XX

Chapter 20
#TTFwp

Akala ko buong byahe pabalik sa school ay makakatulog lang ako sa bus pero dahil kay Giongco, hindi ko 'yon magawa.

Hanggang ngayon ay paulit-ulit pa rin ang sinabi niya sa isip ko. Grabe lang talaga ang epekto no'n sa akin.

Paulit-ulit din ang tanong ko sa sarili ko na talaga bang pumunta siya para suportahan ako? Hindi ba ako namali ng rinig o ano? Idagdag pa na talagang tumabi sa akin si Ceres sa bus, akala ko pa man din ay hindi siya sasabay dahil nga andoon ang boyfriend niya kanina sa venue.


"Bakit ka pinuntahan?" pang-uusisa niya sa akin. Pumikit ako at isinandal ang ulo ko sa bintana. "Nag-congrats lang," sagot ko na lang. Ayoko na idetalye pa dahil baka mas lalo siyang maintriga.

Ayoko naman lagyan ng malisya ang sinabi ni Giongco, baka ganoon lang talaga siya sa mga kaibigan niya. Sabi niya rin naman na close daw kami so baka talagang sinusuportahan niya ang mga ka-close niya at thankful naman ako roon.

Ang mali lang din naman na mag-assume ako sa kaniya. Ibang level ng pagka-ambisyosa na iyon no! Hindi naman porket gusto ko siya ay mag-a-assume na ako na gusto niya rin ako. Ang imposible rin naman no'n.

Alam kong may gusto pang sabihin si Ceres sa akin kaya lang dahil nakapikit na ako ay hindi na niya ginawa. Next time na lang niya ako tsismisin kapag hindi na ginugulo ni Giongco ang utak ko.

Pag-uwi ko ng dorm doon na ako nakatulog agad buti na lang din at hindi na kinaya ng katawan ko dahil kung hindi, iisipin ko lang si Giongco at kung anumang epekto niya sa akin.

Sa kalagitnaan ng pagtulog ko ay ang paulit-ulit na pag-ring ng phone ko. Akala ko nga sa panaginip ko lang iyon, 'yon pala ay talagang may tumatawag sa akin.

Tinignan ko ang oras at alas-otso pa lang ng gabi, akala ko pa man din magtutuloy-tuloy na ang tulog ko hanggang kinabukasan, naudlot pa tuloy. Imbis na hindi na ako kakain ng hapunan e.

Nakita ko ang ilang missed call ng tita ko sa akin pati na rin ang mga text ni Klarisse kaya agad akong napabangon at kinabahan dahil baka may nangyari doon na emergency.

Agad kong sinagot ang tawag ni tita nang mag-ring nanaman ang phone ko.

"Hello Tita, may nangyari po ba?" kinakabahang tanong ko.

"Ano itong nalalaman ko rito sa kapatid mo ah." Nangunot ang noo ko sa narinig ko kay tita. Wala akong ideya kung ano ang sinasabi niya pero isa lang ang sigurado ako, galit ang boses niya.

"Hindi ko ho kayo maintindihan," sagot ko.

"H'wag ka na mag-maang-maangan Kalila, kaya pala lagi mong sinasabi na busy ka ayon pala kung ano-ano inaatupag mo," tuloy-tuloy na sabi niya pero hindi ko pa rin maintindihan bakit siya galit at kung ano ang tinutukoy niya.

"Ang dami-dami na ngang problema na iniwan mo rito tapos palaro-laro ka lang diyan? Pa-TV TV ka na lang diyan? Buti sana kung artista ka." Napapikit ako nang mariin sa narinig ko. Alam na pala nila na naglalaro ako at kagaya nga ng naisip ko noon pa man na mas maigi talagang hindi nila malaman lalo na ni tita kasi hindi naman niya maiintindihan. Hindi ko alam paano nila nalaman, dahil ba sa news? O hindi sinasadiyang nailipat nila sa sports channel ang TV at nakita ako roon?

Hindi ko rin naman kontrolado ang mga iyon sa pinasok kong 'to, pero hindi ko akalain na maaga nilang malalaman kung ano ang pinagkakaabalahan ko rito.

"Ang sabi mo mag-aaral ka riyan 'di ba? O anong nangyari? Napakadami mong oras para magliwaliw ah, ano ba mapapala mo riyan? Mapapalamon mo ba 'tong mga kapatid mo ha?" Gustong-gusto ko siyang sagutin na ang dami kong napapala sa paglalaro na ultimo pinapadala ko sa kanila ay galing sa paglalaro ko pero mas maigi na lang na 'wag na niyang malaman dahil mamaya ay abusuhin niya pa 'yung fact na nakakakuha ako ng pera dahil sa paglalaro ko. Ayoko umabot sa point magamit niya iyong volleyball against sa akin.

"Part lang po iyon ng scholarship ko kaya kailangan ko gawin," tanging sagot ko na lang pero narinig ko lang ang panunuya niya sa sinabi ko.

"Aysus! Mga palusot mo! Minalas talaga ang nanay niyo sa buhay. Malas na nga sa asawa, malas pa sa anak. Mag wala kayong kwentang magkakapatid." Malas din nga si Mama sa kapatid e.

"'Yung anak ng kumare ko mataas na ang sahod sa call center, nakakapundar na ng mga pangangailangan nila e ikaw? Napag-iwanan ka na tapos kung ano-ano pa ginagawa mo riyan!" Napamasahe ako sa sentido ko dahil hindi ko pinagpalit ang tulog ko para lang sa sermon na hindi ko naman kailangan.

Ilang ulit ko nang narinig sa kaniya 'yang call center na 'yan, hanggang ngayon hindi niya pa rin gini-give up! Gusto ko lang makapagtapos ng pag-aaral please lang! Kung ang ending ay magiging call center agent ako, okay lang sa akin pero hayaan niya naman aoong magkaroon ng choice o magkaroon man lang ng degree. Masama ba 'yon? As if naman ginagawa ko 'to para sa sarili ko lang. Hindi ko alam bakit hindi niya maintindihan.  

"Edi congrats sa kaniya," sarkastiko kong sabi dahil sumasakit talaga ulo ko sa kasisigaw niya.

"Nako umayos-ayos ka riyan, tigil-tigilan mo ang mga kalokohan mo diyan. 'Wag ka makipagsabayan sa mga hindi mo naman kauri, 'wag mo ipilit ang sarili mo, hindi ka bagay riyan." Binaba ko na ang tawag dahil hindi ko na kaya marinig pa ang kung anumang sasabihin pa ni tita.

Dapat sanay na ako e. Simula naman bata pa ako ganiyan na e. Akala ko sanay na ako magpakumbaba, akala ko pasok sa isang tainga, labas sa kabila pero naaapektuhan pa rin pala talaga ako. Baka hindi pa talaga ako sanay, magaling lang siguro ako magpanggap.

Pinatay ko ang phone ko at hindi na nag-abala pang basahin ang kung anumang text ang natanggap ko, panigurado tungkol lang iyon sa bakit nila ako nakita sa TV o kung bakit naglalaro ako ng volleyball.

Wala akong balak mag-explain.

Nagtalukbong na lang ako gamit ang kumot ko dahil baka marinig pa ng roommate ko na umiiyak ako. Kailan ba ako huling umiyak dahil sa tita ko? Sa pagkakaalam ko matagal na 'yung huli kasi nga lagi ko namang naririnig na ganoon siya pero ewan ko ba, tamang-tama sa akin ang mga sinabi niya. Nakakasama lang talaga ng loob, sana bumilis na lang ang oras dahil gusto ko na maka-graduate at makahanap ng trabaho tapos hindi na ako magpapakita kay tita kahit kailan.

Hindi naman ako nakikipagsabayan sa mga tao rito e pero pinipilit ko maka-survive. Alam ko naman na karamihan ng mga taga-rito ay hindi ko naman ka-level, alam ko naman 'yon una pa lang. Kaya lang naman ako nandito ay gusto ko bumuo ng maayos na kinabukasan para kila mama at lalo na sa nga kapatid ko.

Kailangan may marating ako kasi paano kung wala? Paano na lang kami?

Lahat ng pressure na sa akin. Na kung may mag-aahon man sa amin sa hirap, ako dapat 'yon.

Nakakapagod lahat. Pagod na ako physically, pagod pa 'yung utak ko tapos ngayon pati emosyon ko. Nakakapagod. Ginagawa ko naman lahat sa abot ng makakaya ko e, desperada na nga ako minsan e. Kulang pa rin ba?

Kailangan ba umiyak muna ako ng dugo bago ma-count 'yung efforts ko at 'yung pagod ko?

***


Ilang beses ako napagalitan ni coach ngayong training namin. Wala talaga ako sa wisyo, wala rin akong gana sa kahit na ano. Muntik na nga akong hindi mag-training pero pinilit ko kasi unfair sa teammates ko kung madadamay sila sa personal na problema ko.

Sa sobrang wala akong gana magtraining ay kahit na pinapagilitan ako ni Coach Rick ay hindi ako naapektuhan. Hindi ako naiinis, hindi ako nagagalit, hindi ako na-mo-motivate pero hindi rin ako natutuwa. Wala lang. Wala akong pake.

Alam ko naman na nasa championship kami at hindi ito ang oras para mawala ang focus pero ano bang magagawa ko sa nararamdaman ko?

Nakakawalang gana ang lahat. Gusto ko na lang matulog tapos gigising na lang ako kapag okay na ang lahat or 'wag na lang magising. Ayoko na lang mag-exist.

"Umayos ka, Go," huling sabi ni coach bago siya mag-walk-out sa akin. Gusto ko mag-sorry para sa attitude ko ngayong araw pero pati 'yon hindi ko na rin magawa. Ayoko kumilos, ayoko magsalita, ayoko lahat. Alam ko disappointed si coach sa akin pero hindi ko talaga kaya mag-function at wala akong magawa para ayusin 'yon ngayon.

Huminga na lang ako nang malalim at napapikit bago dumiretso na ulit sa gym para ipagpatuloy ang training kahit na bwisit na sa akin si Coach Rick.

Ramdam ko ang tingin sa akin ng mga teammates ko, nag-aalala sila para sa akin, ramdam ko sa mga tingin nila na gusto nila magtanong pero kahit naman magtanong sila, wala silang makukuhang sagot sa akin dahil ayoko rin naman sabihin mga pinoproblema ko sa buhay.

Alam na nga nilang lahat na namomroblema ako sa pera, okay na 'yon lang alam nila baka kasi kaawaan pa nila ako kapag nalaman nila sitwasyon ko. Naaawa na ako sa sarili ko kaya sapat na awa na 'yon para sa akin.

After ng training dire-diretso lang ako hanggang makalabas ako ng school. Para kasing hindi ako makahinga sa dorm, gusto ko maglakad-lakad, baka kahit papaano malibang ako at umayos ang pakiramdam ko.

Kailangan ko ayusin lalo na sa upcoming game namin dahil last game na 'yon kung makukuha namin kaya dapat ayusin ko performance ko kung gusto ko ng playing time at kung gusto ko pang maging volleyball player for the next 2 years.

Naka-track jacket lang ako tsaka volleyball shorts, bitbit ko pa ang duffel bag ko. Nagpalit lang ako ng damit kanina at hindi na naligo pa dahil gusto ko na agad makaalis doon.

Siguro drained lang talaga ako tapos nagkasabay-sabay pa 'yung pressure sa akin sa iba't ibang aspeto ng buhay ko kaya siguro nagkaganito ako ngayon. Sana makuha ko sa pahinga ito.

Hindi ko alam saan ako papunta nang may tumawag sa akin.

"Oh?"

"Laro tayo bilyar," aya sa akin ni Noah. Gusto ko nga makahinga tapos doon pa ako sa mausok pupunta

"Ayoko," walang ganang sagot ko sa kaniya.

Hindi siya sumagot agad-agad. Mga ilang segundo na naging tahimik, akala ko binabaan niya ako dahil hindi ako pumayag pero bigla siyang nagsalita.

"Nasaan ka?"

"Bakit? Pupuntahan mo ako tapos pipilitin makipaglaro?" Pinilit ko na magbiro sa kaniya o umaktong normal.

"Hindi ah, saan nga kasi?" Tumingin ako sa paligid at sinabi sa kaniya kung nasaan ako eksakto. Lakad lang kasi ako nang lakad kaya hindi ko alam saan ba 'to.

Umupo ako sa waiting shed na pinakamalapit sa sinabi ko kay Noah. Baka sakaling mawala ang isip ko sa mga pangit na bagay kapag dinaldal ako ni Noah. Bestfriend naman ang turing niya sa akin so might as well ganoon din ang turing ko sa kaniya. 

Mayamaya lang din ay binusinahan ako ng puting sasakyan niya kaya agad akong sumakay.

"Ayoko magbilyar," pangunguna ko pagsakay ko sa sasakyan niya.

Tinawanan naman niya ako. "Okay," mabilis niyang sabi. Aba, ang bilis kausap nito ngayon ah. Buti naman dahil hindi ko kailangan ang kakulitan niya ngayon at baka mapagbuntungan mo pa siya.

Hindi ko alam saan kami pupunta, nakatingin lang ako sa bintana habang nakikinig sa kung anuman ang tumutugtog sa radyo.

Mga 30 minutes din siguro kaming ganoon bago kami dumating sa parang club house na hindi ko alam kung saan. May malaking parang event hall tapos may playground na pambata sa labas kung nasaan kami ni Noah.

"Village niyo ba 'to?" tanong ko kasi pinapasok lang agad ang sasakyan sa gate kanina tapos puro malalaking bahay na ang bumungad.

Tumango siya at bumaba na kaya bumaba na lang din ako. May kinuha siyang plastic sa likuran tapos ay naglakad na siya papunta sa swing.

Gabi na kaya wala ng tao.

Umupo ako sa swing nang abutan niya ako ng bote ng beer. "Ah kailangan mo lang pala ng kainuman," sabi ko at tinanggap na lang ang beer na inabot niya.

"Ikaw kamo may kailangan," sagot niya kaya nangunot ang noo ko.

"Huh?"

"Sus Kaia kahit hindi mo sabihin, alam ko kasi magaling ako," mayabang na sagot niya sa akin.

"Wew." Hindi ko alam paano niya alam na pangit ang mood ko o may pinagdadaanan ako pero thankful ako kasi alam niya kahit hindi ko sabihin. Ayoko kasi sabihin o magpaliwanag.


"Welcome," mayabang na sabi niya kahit hindi pa naman ako nagpapasalamat pero hindi pa rin ako umimik at ininom ko na lang ang beer kahit ang pangit ng lasa.

"Bad influence ka talaga, may training ako bukas e." Wala na yata silang training at pahinga na nila dahil tapos na ang games nila. 3rd naman sila kaya goods pa rin, patapos na rin ang season kaya pahinga na talaga. Sana kami rin kaya sana manalo kami para wala nang 3rd game, pagod na talaga ako.

"Oks lang 'yan, energy drink 'yan." Oh 'di ba, bad influence talaga.

"Napagalitan na nga ako kanina e," naiiling na sagot ko sa kaniya.

Uminom siya sa sarili niyang beer bago tumingin sa akin. "Kaya ba ganiyan mood mo?" Hindi ako umimik agad. Hindi naman iyon 'yung mismong dahilan, siguro part na rin iyon kasi nakakainis na hindi ko nagawa iyong part ko ngayon sa training at nabwisit ko si Coach Rick pero hindi naman talaga iyon 'yung talagang dahilan.

Nagkibit-balikat lang ako. "Gusto mo pag-usapan?" Agad akong umiling kaya tumango naman siya at natahimik na kaming dalawa.

"Alam ko na pag-uusapan natin." Napalingon ako muli sa kaniya at nangunot ang noo. Ngumisi siya at pinaningkitan ako ng mata.

"Ano?" kuryoso kong tanong.

"Kailan pa 'yong inyo ni Gianni?" Nasamid ako sa naging tanong niya sa akin. Inabot niya ako at hinampas-hampas ang likod ko dahil nga ubong-ubo ako sa pagkabigla sa tanong niya.

Tinawanan niya ako habang ako ay masama ang tingin sa kaniya at umuubo pa rin.

Wala namang amin ni Giongco so saan naman niya nasagap iyon?!













Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top