Chapter Nine

Ramdam ko ang init ng panahon habang binabagtas ko ang daan papuntang fastfood chain kung saan ako nagtatrabaho. Pasalamat ko na lang at kahit papaano ay may cap ang uniporme namin at may pangsangga ako sa mainit na araw.

Yaman din lamang na wala akong gawain sa bahay masyado ngayon ay minabuti kong habaan ang oras ko rito sa summer job ko. Bukod sa kagustuhan kong mag-ipon, gusto ko ring matutunan ang mga bagay na ito para hindi ako mahirapan pagdating ng panahon.

Isang taong pagtitiis pa bago ako makatungtong ng kolehiyo pero nananabik na ako sa kursong matagal ko ng tinatarget na kuhanin. Kaya andoon na lang ang pagpupursige kong galingan sa klase para mamaintain ang scholarship na binigay sa akin.

Malaking tulong na rin ito sa amin lalo na kila nanay para sa mga gastusin sa bahay. Bawas alalahanin na ito sa kanila.

Si Kuya Drome naman ay matiyagang nag-aabot ng pandagdag sa bahay at paminsan-minsan ay allowance ko na rin. Kaya ganoon na lang ang paghanga ko sa kanya.

Hanggang ngayon ay nagtataka pa rin ako at wala siyang nobya. Wala pa siyang dinadala sa bahay at pinapakilala sa amin ngunit nasa tamang edad naman na siya. Marahil ay wala pa ito sa mga plano niya.

"Oy, Drew! Ang aga mo na naman!" Bati sa akin ni Reinalyn na siyang nginitian ko ng makarating ako sa loob.

Kamakailan lamang kasi ay inayos ni Ate Rose ang schedule namin kaya alam nila kung kelan ang time in ng isa't isa.

"Nakakainip sa bahay. Wala akong kausap." Saad ko na siyang kinatawa niya. Kasalukuyan siyang nasa likuran ng store at doon ang employees' entrance. "Ano pinagkakaabalahan mo dyan, Rei?"

"Ah, etong sa course ko sa pasukan. Excited na nga ako kaya nagstart na akong i-scroll sa google etong mga possible subjects ko this sem." Sabi niya ng may himig ng pananabik sa boses nito.

"Anong kurso ba kukuhanin mo?" Tanong ko at umupo sa tapat niya dito sa bakanteng lamesa sa likuran matapos kong mag time in.

"Mass Communications." Simpleng sagot niya habang tutok pa rin ang mga mata sa cellphone na hawak niya.

"Plano mong lumabas sa telebisyon?" Gulat na tanong ko sa kanya na ikinahagalpak niya naman.

"Ganon ba yon? TV agad ang labas pag nagMassCom?" Natatawang tanong niya na ikinakunot ng noo ko.

"Bakit, hindi ba?" Tanong ko ulit.

"Drew, hindi porket MassCom ang kursong kukunin ko ay gusto ko na agad sa TV. Gusto kong maging tagapagbalita sa radyo. Parang News Anchor ba." Usal niya ng may ngiti sa akin.

Ngayon ko lang napagtantong maganda pala siya. Simple lang ang kagandahang taglay niya. Andoon ang probinsiyanang kutis at tila mailap na mga mata pero kung makikilala mo naman siya ng lubusan, mas hahanga ka sa pagiging madiskarte niya sa buhay.

"Ikaw? Ano ba ang kursong kukunin mo? Tama ba, mas matanda ako sa iyo ng isang taon?" Tinanguan ko siya at sinagot ang tanong niya.

"HRM. Yun ang matagal ko na ring gustong kurso simula pagkabata." Walang pagdadalawang-isip kong sagot. Kasabay nito ay naamoy ko ang masarap na manok na niluluto nila sa loob.

Mula sa kawalan, ay biglang kumulo ang mga tiyan namin, hudyat na nagugutom na kami pareho. Nawala ang seryosong hangin sa paligid at napalitan iyon ng tawanan.

"Yan kasi! Kulang na lang daw sabihin mong gutom ka na, pati tuloy ako, natakam sa manok na luto nila! Early lunch na tayo?" Tanong niya at sinang-ayunan ko naman. "Sundae? Gusto mo rin? Panghimagas?"

"Sure, Rei!" Sambit ko sabay inat ng mga braso. Nilibot ko ang mata sa paligid at nakita kong marami-rami na naman ang tao at mag-aalas onse na pala ng tanghali.

Wala pang labinlimang minuto ay nakita ko na pabalik na si Reinalyn sa pwesto namin at tinulungan siya ni Kuya Adrian. Napangiti ako dahil madalas kong makitang napapatingin na lang si Kuya sa kanya nitong nakaraan. Bagay naman sila.

Sana lang ay magkalakas ng loob si Kuya na magtapat ng damdamin niya para kay Rei. Mabait at may sense of humor ang huli kaya hindi nakapagtatakang magustuhan siya nito.

"Oy, brad." Pagbati nito sa akin. Agad ko naman itong tinulungan ng ilagay niya ang tray sa lamesa namin. "Aga mo ah."

"Magpapalamig ako. Mainit sa bahay." Saad ko na ikinatawa niya. "Kain, Kuya."

"Sige lang, mamaya pa breaktime ko. " ngiting-ngiti niyang saad sabay baling ng atensyon kay Rei na nagsisimula ng kumain sa tapat ko. "Hinay-hinay, Rei. Kaya ka tumataba eh!"

"Tse!" Ismid nito sa kanya na inilingan ng huli habang tatawa-tawang bumalik sa loob ng kusina. "Pang-asar talaga yon. Kain na, Drew."

Nag-umpisa na rin akong kumain at maya-maya ay nagsimula na rin ang shift ko hanggang alas- sais ng gabi. Katulad ng dati, halinhinan din kami sa pagseserve ng orders, paglilinis ng store at pagtatao sa kahera.

"Sa wakas! Tapos din!" Buntung-hiningang sigaw ni Orly at napa-upo na lang siya sa tabi. "Ang hirap maging mahirap!"

"Ang mahalaga, nakakaahon." Saad ko at pilit na ineencourage siyang maging positibo sa buhay.

"Aasenso rin tayo, brad! Tandaan mo yan! Hindi tayo palaging nasa baba!" Pagkukumbinsi pa nito sa sarili at proud akong napangiti sa kanya.

"Tama yan, tol! Ganyan nga!" Pagsang-ayon ko sa kanya. Napahikab na lang ako at sinulyapan ang relo kong pambisig. Mag-aalas siete na pala.

Agad kong kinuha ang cellphone ko at tinext si nanay kung nakakain na sila ni tatay. Nang malamang hindi pa ay pinagtake out ko sila ng ulam at tatlong peach mango pie.

Pinili ko ng sumakay ng jeep pauwi para mainit-init pa nilang makain ang ulam kong iniuwi para sa kanila.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top