XIII

Chapter 13
#TTFwp

Buong training nasa isip ko pa rin ang nangyari kay Giongco. Nakalagay lang car accident pero wala pa raw silang balita kung ano na ang lagay niya. Hindi tuloy mapalagay ang loob ko.

Sana okay lang siya.

Maayos naman akong nakapag-training kahit na iniisip ko kung anong nangyari kay Giongco. Akala pa ni Ceres alam ko at may balita na ako kung kumusta si Giongco dahil akala nga niya ay ganoon kami ka-close.

Kanina pa ako nakatingin sa phone ko. Tapos na ang training at andito na ako sa dorm para mag-ready sa klase ko mamaya.

Hindi ko alam kung anong i-me-message ko kay Giongco. Ni hindi ko alam kung mag-re-reply ba siya, hindi ko rin alam kung gagana ba ang phone niya. Hindi ba 'yon nasira if ever? Baka nadamay sa aksidente.

Nakatulala lang tuloy ako roon sa thread ng chat namin sa facebook at pinag-iisipan kung i-cha-chat ko ba o hindi. Pero after ilang sandali napagdesisyunan ko na i-mesaage siya, bahala na kung makarating sa kaniya o hindi.

Kalila Go: Okay ka naman diba?

Gusto ko lang masigurado na okay siya at wala namang malalang nangyari sa kaniya. Kahit papaano, nag-aalala rin naman ako kahit hindi naman kami madalas magkasama at magkausap.

Gianni Giongco: Sabi niya sabihin ko na okay lang siya :)

Nangunot ang noo ko nang mag-reply siya sa akin pero sure naman ako na hindi si Giongco ang nag-reply. Sino 'to? Unang kita ko pa lang sa smiley, alam ko na agad na hindi siya 'to.

Kalila Go: Ahh buti naman pagaling kamo siya

Hindi na ako nagtanong kung sino man ang nag-re-reply para sa kaniya. Okay na ako na malaman na okay siya at hindi naman siya napano nang malala tsaka at least hindi siya mag-isa. May vibes kasi si Giongco na mas pipiliing mag-isa lang siya e.

Tumayo na ako at nag-ayos na para sa klase ko pagkatapos no'n.

Pagpasok ko tinanong agad ako ni Gigi kung anong nangyari kahit na hindi ko rin naman talaga alam. Ang alam ko lang naaksidente siya at ang sasakyan niya tapos okay lang naman daw siya ngayon.

As much as gusto ko sagutin ang tanong niya ay wala rin naman akong masasagot. Ayoko naman mag-demand ng detailed story kay Giongco, nasa ospital pa nga yata siya ngayon.

Nakatingin lang ako sa ballpen na pinapaikot ko lang sa mga daliri ko habang may sinasabi si Gigi na hindi ko maintindihan.

"Puntahan mo kaya," suggest ni Gigi. Napatingin ako sa kaniya at napakurap. Tinawanan niya naman ako pagkatapos. "Oh tignan mo, saka mo lang ako titignan," pang-aasar niya pa dahil alam pala niyang hindi ko siya pinagtutuunan ng pansin.

Sorry naman.

"Hindi ako sasagap ng tsismis kung iyona ng iniisip mo, kung nakikita mo lang kasi ang sarili mo. Halatang bothered ka, Kaia," explain niya sa akin kaya mas lalong hindi ako nakasagot sa kaniya.

Huh? Bothered ba talaga ako masyado na halata na sa mukha ko?

Mga ilang sandali rin ang lumipas bago ako umiling. Hindi ko rin alam bakit for a minute kinonsider ko ang sinabi niya na puntahan ko si Giongco pero narealize ko rin later on na ang weird naman kung pupunta ako roon. Hindi ko naman alam nasaan siya and hindi ko rin naman alam kung entitled ba akong bisitahin siya doon.

"Bothered ako siyempre, pero ayoko naman pumunta pa." Nagkibit-balikat lang si Gigi sa akin.

Bakit kasi nag-suggest pa siya ng ganoon? Hindi ko na tuloy maialis sa isip ko 'yung idea na puntahan ko siya sa ospital na hindi ko alam kung saan ba.

"Wala namang masama kung pupunta ka ah, friends naman kayo e. Ako na lang pupunta gusto mo?" Minsan hindi ko rin masabi kung dapat ko bang seryosohin ang kaibigan kong 'to e.

"Pupunta ka kapag sinabi kong oo?"

Tumawa naman siya sa paghahamon ko sa kaniya. "Oo, sabihin ko pinapunta mo ako kasi alalang-alala ka na at nahihiya ka lang." Inirapan ko na lang siya dahil sa naging sagot niya.

"Seryoso beb, pumunta ka na kaysa isip ka nang isip diyan. I won't judge." Sa pagkakasabi niya no'n ay parang hinusgahan niya na rin ako. Kainis 'to.

"Nakakahiya," bulong ko pero mukhang narinig ng kaibigan ko.

"Anong nakakahiya doon? Magkakilala naman kayo, alam mo nga pabango niya e tsaka nag-aral nga kayo magkasama noon e." Hindi na ako sumagot dahil may point din naman siya tsaka tuloy-tuloy rin ang pagsasalita niya kaya talagang hindi na ako nakaimik.

Nang matapos ang huling klase namin ay nag-aantay lang ako sa tapat ng building namin ng shuttle, ang layo kasi ng building na 'to sa dorm. Habang nag-aantay ay tinext ko si Ceres kung alam niya ba kung nasaan si Giongco.

Siya na lang ang tinanong ko since alam naman niya na magkakilala kami ni Giongco talaga. Nag-reply siya agad sa akin pero hindi niya raw alam pero itatanong daw niya kay David na ka-team naman ni Giongco.

Medyo swerte yata ako ngayon dahil may shuttle agad na dumaan sa building namin kaya sumakay na ako agad para makabalik na ng dorm. Habang nasa shuttle ay nag-reply na ulit si Ceres at sinabi na nasa ospital pa nga raw si Giongco, sinabi na rin niya kung saang ospital. Buti na lang din hindi na nagtanong si Ceres ng kung ano, alam naman na siguro niya na pupuntahan ko si Giongco.

Pagdating ko ng dorm ay nagpalit lang ako ng damit, ayoko naman din pumunta doon nang naka-uniform pa.

Kalila Go: Tanong mo nga siya kung okay lang pumunta ako, thank you.

Hindi ko alam kung sino na ba ang may hawak ng phone niya pero dahil kanina iba ang may hawak, in-assume ko na lang na hindi siya ang may hawak ng phone niya. Ayoko kasing pumunta unannounced baka kasi ayaw niya pala na may bumisita muna or baka may ibang tao pa roon.

Gianni Giongco: Of course it's okay.

Nang mabasa ko ang message na iyon hindi ko alam bakit biglang gumaan ang pakiramdam ko dahil lang siya na ang may hawak ng phone niya.

Kalila Go: Okay, papunta na ako

Gianni Giongco: Take care.

Mabilis siyang nakapag-reply kaya mukhang okay na talaga siya at nag-pho-phone na lang siya sa ospital. Buti naman.

Bumili lang ako ng konting prutas kasi feeling ko dapat may dala naman ako kapag pumunta ako kahit na sa tingin ko marami nang nagdala ng prutas para sa kaniya. Ang mahal na nga ng prutas ngayon kahit konti lang.

Medyo malayo mula sa SHU ang ospital kung nasaan siya pero hinayaan ko na, isang beses lang naman ako pupunta roon.

Inabutan na ako ng dilim bago makarating sa ospital dahil sa traffic sa Maynila.

"Anong room po si Gianni Giongco?" tanong ko sa may desk. Tinanong niya pa ako kung kaano-ano ko si Giongco at tumawag muna sa kung saan bago sinabi kung saang room siya.

Kumatok ako nang ilang beses bago ko binuksan ang pinto at sumilip sa konting uwang. Walang ibang tao sa kwarto niya kung hindi siya lang.

Umalis na siguro ang kasama niya kanina.

Nagtama ang tingin namin at tumango lang siya kaya pumasok na ako nang tuluyan sa loob. May mga bulaklak sa side table niya at siyempre may prutas din. Nilagay ko na lang din doon ang dala ko, buti na lang konti lang din ang nabili ko.

Pagkatapos kong ilapag ang prutas napunta sa legs niya ang tingin ko kaya nanlaki ang mata ko. May cast iyon at elevated. Nalipat ang tingin ko sa kaniya at bumuntong hininga lang naman siya.

Nalungkot ako bigla.

"Makakapaglaro ka pa naman 'di ba?" dahan-dahan kong tanong.

Hopeful ako na um-oo siya. Feeling ko malulungkot ako nang sobra kapag humindi siya, ayoko no'n. Sobrang sayang kapag hindi na siya makakapaglaro.

"No," sagot naman niya. Napakurap ako nang ilang beses at parang hindi makapaniwala sa naririnig, sinagot niya iyin nang walang pagaalinalanagan kaya hindi nag-sink in agad sa akin at napatulala na lang ako.

"What's with that face, Go?"

"Seryoso ka ba?" paninigurado ko.

Ngumiti siya ng kaunti. "I can't play anymore this season but next year I can play again." Napahawak ako sa dibdib ko nang sabihin niya iyon. Napapikit pa at napabuntong hininga. Sira ulong 'to kinabahan ako doon!

Paiyak na nga yata ako e!

Tumawa siya sa naging reaksyon ko. Sa lahat ng oras na tatawa siya, ito talaga ang pinili niyang oras?!

Minsan nga lang siyang tumawa ganito pa. Pangit din ugali nito e.

"Alam mo ikaw, babaliin ko pati 'yang kabila," pagbabanta ko sa kaniya pero patuloy lang ang pagtawa niya. Ngayon ko lang siya narinig na tumawa nang ganiyan na tuwang-tuwa.

Blue moon ba ngayon?

"Were you nervous?" Nakuha pang magtanong nito!

"Hindi ba halata?!" Umupo ako sa upuan na nasa gilid ng kama niya. Dito siguro nakaupo ang kung sino mang kasama niya kanina.

"Why were you nervous?"

Humalukipkip ako at sumandal sa sandalan ng upuan. "Malamang. Gustong-gusto mo kaya maglaro, paano na lang kapag 'yung gustong-gusto mo hindi mo na magagawa ever? Ayoko naman ng gano'n sa kahit na sino," paliwanag ko. Sobrang tinding heartbreak no'n kapag 'yung bagay na gustong-gusto mo hindi mo na magagawa, na kahit anong gawin mo, hindi na pwede. Kumbaga, dead end na.

Lagi rin sinasabi ni Coach Rick sa amin na 'wag daw namin aabusuhin ang mga katawan namin. Hangga't maari maingat kami sa kinakain namin at sa mga ginagawa namin at 'wag magbibisyo tsaka laging mag-iingat dahil baka isang araw singilin tayo ng katawan natin tapos mas lalong hindi na natin magagawa 'yung gusto nating gawin.

"Malungkot ka?" tanong ko sa kaniya. Siyempre kahit naman makakapaglaro pa naman siya next year hindi naman no'n mababago na hindi niya matatapos ang season this year, hindi ko sure kung counted sa playing year niya 'yung season ngayon or hindi  Nakakalungkot pa rin iyon kahit papaano.

"Of course, but I'm more than thankful that I'm still alive and I can still play in the future, 'yon naman ang importante." Tumango naman ako dahil tama naman talaga.

Tinanong ko na lang siya kung ano bang nangyari, ang naalala niya daw ay may iniwasan siyang sumemplang na motor na sumingit yata tapos bumangga siya sa center island na nag-cause na may naipit sa bandang legs niya. Okay lang din naman daw ang sakay ng motor at wala namang ibang casualties kaya okay na raw iyon para sa kaniya.

"Wala kang kasama ngayon dito?" Umiling naman siya. Nakakatakot pa man din sa ospital. Never pa naman ako na-ospital kasi kapag nagkakasakit ako, sa bahay lang naman tapos pinapatawas lang ako ng nanay ko o kaya pinapamasahe para matanggal ang mga lamig-lamig ko sa katawan kaya ang tingin ko talaga sa mga ospital ay nakakatakot.

Kanonood ko siguro 'to ng mga horror films.

"E sino 'yung ka-chat ko kanina?"

"That's Teigan." Napaisip ako kung sino nga ba 'yung Teigan dahil narinig ko na ang pangalan na 'yon.

Nakakunot pa ang noo ko habang iniisip kung sino 'yon. "Ah, 'yung jowa ni Zoe?" tanong ko dahil hindi ako masyado sigurado pero tumango naman siya.

May ka-close pala siyang mga taga ibang school, in fairness naman sa lalaking 'to.

"Paano 'yon? Mag-isa ka lang ngayong gabi?" Tumango ulit siya. "I live alone so wala naman nang bago roon," sagot niya lang na parang hindi naman iyon big deal.

"E no'ng wala pang bali ang buto mo 'yon, e ngayon mayroon na." Asaan ba ang mga magulang nito? Nasa probinsya ba? Nasa malayo o ayaw lang niya na mag-alala pa? Kapatid kaya?

"Babalik naman si Teigan bukas, may kailangan lang daw siya gawin since he ditched his game." Mukhang ayos lang naman talaga siya base sa pagsagot niya kaya tumango na lang din ako. Makakatawag naman siguro siya ng nurse if kailangan niya ng tulong.

Tinignan ko ang oras at rush hour pa kaya magpapalipas muna ako ng oras dito bago bumalik sa dorm. Hindi pa naman siguro ako aabutan ng curfew.

Nanonood lang kaming dalawa ng random na movie na pine-play sa isang channel sa cable, hindi naman ako familiar since minsan lang ako makanood ng mga movie. Pinapanood ko na lang din dahil mukha namang interesting.

Kinakain ko ang mansanas na dapat para sa kaniya dahil medyo nagugutom na ako. Hindi pa kasi ako naghahapunan.

"I thought that was for me," sabi ni Giongco nang mapansin na paubos na ang mansanas na hawak ko.

"Bakit gusto mo ba?" tanong ko. Hindi naman kasi siya nagsasabi kung gusto niya ba, hindi naman ako manghuhula. Tsaka marami pa naman doon sa side table niya. May bulaklak pa ngang kasama.

"Yup, but I don't like the skin."

"Healthy nga raw 'yon," pangungumbinse ko sa kaniya. Si Mama nagsabi sa akin na healthy raw ang balat ng mansanas kaya dapat hindi na 'yon binabalatan, hugasan na lang daw maigi.

"I don't like the texture." Napairap ako pero kinuha ko pa rin naman ang isang mansanas mula sa basket at akmang babalatan ko na nang pigilan niya ako.

"I want that one." Turo niya sa plastic na dala ko. Napakaarte naman nito, pareho lang naman na mansanas iyon pero dahil injured siya, sige pagbigyan.

Kumuha ako sa plastic ng prutas na dala ko at ibinalik iyong galing sa basket at binalatan. Buti nga mayroon kutsilyo na dito siguro sa dami ng prutas niya dito ay nag-request na rin siya ng kutsilyo pambalat.

Pagkabalat ko no'n ay hinugasan ko lang tapos ay ibinigay ko na sa kaniya, kinain niya rin naman agad. Tumingin ulit ako sa oras at napagpasiyahan na umalis na dahil baka abutan ako ng curfew, hindi ko sure kung konti na lang ang tao dahil may mga nag-uuwian pa rin ng ganitong oras pero bahala na.

"Uuwi na ako," paalam ko sa kaniya. Napahinto naman siya sa pagkagat niya sa mansanan na hawak niya.

Chineck ko lang ang mga gamit ko at saktong may kumatok at pumasok para magbigay ng dinner niya at inayos ang table na kakainan niya.

Nang umalis na iyon ay tinulungan ko lang si Giongco na paangatin pa lalo ang kama niya para kumportable siyang kumain bago sinukbit ang bag ko.

"Alis na ako ha, sure ka okay ka lang mag-isa?" paninigurado ko pa.

"Yeah, unless you want to stay with me."

***

To those who will vote, sa 'yo ang boto mo pero you are voting for the sake of every Filipino as well.

Always fact check and don't be a fake news peddler.











Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top