Ikalimang Kabanata
UNEDITED VERSION PO ITO :)
Ikalimang Kabanata
"Pitong taon matapos sirain ng lindol at tsunami ang malaking bahagi ng Fukushima prefecture, muli na namang niyanig ng magnitude-9 na lindol ang malaking parte ng northeastern Japan kaninang alas dos ng hapon oras sa Pilipinas..."
Napahinto sa paglalakad si Ep-ep nang marinig ang balita sa telebisyon sa barberyang nadaanan habang binabaybay ang madilim na kalsada sa Timog.
"Hekta-hektaryang kabahayan ang nasira at tinatayang higit limandaang bilyong dolyar ang halaga ng mga nawasak na ari-arian. Humigit-kumulang tatlong daang libong tao ang apektado ng kalamidad. Hindi pa mabilang ang eksaktong dami ng mga nawawala—"
Napabuntong hininga si Ep-ep at agad na napailing. Isa ang balita sa ayaw niyang pinanonood, at hindi rin niya babalakin pang panoorin. Iniiwasan niyang magkaroon ng dahilan upang tumulong.
Iniiwasan niya ang makonsensya.
Iniiwasan niya ang mas malalaki pang problema na walang ibang makareresolba kundi siya.
Mabilis na naglakad paalis si Ep-ep at pilit iniwasan ang mga responsibilidad. Hinahabol siya ng tungkulin at alam niya sa sariling kahit anong bilis ng takbo niya'y makakaya siya nitong habulin. Isa sa mga dahilan kung bakit mas pinili pa niyang manatiling nakakulong sa bahay ni Aling Nita at manood ng mga palabas na mag-aalis sa kanya sa masasamang alaala.
Sandali siyang umupo sa isang mahabang bangko ng tindahan ng lugaw at mami upang pansamantalang magpahinga. Wala siyang pamasahe pauwi dahil si Mr. Kleen ang nagdala sa kanya sa Ortigas. Sa puso ng Kamaynilaan pa ang lokasyon ng Santa Katarina at malayo pa siya. Nagdadalawang-isip na siya kung lilipad na lang ba pauwi o pipilitin pa rin ang paglakad.
"Ginugutom na 'ko," bulong niya nang maamoy ang mabangong pagkain sa likuran lang niya. Napahimas tuloy siya ng tiyan at napangiwi. Talo pa niya ang magnet ng mga langaw dahil sinamahan siya ng mga ito sa kanyang pagtambay sa lugawan.
"Niyanig ng magnitude 8.9 na lindol ang bayan ng Lushan sa probinsya ng Sichuan sa China na sumira sa libu-libong kabahayan at establisimiyento. Tinatayang limangdaang katao ang bilang ng mga namatay at sampung libong tao naman ang sugatan."
Mabilis na nilingon ni Ep-ep ang mobile TV kung saan nanonood ang tindera. "Ugh! Buwisit." Agad na nagtakip ng magkabilang tainga si Ep-ep gamit ang hintuturo.
"Patuloy pa rin ang mga aftershocks na nararamdaman sa malaking bahagi ng probinsya. Nakikita po natin sa mga larawan ang resulta ng..."
"Blah blah blah... Wala akong naririnig." Mabilis siyang tumayo at muling tinahak ang mahabang daan paalis sa Timog habang hindi inaalis ang takip sa tainga niya.
Kung magugunaw man ang mundo sa mga susunod na araw bago pa man dumating ang bulalakaw na sinasabi sa kanya ng mga tao sa organisasyon kung saan nagtatrabaho si Mr. Kleen at Kristin Nuevo ay wala na siyang pakialam pa.
Nakayuko lang siya habang binabaybay ang kalsada pauwi. Gusto lang niyang umiwas sa responsibilidad na hinihingi ng pagkakataon. Hindi siya kikilos hangga't wala siyang makitang magandang dahilan upang kumilos gaya ng inaasahan sa kanya ng lahat.
Kung mamamatay ang mga tao, mamamatay sila hindi dahil sa pagtanggi ni Ep-ep sa itinatakda ng lumang propesiya. Mamamatay ang mga tao dahil makasalanan sila at iyon ang kanilang tadhana.
Napansin niya ang paglitaw ng maliwanag na buwan nang hawiin ng hangin ang kulumpon ng ulap sa langit. Kung titingnan mula sa kinatatayuan niya ay masusukat ng ilang pulgada ang layo ng bulalakaw na wawasak daw sa mundo mula sa sinasabing natural satellite ng Earth.
Malalim na buntong-hininga at naalala ni Ep-ep ang nangyari dalawampung taon na ang nakalilipas.
"Babalik ka namang buhay, di ba?" tanong ni Clementina at sumagot siya nang napakapositibo. Nasilayan pa niya ang matamis na ngiti nito bago siya tuluyang umalis upang iligtas ang mundo. "Pagbalik mo, ipaghahanda ko ang pinakamagaling na superhero ng masarap na kare-kare."
Bumalik siya. Binalikan ni Ep-ep ang kaibigan.
Umasa siyang matitikman ang hinahanda nitong lutuin na para sa kanya'y walang kahit anong mamahaling pagkain ang kayang makatapat.
Buhay siyang bumalik sa kaibigan. Humihinga, ligtas, wala kahit isang galos man lang.
Ngunit hindi na niya ito naabutang buhay.
"Na-holdap siya ro'n sa kanto malapit sa Petunia," sabi sa kanya ng isa sa mga tanod na rumesponde. "Kinuha 'yung gintong orasan niya. Nanlaban kaya sinaksak. Tatlo ang tama sa tiyan, sampu sa dibdib, lima sa leeg at may ilang hiwa at pasa sa mukha. Mukhang hindi talaga binitawan 'yung kinukuha sa kanya. Nilaban nang patayan."
Naalala ni Ep-ep ang ginawa niya bago iwan si Clementina. Isang artificial satellite sa labas ng mundo ang dapat na tatama sa buwan ngunit inilihis niya ng landas dahil sa malaking tsansa ng pagkasira nito at posibilidad ng pagbagsak ng buwan sa daigdig.
Trabaho niya iyon. Tungkulin niyang iligtas ang daigdig sa kahit anong kaguluhan. Responsibilidad niyang tulungan ang lahat ng nabubuhay sa sanlibutan. At kasama na sa iniligtas niya ang mga taong pumaslang kay Clementina.
"Nasaan na ang mga pumatay sa kanya? Ipakita n'yo sila sa akin!"
Umalingawngaw sa buong paligid ang sigaw niyang naghahanap ng hustisya. At para sa isang makapangyarihang taong gaya niya, wala na yatang mas sasakit pa sa damdamin na nailigtas niya ang buhay ng napakaraming tao sa mundo ngunit hindi ang nag-iisang taong bumuo ng kanyang daigdig.
Kinuha niya sa bulsa ang gintong orasan at muling tinitigan ang mukha ng kaibigan. "Clementina..." bulong niya sa pinakamahalaga niyang kayamanan. "Gusto kong malaman kung may dahilan pa ba para iligtas sila. Makasalanan sila... may kasalanan sila at alam mo 'yan."
Napahigpit ang pagkakahawak ni Ep-ep sa orasan nang biglang umihip nang malakas ang hangin at naramdaman ang isang presensya sa paligid.
"Brad, ano 'yang hawak mo?" tanong ng isang lalaking mababa ang boses.
Naramdaman ni Ep-ep na may tumutusok sa tagiliran niya. Inakbayan siya ng lalaki at muling bumulong.
"Tinatanong kita kaya sumagot ka."
"Pa'no kung ayoko?" tamad na tugon ni Ep-ep.
"Aba, tarantado 'to a! Gusto mo na bang mamatay, ha?" Umamba ng saksak ang lalaki kaya agad na dinakma ni Ep-ep ang leeg nito at inis na inis na hinarap ang kawatan.
"Hoy, siraulo. Huwag na huwag mo 'kong pinagbabantaan kung gusto ko nang mamatay. Hindi mo kilala kung sino'ng binibiktima mo."
Hinigpitan ni Ep-ep ang pagkakasakal sa lalaki. Nabitawan tuloy nito ang ice pick na hawak at pinalo agad ang braso niya upang pakawalan ito.
"Hoy, ano'ng ginagawa n'yo riyan, ha?" sigaw ng isang tanod na rumuronda sa may kadilimang kalsada.
Binigyan ng masamang tingin ni Ep-ep ang tanod bago ilipat ang tingin sa lalaking sakal-sakal na tumitirik na ang mga mata.
"Ayoko talaga sa mga gaya mo," galit na galit na sinabi ni Ep-ep ngunit pinigilan niya ang sariling huwag gumawa ng masama. "Hindi dapat kayo pinatatagal sa mundo."
"Brad! Naririnig mo ba 'ko?" sigaw ng tanod. Napansin niya na hinanda na nito ang batutang dala. "Brad, huwag kang kikilos nang masama! Bitiwan mo 'yang sinasakal mo!"
"Walang masama sa kinikilos ko!" sigaw naman ni Ep-ep sa tanod. "Itong taong 'to ang balak akong gawan ng masama!"
"Bitiwan mo na, brad! Kung hindi, tatawag na ako ng pulis!"
Binitawan na nga ni Ep-ep ang lalaking nawalan na ng malay at agad bumagsak sa kalsada.
"Huminto ka riyan! Hindi ka masasaktan kung susunod ka!"
"Sumunod na ako noon sa inyo! Nasaktan lang din ako! Pare-pareho lang kayo!" Inis na bumuga ng hininga si Ep-ep at inisip na aksaya lang ng oras kung pagtutuunan pa niya ng pansin ang tanod na iyon. Sawa na siyang maglagi sa mga istasyon ng pulisya habang naghihintay ng ikakaso sa kanya. Wala rin namang nagagawa ang batas sa kaso niya dahil walang may kayang makapigil sa kung ano man ang gusto niyang gawin.
Unti-unti niyang inangat ang sarili sa lupa at mabilis na bumwelo sa hangin paitaas. Pinakamadaling paraan na ang paglipad upang makatakas. Masyadong mahirap ang bansa para ipahabol siya sa mga second hand at palyadong helicopter—lalo pa't tanod lang naman ang nakahuli sa kanya.
Huminto siya sa ere na halos kapantay na ng mga ulap at tinanaw ang buong paligid mula sa itaas. Binubuo ng maliliit na ilaw ang siyudad na masarap tanawin tuwing gabi. Mukha lang tahimik ang lahat mula sa posisyon niya ngunit alam niyang sa ilang sulok ng lugar ay nagtatago sa dilim ang kasamaang minsan nang bumiktima sa matalik niyang kaibigan.
Sa isang parte ng buhay niya ay naranasan niyang magtagal sa dilim at maging masama para lang mahanap ang kayamanang minsan nang ninakaw ng iba mula sa kanya at sa babaeng kanyang pinakamamahal.
Naging masama siya. Naging ganoon siya dahil naging masama rin sa kanya ang mundo.
Alam niya ang malaking kaibahan ng mabuti at masama. Mahirap lang tanggapin na sa kabila ng kabutihan niya ay tatablahin lang siya ng mga walang pusong pumatay kay Clementina.
Wala siyang pakialam kung gipit lang sila. Hindi katwiran ang pumatay at magnakaw ng gamit ng iba dahil lang kailangang-kailangan ng pera.
Muli siyang bumwelo sa hangin at mabilis na binalikan ang Santa Katarina. Nagbago na ang plano niyang maglakad na lang pauwi.
Hindi gaya sa siyudad, may kadiliman sa Santa Katarina kapag gabi. Kung may ilaw man, malamya pa iyon dahil sa bumbilyang mababa lang ang watts. Bumaba na siya sa entrada ng distrito nila at sinalubong niya ang mga taong sawa nang husgahan ang pagiging hindi niya normal.
Sa Santa Katarina, wala nang may pakialam kung masama o mabuti siya. Kung nakapatay man siya o hindi. Kung malakas ba siya o mahina. Kung matalino man siya o tanga.
Sa Santa Katarina, nararanasan niyang husgahan ngunit hindi sa paraan kung paano siya husgahan ng iba. Dahil sa lugar na iyon, pakinabang ang mahalaga hindi ang pagiging demonyo o santo.
"Ep-ep!" tawag sa kanya ng maliliit na batang gabi na'y nasa kalsada pa rin. Pinaikutan siya ng mga ito at inayang maglaro. "Ep-ep, gusto kong lumipad! 'Yung mataas na mataas!"
Wala nang isip-isip pa, kinuha niya ang kanang braso ng batang lalaking nag-aya at hinagis ito sa ere na parang isang magaang manika. Nakarinig ang mga tao sa paligid ng malakas na sigaw ng bata na paunti-unti'y humihina. Nagpatuloy lang sa paglalakad si Ep-ep na parang wala siyang ginawa.
Ilang sandali pa'y lumalakas na naman ang sigaw ng bata at mabilis itong sinalo ni Ep-ep gamit ang mga braso mula sa itaas at saka ibinaba muli sa lupa ang paslit.
Isang malakas na hagikhik ang narinig ng mga taong naroon mula sa batang hinagis ni Ep-ep. Makikita sa ngisi nitong masayang-masaya siya sa ginawang pagbato sa kanya ni Ep-ep sa hangin at hindi ininda kung gaano kadelikado ang mangyayari kung hindi siya nagawang saluhin ng lalaki.
"Ep-ep! Ako rin! Ako rin! Yung parang sa langit na mataas!"
Sa lagay na iyon, si Ep-ep pa ang pinaglalaruan ng mga bata. Sanay na ang mga taga-Santa Katarina sa kanya at parte na siya ng lugar kaya kung may dahilan siya para iligtas ang mundo, isa na siguro ang distrito sa maaari niyang gawing katanggap-tanggap na dahilan para harangin ang kinatatakutang bulalakaw ng mga taong hinuhusgahan ang kanyang pagkatao.
Nakapaglalaan siya ng oras sa pakikipaglaro sa mga munting paslit sa kanila. Ilang sandali pa'y nakabalik na siya sa bahay ni Aling Nita. Bubuksan pa lang niya ang pulang gate ng bahay nito ay sinalubong na naman siya ng bunganga ng kapatid ni Clementina.
"Hoy! Juan Francisco! Alam mo ba kung anong oras na?" dumadagundong na pambungad sa kanya ni Aling Nita.
"Mahal na reyna, galing ho ako sa—" Hindi na naman siya napatapos ang sinasabi dahil lumilipad na sandok na naman ang sumapul sa noo niya.
Napaisip na siya sa natatagong kapangyarihan ng sandok na iyon dahil ginagawang pambala sa kanya ni Aling Nita na kayang-kaya siyang patahimikin kapag natatamaan siya. Isang plano tuloy ang nabuo sa kanyang isipan para igapos ang sandok na iyon sa kusina nila.
"Sinira mo ang bubong ng pamamahay ko! Butas 'yung attic! Ayusin mo!"
"May attic tayo?" takang tanong ni Ep-ep. "Kailan pa?"
"Aba, at nagtanong ka pang hinayupak ka!" Hinubad nito ang suot na tsinelas at dali-daling nilapitan si Ep-ep.
"Teka! Teka!" Pinang-sangga agad ni Ep-ep ang braso niya nang hapurasin siya ng tsinelas ni Aling Nita. "Gabi na ho, mahal na reyna!"
"Wala akong pakialam! Kasalanan mo 'yan kaya ayusin mo!"
Patuloy pa rin sa paghampas si Aling Nita sa kanya kaya mabilis na tumakbo si Ep-ep papunta sa bakuran ng bahay.
"Aayusin na po! Aayusin na! Grabe siya sa akin o!" Sumimangot lang si Ep-ep at nadako ang tingin niya sa pinto ng mismong pamamahay ng ginang. Nakita niya roon ang mataas na kilay at tinging sapat na para sagarin ang pagsira sa araw niyang sirang-sira na. Nabuo sa utak ni Ep-ep na kung may wawasak sa mundo mula sa loob, isa na ang may-ari ng mataas na kilay at tingin na iyon sa mga suspek niya.
"Hoy, Juan Francisco! Kapag umakyat ako mamaya't hindi pa rin iyon ayos, ako mismo ang maglilibing sa iyo sa ilalim ng lupa, ha!" Pumasok na sa loob ng bahay ang imbyernang si Aling Nita at naiwan doon ang panganay niyang anak na mataray na nakatingin kay Ep-Ep.
"Pagagalitan mo rin ba ako, Georgie?" tanong ng lalaki.
Hinawi lang nito ang buhok na kinulayan ng pula at nagpamaywang. "Ayusin mo na lang ang pinagagawa ni Mommy." Inirapan nito si Ep-ep at sumunod na rin sa nanay niyang mahadera.
Isang ngiti at buntong-hininga. Magandang balita na rin para kay Ep-ep na hindi siya binungangaan ni Georgie. Mukhang maganda ang araw ng babae kaya hindi siya napag-initan. Nakakita siguro ng gwapo kaya nabawasan ang kapangyarihan ng bibig.
Kailangan na lang niyang isipin ay ang pag-aayos ng bubong ng bahay na mukhang ayaw ipagpabukas ni Aling Nita.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top