Chapter 1
Maaga akong nagising dahil sa amoy nang nasusunog na sinaing. Kahit sumasakit ang balakang ay napabalikwas ako ng bangon at agad nagtungo sa kusina. Nakita kong umuusok ang kaldero kung kaya mabilis na pinatay ko ang apoy sa kalan.
"Celia! Celia!" Tawag ko sa aking hipag. Halos sampung minuto na ata akong sumisigaw ngunit ni anino ni Celia ay hindi ko nakita. Napailing ako sa kapabayaan ng babaeng iyon. Medyo maaga pa naman kaya sinimulan kong magsaing muli para sa aming agahan.
"Magandang umaga Kuya Klaudio." Bati sa akin ni Celia na bigla na lang sumulpot kung saan.
Napatingin ako sa aking hipag. Ramdam ko ang kulubot kong noo ay lalong nalukot sa ginawa niyang pagbati sa akin. "Magandang umaga? Saan ka ba nanggaling? Yung sinaing iniwan mo at nasunog, tingnan mo kung gaano ka-itim yung tutong aba pwede mo nang durugin at gawin kape sa pait nian." Sarkastiko kong sabi.
"Pero pinatay ko iyang kalan Kuya Klaudio bago umalis at bumili sa tindahan." Paliwanag ni Celia.
"Pinatay? Ano yun sumindi ng kusa ang kalan? Aba kung hindi pa ata ako nagising sa malamang hindi lang ang sinaing mo ang nasusunog pati itong buong bahay. Puwede ba sa susunod mag-iingat ka iwasan mo yung pagiging tonta." Masungit kong sabi.
"Pasensiya na Kuya Klaudio. Uh!... uh!" Wika ni Celia na sinabayan pa nang pag-ubo.
"Oh siya ikaw na magluto ng ulam, gagayak na ako at maaga akong pupunta ng Hospicio de Mudra."
"Uh!...uh! Sige kuya." Si Celia.
"Yung itlog baka sunugin mo rin. Mag-prito ka nang malasado at ganoon ang gusto ng asawa mo." Bilin ko sa aking hipag dahil paborito ng aking kapatid ang ganoong luto sa itlog.
Sumang-ayon si Celia sa aking bilin at matapos noon ay pumasok na ako sa aking kuwarto upang gumayak. Isa akong waiter at cook sa canteen ng Hospicio de Mudra, ang home for the aged sa mga tulad kong matandang bakla. Sa edad kong sisenta anyos nagpapasalamat ako sa panginoon na ako ay maliksi at malakas pa rin at hindi nagkakasakit. Ilang beses na rin akong pinahihinto sa trabaho ng nakababata kong kapatid na si Miguel pero dahil ayoko ang pakiramdam na walang silbi ay nagpumilit ako na magtrabaho sa Hospicio de Mudra.
Dalawampung taon ang agwat nang edad namin ni Miguel. Hindi akalin ng aming ina na mabubuntis pa siya. Ngunit ang pagdadalawang-tao niya ay masyadong maselan dahil na rin sa edad at kumplikasyon ng kaniyang kalusugan. Hindi naglaon namatay sa panganganak ang aming ina samantalang ang aming ama ay naglaho na lang na parang bula. Mag-isa kong binuhay si Miguel, kumbaga ako na ang nagsilbing ama at ina para sa kaniya. Nagbunga naman ng maganda ang lahat ng hirap ko sa aking kapatid, isa na siyang tanyag na Professor sa isang malaking Unibersidad dito sa Maynila. Nagkroon siya ng sarili niyang pamilya, si Celia ang kaniyang may-bahay at dalawang anak na sila Scarlet at ang bunso na si Migo.. Hindi na ako nagkaroon ng sarili kong pamilya, sino ba naman ang magkakagusto sa gurang na baklang tulad ko?
Kahit may pamilya na si Miguel ay kasama pa rin nila ako sa tahanan. Tanggap ako ng aking kapatid, ng asawa niya at mga pamangkin ko. Minsan lang talaga ay nagkakainitan kami ng ulo ng aking hipag lalo na kapag pakiramdam ko ay napapabayaan niya ang pag-aalaga sa aking kapatid at mga pamangkin. Tulad ngayon kay aga-agang sinira ang araw ko dahil sa nasunog na sinaing. Mag aalas nuebe na ng ako ay nakagayak. Pagkalabas ng aking kuwarto ay naabutan ko si Miguel na nagkakape at nagbabasa ng diyaryo habang si Celia ay nagpriprito pa rin ng tortang talong para sa mga anak.
"Good morning kuya." Bati sa akin ni Miguel nang mapansin niyang nakalapit na ako sa lamesa.
"Anong oras ba ang pasok mo at tinanghali ka ata ng gising?" Tanong ko sa aking kapatid dahil sa aking pagkakaalam ay alas-siyete ang pasok nito.
"Ahh may dadaluhan akong seminar kasama ang director ng Unibersidad namin kuya." Paliwanag ni Miguel.
"Ganoon ba, napapadalas ata ang mga seminar mo. Noong isang buwan halos isang linggo ka sa Baguio." Nagtataka kong turan sa kaniya.
Ibinaba ni Miguel ang diyaryong kaniyang binabasa at tumingin sa akin bago ito nagsalita. "Na promote na ako Kuya Klaudio, ako na ang bagong dean ng Education." Nakangiting sabi ni Miguel.
Nanlaki ang mata ko sa kaniyang ibinalita. "Wow kailan pa? Diyos ko buti naman kung ganoon. Binabati kita Miguel." Sabay yakap sa aking kapatid.
"Noong isang linggo lang nakumpirma Kuya Klaudio. Uh!...uh!" Sabat ng aking hipag habang nilalagay ang tortang talong sa lamesa.
"Naku Celia magluto ka mamayang gabi ng paboritong ulam ni Miguel, yung sinigang na buto-buto. Uuwi ako ng maaga para ipagdiwang ang tagumpay ng asawa mo." Bilin ko kay Celia.
"Sige po Kuya Klaudio." Matamlay na sabi ni Celia na sinasabayan nang pag-ubo.
"Salamat honey." Wika naman ni Miguel na may paghalik pa sa kamay ng kaniyang asawa. "Paalis ka na ba kuya?" Baling sa akin ni Miguel.
"Oo tatapusin ko lang ang almusal at papasok na rin ako sa Hospicio." Sagot ko sa aking kapatid.
"Sumabay ka na sa akin at ihahatid kita ng kotse." Alok ni Miguel.
"Sige, sige." Sagot ko habang humihigop ng kape.
Tumayo na si Miguel at bumalik sa kuwarto nila mag-asawa upang gumayak. Nasa kalagitnaan na kami ni Celia ng aming almusal nang lumabas si Migo sa kuwarto bitbit ang kaniyang gitara. Nagmamadali itong nilagpasan kami ng kaniyang ina sa kusina.
"Hep! Hep! Saan ka pupunta?" Pigil ni Celia dito.
"Ma, may practice kami ng banda ngayon." Sagot naman ni Migo sa ina.
Tumayo si Celia pagkuwa'y lumapit sa anak at hinila sa lamesa. "Mag-almusal ka muna. Wala pang laman iyang tiyan mo."
"Late na ako Ma. Naghihintay na sa akin sila Tugs at Jeddy." Naiinis na sabi ni Migo.
"Puro pagbabanda na lang ang inatupag mo. Anak bumalik ka na sa pag-aaral. Tigilan mo na yan wala ka naman mapapala sa pagbabanda." Sermon ni Celia sa anak.
Nagpanting ang tainga ko sa narinig. Tumayo ako at lumapit sa mag-ina para pagalitan ang aking hipag. "Hoy, hoy! Bakit ba pinipigilan mo ang pangarap ng pamangkin ko."
"Kuya Klaudio iniisip ko lang naman ang kinabukasan ng anak ko." May diing sabi ni Celia.
"Eh paano kung sa pagbabanda pala siya may kinabukasan, naisip mo ba iyon?" Asik ko. Humarap ako sa aking pamangkin at hinila ang braso. "Oh ito limang daan sige na Migo umalis ka na at baka ma-late ka pa sa practice niyo." Wika ko sabay abot ng pera.
"You're the best talaga tito Klaudio. Ma, alis na ako, bye." Pagpapaalam ni Migo.
"Kuya Klaudio naman masyado mong binibigay yung hilig nung bata." Hirit pa ni Celia.
"Hindi naman sa kinukunsinte ko yung gusto niya, sinusuportahan ko lang ko ang nagpapasaya sa pamangkin ko." Paliwanag ko sa kaniya.
"Anak ko si Migo kaya alam ko kung ano ang magpapasaya sa kaniya, iyon ay ang makatapos ng kolehiyo." Si Celia.
"Pamangkin ko si Migo at parang anak ko na rin kaya sinusuportahan ko siya sa pagbabanda niya dahil doon siya masaya."
"Kuya Klaudio hayaan mo akong magpalaki sa anak ko. Sa akin siya nanggaling, ako ang nagluwal sa kaniya sa mundo." Giit pa ni Celia.
"Oh eh di ikaw na ang may bahay-bata at ako'y wala. Hindi ko naman kinukuwestiyon dito ang pagiging ina mo, ang sa akin lang ay huwag matulad si Migo sa akin na hanggang sa tumanda ay hindi ko nakamit ang pangarap ko." Naiiyak kong sabi dahil tila pinamumukha sa akin ni Celia na kahit kailan ay hindi ako magkakaanak dahil wala akong matris.
Nasa ganoon kaming diskusyon ni Celia nang lumabas si Miguel sa kuwarto nilang mag-asawa. Lumabas na rin ako ng bahay at sumakay sa kotse ni Miguel at doon ay naghintay. Alam ko narinig ng aking kapatid ang mga pinag-usapan namin at alam ko rin na ano man ang mangyari ay si Celia pa rin ang papanigan niya dahil asawa niya at mahal niya ang hipag ko. Makalipas ang ilang minuto ay sumakay na rin ng kotse si Miguel at pinaandar ito. Tahimik ang naging biyahe namin hanggang sa huminto ang kotse sa tapat ng Hospicio de Mudra.
"Salamat. Mag-iingat ka sa pupuntahan mo at umuwi ka agad para mapagdiwang pa natin ang promotion mo." Bilin ko sa akin kapatid.
"Salamat Kuya Klaudio. Ahmm..." bumuntong-hininga muna si Miguel bago ito muli nagsalita. "Pagpasensiyahan mo na ang asawa ko kuya, alam ko na-offend ka sa mga huling nasabi niya." Pagpapaumanhin ni Miguel.
"Wala iyon. Para ko na rin kapatid ang asawa mo, pagpasensyihan mo na rin ako kung masyado akong kontrabida kay Celia." Pagpapaumanhin ko rin.
"Kuya alam ko ako ang dahilan kung bakit hindi mo naabot ang mga pangarap mo sa buhay lalo na ang maging singer." Malungkot na sabi ng aking kapatid.
Tumingin ako kay Miguel at ngumiti. "Ano ka ba Miguel, hindi ko pinagsisisihan ang tumayong magulang mo. Sobra akong proud sa kung anong nakamit mo sa buhay at makita lang kita na nagtatagumpay sa pinili mong karera ay para ko na rin nakamit ang mga pangarap ko." Madamdamin kong sabi sa kaniya.
"Kuya napakabuti mo. Hindi ko man ito palaging nasasabi sa iyo lagi mong tatandaan na masaya ako na ikaw ang naging kapatid ko." Nakangiting sabi ni Miguel.
Halos maiyak ako sa sinabi niyang iyon. Ngumiti na rin ako at napayakap sa aking kapatid. "Jusko naman ang tatanda na natin para sa mga ganitong dramahan. Oh siya papasok na sa loob at hinihintay na ako ng mga baklang hitad."
"Sige Kuya, ayaw mo pa ba talagang mag-resign? Sapat naman na ang kinikita ko para sa atin."
"Alam mo na ang sagot ko diyan Miguel. Hangga't kaya ko pa tutulungan pa rin kita. Ayokong maging pabigat sa iyo."
"Kuya Klaudio alam mo naman na kahit kailan hindi ka naging pabigat sa akin."
"Oh siya, pag-iisipan ko matigil ka lang." Sabi ko sabay baba ng kaniyang kotse.
"Aasahan ko yan kuya. Paalam." Huling sabi ni Miguel bago ito umalis.
Hinatid ko siya ng tingin hanggang sa hindi ko matanaw ang sakay nitong kotse. Nasa ganoon akong posisyon nang bumulaga na lang sa harapan ko ang mukha ng matandang si Berting. Si Berting na ata ang pinakamatagal kong kaibigan sa buong-buhay ko at halos ka-edad ko lang ito. Bata pa lang ay kilala ko na siya dahil dating kasambahay namin ang mga magulang niya at doon sila nakatira sa bahay namin noong buo pa ang aming pamilya. Dahil wala akong kapatid noon si Berting na ang naging parang kuya-kuyahan ko at laging tumatayong tagapagtanggol sa tuwing may umaaway sa akin na kalaro o kaklase sa eskuwelahan. Bata pa lang ay alam ni Berting na isa akong binabae at kahit kailan ay hindi ko siya kinakitaan ng pandidiri o panghuhusga sa aking pagkatao.
Aaminin ko dahil na rin sa sobrang malapit sa isa't-isa, si Berting ang kauna-unahang lalaki na aking minahal. Ngunit dahil alam kong tunay na lalaki si Berting ay hindi ko iyon nasabi sa kaniya at nakuntento na lang ako sa pagiging kaibigan niya. Nagkahiwalay lang ang aming landas noong siya ay nagmarino at sila ay lumipat ng bahay sa probinsya. Nawalan ako ng balita sa kaniya hanggang sa nagkita kaming muli limang taon na ang nakakaraan. Nag-asawa si Berting ngunit maagang na biyudo at hindi na muli nag-asawa. Nagkaroon siya ng anak na babae na nasa trenta anyos na ngayon. Naging maganda ang buhay ni Berting dahil sa pagmamarino nakapagpatayo siya ng mga paupahan na bahay na siyang pinagkukunan nila ng panggastos. Noong mabalitaan ni Berting na sa Huspicio de Mudra ako nagtatrabaho ay bigla na lang siya namasukan doon at mula noon hanggang ngayon ay kasamahan ko na rin siya sa canteen ng Hospicio de Mudra bilang waiter at tagalinis sa kusina.
"Matanda ka bakit ba kung saan-saan ka na lang sumusulpot, aatakihin ako sa iyo sa puso." Naiinis kong wika kay Berting habang naglalakad papasok sa Hospicio de Mudra.
"Pasensiya ka na Klaudio, pagkaparada kasi ng motorbike ko sa tapat nakita kitang nakatayo doon sa tabi ng kalsada na parang estatwa." Paliwanag ni Berting.
"Ah hinatid kasi ako ni Miguel at tinitingnan ko yung kotse niya na papalayo." Paliwanag ko kay Berting.
"Ganoon ba? Buti naman at hinahatid ka na ng kapatid mo."
"Ano ka ba ngayon lang kasi madaraanan niya itong Hospicio sa pupuntahan niyang seminar." Sabi ko.
"Kung gusto mo Klaudio puwede naman kitang ihatid o sunduin araw-araw para sabay na tayong pumasok at umuwi." Alok sa akin ni Berting.
"Saan mo ako pasasakayin sa motorbike mo? Baka mamaya sumpungin ka ng athritis habang nagmamaneho ma-aksidente pa tayo. Mahal ko pa ang buhay ko Berting."
"Grabe naman, wala ka bang tiwala sa akin?" Pagpapacute ni Berting.
"Basta ayoko, kulit mong matanda ka."
"Ahh... pero alam mo Klaudio.." naputol ang sinasabi ni Berting at huminto sa paglalakad.
Napahinto na rin ako sa paglalakad at humarap kay Berting. "Oh bakit, ano iyon?" Nagtataka kong tanong sa kaniya.
"Kasi kanina..." parang bata na nagkakamot ng batok si berting at hindi matuloy-tuloy sa kaniyang sinasabi.
"Puwede ba Berting sabihin mo na ang sasabihin mo at mahuhuli tayo sa trabaho." Nayayamot ko nang sabi.
"Kasi kanina ang cute mo nung bigla kang nagulat pagkakita sa akin." Nahihiyang sabi ni Berting.
Nabatukan ko si Berting matapos niyang sabihin iyon. "Dios mio kang matanda ka kilabutan ka nga sa sinasabi mo." Naiinis kong wika sa kaniya at naramdaman ko na lang na nag-init ang aking mukha.
Dali-dali akong naglakad at dumiretso sa loob ng Hospicio de Mudra. Iniwan ko si Berting at iniwasan kong makipag-usap sa kaniya. Sa tuwing magtatama ang aming mga mata ay lagi itong kumikindat na tila mo napuwing at sa tuwing gagawin niya iyon ay tumatalikod at kunwari ay naiinis. Noong makasalubong ko siya sa kusina ay dire-diretso ako sa loob ng restroom at nagkulong. Pakiramdam ko ay nag-iinit ang aking mukha kung kaya naghilamos ako.
"Gurang na iyon lakas magpakilig." Sambit ko sa sarili habang nage-emote at nakatingin sa harapan ng salamin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top