Chapter Three
Humihikab akong nagmulat ng mata pagsapit ng umaga. Kinusot ko pa ito para alisin ang mga mutang nagtatago sa kasuluk-sulokan nito.
Sa pagtama ng sinag ng araw sa aking mukha, walang duda, tinanghali ako ng gising. Agad akong tumayo at nag-inat.
Hinanap ko ang aking tsinelas at sinuot ito. Wala sa wisyo kong kinuha ang tuwalya at lumabas ng kwarto patungo sa banyo namin. Nadaanan ko ang kusina at kinuha na rin ang sepilyo at toothpaste bago dumiretso sa banyo.
Inabot ako ng ilang minuto sa paliligo at lumabas ako ng banyo na nakatapis ang tuwalya ko.
Ganoon na lang ang gulat ko pagkalabas dahil may dalawang tao ang nakaupo sa maliit na sofa namin.
Tumutulo pa ang buhok ko at napahigpit ang hawak ko sa tuwalya kong nakatapis sa baywang ko sa takot at hiya na mahulog ito habang papunta ako sa kwarto ko.
"Magandang umaga ho." Sambit ko na halos bulong na lang habang binabagtas ko ang daan patungo sa kwarto ko.
Ito na yata ang pinakamahabang limang minuto na pagtawid ko sa silid ko kahit na maliit lang ang bahay namin.
Paano ba naman may isang magandang dilag at tila nanay niya pa yata ang kasama niya dito sa bahay namin.
Pagkarating mismo sa aking silid, ay naghagilap ako ng maayos na shorts at asul na sando. Sinuklay ko ang aking buhok ngunit hindi din ako nakuntento at ginulo ulit ito.
Bakit nga ba ako nag-aayos para sa babaeng iyon? Samantalang ngayon ko pa lamang sya nakita?
Iling-iling akong lumabas ng aking silid. Nadatnan ko si nanay na nakikipagtawanan sa mag-inang nasa sala.
"Gising ka na pala, Doy!" Ani ni Nanay at tipid na ngiti ang binigay ko. Bumaling siya sa mga kasama at pinakilala ako, "siya nga pala ang bunso kong si Andrew. Magkokolehiyo na siya sa susunod na taon. Graduating na siya ngayobg pasukan. Napakatalino din ng batang ito! Napakabait pa!"
Ngumiti sa akin ang nanay ng dalaga at sinabi, "natutuwa akong makilala ka, Andrew. Panay papuri ang naririnig ko para sa inyong magkapatid ang inyong inay. Tunay ngang magalang at napakagwa-gwapo ninyong mga bata!"
Nagmano ako at nanatili pa ng ilang minuto sa sala.
"Siya si Mrs. Cruz. At ang anak nyang si Mel." Pagpapakilala ni nanay sa akin sa kanila.
"Eto naman ang aking dalaga, si Melissa. Magka-edad lang din kayong dalawa. Panigurado, magkakasundo kayo!" Magiliw na saad ni Mrs. Cruz.
Kung ganon, Melissa pala ang kanyang pangalan.
"Magandang umaga, Melissa. Andoy na lang." Banggit ko at hinayag ang aking kaliwang kamay upang makipagkamay sa kanya.
Wirdong tiningnan lamang ako nito at inismiran bago makipagkamay sa akin.
Hindi maaalis ang tuso niyang ngiti sa ilalim ng kanyang maamong mukha at nangungusap na mga mata.
Hindi maipagkakailang tunay na maganda sya. May porselanang kutis, malambot na mga kamay na tila ba ay hindi nakakaranas ng trabaho at ang ngiting kahit sino ay mahuhulog sa kanya.
"Nice meeting you, Drew." Tulad ko, tipid na ngiti lang din ang binigay nya sa akin.
"Nay, mag-aalmusal po muna ako. May kailangan po akong bilhin sa labas." Sabi ko kay nanay at tinanguan lamang ako nito.
"Excuse me ho." Saad ko at dumiretso sa kusina upang maghain ng mabilisang almusal.
Wala pang kinse minutos ay tapos na akong kumain ng scrambled egg at kanin. Niligpit at hinugasan ko na muna ang aking pinagkainan bago ako dumaan sa kwarto para kunin ang kaunting ipon ko, cellphone at payong na maliit.
"Alis po muna ako, Nanay." Sabi ko at pinasadahan ng ngiti ang mga bisita namin.
Sakto namang tumayo na rin sila at nagsimulang magpaalam.
"Nako, anong oras na rin pala! May dadaanan pa pala kami ni Mel! Mauuna na rin kami, Madel, ha. Maraming salamat sa pag-offer mo ng tulong kahit hindi naman na kailangan!" Nakipagbeso-beso pa si Mrs. Cruz kay nanay na giliw na giliw din sa Ninang.
Napangiti na lang ako dahil kita ang galak ng aking ina sa kung anumang tulong ang binigay nya sa mag-anak.
"Sabihan mo na lamang ako or tawagan kapag kailangan nyo ng tulong. At hanggat makakaya ko ay hindi ako mag-aalinlangang ibigay sa iyo iyun." Sagot pa ni nanay. "Oh siya, mag-iingat kayo ha! Maraming salamat din sa pagtulong sa akin!"
Hindi ko maiwasang mapangunot ng noo.
Tulong saan? Bakit hindi namin alam ni kuya?
"Halika na, hijo! Sabay ka na sa amin!" Pagyayaya ni Mrs. Cruz na hindi ko inasahan.
"Hindi na ho. Malapit lang naman. Salamat ho. Mauna na ho ako. Nay, alis na ako." Sabi ko ulit.
Akmang lalabas na ako ng bahay ng may humawak sa pulso ko. Nagtama ang mata namin ni Melissa sabay ngiti nito.
"Wag ka ng magpakipot, Drew. Sabay ka na sa amin." Sabi nya at hinatak na ako papunta sa sasakyan nilang nakaparada sa labas ng bahay.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top