IKALAWANG KABANATA

"Ahh... ha... uwahh!" sigaw ni Klein. Malakas na niyang hinataw ang espada, ngunit tanging hangin ang kanyang tinamaan.


Sa kabila ng laki nito, mabilis kung gumalaw ang asul na baboy ramo na puntirya sana ni Klein. Galit na umatake ito. Napahagalpak ako ng tawa nang makita si Klein na nilipad ng hangin matapos tamaan ng baboy ramo. Nagpagulong-gulong pa ito pababa sa burol.


"Mali kasi ang ginagawa mo, Klein. Ang unang atake ang pinakaimportante."


"Bwesit na 'yon," reklamo ni Klein matapos tumayo at tinapunan ako ng tingin. "Kahit ano pang sabihin mo, eh, sa gumagalaw ang baboy ramo, Kirito."


Isang oras pa lamang kaming nagkakilala ni Klein. Pula ang buhok niya at naka-suot ng bandana at simpleng baluti na gawa sa balat. Nanginginig pa ang mga binti niya.


Baka nahihilo ng kaunti.


Pinulot ko ang bato sa aking paanan . Itinaas ko iyon sa kapantay ng aking balikat. Matapos ma-detect ng system ang galaw ng Sword Skill ko, umilaw ng kulay berde ang hawak kong bato. Pagkatapos, kusang gumalaw ang aking kamay at diretsong pinuntirya ng bato ang baboy ramo sa gitna ng sentido nito. Galit na napa-ugik ito at sumugod naman sa akin.


"Natural, hindi sila tuod kaya gagalaw talaga sila, Klein. Simulan mo lang ang tamang galaw o motion ng 'yong skill, pagaganahin 'yon ng system laban sa target mo," sabi ko.


"Motion...motion..." bumubulong-bulong na sabi ni Klein sabay taas ng kanyang espada.


Kahit pa level one master lang ang asul na baboy ramo, na may official name na «Frenzy Boar», halos mangahalati na ang HP niya. Well, kahit mamatay man siya sa laro, mabubuhay naman siya ulit at babalik sa «Starting City», na malapit lang dito. Pero nakakatamad at nakakainis naman ang magpabalik-balik.


Isang tira na lang, matatapos na ang laban sa pagitan ng asul na baboy ramo. Ginamit ko ang aking espada para ma-block ang pagsugod ng babay ramo.


"Klein, 'wag kang basta-basta sumugod. Mag-ipon ka muna ng lakas, at kapag naramdaman mong gumana na ang skill mo-- boom!-- mararamdaman mo na lang na tinamaan mo na ang kalaban," sabi ko.


"Ganun ba 'yon?" 


Pomorma si Klein. Ipinosisyon na rin niya ang espada kapantay ng baywang niya. Huminga ito ng malalim. Saka dahan-dahan niyang itinaas ang espada na parang nakapatong sa balikat nito. Na-sense ng system ang tamang porma niya, kaya naman dahan-dahang umilaw ng kulay kahel ang kanyang espada.


"Ha!" mahinang sigaw ni Klein sabay sugod gamit ang atakeng ibang-iba sa ginawa niya kanina. Nag-alab ang kanyang espada habang papalapit sa puntirya niya. Sumugod naman ang baboy ramo pero natigilan ito ng hatiin sa gitna ni Klein. Naubos ang HP ng baboy ramo.


Pagkatapos ng nakakaawang ugik nito, nagkapira-piraso ito sa malilit na hugis. Lumabas din ang kulay lila na numero na nagpapakita ng EXP Points o experience points na nakuha namin.


"Yeeeeaaaahhh!" hiyaw ni Klein at saka nakipag-kamay sa akin.


"Congrats sa unang panalo... kahit low level lang 'yong baboy ramo."


"'Di nga? Akalo ko semi-boss na 'yon?!"


"Semi-boss ka diyan," tukso ko habang ibinalik ko sa kaluban ang aking espada.


Kahit pa tinutukso ko si Klein, naiintindihan ko ang nararamdaman niya. Dalawang buwan na akong naglalaro ng Sword Art Online, bilang isang tester, kaya naiintindihan ko ang pakiramdam ni Klein-- na ngayon pa lang nakasubok sa larong ito-- sa pakiramdam kung paano makatalo ng kalaban.


Paulit-ulit na ginamit ni Klein ang skill nito, siguro para masanay. Iniwan ko na siya.


Papalubog na ang araw. Nagkulay pula ang alinmang bagay na natataman ng sinag nito. Sa hilaga, may nakikita akong kagubatan, nangingintab na look sa timog, at parang nakikita ko ang pader na nakapalibot sa siyudad sa bandang silangan. Sa kanluran, malawak na kalangitan na may napakaraming ulap na nagkulay-ginto.


Nasa kapatagan kami, sa kanlurang bahagi ng «Starting City», na nasa hilaga ng unang palapag ng lumulutang na higanteng kastilyong iyon-- ang «Aincrad». Maraming manlalaro sa ngayon ang narito na maaaring nakikipaglaban sa mga halimaw ng virtual game na ito, pero dahil napakalaki ng lugar, wala akong nakikita sa kanila.


Pagkatapos magsawa, itinago na ni Klein ag espada niya at tumakbo papunta sa akin at sinundan ang tinitingan ko.


"Alam mo... kahit paulit-ulit kong tingnan ang buong lugar, hindi pa rin ako makapaniwala na nasa loob tayo ng isang laro," komento ni Klein.


"Kahit naman sabihin mo na nasa loob tayo, wala naman dito ang kaluluwa natin. Ang utak lang natin ang nakakakita at nakakarinig sa halip na mata at tenga... sa tulong ng signal na pinapadala ng «Nerve Gear»," sagot ko naman.


Sumimangot si Klein. "Kasi sanay ka na, samantalang ako, first time ko pa lang. Imba, talaga. Mabuti na lang pinanganak ako sa panahong ito!"


"Oo na." Tumawa na lang ako. Pero tama naman ang sinabi nito.


«Nerve Gear».


Iyan ang pangalan ng hardware na nagpapagana sa VRMMORPG (Virtual Reality Massive Multi-player Role Playing Game)-- «Sword Art Online».


Kakaiba ang aparato na ito sa iba.


Hindi katulad ng old-style man-machine interface hardware katulad ng "flat screen monitors" or "controllers na ginagamitan ng kamay," isa lang ang interface ng Nerve Gear: isang streamlined interface na tinatakpan ang buong ulo at mukha.


Sa loob, maraming signal components, at sa pamamagitan ng maraming electronic signals na pinapadala nito, may kakayahan ang gear na i-access ang utak ng gumagamit. Hindi gumagamit ang user ng mata at tenga para makakita at makarinig, pero kinukuha ng utak ang signal na pinapadala sa kanya. Hindi lang paningin at pandinig ang kayang ma-access ng aparato, pati na rin ang pandama, panlasa, at pang-amoy-- sa madaling salita, ang limang pandama.


Pagkatapos isuot ang Nerve Gear at i-lock ang strap sa baba ng tama, at sabihin ang initiation command na «Link Start», lahat ng tunog ay mawawala at makikita mo na lang ang sarili sa kadiliman. Kapag nakapasok ka na sa bilog na may sari-saring kulay, nasa kabilang mundo ka na, na ginawa mula sa napakaraming "data".


Matapos mag-umpisang mag-benta noong May, 2022, makalipas ang kalahating taon, ang aparato na ito ay matagumpay na naka-buo ng tinatawag na «Virtual Reality». Ang kumpanya na gumawa ng Nerve Gear ay tinawag ang aktwal na pag-konekta sa virtual reality bilang-- «FullDive».


Ito ay isang kabuuang pag-iisa mula sa katotohanan, na umaangkop sa salitang "full."


Nagagawa ito hindi lang dahil nakakapagpadala ang Nerve Gear ng fake signals sa lima nating pandama, kundi hinaharang at iniiwas din nito ang utos ng utak sa katawan.


Ito ang pinaka-basic na requirement para malayang makagalaw sa virtual reality. Kung ang katawan ay natanggap ang signal mula sa utak habang nasa «FullDive» ang user, kung ginusto nitong tumakbo, ang aktwal na katawan nito mismo ang tatakbo.


At dahil may kakayahan ang Nerve Gear na iiwas ang command na pinapadala ng utak sa spinal cord, ako at si Klein ay malayang naigagalaw ang aming avatars at ihataw ang aming mga espada.


Matindi ang epekto sa akin at ng iba pang gamers ang experience na ito, sa punto na hindi na kami babalik sa lumang touch-pens or motion-sensors.


"Ang SAO ba ang unang laro sa Nerve Gear na nilaro mo?" tanong ko nang mapansin ang luha sa mata ni Klein.


"Oo." Tumango siya. Seryoso ang kanyang mukha. Parang actor ito sa isang historical play. Siyempre, hindi ito ang totoong katawan niya. Isa lang iyong avatar na in-adjust sa napakaraming option.


At ako, mukha akong katawa-tawang bida sa isang fantasy animation.


"Ang totoo, mabilisan ko lang nabili ang hardware pagkatapos kong makakuha ng isa. Ten thousand lang ang available sa first batch. Pakiramdam ko ang swerte ko. Pero mas ma-swerte ka, napili ka sa beta-testing. Eh, isang libo lang ang kinuha nila!"


"Ah, siguro."


Tinitigan ako ni Klein. Napakamot naman ako sa ulo.


Naalala ko ang excitement at sigasig ko nang in-announce sa media ang pagkakabuo sa «Sword Art Online», parang kahapon lang.


Lahat ng gamers ay nag-aabang ng isang uri ng laro, na makikipaglaban at mabuhay bilang isang character na gusto nila, o MMORPG.


Nang tumindi na ang antisipasyon para sa ganoong uri ng laro, ang pinakunang VRMMORPG ay agad inilabas, ang «Sword Art Online». Ang setting ng laro ay sa isang lumulutang na kastilyo na binubuo ng isandaang palapag.


Ang mga manlalaro ay mamumuhay sa mga kagubatan at lawa, nakadepende sa kanilang mga espada at kagustuhan na madiskubre ang daan papuntang itaas na palapag at talunin ang hindi mabilang na mga halimaw hanggang makarating sila sa pinakataas.


Ang «Magic» na kinokonsidera na mahalagang parte ng fantasy MMORPG ay tinanggal sa larong ito at pinalitan ng sari-saring skills na tinatawag «Sword Skills». Nasa plano talaga na hayaan ang mga manlalaro hangga't maaari na maramdaman ang aktwal na pakikipaglaban gamit ang kanilang katawan sa pamamagitan ng «FullDive».


Iba-iba ang uri ng skills. Katulad ng pagpapanday, leather working at pananahi, at pang-araw-araw na skills tulad ng pangingisda, pagluluto at pagtugtog ng musika. Hindi lang adventure ang ibinibigay ng laro, maging ang mamuhay mismo doon. Kung gugustuhin nila, at kung mataas ang kanilang skill level, maari silang bumili ng bahay at mamuhay bilang pastol.


Habang binibigay ang mga detalye sa bagong laro, mas lalo ding tumaas ang kagustuhan ng mga gamers na malaro ang «Sword Art Online».


Libo ang pinili paro sa testing ng laro. At isa ako sa sinuwerte na napili. Beta tester ang tawag sa amin. At bilang beta tester, priority kami sakaling opisyal na ilabas na ang laro.


Parang panaginip lang ang dalawang buwan na beta testing. Sa eskwela, palagi kong iniisip ang mga skill ko, mga equipment at items, at nagmamadali na umuwi sa bahay at naglalaro niyon hanggang umaga. Nang matapos ang testing, at ni-reset ang character ko, pakiramdam ko nawala ang kalahati ng aking pagkatao.


At ngayon, November 6, 2022, Sunday. Pagkatapos ng maraming preparasyon, sa eksaktong ala-una ng hapon, ang «Sword Art Online» ay binuksan na ang kanilang server service.


Siyempre pa, nakaabang na ako bago pa man buksan iyon, at agad ding nag-log-in. Pero nang tingnan ko ang server, 9, 500 na agad ang naka-log-in. Ibig sabihin, lahat ng nandito ay kapareho kong adik sa paglalaro.


At ganoon din si Klein.


Pagkatapos kung mag-log in, agad akong nagtatakbo sa kalsada ng «Starting City» papuntang weapons shop. Naisip siguro ni Klein na isa akong beta tester dahil parang alam ko na kung saan ako pupunta, kaya naman sumama siya sa akin.


"Hoy, turuan mo naman ako!" pagmamakaawa niya noon.


Natuwa ako sa kapal ng mukha at sa kung paano siya maka-demand sa taong hindi pa naman niya kilala. Wala tuloy akong masabi.


"A, e, di... bakit di tayo pumunta muna ng weapon shop?" sagot ko sa kanya. Naging partner ko tuloy siya, at tinuruan ng iba't ibang basics ng pakikipaglaban-- at iyan ang dahilan kung bakit kami magkasama sa kasalukuyan.


Ang totoo, hindi ako sanay na makisalamuha sa totoong buhay o sa laro man. May nakilala naman ako sa beta testing, pero hindi naman kami naging malapit para matawag ko silang kaibigan.


Pero ayos si Klein, masasabi kong komportable naman akong kasama siya.


"So... anong gusto mong gawin? Mag-hunting pa rin ba hanggang sa masanay ka?" untag ko sa kanya.


"Oo ba... kaya lang..." Yumuko si Klein sa kanan at ibabang bahagi ng FOV o Field of Vision niya. Chini-check niya yata ang oras. "...kelangan ko munang mag-log-off at kumain. Nag-order pa naman akong pizza, 5:30 ang dating niyon."


"Okay," sabi ko sa kawalan ng masabi.


"Saka may usapan kaming magbabarkada sa magkita-kita «Starting City» mamaya. Ipapakilala kita sa kanila at pwede mo silang i-register as friends. Ano sa tingin mo?" dugtong ni Klein.


Napa-isip ako. Maayos naman ang pakikisama ko kay Klein, kaya lang walang kasiguruhan kung ganon din ba ang mangyayari sa mga kaibigan niya. Pakiramdam ko hindi, at baka masira pa kami ni Klein.


"Pwede ba...?"


Parang nahalata ni Klein ang pag-aalangan ko. "Di naman kita pinipilit. Marami pa namang time para ipakilala kita sa kanila."


"...Sige. Pasensya ka na, pero salamat na rin." 


Pagkatapos ko siyang pasalamatan, umiling-iling siya. "Ano ka ba! Ako nga dapat na magpasalamat sayo. Dami mong naitulong sa akin. Pero babayaran kita. Mentally."


Ngumiti uli si Klein saka tiningnan muli ang orasan. "...Well, magla-log-off muna ako saglit. Kita uli tayo."


Nakipag-kamay siya sa akin.


"Sige, kita-kits na lang."


Ito ang naging punto kung saan ang Aincrad, or Sword Art Online, ay hindi na lang isang laro para sa akin.


Gamit ang hintuturo, nag-swipe si Klein sa ere pababa. Iyon ang action na dapat gawin para lumabas ang «main menu window». Pagkatapos ay isang taginting ang narinig at kulay lila na parisukat ang lumabas sa harap ni Klein.


Binuksan ko din ang menu ko. In-organize ko ang mga gamit ko doon na nakuha ko sa pakikipaglaban.


"Huh? Ano 'to? Bakit walang log out button," bulalas ni Klein.


Napahinto ako sa ginagawa ko.


"Walang button...? Tingnan mong maigi," sabi ko.


Ganoon nga ang ginawa niya. Maraming button ang makikita sa gilid ng menu panel, sa kanan naman ay mga equipment. Sa ibaba, naroon ang «LOG OUT» button para makalabas sa virtual world.


"Wala talaga, tingnan mo."


"Imposible namang wala, Klein," sabi ko, saka bumalik ako sa main menu para ma-check kung wala ngang log out button. Bumaba ang kamay ko at--


Nanigas ang katawan ko.


Wala ang Log Out button.


Pero naroon pa 'yon nung nag-log in ako.


Tinitigan ko ang bakanteng espasyo na para dapat sa log out button, at pinag-aralan ang menu kung nabago ba 'yon.


"...wala, diba?" untag ni Klein.


"Wala nga."


"First day pa naman, kaya natural na ang mga ganitong bugs na mangyari. Baka nga ngayon, umiiyak na ang mga GM sa dami ng mesaages na natatanggap nila."


"So okay lang sayo na tumayo diyan? Akala ko ba nag-order ka ng pizza," tukso ko sa kanya.


"Nakakainis nga, eh! Argh! My anchovy pizza and ginger ale!"


"Tumawag ka na kaya sa GM."


"Tapos na, pero walang sagot. 5:25 na! Uy, Kirito! Wala bang ibang paraan para mag-log out?"


Kinutuban ako sa sinabi ni Klein.


"Let's see...to log out..." mahinang sabi ko. Pero wala talaga akong nakuhang sagot sa sarili ko. Umiling ako kay Klein. "Wala. Kung magla-log out, gagamit ka ng menu, at yan lang ang tanging paraan."


"Imposible, meron yan!" naiinis na si Klein.


"Return! Log out! Escape!" parang sirang sigaw ni Klein. Siyempre, walang nagyari. Wala namang voice commands sa SAO.


Pagkatapos magsisigaw at magtatalon, kinausap ko na si Klein.


"Klein, walang mangyayari sa ginagawa mo. Kahit sa manual wala namang emergency access terminations."


"Ano ba yan! Kahit pa may bug, hindi naman ako makakabalik sa kwarto kung gusto ko!" ani Klein.


Tama siya. Imposible nga 'to. Walang kwenta. Pero ito ang totoo.


"Ano ba 'to? Naman. Sa ngayon, hindi tayo makakalabas ng larong 'to! Hindi ba pwedeng patayin na lang ang power, o tanggalin ang «Gear»?"


Tiningnan ko lang si Klein habang parang tinatanggal niya ang invisible na sombrero sa ulo nito. Bumalik muli ang pag-aalala ko.


"Imposible yan, Klein. Hindi natin maigagalaw ang katawan natin... ang totoong katawan natin. Tinatanggap ng «Nerve Gear» ang lahat ng signals na pinapadala ng ating utak..." tinapik ko ang likod ng ulo ko. "...at pagkatapos, pinapadala naman iyon sa avatar natin dito."


Lumaylay ang balikat ni Klein.


Pareho kaming natahimik.


Para ma-attain ang FullDive state, bina-block ng Nerve Gear ang signals na pinapadala ng utak sa spines at inililipat iyon paunta sa avatar sa mundong ito. Kaya kahit pa magtatalon kami dito, nanatiling nakahiga ang totong katawan namin


At dahil dito, hindi namin maka-cancel ang fulldive sa gusto namin.


"...so hanggang hindi naayos ang bug na ito, o kaya naman ay may tatanggal sa totoong mundo ng nerve gear natin, kelangan lang natin maghintay?" tanong ni Klein.


Tumango ako.


"Pero mag-isa lang ako sa bahay. Ikaw?"


Nag-alangan ako saglit. "...Kasama ko ang mama ko at kapatid kong babae. Sa tingin ko nga, kapag hindi pa ako bumaba para kumain, pwersahan nilang tatanggalin ang nerve gear sa akin..."


"Kapatid? Ilang taon na ang kapatid mo?"


Lumapit sa akin si Klein at biglang nagkaroon ng interes.


"Part siya ng sports club at ayaw na ayaw niya ang mga online games." Sinubukan kong ibahain na ang usapan namin. "Sa tingin mo ang weird ng kalagayan natin, di ba?"


"Siyempre. Bug iyon, eh."


"Hindi, ang ibig kong sabihin, isa itong «impossible to log out» bug, malaking problema ito para sa larong ito mismo. Katulad ng pizza mo sa totoong mundo na lumalamig na sa bawat segundo, lugi ka di ba?" sabi ko.


"Kung magpapatuloy 'to, dapat nang isara ng operator ang server at i-log out na ang bawat manlalaro. Pero, mahigit 15 minutes na nating napapansin ito, pero wala pang system message na pinapalabas. Weird talaga."


"Hmm, oo nga, 'no."


Naging seryosos na ang mukha ni Klein habang hinihimas nito ang baba.


"...ang kumpanyang gumawa sa SAO, «Argus», ay isang kumpanya na kilala bilang considerate sa mga users, di ba? Kaya nga nag-aagawan ang lahat para lang makakuha ng larong to. So parang mababalewala ang reputasyon nila kung sa unang araw pa lamang ay nagloko na sila." pahayag ni Klein.


"Tama, ang SAO ang unang VRMMORPG. Kung may mangyaring hindi maganda, baka maglagay ng mga regulasyon para sa uri ng larong ito."


Nagpalitan kami ng tingin ni Klein.


Ang klima sa Aincrad ay katulad ng sa totoong mundo, kaya taglagas na ngayon dito. Tumingala ako, saka huminga ng malalim.


100 meters away, nakikita ko ang light purple na ilalim ng 2nd floor. Nakita ko rin ang isang malaking tore-- ang «labyrinth» na daan patungo sa itaas na konektado sa outer entrance.


Lampas alas singko y medya na, kaya nagkukulay pula at dilaw ang mga ulap na tinatamaan ng papalubog na araw. Kahit nasa ganito kaming kalagayan, hindi ko pa rin mapigilan na hangaan ang ganda ng virtual world na ito.


Pagkatapos ng sandaling ito.


Hindi ko inisip.


Na mababago na ang pagtingin ko sa mundong ito.



Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top