Tadhana
Tadhana. That stupid word.
Kung ang babaeng nakatadhana naman sa akin ay katulad ni Katherine Macaraig, 'di bale na lang. Tatanda na lang akong binata. Sa tanang buhay ko ay hindi pa ako nakatagpo ng babaeng katulad niya. Palengkera kung magsalita. Kung magmura ay daig pa ang mga tambay sa kanto. Kung kumilos ay akala mo mas siga pa sa maton. Kaya papaanong magkakagusto ako sa isang babaeng kabaligtaran ang pag-uugaling hinahanap ko sa isang babae?
"Mark! Tara na, 'tol! Simulan mo na ang pagtulak!" sigaw ng kaibigan kong si Bernard na nasa harapan ng manibela.
Napabuntong-hininga na lang ako. Bakit ko pa ba kasi naisipang magpasundo sa mokong na ito? Dahil ayokong ma-late sa klase, naisipan kong tawagan si Bernard at makisabay sa kanya sa pagpasok sa unibersidad. Kaso tumirik naman ang sasakyan niya sa tapat pa mismo ng palengke. Mas mapapa-late pa ata ako nito.
Tadhana sucks. Big time.
Minalas na nga ako dahil tumirik ang sasakyan ni Bernard na mas matanda pa kaysa sa lolo ko, bigla pang sumulpot ang babaeng iniiwasan ko. Si Katherine.
"Oi, Bernard! Kailangan mo ng tulong?" At nang napansin niya akong nakatayo sa likod ng sasakyan... "Hi babe!" ang bati niya sa akin.
Isa pa 'yan sa kinaiinisan ko sa kanya. Simula no'ng tinukso kami ng mga blockmates namin sa College of Nursing na itinadhana kaming dalawa para sa isa't isa, sinimulan na niya ang pagtawag sa akin na babe. Asar lang, hindi ba? Hindi lang iyon, nakakaasiwa pa. Papaanong hindi ako maaasiwa kung ang tumatawag sa akin na babe ay mas siga pa kaysa sa akin kung kumilos?
"Puwede ba? 'Wag mo nga akong matawag-tawag na babe. Nakakaasiwang pakinggan," galit kong sabi sa kanya.
"Pakipot ka pa babe, eh," turan naman niya sabay tawa.
Wala naman akong problema kung tatawagin akong babe ng isang babae lalo na kung kasing ganda't sexy ni Jeniffer Cabales, ang matagal ko ng crush sa university. Pero kung itong si Katherine? Parang kinikilabutan ako nang todo!
Tulad ng dati, nakisabay na naman si Katherine sa amin papasok ng eskwelahan. Tulad din ng dati, umaalingasaw na naman ang pawisang amoy nito.
"Maligo ka nga bago pumasok sa eskuwelahan!" singhal ko.
"Wala ng oras. Male-late na tayo sa Chemistry class."
Napaungol ako. Isang oras at kalahati ko na naman makakasama si Katherine sa Chemistry class. At ang matindi pa roon ay lab partner ko pa ito! Dahil blockmates kami, magkasama kami ni Katherine sa lahat ng subjects. At sa 'di ko malamang dahilan, lagi kong nakaka-partner si Katherine sa mga lab works at group works. Simula no'n ay tinutukso na kaming meant to be with each other. Nakakasuka, bro!
Kung ikukumpara ko si Katherine sa ibang mga babae, ang layo ng agwat niya sa kanila-mga one hundred thousand lightyears na layo. Kung ang mga babae sa campus ay mahilig gumamit ng make-up, si Katherine alikabok ata ang ginagawang pulbos sa mukha dahil sa maliliit na duming nakikita ko sa pisngi niya. Ang pabango niya ay ang natural na pawis ng katawan. Hindi rin ito mahilig magsuklay-halata ito sa magulong buhok na pilit niyang itinatago sa ilalim ng baseball cap. Kung sa damit naman, mapagkakamalan mo talagang lalaki si Katherine dahil sa hilig nitong suotin ang maluluwag na T-shirt at pantalon. At kung kumain ito, grabe! Parang patay-gutom! Hindi naman sa mapanghusga akong tao, pero pang-construction worker ang appetite niya! At madalas ay nakikikain ito sa pagkain ni Bernard. Parang walang sariling baon!
Madalas, sa aming dalawa ni Bernard sumasama si Katherine. Wala naman akong magagawa kundi tiisin ang presensya niya at habaan ang pasensya ko. Minsan gusto ko na siyang patulan. Kaso kahit pa ikinukubli ni Katherine ang sarili sa mga damit panlalaki, babae pa rin ito. At isa pa, pinsang buo ni Bernard si Katherine. No choice ako kundi ang magtiis sa amoy ni Katherine Macaraig.
Tadhana. Sadyang mahilig talaga itong manubok at mang-inis. Dahil kung talagang hindi ako nito pinaglalaruan, bakit kahit saan ako mapapunta, mapalingon o mapaliko, si Katherine ang nakikita ko? Sukang-suka na ako sa mukha niya! No'ng isang araw lang pumunta ako sa library. Manghihiram sana ako ng libro, at nang ibibigay ko na ang library card ko sa librarian, nagulat na lamang ako nang sinabihan akong "hi babe!" ng librarian! Aba naman! Assistant to the librarian pala itong si Katherine at siya ang tumatanggap ng mga library card.
Heto pa ang isang insidente. Niyaya ko si Bernard na kumain ng burger sa canteen. Nang pumila na ako para um-order, hayun si Katherine sa likod ng counter at nagluluto ng burger patties.
"May kasamang pagmamahal ito, babe!" sabi pa niya nang inabot niya sa akin ang maiinit-init pang burger.
Nawalan tuloy ako ng ganang kumain no'ng araw na iyon.
Heto pa ang isa. Sumakit ang ulo ko isang hapon. Pumunta ako ng clinic, at siyempre pa nandoon na naman si Katherine at umaalalay sa clinic nurse!
Kahit sa palengke, hindi ako makatakas kay Katherine. Bibili na nga lang ako ng petchay at kalabasa kasama si Mama, si Katherine pa ang nakatakdang magbenta ng gulay sa amin.
"Heto po Tita, may discount pa po para sa inyo," paninipsip nito kay Mama sabay abot ng gulay.
"Naku, salamat hija! Dito na ako bibili sa puwesto ninyo sa sunod kong bili ng gulay," ang sabi pa ni Mama kay Katherine. At nang naibaling ni Mama ang atensyon niya sa akin, binatukan ba naman ako! "Ikaw, ba't 'di mo gayahin ang kakalase mong ito? Masipag. Hindi tulad mong batugan! Puro Dota lang ang alam! Kaya hindi umaasenso ang bansang Pilipinas!"
Sisihin ba naman ako sa matumal na pag-unlad ng bansa?
Kasalanan itong lahat ni Katherine!
Sa tindahan sa may kanto. Sa talyer kung saan dinadala ni Bernard ang sasakyan niya tuwing masisira ito. Kahit saan ako mapadpad at dalhin ng mga rubber shoes ko, biglang susulpot ang kulay lupang mukha ni Katherine. Kulang na nga lang ay bigla itong magpapakita sa CR ng mga lalaki, eh!
Mariin kong tinitigan si Katherine. Ito ba? Itong babae ba na kasama ko ngayon na nagtutulak ng sasakyan ang nakatadhana para sa akin?
Napatitig sa akin si Katherine at kumurap. "M-may dumi ba ako sa mukha, babe?"
"Oo. Buong mukha mo kulay lupa."
"Ang babe ko talaga. Palabiro. Kaya nga type na type kita, eh. Bentang-benta kasi sa akin ang mga jokes mo."
Nagsalubong ang mga kilay ko. Ganito na ba kakapal ang balat ni Katherine para maging manhid ito at hindi maramdamang naalibadbaran na ako sa kanya?
Nakarating na rin kami sa paaralan. Tiniis ko ang isa at kalahating oras na ka-partner si Katherine sa Chemistry Lab. Tiniis ko rin ang panunukso sa amin ng mga kaklase namin. At tiniis ko rin ang pakikipag-ride ni Katherine sa mga panunukso ng mga kaklase namin.
"Paano ba 'yan, babe? Kiss daw sabi nila!" sabi niya sa akin.
Nagtawanan ang buong klase. At ang masama pa roon, pati si Jeniffer na crush ko ay nakisabay rin sa tawanan.
Bad trip! Hindi ko pa man nasisimulang pormahan si Jeniffer, sira na agad ang image ko sa kanya.
Kasalanan itong lahat ni Katherine!
Matapos ng klase namin ay pumunta na kami ni Bernard sa canteen. At siyempre nakabuntot na naman sa amin si Katherine. Tulad ng dati, nauto na naman niya si Bernard na ilibre siya ng pananghalian.
Nang nakabili na kami ng aming kakainin, hindi ko maiwasang makaramdam ng pagkahiya sa paraan ni Katherine sa pagkain. Parang ilang araw na ata itong hindi kumakain, eh. At kung nguyain ang kanin parang ngayon lang nakatikim no'n!
"Hoy! Umayos ka nga riyan. Nakakahiya kang kasama!" sita ko sa kanya.
Tumawa lang ito at ipinagpatuloy ang pagkain.
Dumating ang hapon. Nakita ko si Jeniffer at nilakasan ko ang loob ko upang lapitan siya't yayaing mag-snack. Iyon na ang pagkakataon kong pormahan si Jeniffer, eh. Kaso biglang sumulpot si Katherine na parang kabute!
"Oi, babe! Ikaw, ha. May pinopormahan ka na palang iba," sabi nito sabay tawa at akbay sa akin.
Nakitawa naman si Jeniffer. "Oo nga naman, Mark. Baka magselos si Katherine niyan." Ngumiti sa amin si Jeniffer bago umalis.
Nakatulala lamang ako sa mga nangyari, hanggang sa unti-unting na-absorb ng utak ko ang mga pangyayari.
Nagdilim ang paningin ko. Napatiim-bagang ako at hinarap si Katherine. "Puwede ba? Tantanan mo na nga ako! At tigilan mo na ang pagtawag sa akin ng babe! Hindi mo 'ko babe, okay? At kahit kailan hindi kita magugustuhan! Tingnan mo nga 'yang sarili mo! 'Yang suot mong T-shirt na mas malaki pa sa 'yo! Para kang lalaki kung kumilos at umasta! At 'yang ayos mo! Amoy pawis; may tinta ng grasa ang mga daliri; 'yung mukha mo, ang dungis-dungis. Nag-nursing ka pa!" Nakita kong gulat na gulat si Katherine sa mga sinabi ko. Pinagtitinginan na rin kami ng mga taong nakapaligid sa amin, pero hindi pa rin ako tumigil sa paglahad ng saloobin ko. "Daig mo pa ang stalker sa pagsunod sa akin! Kahit saan ako pumunta, nandoon ka! Sa library, sa clinic... kahit sa palengke nandoon ka! Puwede ba, tigilan mo na ang pagsunod sa akin! Sukang-suka na ako sa mukha at amoy mo! Utang na loob; lubayan mo na ako!"
Ito ang unang pagkakataong natahimik si Katherine at walang maisagot sa akin. Nakatayo lamang siya at para bang natulala sa mga sinabi ko. Mamula-mula rin ang mga pisngi niya. At kung hindi ako nagkakamali ay parang nagsimulang magtubig ang mga mata niya.
Akala ko ay iiyak siya ngunit mali ako dahil ngumiti si Katherine sa akin at tinapik ako sa balikat. "Okay." Iyon lang ang sinabi niya bago siya tumalikod at umalis.
Naiwan naman akong nakatayo habang pinagmasdan ang papalayong pigura ni Katherine. Nakita kong nagtatawanan ang mga taong nakakita sa pagsigaw ko kay Katherine habang tinuturo nila ang papalayong babae.
"Grabe ka naman, 'tol. Hindi mo naman kailangan pahiyain nang gano'n ang pinsan ko." Hindi ko namalayan na nasa tabi ko na pala si Bernard.
"Hindi ko na matiis 'yang pinsan mo, eh. At hindi naman siya mukhang napahiya."
"Akala mo lang 'yon. 'Tol, si Katherine kahit ganyan kung manamit, pusong babae pa rin 'yon."
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Ulilang lubos na si Katherine. Labindalawa lamang siya no'ng namatay ang mga magulang niya. Ang mga kuya niya ang nagpalaki sa kanya, kaya siguro parang lalaki siya kung kumilos."
"Kaya naman pala mahilig manamit ng panlalaki 'yong pinsan mo."
Umiling si Bernard. "Hindi, Mark. Wala lang talagang ibang maisuot si Katherine. Mga pinaglumaan ng mga kuya niya ang mga suot niyang T-shirt. Minsan, mga bigay ko na T-shirt ang isinusuot niya. Si Mama binigyan siya ng bestida. Kaso hindi madalas gamitin ni Katherine iyon dahil ayaw niyang masira agad ang bestida niya."
Nakikinig lamang ako habang nagkukuwento si Bernard. Mahirap lang daw ang pamilya ni Katherine. At dahil wala na siyang mga magulang, tulong-tulong silang magkakapatid na makapagtapos ng Nursing si Katherine para maiahon sa kahirapan ang pamilya nito balang araw. Hindi naman nakatuntong ng kolehiyo ang mga kuya niya kaya naman ay ume-ekstra ang isang kuya nito sa construction, ang isa naman ay nagtatrabaho sa talyer at ang isa naman ay nagtatrabahong bilang security guard. Matalino raw si Katherine kaya nakapag-apply ito ng scholarship, kaya kalahati lang ng tuition ang binabayaran nito. At dahil sa scholarship na iyon, kinakailangan ni Katherine ang mag-render ng service sa eskwelahan. Kaya pala nakikita ko siya sa library at sa clinic. Kapag libre naman ito ay suma-sideline ito sa canteen para may pambaon. Tuwing walang pasok o tuwing may ekstrang oras pa ito bago magklase, nasa palengke naman ito at ume-ekstra sa pagtitinda ng gulay, o 'di kaya ay nasa talyer ito't tumutulong. At para makatipid sa oras, pagkagaling sa trabaho ay dumideretso ito sa paaralan. Kaya pala mukhang walang ligo itong si Katherine.
"At kung ilibre ko naman siya sa pagkain, walang kaso naman sa akin iyon," dagdag pa ni Bernard. "Madalas kasi ay kulang pa ang kinikita niya sa mga sideline niya."
Nakaramdam ako ng awa para kay Katherine dahil sa mga kuwento ni Bernard. Hindi ko alam na ganoon pala ang kuwento ng buhay ng babaeng kinaiinisan ko. Pero sa maliit na bahagi ng puso ko ay hindi ko pa rin napapatawad si Katherine dahil sa ginawa nito kanina.
"Nandoon na tayo, 'tol. Pero 'yung tawag-tawagin niya akong babe, nakakairita lang. At sa harapan pa ni Jeniffer!" sabi ko.
Tumatawa-tawa pa si Bernard. "May gusto kasi sa 'yo 'yon. Hindi nga lang niya alam kung papaano ipakita sa 'yo."
Si Katherine totoong may gusto sa akin?
Nakangisi pa si Bernard. "Oo, 'tol. Parang ikaw lang 'yan kay Jeniffer-natatameme kapag kaharap ang crush. Si Katherine naman idinadaan ang feelings para sa 'yo sa mga biro niya. Tinanong nga niya sa akin dati kung ano ang gagawin niya para magustuhan mo siya."
"Ano ang sabi mo?"
"Ang sabi ko lang ay magpakatotoo siya. Maganda naman siya, eh," sagot niya sabay kibit-balikat.
Si Katherine? Maganda? Hindi kaya malabo na ang paningin ni Bernard?
Pumasok na kami sa huling klase namin, at doon ko nakita ang ang Katherine sa mga kuwento ni Bernard.
Hindi na siya tumabi sa amin sa klase. Marahil ay iniisip nitong galit pa ako sa kanya. Nakaupo siya sa harapang row sa may bandang gilid; katabi niya ang kaklase naming babaeng mahilig maglagay ng lipstick. Palihim na nakatingin si Katherine sa katabing babaeng nagli-lipstick. At doon ko nakita ang Katherine na babae sa kilos. Nakita kong may idinukot siyang maliit na salamin sa bag niya. Itinapat niya ito sa mukha niya at kinagat-kagat ang labi niya at pinisil-pisil ang pisngi hanggang sa naging mamula-mula ito.
Palihim akong natawa. Kahit walang pambili ng make-up si Katherine, nakahanap pa rin ito ng paraan para magkakulay ang mukha niya.
Kinabukasan naman ay naaabutan ko siyang nakaharap sa glass trophy case sa school. Isinusuklay niya ang buhok gamit ang mga daliri bago ito itinali. At nang nakuntento siya sa ayos ng buhok, ngumiti ito sa salamin. Doon ko lang napansin na maganda pala ang ngiti niya.
Nang mag-lunch break, hindi ito sumabay sa amin sa pagkain. Niyaya siya ni Bernard na sumama sa amin at ililibre siya nito pero tumanggi ito.
"May baon ako ngayon, eh," ang sagot niya. Nang palabas na kami at pupunta na ng canteen, nakita kong naglabas ito ng isang paketeng crackers at isang bote ng tubig.
Tadhana. It works in mysterious ways.
No'ng sumama ako kay Mama sa tiangge isang araw si Katherine na naman ang nakita ko. Sa pagkakataong iyon, hindi na siya ang tindera-siya na ngayon ang namimili.
"Ate magkano po itong bestida?" tanong nito sa tindera.
"250, hijo."
"Ang mahal naman! 150 na lang po. At saka hija po ako."
"Hindi kasi halata, eh."
"Kaya nga magbebestida, eh. Itong blouse, magkano po?"
Nang nakabili na si Katherine ay nakita ko siyang nakangiti na umabot hanggang tainga.
Tadhana. It is sometimes the voice in our hearts.
Nang nagtama ang paningin namin ni Katherine no'ng araw na 'yon, unti-unting napawi ang magandang ngiti niya hanggang sa isang maliit na ngiti na lamang ang ibinigay niya sa akin at isang "hi!" bago ito umalis.
Sa pagtama ng mga mata namin kanina, bumilis ang tibok ng puso ko at may naramdaman akong kakaiba na hindi ko maintindihan kung ano iyon.
Kinabukasan, nakita kong suot-suot ni Katherine ang blusang binili nito kahapon. Tinutukso ito ng mga kakalase naming lalaki.
"Si Katherine, nagbibinata, este, nagdadalaga na!" kantiyaw nila kay Katherine.
"Mga ulol!" sagot nito sa kanila pero tumatawa rin.
Lalapitan ko na sana sila para makisali sa biruan nila, ngunit nang nakita ni Katherine na papalapit ako sa kanila, bigla naman itong nagpaalam na pupunta ng library.
Tadhana. It works wonders.
Dahil si Katherine mismo ang umiiwas sa akin, at dahil hindi na ako naaalibadbaran sa kanya, nakita ko ang totoong Katherine. Ang Katherine na may magandang ngiti. Ang Katherine na nakabihis pambabae. Ang Katherine na masipag. Ang Katherine na walang rekkamo kahit mahirap ang buhay. Ang Katherine na masayahin... Ang Katherine na mabait...
Sino'ng mag-aakalang magkakagusto rin pala ako sa babaeng kinaiinisan ko? Sa babaeng parang lalaki kung manamit at umasta?
Hay buhay! Ano ba ang gagawin ko? No'ng una, ako itong nais iwasan si Katherine. Ngayon naman siya ang umiiwas.
Ito ba ang karma ng Tadhana sa akin?
Galing sa babaan ng mga jeepney, nagsimula na lamang akong maglakad tungo sa university. Napadaan naman ako sa isang fast food restaurant at muntik na akong mapasigaw nang may malaking bubuyog ang lumitaw sa harapan ko.
Tsk. Si Jollibee lang pala.
Alam ko naman na isa lamang estatwa itong higanteng bubuyog na ito, pero bakit nakangisi ito na para bang may alam ito sa ano mang bumabagabag sa isipko? Nakalahad pa ang mga kamay nito't itinuturo ang pinto ng fast food restaurant. Nagkataon naman na bumukas ang pinto at may customer na lumabas. Sumingaw naman ang halimuyak at bango ng burger na bitbit ng isa namang papalabas na lalaking customer. Hindi pa ito nakuntento at sa harapan ko pa talaga kinagat ang burger nito. Nang-inggit pa ang loko? Naglaway tuloy ako.
Bigla kong naalala si Katherine sa amoy ng yum burger. Tanda ko noon sa canteen, si Katherine pa ang nag-abot ng burger na ibinebenta roon. "May kasama pa itong pagmamahal, babe!"
Muli kong tinitigan si Jollibee. Nakangiti pa rin si bubuyog. Muntik pa ngang maubos ang oras ko dahil sa staring contest naming dalawa. Pumasok ako sa loob, at ilang minuto naman ay lumabas akong may biniling burger. May kasama pang cheese, para cheesy na kung cheesy. Bahala na.
Napangiti ako nang natanaw ko si Katherine na mag-isang nakaupo sa may canteen, kumakain ng biskwit. Marahil ay nakatadhana talaga akong magkagusto sa kanya. Hindi siya ang tipo ng mga babaeng magugustuhan ko, pero nahulog pa rin ang loob ko sa kanya. Ang sabi naman nila, wala namang dapat maging isang matinding dahilan para magustuhan mo ang isang tao. Mararamdaman mo lang ito isang araw.
Bitbit ang isang paper bag na may lamang dalawang burger at softdrinks, umupo ako sa tapat niya. Nagulat pa si Katherine na makita ako.
"Bago ata ang blouse natin ngayon, ah," biro ko sa kanya.
Bahagya pa siyang napangiti. "Nagka-ekstrang budget na pambili."
Titig na titig ako sa mukha niya at bigla siyang namula.
"M-may dumi ba ako sa mukha?" tanong niya.
"Oo. Buong mukha mo kulay lupa," sagot ko. Pero this time sinabi ko iyon na pabiro.
Bumalik naman ang dating Katherine. "Ang babe ko talaga! Mahilig magbiro."
Ewan ko ba. Kahit tinawag niya akong babe, hindi na ako naiinis sa kanya. "Kumain ka na nga lang. Heto ang burger."
"Salamat, babe!"
"Walang ano man... babe."
Nakita kong umiwas ng paningin si Katherine sa akin at pinilit na hindi ngumiti sa huling sinabi ko, pero nahuli ko pa rin siyang nakangiti bago kinagat ang burger.
Siguro nga si Katherine ang nakatadhana para sa akin. Kahit pa sinasabi nilang "we make our own destiny," minsan naman kung hindi ito para sa iyo, hindi talaga ito para sa iyo. At kung para sa iyo naman ito, kahit ano'ng iwas ang gawin mo, mapupunta't mapupunta pa rin sa 'yo ang nakatakdang para sa iyo.
Si Katherine? Siya ang babaeng kinaiinisan ko. Pero siya rin ang babaeng nagugustuhan ko ngayon. Siguro, hindi pa gaanong malinaw sa akin ang lahat. At panahon lang ang makapagsasabi kung hanggang kailan ko ito mararamdaman para kay Katherine. Pero sa ngayon, tinatanggap ko na ang alok ng tadhana sa akin.
--THE END--
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top