Chapter Five

Lumipas na ang isang linggo ngunit hindi pa rin mawala sa isipan ko ang itsura ni Melissa. Andoon pa din ang hiya ko ng maabutan niya akong nakatapis ng tuwalya galing banyo papunta sa kwarto ko.

Simula pagkabata ay hindi ako ilang sa mga kababaihan kasama na doon si Chel pero nung tumambad sa akin ang mukha ni Melissa ay pinamulahan na lang ako ng mata at wari ko hanggang sa pagtulog ay andoon ang kahihiyan na naramdaman kong iyon.

Isang buntung-hininga ang pinakawalan ko ng ibaling ko sa kaliwa ang atensyon ko. Kanina ko pa pinipilit matulog pero hindi ako dinadapuan ng antok. Ilang araw na akong puyat.

Puyat sa kakaisip sa kanya. Hay buhay!

Hindi naman ako ganito kay Chel pero sa kanya... Ay nako!

Pinikit ko ang aking mga mata at pinilit na matulog. Pinakiramdaman ko ang paligid at tanging mga kuliglig lang ang maririnig dito. Iwinaksi ko ang isip at tinuon sa mga pangarap na sabik akong abutin.

Napangiti na lang ako sa katotohanang malapit ko ng makamit iyon. Ilang taon na lang na pagsisipag sa pag-aaral. Makakatapos din ako at makakakuha ng magandang trabaho.

Mukhang epektibo naman at nagising ako sa tilaok ng mga manok kinabukasan. Humihikab na nag-inat akong bumangon sa aking kama.

Kagaya ng kinagawian ay naligo ako at sumabay sa almusal kila nanay habang pinag-uusapan ang naging diskusyon nila ng ina ni Melissa.

Akmang susubo na ako ng kanin, nang bitawan ni nanay ang mga katagang hindi ko inaasahan.

"Siya nga pala, Doy. Si Melissa pala ay magkokolehiyo na rito sa atin. Bilang bago sa lugar, nagrequest siya na kung maaari ay ilibot mo siya lalo na sa mga beach dito sa atin ngayong darating na Sabado." Simpleng kwento ni nanay na tila ba  napaka-ordinaryong hiling lang ito.

Napa-ubo ako at agad akong inabutan ng tubig ni tatay na kinuha at ininom ko agad.

"Aba nga naman, anak! Ayos ka lang ba?" Tanong ni tatay na puno ng pag-aalala. Tumango ako at pinilit kumalma.

"A-ayos lang ho ako. May lumusot lang na kanin na hindi ko nanguya ng maayos." Pagsisinungaling ko at dahan-dahang tinapos ang kinakain. Hindi ako makatingin ng diretso kay nanay ng dahil sa hiya. Tiningnan lang ako nito ng may pagtataka.
"Sige ho. Sa Sabado ay ayos lang sa akin. Anong oras ho ba sila pwede?"

"Si Melissa lang ang humiling na ilibot. Busy daw si Melinda nito kaya hindi masamahan ang anak." Saad pa ni nanay at tinanguan ko na lang.
Uminom ako ng tubig habang sya ay nagsasalita. "Bibigay ko sayo mamaya ang numero nila para makapag-usap kayo at iset ang oras ng paglilibot nyo dito."

"Mabuti nga ho, nay. Aalis ho pala ako ulit ngayon. Titingnan ko ho kung makukuha ba ang iskedyul namin sa eskwelahan. Balita ko ay mahuhuli ng ilang oras ang kabilang section kung sakaling roon ako mapunta." Sambit ko na sinang-ayunan ni nanay.

"Sige. Ako na ang magliligpit nito." Sabi ni tatay. "Wala akong pasok ngayon kaya makakapagpahinga ako ngayong araw. Gawin nyo na ang mga dapat nyong gawin. Umuwi kaagad, hijo ha."

Nagpasalamat ako at tumayo ng matapos na sila. Tinungo ko ang aking kwarto at kinuha ang pitaka at ang aking maliit na cellphone.

Wala pang tatlumpung minuto ay nasa paaralan na ako. Kita ko ang mangilan-ngilang estudyanteng nakasuot ng civilian uniform at patungo sa opisina ng registrar at lobby kung saan nakalagay ang mga sections.

May apat na bulletin boards na nakakalat sa lobby. Dalawa rito ay para sa elementarya at ang natira ag para sa high school. Bilang nasa public school kami ay inaasahang aabutin ng mahigit sampu ang section kada baitang.

Ngayong graduating na ako ay nasa pinakadulong bulletin board ang sa amin. Hinanap ko ang pangalan ko at napangiti ng makitang sa unang seksyon pa din ako. Ang Amethyst.

"Drew!" Napangiti ako ng nakita ko si Alex Compuesto. Isa siya sa kakaunting kaibigan ko na higit na pinagkakatiwalaan ko. "Nakita mo na section mo!" Napatango ako at naghigh-five kami ng lumayo na kami sa bulletin board. "Ayos! Klasmeyt na naman tayo!"

"Mabuti nga rin iyon. Hindi nagbago ang iskedyul natin. Alas-siete hanggang alas-dos pa rin. May oras pa para makapagtutor ako sa hapon." Saad ko at nakahanap kami ng mauupuan hindi malayo sa hallway. Pinagpagan ko muna ng kaunti saka umupo sa isang mahabang bench malapit sa quadrangle.

"Napakasipag mo pa rin! Hindi ako magtataka kung maging successful ka balang-araw!" Iling-iling na usal ni Alex.

"Sino ba ang may ayaw na maging matagumpay pagdating ng araw di ba?" Sabi ko at dinama ang sariwang hangin sa open air na lugar na ito sa eskwelahan.

Hindi katulad ng ordinaryong araw, halos walang mga estudyanteng palibot-libot ngayon dahil bakasyon at madalas ay sa Mayo pa nila tinitingnan ang mga seksyon nila.
Tahimik at payapa ang paligid.

"Tama ka naman dyan." Tumango si Alex sabay palo sa braso ko. "Tara kila Manong Tonio! Gusto ko magkwek-kwek!" Pag-aaya pa nya na siyang sinang-ayunan ko.

Hindi malayo sa lugar ng paaralan ang pwesto ni Mang Tonio. Kilala na siya rito bilang Manong SF o Streetfoods.

"Manong! 5 pisong kwek kwek atsaka fishballs nga ho. Yung sweet and spicy na sauce ha." Sigaw ni Alex kahit ilang hakbang pa ang layo namin.

Napaangat naman si Mang Tonio ng tingin sa amin at sinabing, "kayo pala yan! Oo ba! Ikaw, Drew? Ganoon pa rin ba?" Tumango ako at nagsimula na siyang lutuin ang mga order namin. Wala pang limang minuto ay nilalantakan na namin ang fishballs, kwek-kwek at squidballs. Hindi katulad ni Alex ay Fishballs at squidballs lang ako. Bumili na rin kami ng Coke Sakto at kumain sa gilid.

"Balita ko, may transferee daw ngayong taon." Saad ni Alex na siyang kinakunot ng noo ko.

"Hindi ba parang late na kung sa huling taon na may transferee?" Tanong ko na may halong pagtataka.

Kumibit-balikat na lang ito at kinalaunan ay naghiwalay na din kami ng landas, pauwi na aming mga bahay.

Bagong lipat na estudyante? Mula saang paaralan kaya?

Babae ba ito o lalaki?

Napailing na lang ako sa kuryosidad ko pagkauwi ng bahay.

Sana lang ay hindi sya madagdag ng bully o ma-bubully ng grupo nila Juan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top