Chapter One
Pinunasan ko ang mga butil ng pawis na tumulo sa gilid ng mukha ko gamit ang malinis kong tuwalya na nakasampay sa aking leeg. Tiningala ko ang mainit na araw at napagtantong tanghaling tapat na.
Ngayon ay ika-labindalawang araw na ng Marso at kasagsagan na bakasyon para sa mga estudyante. Pilit kong tinago ang inggit sa mga batang may magagarang mga damit at nagpapakita ng mga gusto nilang bilhin sa Mall ngayong bakasyon.
Binuksan ko na lamang ang plastik ng crinkles na binili ko sa bakery ilang metro ang layo mula sa bahay namin at kumuha ng isa para malagyan ng laman ang aking tiyan.
Napangiti ako ng makita ko ang pinaghalong kulay tsokolate at puti na bumabalot sa maliit na tinapay na ito. Agad kong nilapit ito sa aking bibig at ninamnam ang matamis na lasa.
"Uy, mga pre! Andito pala si Andoy!" Naagaw ng atensyon ko ang taong nagbitaw ng katagang iyon.
Iyon ay si Juan Artemio Solomon. Ang aking kababata at isang matatawag na bully sa amin.
Hindi ko mawari kung bakit bigla na lang siyang naging ganoon. Nag-iba na lang ang turing nya sa akin habang tumatagal.
"Juan." Isang tipid na usal ko ng magtama ang mga mata namin. Akmang tatayo na ako magmula sa pag-upo sa tindahan nila Aling Azon kung saan ako pansamantalang sumilong ng bigla nila akong tinapunan ng mga nakakumpol na papel.
"Saan ka pupunta? Sagutan mo muna mga assignment namin!" Maangas na sabi nito sa akin.
Oo nga pala. Kaya pala sya ay nandito dahil kailangan nyang magsummer class dahil sa mga hindi nya naipasang mga asignatura.
Akmang magsasalita ako para sagutin siya ng tawagin ako ng kaibigan kong si Richel Navarro.
"Doy!" Napangiti ako ng makita ko syang papalapit sa akin.
Andoon ang nakakabighani nyang mga mata na tila ba hinahalina ako tuwing magkausap kami.
"Chel!" Sambit ko at bigla nya akong hinatak palayo sa inis na inis na sila Juan at barkada nya.
"Binubully ka na naman ba ng mga yon?" Tanong nya at napabuntung-hininga na lang. Pinaupo nya ako sa tabi nya sabay alok ko sa kanya ng paborito naming merienda: ang crinkles. Agad naman siyang kumuha ng isang piraso at nagpasalamat. "Hinanap kita sa inyo pero ang sabi nila Tita Madel at Tito Ernesto, maaga ka daw umalis sa inyo. Mabuti na lang at naabutan kita dito."
"Bakit mo ako hinahanap?" Tiningnan ko sya at pinigilan ang sarili kong tuluyang mahulog sa kanya.
"Kaarawan ko sa susunod na buwan. Wag kang mawawala ha!" Kumurba sa kanyang magandang mukha ang isang ngiti ng ako ay tumango ng maalala ko na wala pala akong maireregalo sa kanya. "Alam ko yang itsurang iyan! Hindi ko kailangan ng regalo. Sapat na sa aking andoon ka sa espesyal na araw ko."
Napailing na lang ako at sinagot ang kanyang agam-agam, "pipilitin kong makarating."
"Aasahan ko yan ha!" Sabi nya pagkatapos ay pinagpatuloy ang pagkain ng crinkles. Nilabas nya mula sa kanyang maliit na bag ang isang imbitasyon at inabot sa akin. "Maarte si Mom, gusto nya imbitado lang ang pupunta, kaya kahit kilala ka niya, sinigurado ko ng may imbitasyon ka pa din."
Napangisi na lang ako sa pagiging sigurista nito at napatango. Narinig ko ang sabay na pagkalam ng sikmura namin at pareho kaming natawa.
"Tara, kain tayo?" Pag-aanyaya ko sa kanya na sinang-ayunan naman niya.
Kami ay tumayo at tumungo sa karinderia ni Aling Lydia ilang lakad lang mula sa Simbahan.
Maliit lamang ang lugar namin. Halos magkakakilala ang mga taong nandirito.
Katabi ng Mataas na Paaralan ng San Domingo ay isang parke kung saan malayang maglaro ang mga bata. Katapat naman nito ay ang terminal ng mga tricycle na siyang magdadala sa mga tao sa mga destinasyon nila.
Sa kabilang banda naman ng mga nabanggit ay mga simpleng negosyo katulad ng tindahan, bakery, upholstery, mechanic shop at convenience store maging ang karinderia. Ang barangay hall ay hindi rin nalalayo dito at katapat naman nito ang maliit na salon.
Kinakailangan mo pang bumiyahe ng kalahating oras para makarating ka sa Simbahan at Mall.
Nasa isip ng matatanda na maigi na din iyon para hindi din maging maluho ang mga kabataan sa mga bagay na hindi naman kinakailangan.
"Aling Lydia! Kumusta po! Yung dati pa rin po ang akin!" Masiglang sambit ni Chel at umupo sa bakanteng upuan.
"Kayo pala iyan! Hala, sige. Magsi-upo na kayo mga anak at hahainan ko na kayo." Sigaw nya habang inaabot ang ulam sa isang kustomer nya. "Lexi! Pakibigyan ng sisig at isa't kalahating kanin sila Chel at isang tinolang manok at dalawang kanin naman si Doy!"
"Opo!" Sagot naman nito pagkatapos.
Nang nakita ako nito ay malawak na ngiti ang bati nya sa akin. "Ikaw pala yan, Andrew! Heto na ang tinolang manok mo! Mainit-init pa yan!"
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na likas na palakaibigan si Lexi ngunit marami pa din ang namimisintepret sya at sinasabihang malandi o maharot.
"Salamat, Lexi!" Banggit ko at kinuha ang ulam mula sa kanya. Ganon din ang ginawa ko sa plato ng mga kanin namin ni Chel. Nang makuha na namin ang sisig, nagsimula na kaming kumain.
Imbes na ako ang magbayad pagkatapos, naunahan na naman ako ni Chel.
"Ako na. Hayaan mo na ako, Doy." Kinindatan pa ako nito pagkatapos.
Nagpaalam na kami kila Aling Lydia at Chel at minabuting inihatid ko na sya sa kanila. Halos magkapitbahay lang kami nito. Dalawang kalye lang ang layo ng bahay niya sa amin.
Inanyayahan pa ako ni Tita Amelia na magmerienda pero tumanggi na ako at nagpasalamat. Tumungo na ako sa bahay namin at agad na nagmano kila nanay at tatay.
"Kumain ka na ba, nak? Nagkita kayo ni Chel?" Sunod-sunod na tanong ni nanay pagkatapos kong magpalit ng damit.
"Kayo po, nay? Nagtanghalian na po kayo?" Tumango sila at saktong pasok ni Tatay mula sa likod-bahay.
"Kaarawan na ni Chel sa susunod na buwan. Hindi ka pa ba aamin sa kanya?" Panunudyo ni Tatay.
Namula ako sa komento nya at sinimulan na nila akong asarin.
Hindi sekreto sa kanila na matagal ko ng hinahangaan ang aking kaibigan.
Pero sa pagkakataong ito, mas gugustuhin ko munang maging deserving para sa kanya.
Makakapaghintay pa ako.
Sa ngayon, kailangan ko munang ipasa at makatapos sa pag-aaral.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top