Chapter Six
Dumating ang Sabado at hinanda ko na ang sarili ko para sa mga lugar na pupuntahan namin ni Melissa. Nilista ko ito sa isang maliit na papel at tinupi at nilagay sa aking pitaka.
Tiningnan ko ang aming relo at nalamang mag-aalas siete na ng umaga. Ang aming usapan ay alas-siete impunto ay dapat nasa daan na sila.
Nag-almusal ako ng mabilisan kanina upang makarating ng eksaktong alas-siete sa kanila. Hindi kalayuan ang bahay namin sa kanila kaya wala pang labinlimang minutos ay andon na ako.
Maganda ang bahay nila. Malaki at may malawak na espasyo sa harapan.
Agad akong kumatok at binati ako ng kanilang kasambahay. Nakita agad ako ng kaniyang inang si Tita Melinda at pinapasok sa tahanan nila. Inalok pa ako nito ng meryenda ngunit tinanggihan ito dahil busog pa ako. Hindi nagtagal at bumaba mula sa kwarto niya si Melissa bitbit ang kanyang maliit na sling bag.
Nakahanda na ito at nakashades pa. Suot ang napaka-iksing shorts at isang puting sleeveless na damit.
"Alis na ba tayo?" Tanong ni Melissa ng magtama ang mga mata namin at ako ay tumango.
"Mag-iingat kayo mga anak ha." Ani ni Tita Melinda at kami ay nagpaalam na.
"Magandang umaga ho, Manong." Pagbati ko sa kanya. Ang kanilang sasakyan ang aming gagamitin at dahil hindi si Manong pwede ngayon ay ako ang magmamaneho nito.
Marunong naman na ako dahil tinuruan ako ni tatay noong may sasakyan pa kaming pinaparenta. Dahil sa kalumaan ay hindi na ito gumana at natambak na lang sa bahay.
"Ingat kayo ha. Nasa compartment ang tools kung saka-sakaling kakailanganin ninyo." Tumango ako at nagpasalamat ng ibigay nya sa akin ang susi ng sasakyan.
Pumasok at umupo si Melissa sa harapan at isinara ang pinto.
Tahimik na sinara ko pintuan sa pwesto ko at pinaandar ang makina ng sasakyan. Andoon ang pagkamangha ko sa ganda nitong loob. Halatang mayaman at nakaaangat sa buhay ang pamilya nila. Kulay pula ang car seat cover nila at humahalimuyak ang bango nito na tila ba ay bagong bili lamang.
"Are we just gonna sit here or what?" Tanong ni Melissa na siyang nagpaalis sa akin sa pagkatulala.
"O-oo." Sambit ko at sinimulang ikambyo at paandarin ang sasakyan.
Nasa daan kami ng inumpisahan niya akong tanungin ng kung ano-ano.
"Ilang taon ka na?" Tanong nito at sinagot ko naman agad.
"Bakit hindi ko nakikita ang Kuya mo? Hindi ba kayo magkasundo?" Sunud-sunod nyang tanong at ako ay napangiti na lang.
Sinenyas ko pakaliwa ang sasakyan gamit ang signal light nito at tinungo ang intersection papuntang De Vera Gallery and Museum. Isa ito sa mga kilalang tourist spots sa amin dahil dito pinapakita ang mga sining na likha ng mga kababayan namin.
"Madalas si Kuya sa trabaho niya kaya malimit lang siyang umuwi dito sa amin. At walang kaming problemang dalawa." Simpleng sagot ko matapos ipark ang sasakyan sa ilalim ng maliit na puno. "Andito nga pala tayo sa D.V. Gallery. Malaya kang lumibot at tingnan ang bawat piyesa bago tayo tumungo sa mga susunod na lugar."
Lumabas ng kotse si Melissa na nakakunot ang noo. "Hindi mo ako sasamahan?"
Napalulon ako ng aking laway ng wala sa oras, "a-ah sige. Saglit lang." Usal ko at tinanggal ang susi ng sasakyan matapos kong patayin ang makina.
Napatingin ako sa suot kong kulay berdeng damit at maong na pantalon at napaisip.
"Don't worry, you look great." Sambit ni Melissa na may ngiti sa mukha.
Sa oras na iyon ay halos tumigil ako sa paghinga. Bagay na hindi ko nararamdaman kapag kasama si Richel.
"S-salamat." Pilit na ngiti ang sinagot ko at sabay naming pinuntahan ang entrada ng gallery.
Si Melissa ang nagbayad ng ticket naming dalawa at wala pang limang minuto ay nasa loob na kami nito. Tahimik na inuusisa ng dalaga ang bawat painting na nakasabit sa mga dingding. Ako naman ay nakasunod lang sa kanya.
Tinanggal nya ang shades nya at isinukbit sa damit niya.
Ilang minuto pa ang nilagi namin ng bigla niyang maisipang magpakuha ng mga larawan gamit ang cellphone niya na agad ko namang sinunod.
Sa bawat larawan nya ay litaw na litaw ang ganda niya. Yung tipong hindi ka magdadalawang isip na lapitan sya dahil sa maamong mukhang mayroon siya.
Akmang aalis na kami ng biglang kabigin ako ni Melissa papalapit sa kanya at tinapat sa mga mukha namin ang camera nito. Ako mismo ay nagulat ng makita ang sarili ko sa cellphone niya.
"Selfie ang tawag diyan, silly." Natatawang sabi ni Melissa at ngumiti. "Isang ngiti naman dyan, Drew!" Tukso pa nya na syang nagpangiti sa akin. "Yes! Isa pa dali! Yung wacky naman!"
Kumunot ang noo ko ng bigla syang nagduling-dulingan at ako naman ay napatingin sa kanya. Nagulat na lang ako ng tumunog ang camera senyales na nakuhanan kami ng litrato.
Humagalpak ng tawa ang kasama ko ng makita ng itsura namin.
"Wacky na yarn?" Sa aking kuryosidad ay sumilip ako sa balikat nya at napangiti ng hindi inaasahan.
Didiretso na sya sana ng tayo ng tumama ang likod nya sa dibdib ko at doon ko lamang napagtanto kung gaano kami kalapit sa isa't isa.
Nagtama ang mga mata namin at biglang namula ang kanyang mga pisnge. Ganoon din ang pamumula ng mukha ko.
Halos magkalapit ang mga mukha namin ng lumingon sya ng oras na iyon. Kaunti na lang ay maglalapit na ang mga labi namin hanggang sa may mga batang biglang pumasok mula sa kabilang entrada ng gallery kasama ang kanilang mga magulang.
Napaubo ako at inayos ang tayo. Ganon din siya.
Nawala ang panandaliang tensyon sa ere at nagyaya na siya sa susunod na destinasyon namin.
Patungo na kami sa sasakyan pero hindi mawaglit sa isipan ko ang nangyari kanina.
Mukhang mahihirapan na naman akong makatulog mamayang gabi.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top