Chapter Fourteen

Dumating si Kuya Drome sa bahay na masaya at pakanta-kanta pa. Binati niya pa ako at nakipagbiruan kila nanay bago siya dumiretso sa maliit naming kwarto.

"Halika, anak.. Pakitulungan naman akong maghain at anong oras na." Pakiusap sa akin ni nanay at panandaliang hininto ko muna ang pagsasagot sa assignment ko.

Langhap ko ang ulam namin ngayong gabi na inihaw na tilapia kaya ganoon na lang ang pagkatakam ko ng makita ko ang sawsawang toyo at kamatis.

"Mukhang mapaparami ang kain ko ngayon, Nay." Pagpupuri pa ni Kuya Drome sa luto ni Nanay. Eksaktong dating rin ni tatay mula sa pagpapasada ng tricycle at lumapit sa amin upang saluhan kami sa hapunan.

"Anak! Mabuti naman at nauwi ka ngayon!" Masayang bati ni tatay ng tabihan niya si Kuya sa hapag-kainan.

"Opo, 'tay. Namimiss ko na rin kayo dito." Tugon ni Kuya habang ako ay tahimik na kumakain. Nagawi pa ang tingin niya sa akin at kinindatan ako. "Pati si bunso, miss ko na rin."

"Kaya mahal na mahal kita anak eh!" Tatawa-tawang komento ni Tatay.

Nandoon ang kaunting inggit na naramdaman ko simula noong mga bata kami. Si Kuya ang palaging paborito ni Tatay. Habang nasa akin naman ang atensyon ni Nanay.

Gustuhin ko mang intindihin si tatay  pero hindi ko magawa. Hindi niya naman ako kinagagalitan ngunit ang lahat ng desisyon sa bahay ay dapat pabor kay Kuya.

Kay nanay ko lang naramdamang pantay kaming dalawa sa pagmamahal niya.

Andoon ang pagsusumikap kong higitan balang-araw si Kuya kaya ganito na lang ang pagpupursige ko sa pag-aaral at lahat ng aking ginagawa.

Masama na ba akong anak kung hilingin kong ako naman ang isipin ni Tatay?

Tahimik kong tinapos ang pagkain at nagpaalam kila Nanay na babalikan ko na ang mga takdang-aralin ko.
Rinig ko mula sa maliit naming kwarto ang kwentuhan nila Kuya Drome at tatay hanggang sa dumako ang usapan sa babaeng napupusuan ni Kuya na nakapagpatigil sa aking ginagawa.

"Wala ka pa bang nobya, anak?" May himig ng panunudyo sa boses ni tatay at ako ay pinilit na marinig ang kanyang sagot.

Naalala ko ang nakita kong palitan ng ngiti nila Melissa at Kuya Drome kanina at ganoon na lang ang selos na nadarama ko ngayon.

"Naku, tay!" Narinig ko pa siyang napabuntung-hininga at pigil-hininga ko namang inabangan ang tugon niya. "Nagmahal na rin po ako noon. Pero sa ngayon, hindi ko muna siya iniisip. Gusto kong iahon muna tayo sa kahirapan. Kulang-kulang dalawang taon naman ay tapos na ako sa kolehiyo."

"Wag puro kami ang iniisip mo, anak. Gusto ko rin makitang masaya ka." Biglang pagseseryosong sambit ni tatay kay kuya.

Nagpatuloy ako sa pagtapos ng mga takdang-aralin namin at isinilid ito sa loob ng aking bag. Humiga ako at ipinikit ang mga matang nakikinig sa usapan nila.

"Sige ho, 'tay. Magpapahinga na po ako. Kayo rin ho. Sa Lunes na ho ako ulit babalik sa dormitoryo. Maglalagi muna ako ng ilang araw dito sa atin." Usal ni Kuya kay tatay at narinig ko ang kalansing ng mga kubyertos sa lamesa.

"Ako na bahala rito. Matulog ka na." Sabi ni Nanay at andon na lang ang pagkayamot ko.

Walang pagkukusa si Kuya Drome na magligpit ng kinainan. Lahat kami ay pagod sa mga gawain sa buong araw. Pero siya na sa kabilang bayan lang naman nagmula, kung makaasta ay akala mo, siya ay may katulong rito.

Humarap ako sa direksyon ng dingding ng narinig ko ang mga yapak niya. Ayoko siyang makausap ngayon.

Nawala na ang dating magaan na aura sa paligid namin. Tila bang may tensyon sa hangin nang pumasok siya rito sa silid.

"Tulog ka na agad, 'Doy?" Tanong ni Kuya at hindi ako sumagot. Nanatili akong nakapikit at pinapakiramdaman ang kilos niya.
"Sige. Magpahinga ka na. Susunod ako. Magpapahangin lang ako saglit bago matulog."

Ilang minuto pa ang kanyang tinagal, marahil ay nagpalit ng damit, at bumukas ulit ang pintuan hudyat na siya ay nakaalis na pansamantala. Napadilat ako at napatitig sa puting  dingding na nasa aking harapan.

Bakit pakiramdam ko ay may tinatago sa amin si Kuya?

Bakit parang may mga bagay siyang hindi sinasabi sa amin?

Bakit hindi ko magawang paniwalaan siya?

Inggit at selos nga lang ba talaga ang nararamdaman ko sa kapatid ko?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top