon sa gilid.
“You like him,” I stated as a matter of fact. Tumango pa ako na parang siguradong-sigurado sa aking sinabi.
Umiling siya. “Hindi po, Miss Franz.”
Umismid ako dahil hindi bagay sa kanya ang magsinungaling. “Halata naman na gusto mo siya. Bakit hindi ka umamin?” Pangungulit ko kaya pumasok na siya ulit sa kuwarto.
Inayos niya ang comforter ng kama ko kaya lumapit ako doon at umupo.
Bumuntong-hininga siya. “Miss Franz, kahit naman po umamin ako sa kanya, wala namang mangyayari. Kaibigan lang ang tingin niya sa akin.”
Kaya naman pala. Na-friendzoned siya. Masakit nga naman ’yun at saka ang hirap ngang umamin kapag alam mong kaibigan ka lang niya.
“Pero bakit hindi mo subukan? Wala namang mawawala,” sabi ko pa.
“Hindi na ho puwede. Lalo na ngayon, dumating na ang babaeng matagal na niyang hinihintay.” Makahalugan niyang sambit.
Napaisip ako dahil doon. So it means, may ibang gusto si Glenn. At dumating na iyon dito sa isla?
Ako naman ngayon ang napabuntong-hininga. I feel sorry for her. Glenn must be too loyal to that woman that’s why he waited for her to come back.
Pero hindi ko masasabing suwerte ang babaeng gusto ni Glenn. Sa gaspang ng ugali ng lalaking ’yon? Naku, baka ma-turn off lang ang babaeng gusto niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top