XVII

Chapter 17
#TTFwp

"Kalila, wala ka na bang balak tumulong sa akin aba? Porket maayos ka nang nag-aaral diyan ah." Naglalakd ako papasok sa building namin para sa unang klase ko ngayong araw nang tumawag si Tita.

Nang magsimula kasi ang season, hindi na muna ako kumuha sa kaniya ng mga stocks kasi baka hindi ko rin naman mapagtuunan ng pansin dahil busy ako dahil marami akong ganap kapag PCAA season.

"Busy lang ho, Tita." Rinig ko na may binubulong-bulong pa siya na for sure ay puro mga insulto lang naman.

Malapit naman na matapos ang volleyball games at ilang linggo na lang closing na rin ng PCAA season kaya makakatulong naman na ulit ako sa kaniya sa mga binebenta niya.

"At saan ka naman na-busy aber? Mamaya kung ano-ano nang ginagawa mo riyan. Nagpapakasasa ka diyan samantalanag andito ang mga kapatid mo," pangaral niya sa akin. Huminga na lang ako nang malalim at paulit-ulit para pakalmahin ang sarili ko.

May klase pa ako kaya ayoko namang masira na agad ang buong araw ko, ang aga-aga pa naman.

"Alam ko naman ho 'yon. Kaya nga ho nag-aaral ako rito." Para makalayo na kami sa 'yo. Hindi ko alam paano ba lumaki sila Mama at ganiyan kami ituring ni Tita.

Hinding-hindi ko tatratuhin nang ganito ang mga kapatid ko kahit na ano pang mangyari. Sabi nga ni Mama, kami-kami na lang ang magkakapatid dapat magkakakampi kami. 'Yon ang laging bilin ni Mama sa amin pero hindi ko naman iyon nakikita sa kanila ni Tita.

Kung ituring kami ni Tita parang hindi pamilya. Para kaming mga palamunin niya na kahit hindi naman siya ang nagpapalamon sa amin. Ni kaunting kusing nga hindi niya yata ibibigay sa amin nang walang kapalit.

'Yong pinangdown ko dito sa SHU, hanggang ngayon sinusumbat niya sa akin na kesyo hindi raw ako makakapag-aral kung hindi dahil sa kaniya kahit na nabayaran ko naman na 'yon matagal na. Kaya nga ako nagsumikap na mabayaran ko siya agad-agad ay para hindi na niya kulitin si Mama at para hindi na niya ako sumbatan, pero wala ganoon pa rin.

Kung ano-ano pang sinasabi niya na tungkol sa mga kabataan at mga anak ng mga kakilala niya na kesyo kumikita na raw ng pera o nakakapagbigay na raw ng sustento sa pamilya, hindi katulad ko na nagpumilit pa na mag-aral kung pwede naman daw na mag-call center na agad ako. Baka doon din naman daw ang bagsak ko.

Wala namang masama kung magiging call center agent ako pero masama bang gustuhin ko na makapagtapos man lang. Na may diploma naman ako at magkaroon ng ibang pang opportunity.

Ang hirap-hirap na nga makipagsabayan sa mundo e, lalo pa kung wala man lang ako maipagmamalaki.

"Papasok na po ako, Ta." Binaba ko na agad ang tawag bago pa siya makapagsalita pa.

Pumasok na ako sa room at tumabi kay Gigi at kay Warren. "Oh bakit nakasimangot ka?" agad na pansin ni Warren sa akin.

"Masama lang gising ko," sagot ko na lang. Ayoko na magkwento o mag-explain maiinis lang ako lalo kapag naiisip ko ang mga sinasabi ni Tita sa akin kada tatawag siya. Hindi ko naman maiwasan na sagutin kasi malay ko ba baka may nangyari na pala roon. Baka mamaya pagbuntungan niya pa ang mga kapatid ko kapag hindi ko siya pinansin. Mas okay na ibuhos niya sa akin ang inis niya sa pamilya namin kaysa sa mga kapatid ko o kay Mama.

"Hindi tuloy litaw ang dimples mo," sabi niya pa at nginitian ako kaya kahit papaano ay napangiti ako nang kaunti. Pinisil pa si Gigi ang pisngi ko para lalo akong pangitiin.

Minsan, gusto ko na nga lang talaga dito sa Manila. Ayoko na umuwi. Gusto ko na lang dito kasama ang mga kaibigan ko dito, gaano man kadumi ang hangin dito sa Maynila, mas nakakahinga ako rito. Hindi ko gaano dama 'yung bigat ng dinadala ko.

Kaso may choice ba ako? Wala.

Kaya ba ng konsensiya ko? Hindi.

Gusto ko ba iwan sila Mama? Ayoko.

Ilang taon pa pero sana kayanin ko para naman hindi mabalewala lahat ng ginawa ko. Sayang naman kung uuwi lang ako sa amin na walang napala. Edi mas lalo kaming kinawawa ng tita ko at mas lalo ko lang papatunayan sa kaniya na tama siya tungkol sa akin. Na masyadong mataas ang pangarap ko para sa sarili ko at sa pamilya ko na hindi ko kinayang abutin.

"Kaia, anong gusto mo kainin?" tanong ni Gigi sa akin habang nag-aayos kami ng gamit dahil tapos na ang klase namin.

"Doon na lang sa dati."

"Manlilibre ako kaya mahalan mo 'yung choice mo." Kumunot ang noo ko.

"Anong meron?" Hindi naman basta-basta nanlilibre si Gigi nang wala lang or out of nowhere na naisipan niyang manlilibre siya.

"Kasi masaya ako."

"At bakit masaya ka?" I mean, masaya ako na masaya siya pero anong meron at extra happy siya.

"Kasi umabot kayo ng finals. Hindi pa natin na-celebrate tapos mataas 'yung score natin kanina oh 'diba?" Oo nga no? Mataas 'yung nakuha naming dalawa ni Gigi doon sa pinahirapan naming dalawa na sagutan.

Pasok kami sa finals ng PCAA pero hindi ko naman cine-celebrate 'yon unless kasama mga ka-team ko e hindi naman kami pwedeng mag-celebrate agad ng magkakasama kasi lagot kami kay Coach Rick kapag nalaman niya na hindi pa naman kami panalo pero nag-ce-celebrate na agad kami.

Na-touch tuloy ako nang sabihin iyon ni Gigi. Hindi naman kasi 'yon big deal sa akin. Masaya na ako na nanalo kami hindi naman na kailangan ng celebration pero nakakagaan pa rin ng pakiramdam na may masaya pa rin para sa akin at sa mga achievements ko.

"Sama naman ako," sabat ni Warren. Inirapan siya ni Gigi pero pumayag din naman siya. Hindi ko sure kung 'yon lang talaga ang dahilan bakit masya si Gigi pero kung anuman ang dahilan basta masaya siya.

Si Warren ang pumili ng kakainan at sa isang samgyupsal place iyon na malapit lang sa SHU. Maraming mga estudyante ang kumakain kaya naghintay lang kami sandali sa labas  bago kami nagka-table.

Sobrang gumaan ang pakiramdam ko dahil sa kanilang dalawa. Akala ko buong araw na sira ang araw ko pero dahil sa kanila ay okay na ako.

This wasn't bad after all.

***

Naglalakad ako pabalik ng SHU. Hindi ko na kasama si Gigi at Warren dahil nagsi-uwi na sila. Tine-text ko lang ang mga kapatid ko habang naglalakad, mukha hindi lang ako ang ginulo ni Tita ngayong araw.

Ewan ko ba doon kay Tita, hindi yata nakakahinga nang hindi kami sinasabihan ng kung ano-anong nakakabdtrip na salita. Kahit yata wala kaming gawing magkakapatid, masama pa rin loob niya sa amin.

Hindi ko alam kung dahil ba sinisisi niya kami kaya nasira buhay ni Mama o nakikita niya ba sa amin 'yong mga tatay namin na hindi kami pinanindigan pati na si Mama? Sa totoo lang hindi ko na rin talaga alam.

Paulit-ulit lang din naman ang sinasabi ko sa mga kapatid ko na hayaan na lang si Tita at konting tiis lang, makakaalis din kami doon at lalayo na lang.

Iyon lang naman kasi ang kaya kong sabihin sa kanila kahit hindi ko rin talaga sigurado pero sana talaga. Ayoko mangako pero ayun lang ang kaya ko ibigay sa ngayon.

Napahinga na lang ako nang malalim at tinabi ang phone ko dahil mamaya ay ma-snatch pa sa akin. Marami pa namang sntacher daw dito dahil maraming estudyante.

Hindi kalayuan ay nakita ko si Ilanna, hindi ko pa sigurado kung siya iyon. May binibili siya sa isang stall. Paglingon niya at saka ko lang nakumpirma na si Ilanna nga 'yon.

Ayoko naman siya lapitan at mag-hi dahil hindi rin naman kami close kaya maglalakad na sana ako ulit nang ilapag niya sa isang table ang dala niyang pagkain. Nakatalikod iyon pero dahil sa saklay na nakasandal sa isa pang upuan ay sa palagay ko si Giongco iyon.

Nilibot ko pa ang tingin ko pero wala na akong ibang nakita. Silang dalawa lang talaga ang magkasama.

Sa lahat ng tao dapat hindi ako ang magbigay ng malisya sa pagkakaibigan nila dahil may mga kaibigan din naman akong kasama ko kumain. Kagaya ni Noah tsaka ni Warren at si Giongco mismo.

Hindi ko rin mawari bakit ako nakakaramdam ng ganito kapag nakikita ko sila ni Ilanna o 'yung thought na sobrang close nila to the point na may gamit si Ilanna sa condo niya.

Nagseselos ba ako? Pero bakit naman ako magseselos?

Andiyan na si Ilanna bago ko pa nakilala si Giongco so anong lugar ko para magselos.

Nadala lang siguro ako ng mga pasimpleng compliment ni Giongco sa akin kaya siguro feeling ko gusto ko siya kahit hindi naman talaga.

Hindi kaya ako pinatulog no'ng sinabi niya na na-a-amaze daw siya sa akin. Like ano bang ibig sabihin niya roon? Saan ba? Sa paglalaro lang?

Napahawak na lang ako sa dibdib ko at nailing na lang at nagmadaling maglakad at lagpasan sila.

"Kalila!" Napahinto ako at unti-onting napalingon na akala mo nahuli ako sa akto kahit wala naman akong ginagawang masama.

Kumaway lang ako kay Ilanna. Kapag nakikita ko siyang ganiyan, na-gui-guilty ako na naiinis ako dahil sa kaniya kasi super nice naman niya tapos ang amo pa ng mukha tsaka ng boses. Mas nakakainis yata na wala akong dahilan para mainis sa kaniya.

Putragis naman, ang dami ko na ngang problema dumagdag pa 'to.

Aalis na lang sana ako nang lapitan niya ako. "Are you alone?" Hindi. May kasama ako Ilanna, hindi mo lang nakikita.

"Oo."

"Join us," aya niya sa akin. "Kumain na ako e." Napanguso naman siya. Kung ganito rin naman ka-cute ay baka nga napaamo niya ang isang Gianni Giongco.

"How 'bout dessert?" Hindi naman ako nag-de-dessert. 

Nagpahila na lang ako sa kaniya dahil hindi ko na rin alam paano ko ba siya tatanggihan dahil gusto niya yata talaga akong pahirapan at talagang iharap ako kay Giongco e nagkakaroon na nga ako ng dilemma sa taong 'yan.

Sa abot ng makakaya ko ay hindi ko sinalubong ang tingin ni Giongco kahit anong mangyari baka kung ano pang maramdaman ko.

Si Ilanna lang ang kumakausap sa akin kaya siya na lang din ang kinakausap ko. Sobrang nice niya talaga, nakaka-guilty.

Kalila naman kasi parang tanga?

Ano bang mayroon sa araw na 'to. Required bang pahirapan ako?

"I watched your game. Congratulations!" Nginitian ko siya at nag-thank you. Nakakahiya.

"Mahilig ka pala sa volleyball? Naglalaro ka rin?" Hindi naman yata imposible kung naglalaro din siya dahil parehong kaibigan niya sila Giongco at Niccholo pero umiling siya bilang sagot.

"I only watch their game." Tinuro niya si Giongco na tahimik lang na kumakain. Tumango ako.

"Ahh kaya pala napanood mo 'yong sa amin." Nginitian niya rin ako. May dimples din siya pero whisker type kaya ang cute niya. Para siyang pusa.

Inayos niya ang bangs niyang hinahangin dahil sa labas ng stall kami nakaupo.

"Actually, I just happened to watch your game because of Gian." Nagulat kami dahil biglang nasamid naman si Giongco nang sabihin iyon ni Ilanna.

Sabay naming kinuha ni Ilanna ang bottled water para iabot kaya agad akong napabitaw roon para siya na ang magbigay kay Giongco. Napatingin na lang ako nang kuhanin iyon ni Giongco para inuman at hampasin ang dibdib niya.

"Careful," paalala ni Ilanna at inabutan din niya ng tissue si Giongco. Kinuha lang ni Giongco iyon at pinunasan ang labi niya.

Hindi ko na tuloy naitanong kay Ilanna kung anong ibig niyang sabihin na napanood niya 'yong laro namin dahil kay Giongco. Ako naman ang kasama niyang manood no'n e, alangan namang pinanood niya ulit habang magksama sila o baka ganoon nga talaga ang nangyari pero bakit naman niya panoorin ulit ang laro namin? Pwede pa kung 'yong laro nila Niccholo ang pinanood niya ulit. Bakit 'yong sa amin pa?

Nasa itsura ni Ilanna na anak mayaman siya. Sa kutis pa lang niya parang walang pores at kahit yata ma-stress siya, hindi siya tutubuan ng pimple. Mukha siyang amoy baby powder, parang hindi siya na-ha-haggard kahit mabilad sa araw.

Sa kilos niya rin para siyang prinsesa, very graceful tsaka prim and proper. Hindi ko aakalain na una ko siyang makikita sa bilyaran na amoy sigarilyo.

Hanggang sa paraan niya ng pananamit. Elegante siya manamit, hindi masyadong agaw pansin at simple lang pero alam mong mamahalin ang suot niya.

Na-realize ko tuloy na bagay nga sila ni Giongco. Sobrang layo ko sa kanilang dalawa, parang hindi talaga ako belong. Parang may mundo na para sa kanila lang.

Hindi ko alam bakit for a second naisip ko na pwede akong magkagusto kay Giongco e ang layo-layo naman. Kailangan ko nga yata talagang bumalik sa reyalidad ko, baka kaya tinawagan ako ni Tita bigla kanina ay para ibalik ako sa mundo na dapat ginagalawan ko. Baka kasi nalilimutan ko na pala kung bakit nga ba andito talaga ako at ang kailangan kong gawin, baka kailangan may magpaalala sa akin na sa tingin ko ito na 'yon. Sapat na 'tong araw na ito para ibalik ako sa reyalidad ko.

Tama naman pala yata talaga si Tita sa sinabi niya sa akin. Baka ambisyosa talaga ako.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top