Chapter Nine

HINDI mo talaga maiiwasan ang pag-iisip tungkol sa mga bagay-bagay, lalo na kapag wala kang ginagawa. Katulad ko, bago ako matulog nag-iisip muna ako. Minsan iniisip ko 'yong mga nakakahiyang pangyayari na nangyari sa 'kin noon, minsan naman ang iniisip ko ay kung anong itsura at estado ko sa buhay pagdating sa hinaharap. Gano'n ang palagi kong ginagawa bago matulog.

Ngayon naman ay iniisip ko ang tungkol sa thesis namin, ipapasa na namin 'yon, wala nga lang exact date na binigay si Professor. After ng defend, may dalawa pa kaming project na gagawin. Kung kailan talaga patapos na ang klase, saka ka naman babagsakan ng maraming gawain at requirements. Two months na lang graduate na kami. Just how fast the night changes.

"Bakit? Nasaan ba ang Ate mo, Cielo?"

Nandito ako sa bookstore kasama si Cielo. Kanina lang ay natagpuan ko ito sa labas ng apartment ko. Bumili kasi ako ng iilang gamit. Magpapasama daw siya mamili ng libro dahil sa long quiz nila.

"Makikipag-date daw, Ate. Hindi rin naman binabawalan ni Mommy at Daddy, ang totoo nga ay tuwang-tuwa pa sila kasi finally daw magkaka-lovelife na si Ate Chelsea."

Sino naman kaya ang ka-date no'n? Sa pagkakaalala ko si Jehovah Hatzis ang crush no'n.

"Sinong ka-date?" pasimple kong tanong.

"Walang sinabi, Ate. Ngumisi nga sa 'kin kanina no'ng tinanong ko. Ayaw sabihin."

Hinsi na pwede 'to. Nagsisimula ng magtago ng sikreto si Chelsea sa 'kin. OA.

"Alam niyang pupunta ka ngayon dito?"

"Hindi po."

Napatango-tango ako. Tumitingin at pumipili na rin ako ng mga libro. May iba't-ibang section. May mga novels nga e. Nagpipili si Cielo sa educational books section habang ako naman ay sa librong pambata. Maluwag-luwag naman ako ngayon. Bibili ako ng kaunting libro, ipapadala sa bahay ampunan. Para may mabasa rin ang mga bata doon.

Nakalabas lang ako sa bahay ampunan nang may umampon sa aking mag-asawa. Hindi sila 'yong tipo ng mag-asawa na mayaman. Mahirap sila, pero masaya ang pamumuhay. Naging ulila ulit ako nang mawala ang mag-asawang iyon dahil sa aksidente. Hindi kami gaanong nagsama ng matagal pero masakit parin sa akin iyon. They've been good to me. Sobrang bait nila at mahal na mahal ako, ramdam ko 'yon dahil sa tipo ng alaga nila sa 'kin. Hindi sila biniyayaan ng anak kaya nag-ampon. Saktong ako ang napili kaya ako ang inuwi. Apartment lang din ang tinitirhan namin noon kaya walang naiwan sa 'kin. Naiintindihan ko naman. I'm still thankful. Dahil sa kanila naranasan kong magkaroon ng magulang kahit sa saglit na panahon lang. Literal na umiyak ako no'ng nawala sila. Hanggang ngayon may puwang parin sila sa puso ko, at mananatili iyon doon.

Handa ulit sana akong tanggapin ng bahay ampunan kung saan ako galing, pero na-realize ko na lumalaki na ako at hindi naman pwedeng sa lahat ng pagkakataon ay umasa ako sa kanila, kulang din sila sa budget dahil sa dami ng batang nandoon. Bagkus ay naghanap ako ng trabaho at tinustusan ang sarili ng ilang taon.

"Tapos ka na, Ate?"

Nagising lang ang diwa ko nang makita si Cielo sa harap ko at may bitbit na mga libro.

"Ikaw? Tapos ka na?" balik tanong ko.

"Opo."

"Sige, magbayad na tayo."

Bitbit ang mga libro ay sabay kaming naglakad papunta sa counter. Nang makapagbayad ay lumabas kami at nagpunta sa parking lot. Nag-commute lang si Cielo no'ng pumunta sa apartment ko kaya umuwi kami sa kanila para gamitin ang kotse ni Chelsea. Hindi niya kasi ginamit. Baka sinundo no'ng ka-date.

Twenty minutes lang ang byahe dahil hindi naman ganoon kalayo sa kabihasnan ang bahay nila.

"Thank you sa pagsama, Ate Rayzeah!"

Tumango ako at kumaway. Inayos ko ang pagkaka-parke ng kotse ni Chelsea saka umalis ng bahay nila bitbit ang pinamili. Napahinto ako nang may makitang kotse na palapit. Kumikinang ang kotseng iyon at halatang mamahalin. Umawang ang labi ko nang huminto ito sa tapat ko at bumaba ang windshield ng kotse.

"Saan ka galing, Rayzeah?"

Unang bumungad ang mukha ni Chelsea na nasa front seat. Punyeta. Ngiting-ngiti pa siya sa akin. Good mood.

"Sa bookstore. Ikaw, saan ka galing?"

"Date."

Napatingin ako sa ka-date nito. Halos lumuwa ang mata ko sa gulat nang makitang si Jehovah Isaiah Hatzis ito. Nakakagulat. Nabingwit agad ni Chelsea. Akala ko ba ayaw niya mag-first move kasi ma-pride siyang tao? Ano 'to? Scammer.

"Ah. Sige, alis na ako."

"Ingat! Ba-bye!"

Kumaway ito at pinasibad na ng ka-date niya ang kotse. Nakahinga ako ng maluwag nang mawala na sa paningin ko ang kotse nito. Hindi mo talaga malalaman ang takbo ng utak ng isang tao. Pabago-bago.

Umuwi ako sa bahay bitbit parin ang mga pinamili. Kinuha ko ang isang pad paper ko at nagsulat doon. Tuwing may pinapadala akong gamit sa bahay ampunan ay nagsusulat ako ng liham para sa mga nag-aalaga doon at para na rin sa mga bata. Kadalasang pinapadala ko ay pagkain, damit, laruan at libro. Walang cellphone doon, kaya hanggang sulat lang talaga ako. Natatawagan ko lang sila kapag iyong mga kakilala ko dating bumibisita ay nando'n. May mga bisita palagi sa ampunan, tinutulungan ang mga Madre doon, sa paglilinis at iba pa. Nakuha ko naman ang mga numero nila kaya nakakatawag ako minsan.

Napahinto ako sa pagsusulat nang makaramdam ng pagod ang kamay ko. Sobrang dami ko na palang naisulat. Nami-miss ko na ang mga Madre doon. Mababait kasi at nakikipaglaro pa sa amin minsan. Nalaman ko rin na itong mga batang kasabayan ko ay wala na sa ampunan, inampon na. Mga bagong bata na ang nasa loob ng bahay ampunan.

Ni minsan ay hindi ko natanong sa mga Madre kung nasaan ang mga magulang ko. Bakit ko itatanong e hindi rin naman nila alam. Kung alam nila e di sana may magulang ako ngayon na kilala.

Wala akong ideya kung bakit nila ako inabandona. Maraming dahilan na pumapasok sa utak ko. Katulad na lang ng baka walang maipantustos para sa 'kin o 'di kaya ay dalagang ina ang biological mother ko at iniwan ng tatay ko. O baka naman ay nabuntis ng maaga ang nanay ko at hindi iyon nagustuhan ng mga magulang niya which is my grandparents kaya nilagay niya ako sa ampunan. I don't know. Ayokong isipin ang mga ganoong bagay, pero minsan nga ay hindi natin maiiwasan. Magaling talaga akong plotter. Pwede na ako maging writer nito.

Hindi ako katulad ng ibang mga bata sa ampunan na lumaking masayahin. Masaya naman ako, minsan. Ang hirap maging masaya kapag ikaw lang mag-isa. Kapag tumawa ka mag-isa, iba na 'yan. Kapag nasa bahay ay blangko lang ako at walang ngiti-ngiti, kahit nga nakaharap sa salamin eh. Hindi naman nakakatakot mamuhay mag-isa, nakakalungkot nga lang.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top