1
"Ayoko na!" Gumewang ang lamesang nasa harap namin ni Jed nang hampasin ko iyon.
Tila ba balewala lang iyon sa bestfriend ko. Tuloy-tuloy lang siya sa pagsimsim sa beer na hawak. Pinanonood lang niya ako.
Muli akong nagpatuloy. "Ano sa tingin nila sa aming empleyado? Walang bills na binabayaran? Walang life outside work?" Pagak akong napatawa habang umiiling. "Hindi kami alipin!"
Nagpakawala ng malalim na paghinga si Jed. "Ilang beses na nga ba kitang kinumbinsing mag-resign?" Itinaas niya ang dalawa niyang kamay at nagbilang. "Lampas sampu na eh."
Nangalumbaba ako sa mesang pumapagitan sa amin. "Alam mo naman kung bakit hindi ako umaalis, 'di ba?"
Makahulugan niya akong tiningnan. "You deserve more, Lizette. Bakit ka nagtitiyaga sa trabahong iyan? Oo, dream company mo nga pero papatayin ka naman sa OTTY."
Ang OTTY na tinutukoy niya ay nangangahulugang overtime thank you. Walang dagdag na bayad ang extra hours na itatrabaho namin.
Kinuha ni Jed ang wallet sa likod ng pantalon niya. May kinuha siya roon. Ang golden ticket na matagal na niyang inuungot sa akin. Napanalunan niya iyon sa isang raffle. Ang premyo ay trip for two in Batanes, all-expenses are paid by the sponsor.
Tinitigan ko iyon ng ilang segundo. Nag-isip ako ng malalim.
Sa totoo lang, gusto ko munang huminga kahit kaunti. Pagod na pagod na ako. Mentally, physically, and emotionally.
Kailangan ko ring mag-isip isip. Ilang linggo na rin akong binabagabag ng aking konsensiya. Binubulungan ako nito na gawin ang tama at moral, na dapat akong kumawala sa relasyong itinuturing na bawal sa batas ng mga tao.
Isa akong kabit. I'm the mistress of Levi Miranda, our department head. Maraming beses ko nang tinangkang makipaghiwalay pero umuurong ang dila ko kapag kaharap ko na siya. Ayoko na. Gusto ko nang makawala.
Bumalik ang tingin ko sa ticket na ipinatong ng bestfriend ko sa lamesa.
Nang kuhanin ko iyon ay sumilay ang malawig na ngiti sa mga labi ni Jed. Tila ba nagbubunyi ang kaniyang mga mata nang magtama ang tingin namin.
***
Sabik kong tiningnan ang naaabot ng aking mga mata nang makapasok kami sa lodge na pansamantala naming paglalagian.
"Jed, ang ganda-ganda oh. Puntahan natin ’yon!" Itinuro ko ang Basco lighthouse sa ’di kalayuan.
"Oo ba. Mas mainam kung gabi tayo pupunta. Marami pa ak—"
Napatingin ako kay Jed nang tumigil siya pagsasalita. Nakatingin pala siya sa hawak kong phone. Nakatitig kasi ako roon habang nagsasalita siya.
He heaved a sigh. "Si Levi ’yan no?"
Napatungo ako sa hiya. Hinahanap niya kasi ako. Expected ko naman na 'yun kasi hindi naman ako nagpaalam na magbabakasyon. Marami akong backlogs na naiwan sa opisina.
I'm AWOL, at hindi ako sigurado kung kailan ako babalik o kung babalik pa nga ba ako.
Kinuha ni Jed ang phone ko. Gamit ang ejector ay hinugot niya ang SIM card noon.
"Don't communicate with Levi while we are here, okay?"
Tiningnan ko muna siya at mayamaya ay tumango rin ako.
"Takasan muna natin ang mundo, Lizette. Magpakasaya tayo habang nandito. Kunwari, tayo lang ang nandito."
Napapitlag ako nang hawakan niya ang kamay ko. "Tara, gumala na tayo."
***
Sakay ng bisikleta ay nilibot namin ang Batan Island. Nakapunta na kami sa Vayang Rolling Hills, Japanese Tunnel, at Valugan Boulder Beach. Dumaan din kami sa Tukon Church para manalangin.
"Jed." I called his attention while my eyes are focused on the altar.
"Hmm?"
"Sa tingin mo, may magmamahal pa rin sa akin kahit naging kabit ako?" Tila ba may bara sa lalamunan ko nang itanong ko iyon.
Nag-sign of the cross muna siya sabay upo. Pagkatapos noon ay binalingan niya ako. "Oo naman."
Nanlaki ang mga mata ko. "Di nga? Kahit andumi-dumi ko?"
"Liz, kung tunay kang mahal ng isang tao, tatanggapin ka niya nang buong-buo at kasama na roon ang nakaraan mo." Ipinatong niya ang kamay niya sa isang kamay ko. "Malay mo, meron na palang taong gano'n sa iyo. Hindi mo lang nakikita kasi busy ang puso mong magmahal ng iba."
Napangiti ako nang tipid. "Kung sino man iyon, interesado akong makilala siya."
Tumayo na ako. "Tara, Jino's pizza tayo. Gutom na ako."
***
Kinagabihan ay hindi kami nakapag-bike papunta sa lighthouse kasi umulan nang bahagya. Natulog na lang kami. Maaga pa kasi kaming pupunta sa Sabtang Island.
Alas kuwatro palang ng umaga ay nakapaghanda na kami ni Jed. Excited kaming sumakay sa faluwa boat para makatawid ng isla.
Pagdating namin sa Sabtang ay marami kaming napuntahan. Hindi namin pinalampas ang Nakabuang arch, Chamantad-Tinyan Viewpoint, at ang Chavayan village. Bandang tanghali ay sumakay ulit kami ng bangka pabalik sa Batan Island.
At dahil marami pa kaming oras ay napagpasyahan naming pumunta sa Chawa View Deck kung saan kitang-kita mo ang paghampas ng alon sa batuhan sa baba.
"Grabe, ang ganda-ganda pala rito sa Batanes, Jed. Balik ulit tayo rit—"
Naputol ang sasabihin ko. Paano ba naman kasi e seryosong nakatitig sa akin si Jed nang lingunin ko siya.
Dalawang segundong nakakailang na atmospera ang namagitan sa amin. Pagkatapos noon ay sabay kaming nag-iwas ng tingin.
Ang awkward pero at the same time e nakapapanibago. Bakit nag-init ang mga pisngi ko nang mag-eye to eye contact kami? This is weird. Really weird.
***
"Liz, can we talk?"
Iyon ang unang nasabi ni Jed pagkatapos ng nakakailang na eksena kanina sa Chawa View Dieck. Ilang oras kaming hindi nag-imikan, pareho kasing nagkakahiyaan.
Ngayon ay nasa balkonahe kami, tinatanaw namin ang mga kabahayang natatanglawan ng panggabing ilaw.
"Mahal kita," sabi niya na nagpataginting ng mga tainga ko. "Matagal ko nang gustong sabihin 'yan sa iyo pero naduduwag ako. Akala ko kaya kong kipkipin nang matagal pero sa tuwing nakakasama kita e lalo lang lumalala."
Sa puntong iyon ay napakabilis na ng tibok ng puso ko. Nanatili lang akong nakatingin sa kaniya.
Umayos siya ng tayo at humugot ng malalim na paghinga. "I-I'm sorry, Liz." Tinalikuran niya ako para lumabas ng lodge. Iniwan niya akong nagugulumihanan.
"Jed..." tangi kong naibulong sa sarili ko sa pinakamahinang paraan.
***
Kapwa kami tahimik habang binabagtas namin ang airport. Pabalik na kasi kami sa Manila. Nang makababa kami sa van ay nagawa pa niyang ipagbuhat ako ng maleta sa kabila ng awkwardness sa aming dalawa.
Papasok na sana siya sa terminal nang pigilan ko siya sa braso. Tiningnan niya ang kamay ko at pagkatapos ay nalipat naman iyon sa mukha ko. Mayroong nakapintang emosyon sa kaniya na hindi ko mabasa.
"Jed..."
Mayamaya ay natagpuan na lang namin ang aming mga sarili na nakaupo sa stone bench sa labas ng airport.
"P-Paano kung mahal din pala kita, Jed?"
Napalingon siya sa akin sa pagkakataong iyon. Umisog ako nang kaunti papalapit sa kaniya.
"Liz..."
Nagpakawala ako ng malalim na paghinga. Tiningnan ko ang repleksiyon ko sa mga mata niya. "I-I'm not sure yet. Pero these past few days made me question how I really feel for you. Iba, P-Pero may pumipigil sa akin."
Napatungo ako. "I'm not worth to be loved, Jed. Alam mo namang homewreck—"
He used his fingers to lift my chin towards him. Ngayo’y halos magkalapit na ang mukha namin. "You are always worth to be loved, Lizette. I've seen all of your flaws pero walang nagbago. Mas lalo kitang minahal at wala akong planong itigil iyon."
"Jed." Nagsimula nang umahon ang luhang nagbabadya sa mga mata ko.
Ginamit niya ang kaniyang matipunong braso para kawitin ang ulo ko papalapit sa kaniyang dibdib. Hinaplos-haplos niya ang aking buhok.
Inangat ko ang mukha ko. "Handa ka bang maghintay hanggang humilom ako?"
He used his thumb to remove the wetness around my eyes.
He smiled widely. "Nakaya ko ngang hintayin ka ng walong taon, ngayon pa ba ako titigil now that I know I have a chance?" He kissed my forehead. May katagalan iyon. "Palagi akong maghihintay sa iyo, Liz."
I intertwined our fingers, bagay na nagdulot ng pagkislap ng kaniyang mga mata. "Tara na, baka maiwan na tayo ng eroplano."
Sandali muna siyang kumawala sa pagkakahawak ng aming mga kamay. May dinukot siya sa kaniyang bulsa.
Ang golden ticket.
"Salamat sa golden ticket na ito. Magkaka-lovelife na yata ako!" he exclaimed with joy.
We both chuckled as we gaze upon the ticket which shines as the rays of sunlight reach its surface.
Itinabi na niya ang golden ticket at mayamaya'y muling magkahugpong na naman ang aming mga kamay habang naglalakad kami papasok sa airport.
The End
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top