V

Chapter 5
#TTFwp

"Bilhin mo na," alok ko doon sa kaklase kong si Warren. Nagbebenta ako ngayon sa kanila ng pabango kasama na rin ang kaamoy ng pabango ni Giongco. Hindi ko naman kasi akalain na padadalahan kaagad ako ng isang box ni Tita. Tinanong ko lang siya kung mayroon, akala niya siguro maraming naghahanap kaya ayan tuloy. May mga tira pa ako no'ng iba tapos nadagdagan nanaman ng isang box kaya doble kayod ako para mabentahan ang mga kaklase ko.

"Bango kaya," pangungumbinse ko. "Oo nga, kaso may pabango pa ako. Galing din kamo 'yon sa 'yo," sagot niya habang inaamoy niya ang mga samples na dala ko.

"Bumili ka pa ng isa," pangungulit ko pa sa kaniya. Tinusok niya ng ballpen ang pinsgi ko, specifically sa dimples ko sa pisngi at tinawanan ako.

"Kulit mo, sige na nga." Imbis na mainis sa pagtusok niya ng ballpen sa pisngi ko ay nangiti ako nang pumayag din siya sa wakas.

Alam ko naman na hindi na ako masyado makakabenta sa iba kong kaklase kasi siyempre ang iba sa kanila ayaw na magkakaamoy sila tapos magkakaklase pa sila kaya i-po-post ko na lang din sa online 'yung matitira mamaya.

Kapag naubos ko talaga 'to malaki rin mabibigay ni Tita sa akin kaya i-po-post ko na lang din talaga para mas mabilis talaga maubos. Ang ibang taga-SHU din naman kasi, sa post ko sila tumitingin dahil siyempre mahirap din na hahagilapin pa nila ako sa buong campus e palipat-lipat pa man din kami ng room tsaka para hindi lang mga taga-SHU ang mabebentahan ko. Kadalasan kasi hindi muna ako nag-po-post, pinapauna ko muna ang mga kaklase ko kasi bilang very supportive sila sa akin may karapatan sila na maunang makapili at makabili tapos saka ko pino-post.

Nagpatulong ako kay Gigi mag-picture ng mga bagong pinadala ni Tita sa akin nang makauwi na ako sa dorm para ma-post ko na rin agad.

"Ang bango," kumento niya pagka-spray niya ng pabango sa pulso niya.

"'Di ba? Ang mahal ng ganiyan talaga," sagot ko habang pinipilian ang mga kuha namin doon sa mga pabango pati na rin ang mga damit na hindi pa nabibili.

"Amoy pang mayaman din naman kasi," sagot niya pa habang tinutupi na niya ngayon ang mga nilatag naming damit para picturan.

"Ganiyan amoy ni Gianni Giongco," wala sa sariling pagbanggit ko.

"Oh?" Agad na naagaw ang pansin niya dahil sa sinabi kong iyon. Oo nga pala PCAA fan nga pala ang isang 'to parang si Claui lang.

Oh? Speaking of Claui, baka mabentahan ko ang isang 'yon. Super fan pa naman 'yon ng West Hill men's volleyball team.

"Oo nga."

"Paano mo nalaman?" E kung sana kasi siya ang kumuha ng order niya noon edi sana naamoy niya rin.

"Nalaman ko lang," sagot ko kasi nakakatamad mag-explain na tinanong ko siya tapos nagkita kami sa bilyaran tapos naalala niya pa pala ako kaya sinabi niya sa akin.

"Legit? Hindi mo 'ko binubudol?" Tinignan ko siya at tumango nang seryoso kasi hindi ko naman talaga ako nagsisinungaling. Hindi man 'yan eksakto 'yung pabango niya pero kaamoy niya naman e.

"Akin na 'tong isa." Nangiti ako nang kuhanin niya ang isa doon sa pabango at kinuha ang wallet niya para bayaran ako.

"Wala ka bang Sebastian Ortega diyan? 'Yon kasi ang pinaka-crush ko sa West Hill," seryosong sabi niya habang binibilang ang ibabayad niya sa akin.

Inabot niya ang pera sa akin pero bago pa niya tuluyang ibigay sa akin ay napaisip pa siya. "Wala ka bang SHU diyan? Kay Noah? Close kayo no'n 'di ba? O kaya kay Alonzo? Juanico?" Napapikit ako ng mariin nang tuloy-tuloy na ang sinasabi niya at parami na nang parami ang hinahanap niya.

Mukha bang business ko ay mga pabango ng mga volleyball player?

Pero naisip ko nga din bigla na kung bumili nga siya dahil kay Gianni, baka makabenta rin ako sa iba kung gagamitin ko pangalan nila Noah.

Try ko nga sa susunod kapag naubos ko na 'tong isang box.

"Wala, 'yan lang alam ko." Napanguso naman siya at tumango at shi-noot na sa bag niya ang panlalaking pabango. Hindi ko alam kung gagamitin ba niya sa sarili niya o ano pero ang mahalaga nakabenta nanaman ako.

Na-post ko na lahat sa facebook ang mga bagong padala ni Tita kaya umuwi na rin si Gigi after no'n.

Mga ilang araw na ang lumipas pero hindi ko pa rin nauubos ang pinadala ni Tita kaya nang mag-vacant ay pumunta ako sa condo ni Claui, nagsabi naman na ako at sabi niya wala raw siyang pasok ngayon kaya okay lang daw.

Sandali lang naman ang biyahe papunta sa tower ng condo niya basta hindi rush hour kaya nakarating din ako agad.

Pagpunta ko sa unit niya ay nakapantulog pa siya at headband na may tainga ng kung anong hayop.

"Buti naman naisipan mo na ulit akong balikan dito," sabi niya agad sa akin. Nang malaman kasi niya na lilipat na ako sa dorm noon, sobrang ayaw niya ng idea na 'yon. Hind kasi siya sana na mag-isa kaso siyempre may hiya pa rin naman ako kahit close kami.

"Ang drama mo," tanging sagot ko sa kaniya bago ako tumuloy sa loob at binagsak ang bag ko sa lapag at ang sarili ko naman sa sofa niya.

"Wala akong pagkain," inform niya sa akin kaya natawa ako kasi hindi ko naman talaga ine-expect na may pagkain siya rito dahil hindi naman siya marunong magluto pero naturuan ko naman na siya magsaing at magprito kaya surviving pa siya.

Tumayo ako at tinignan ang ref niya. May mga gulay doon at may karne rin. Buti pala pinuntahan ko siya dito bago pa man din masira lang ang mga 'to.

"Dinadalhan ka pa rin ni Tita ng ganito?" tanong ko kay Claui. Umupo naman siya sa counter top at pinanood akong ilabas ang mga laman ng ref niya.

"Oo para daw matuto ako," sagot niya kaya natawa na lang ako at nailing. Hindi pa rin pala siya sinusukuan ng mama niya.

Nagluto lang ako ng tortang talong na may giniling para sa aming dalawa dahil iyon na ang pinakamadali.

"Thanks, baka gusto mo na ulit tumira kasama ko," aya niya pa ulit sa akin at umiling naman ako.

No'ng nakatira ako dito, sobrang maayos naman. Hindi naman kami nag-aaway tsaka kumportable talaga. Pwede magluto, walang curfew, at tahimik kaso nahihiya lang talaga ako sa kanila ni Tita tapos ayaw pa nila ako pagbayarin ng kahit na ano. Minsan nagiging ma-pride lang din talaga ako kahit na ang hirap-hirap na nga ng buhay. Marami na rin naman kasing beses na nilunok ko ang pride ko kaya kung hindi pa naman kailangan na kailangan ay ayokong umaasa ng sobra sa ibang tao.

Nagkwento lang siya about sa mga ganap niya sa school kaya nakinig lang ako hanggang sa nagtanong na siya about sa PCAA dahil malapit na nga raw. Mas excited pa siya sa akin talaga kung tutuusin kaya sinabi ko na lang din sa kaniya kung ano ang mga alam ko.

Nang matapos kami kumain ay siya ang naghugas ng plato tapos ay tumambay na kami sa sala niya.

"Kaya talaga ako nandito ay para bentahan ka," sabi ko sa kaniya bago kinuha ang bag kong nasa lapag at binuksan iyon para kuhanin ang isang bote ng pabango.

"Sige amin na," agad na sagot niya lang kahit hindi pa niya alam ang ibebenta ko sa kaniya. Marami pa siguro siyang sobra sa allowance niya.

Inabot ko sa kaniya iyong pabango. "Panlalaki naman 'to, wala ka bang pambabae?" reklamo niya pa.

"Ganiyan amoy ni Giongco." Napalingon siya sa akin at nanlaki ang mata. "Ay talaga? Paano mo alam? Close kayo?" Umiling naman ako.

"Hindi kami close pero nakausap ko na siya isang beses." Tuwang-tuwa naman ang itsura niya nang sabihin ko 'yon. Nakikita naman daw niya ang mga 'yon sa campus nila sa West Hill minsan pero never pa raw niya nalapitan o nakausap ang mga 'yon.

Inamoy niya ang pabango at tumango. "Ang bango naman niya." Hinayaan ko na siyang mag-daydream at mag-fangirl.

Kagaya ni Gigi, pagkatapos niyang matuwa sa pabango na 'yon ay naghanap pa siya ng sa ibang player.

"Tanong mo rin 'yung sa iba," utos niya pa sa akin. Nakakaloka, ganito ba talaga ang mga fangirl? "Kay Niccholo, mukha rin siyang mabango e." Nailing nalang ako at hinayaan siya na kulitin ako.

***

For some reason na hindi ko alam, naubos ko na ang isang box ng pabango na pinadala ni Tita sa akin nang sobrang bilis. Maraming nag-chat doon sa facebook at may hinala na ako pero hindi ko pa nasisigurado.

Karamihan sa nag-chat sa facebook ko ay ang tanong ay kung talaga bang ganoong amoy ang ginagamit ni Gianni Giongco.

Kay Gigi at kay Claui ko lang naman sinabi iyon pero um-oo rin naman kasi ako doon sa mga nag-cha-chat. Sinabi ko na inspired sa pabango ni Giongco iyong pabango na 'yon pero kaya ko lang naman nasabi ay dahil nagtanong sila. So saan nila nakuha 'yong idea 'di ba?

"Gi, may pinagsabihan ka pa ba na iba about doon sa pabango?" Nangunot ang noo niya habang iniinom ang milk tea niya.

"Alin? Na kaamoy 'yon ni Gianni ng West Hill?" Tumango naman ako pero umiling naman siya. "Wala akong kilala na super fan ni Gianni e medyo loyal naman ako sa SHU kaya puro fan ng SHU kilala ko, bakit?"

"Bigla kasing ang daming bumili dahil doon." Hindi siya makapaniwalang napatingin sa akin.

"Talaga ba? Edi maganda!"

"Ubos na nga e," dugtong ko pa kaya napapalakpak siya. "Alam mo sabi sa 'yo isama mo na din 'yung sa SHU tsaka ibang school tsaka mga basketball player. Kikita ka talaga," pangungumbinsi niya pa sa akin. Napailing na lang ako at natawa.

Ang weird naman no'n kung ibebenta ko 'yung mga pabango dahil kaamoy ng mga volleyball players. Pero sabagay nakabasa na ako ng mga tweet ng fangirls na gusto pati jersey na may pawis ng mga players, akala ko biro lang. Mas weird naman 'yon kung tutuusin.

Habang pauwi ako ng dorm ay chi-nat ko na lang si Claui kung siya ba ang nagpakalat. Thankful naman ako sa mga bumili at kahit ano pang rason ng pagbili nila, super thankful pa rin ako. Gusto ko lang talaga malaman kung talaga bang si Giongco ang dahilan kaya naubos.

Sobrang grabe naman pala ang kasikatan no'n tsaka nakakapagtaka rin naman na pang lalaki ang pabango pero halos puro babae ang bumili 'di ba? Hindi ko naman sinasabing bawal, medyo unusual lang.

Habang tutok sa phone ko ay nabigla ako sa pagbusina ng sasakyan. Akala ko napunta na ako sa gitna ng daan kaya ako nabusinahan pero pagkakita ko puting sasakyan lang pala iyon ni Noah kaya dumiretso ako roon.

Binaba niya naman agad ang bintana. "Ano nanaman, Salviejo?"

"Tara laro, kain na rin tayo pagkatapos, wala akong kasama."

"Nakakaawa ka naman," sarkastiko kong sabi dahil sa pagpapaawa niya sa boses niya pero dahil lalabas din naman ako mamaya para bumili ng hapunan ay sumama na lang din ako sa kaniya.

"Oo nga e, kaya samahan mo na ako." Nag-seat belt na lang ako at hindi na pinansin ang sinabi niya.

Pagdating namin sa bilyaran ay nilibot ko ang paningin ko. Baka lang kasi andito nanaman si Giongco e medyo akward ako sa kaniya. Hindi naman kami close para magpansinan pero na-a-awkward lang talaga ako sa kaniya.

Wala naman akong nakitang bakas ng matangkad na chinito dito kaya sumunod na rin ako kay Noah. Hindi pa kami nakakatagal sa loob ay may nag-aya na sa kaniya ng pustahan tapos sinali pa niya ako.

Mga kalaro namin ay mga taga-SHU lang din naman kaya mas mababa naman siguro ang chance na magkapikunan. Kapag kasi ibang school ang kalaro may chance na nagpapayabang pa sila sa kung anu-anong bagay.  Simula sa itsura ng campus, uniform, kung may bidet ba ang CR, facilities, passing rate at kung anu-ano pa kaya sa dulo nagkakapikunan.

Ako ang sumargo tapos nagsimula na ang laro. Mukhang nasa kondisyon si Noah kasi ang ayos ng mga tira niya, sana magtuloy tuloy para may ipanghapunan na kami pagkatapos namin dito.

"Ito or 'yan pwede rin," turo niya pa sa akin. Kaya medyo yumuko ako at pinantayan ng tingin ko ang table para makita ang anggulo kung anong mas okay sa tinuro ni Noah.

Umikot ako para tignan ang kabila bago ako tumira. Pagkatapos ng tira na 'yon at nagtuloy-tuloy na kami ni Noah hanggang sa nai-shoot ko na ang 8 ball.

"Okay!" masayang sabi ni Noah. Kinuha niya agad ang pera at inabot sa akin lahat. "Dinner later," pagtukoy niya sa pera kaya kinuha ko na at sineparate sa wallet ko dahil baka mahalo pa sa sarili kong pera.

Umupo ako sa plastic bench malapit doon sa table kung saan kami naglaro. Naglaro pa ulit si Noah pero 1v1 na lang sila doon kaya dito na lang muna ako at tinignan kung may reply na ba si Claui sa akin.

Claudia Celedonio: Hahaha! Nabanggit ko sa mga kaibigan ko na mga fan din. Siyempre niyabang ko na rin 😆

Claudia Celedonio: Baka dahil doon nga hahahahaha secret ba yun?

Kalila Go: Hindi naman haha nagtataka lang ako

So si Claui pala talaga ang may gawa, sabagay, sa sobrang hilig niya sa PCAA volleyball at basketball pati mga kaibigan niya mahihilig din doon, pero kahit ganoon hindi mapagkakailala na ang lakas din pala talaga ng hatak ni Giongco kahit papaano.

"Andito ka nanaman? Napapadalas ka ah." Rinig kong boses ni Noah kaya napaangat ang tingin ko sa kung sino ang kausap niya na agad ko rin pinagsisihan dahil nakasalubong ko ang mga singkit na mata ni Giongco.



















Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top