Chapter Eight
Tahimik kong minamop ang sahig dito sa fastfood chain na inapplyan ko para sa summer job ngayong bakasyon. Sa gitna ng ingay ng mga magbabarkada, magkakapamilya at magnobyo, ay nakahanap ako ng tiyempong maka-idlip kanina sa pinakadulong lamesa sa store nila.
Meron kaming labinlimang minuto para sa break at binawi ko iyon ng tulog.
"Boss, pakisuyo naman etong table namin. Palinis." Sabi ng isang nasa late fifties na lalaki kasama ang kanyang pamilya.
"Sige ho." Ngiting sambit ko at isinandal muna ang mop sa dingding. Nilabas ko ang spray ng tubig sa bulsa ko at isang basahan. Kinuha ko ang tray at pinagpatong ang mga wala ng laman na mga plato ng spaghetti at chickenjoy. Sinunod ko ang mga baso at mga kubyertos. Matapos mailagay ng maayos sa tray ay pinatong ko saglit ito sa upuan para mapunasan ng maayos ang lamesa saka ko pinasadahan ang upuang pinagpatungan ko. Nagpasalamat ang lalaki at ako ay umalis para ilagay ang mga hawak ko sa pwesto ng lagayan ng mga tray at plato.
Binalikan ko ang mop kanina at tinapos na ang mga gawain.
Umabot ang oras ng pagkain at sinimulan kong mabilis na kumain para makabalik ulit. Sa oras na to, tumulong naman ako sa paghatid ng mga order ng mga customer namin.
"Drew, paki naman to sa number 16." Sabi sa akin ni Reinalyn na tinanguan ko naman. Inabot nya sa akin ang tray na naglalaman ng dalawang burger at tatlong fries. Hinatid ko ito sa grupo ng magkakaibigang malapit sa entrada ng fastfood.
"Excuse me po, orders nyo po." Magalang na sambit ko na syang ikinahinto nila sa pagkwekwentuhan.
"Ay salamat naman, Kuya! Anong petsa na!" May himig ng sarkasmo ang boses ng isang babaeng tila ka-edad ko lang.
"Grabe ka naman kay Kuya. Salamat po." Pangdedepensa ng kanyang kaibigang may pagkachinita sa akin. "Pagpasensyahan mo na po. Naglilihi kasi eh."
Ngiti na lang ang isinukli ko bago bumalik sa counter.
Ni hindi sumagi sa isip ko na posibleng buntis ang binibining iyon. Napakabata nya pa.
Ano kaya ang opinyon ng mga magulang niya? Napagsabihan ba sya sa nangyari?
Pailing-iling akong nasandal muna panandalian sa counter habang hinihintay ang isang set ng order muli galing sa kusina ng store namin.
"Oy, mukang malalim iniisip natin ah!" Komento ni Kuya Adrian Lorenzo, isang working student rin katulad ko. Siya nga lang ay nasa kolehiyo na. 1st year college nga lang. Mas matanda sa akin ng dalawang taon.
"Oy! Hindi po! Wala po ito!" Natatawang sagot ko sa kanya.
"Maka-po naman to! Napakabait!" Tatawa-tawang komento rin niya.
"Saan ka, Kuya?" Tanong ko dahil mukang papalabas sya ng store.
"Yosi lang. Kaw, gusto mo?" Pang-aaya nito sa akin na siyang kina-iling kong muli. "Oks. Saglit lang ako. Baka hanapin ako, pakisabi na lang."
"Okay, Kuya." Saad ko at lumabas na siya ng tindahan para maghanap ng pwesto, marahil.
Kahit pala si Kuya Adrian ay may bisyo. Hindi ako makapaniwala na nagyoyosi siya sa edad niyang ito.
Hindi ko naman hinuhusgahan ang mga taong may bisyo pero hindi lang ako sang-ayon sa mga taong nagyoyosi o umiinom pati pagsusugal. May tendency kasi na ang madalas na pag-inom at pagyosi ay makaka-apekto sa kalusugan natin. Kahit pa sabihin na okasyonal lamang ang mga ito, sa katagalan ay ma-aaccumulate rin ito ng katawan.
Nagbalik ako sa reyalidad ng tapikin ni Ate Editha Santiago ang balikat ko, ang nakangiti niyang mukha ang tumambad sa akin.
"Bunso, pasuyo naman sa number eight. Salamat ng marami!" Magiliw na pakiusap niya sa akin sabay abot ng tray ng orders nila.
"Sure po, Ate!" Magalang na usal ko sa kanya at kinuha ang tray.
Dahan-dahan kong nilakbay ang mesa kung nasaan ang numero walo. Nasa katapat lang na lamesa ito ng employees corner sa dulo ng store namin.
Nilapitan ko ang table kung saan ang dalaga ay abala sa telepono nya.
"Orders nyo po, pwede ho patingin ng resibo nyo?" Tanong ko at nagulat ako ng makita ko ang kanyang mukha.
Ibang-iba ang itsura nito simula ng huli naming pagkikita. Ang kanyang porselanang kutis ay nagkulay tsokolate at ang kulay brown nitong buhok ay naging itim. Pero naroon pa rin ang pagiging maganda niya.
"Drew! It's been awhile!" Magiliw na pagbati nito at maging ako ay nadala rin ng kanyang mga ngiti. "Heto ang resibo namin." Pinakita nya ito at ichineck ko sa kopya namin at pinirmahan ko ng initials ko ang resibo nila.
"Enjoy your snack, Ma'am!" Sabi ko ng nangingiti.
"Ma'am ka dyan! Bagay sayo ang uniporme nyo! Lalo kang gumwapo!" Sabi nya at natigilan sa upuan nya. "Kaibigan ko nga pala, si Vanessa." Pag-iiba nya ng usapan ng dumating ang kanyang kaibigan. Marahil ay galing ito sa restroom.
"Vanessa, si Drew nga pala, kaibigan ko. Drew, si Nessa, PA ko.."
"Loka-loka! Nice meeting you, Drew!" Pagpapakilala ni Vanessa at ginawaran ko ng ngiti. "Ay, ang pogi nga besh!"
Natawa ako at sinabing, "ikinagagalak ko ring makilala ka, Vanessa."
"Mas lalo ako!" Dagdag pa nito at natawa sa kanyang inasta, "keye nemen pele!"
"Mauna na ako, may trabaho pa akong kailangang tapusin. Enjoy your snacks, Vanessa at Mel." Tumango sila at ako ay nagpaalam na.
Naalala ko ang kumento ni Mel at ako ay pinamulahan ng mukha.
Ano ba ang ginagawa mo sa akin, Mel? Bakit ganito na lang ang epekto mo sa akin?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top