Ikalawang Kabanata

Unedited version po ito....


Ikalawang Kabanata

Titig na titig si Ep-ep sa makapal na perang papel na inabot ng may-ari ng junkshop kung saan ibinenta ni Mang Gerardo ang mga sako ng bakal na binuhat niya. Maraming kopya ng kulay ube, ni Osmeña at ni Ninoy ang kinukuwenta ni Mang Gerardo sa kanyang mga kamay-- hindi pa kasama ang plastik na naglalaman ng maraming mukha ni Aguinaldo at Rizal.

"Salamat, pards!" sabi ni Mang Gerardo at nginitian ang may-ari ng junkshop. Hinagis niya sa hangin ang mga barya para kay Ep-ep. "Sige na at dadaan pa ako sa España."

Sinalo ng isang kamay ni Ep-ep ang mga barya sa hangin at tinitigan iyon sa pasmado niyang kamay. "Kinse?" Sinundan niya ng tingin si Mang Gerardo na naglalakad paalis. "Anim na libo 'yung presyo ng laman ng mga sako tapos kinse lang ang talent fee ko?" Ibinalik niya ang tingin sa tatlong kulay kupas na gintong barya. "Wow! Sana pala sumayaw na lang ako ng Macarena sa Roxas Boulevard, baka sakaling may pambili pa ako ng bouquet ng assorted flowers para kay Tintin." Napailing na lang siya at ibinulsa ang kinse niya. "Tatlong Sampaguita na lang ang bibilhin ko. Nakatulong pa ako sa mga bata sa simbahan."

Aalis na sana siya nang humabol ng alok ang may-ari ng junkshop.

"Ep! Baka lang gipit ka! Sangla mo muna 'yung orasan mo!" Nginisihan pa niya si Ep-ep.

Ang pinaka-ayaw ni Ep-ep ay ang pinagdidiskitahan ang pocket watch niya kaya masamang tingin ang natanggap ng may-ari ng junkshop mula sa kanya. "Isang salita mo pa tungkol sa pocket watch ko, makikita mo kung ano ang hitsura ni San Pedro," puno ng pagbabanta niyang itinugon sa kausap. Napalunok na lang ito at dali-daling nagtago.

Simula nang mapadpad si Ep-ep sa distritong iyon, nakita na siya ng mga tao bilang isang baliw. Alam nilang may ginawa siyang masasama noon pero nasanay na sila sa presensya niya sa lugar. Alam na alam nila ang kakayahan niya at mga kaya pa niyang gawin. Magugulat ang hindi pa siya nakikilala, ngunit sa tagal ng kanyang pananatili roon ay nasanay na ang lahat. Espesyal siya ngunit hindi na sa mga tao roon. Wala siyang ibang pakinabang kundi ang maging utusan, madalas pagtripan, pinagkakatuwaan at laruan ng mga tao sa distrito.

Binubuo ng mahihirap at nagpapanggap na mayaman ang mga taga-roon. Isa na si Aling Nita sa mga nabanggit. Bihira ang magandang bahay at karamihan ay gawa lamang sa pinagtagpi-tagping yero. Panahanan ang distrito ng mga pinagkaitan ng karangyaan at pinilit abutin ang langit sa gitna ng kahirapan. At kahit hindi sikat ang distrito nilang may pangalang Santa Katarina, sikat naman si Ep-ep sa loob noon-- hindi nga lang sa positibong paraan gaya ng inaasahan.

Agad siyang tumungo sa malapit na sementeryo sa lugar at pumitas muna ng kumpol ng Santan at Bougainvilla sa bukana ng lugar bago tunguhin ang matalik niyang kaibigan. Maraming nakatanim na mga mabubulaklak na halaman sa tarangkahan na pinagtiyagaan na niya bilang regalo kay Clementina dahil hindi siya nakabili ng Sampaguitang nagtaas na pala ang presyo at hindi na kinaya pa ng kanyang kinse pesos.

"Akala ko matagal pa bago ka makabalik dito, Francisco," pambungad sa kanya ng babaeng higit otsenta anyos na ang edad na bantay ng isang maliit na musoleo. Isinuksok nito sa suot na pulang daster ang isang basahang ginamit sa pagpunas ng puntod na dinadalaw ni Ep-ep.

"Na-miss ko lang si Tintin, Odessa." Nginitian niya ang matanda at inilagay sa itaas ng puntod ni Clementina ang mga dala niyang bulaklak. Hinawi niya nang bahagya ang kulay pilak nitong buhok at inipit sa likod ng tainga nito.

"Hindi ka pa rin talaga nagbabago," ani Odessa kay Ep-ep. "Mukha ka pa ring beinte kuwatro."

"Kumakain kasi ako ng fetus at nag-aalay ng birhen every six pm sa kuweba ko." Tumawa pa siya nang mahina at inakbayan ang matanda. "Hindi, biro lang. Alam mo namang pangarap ko ring tumanda, 'di ba? Magbabago rin ang hitsura ko, tiwala lang."

"O, siya. Sige na, maiwan na muna kita. Nilinis ko lang ang puntod niya kay baka sa susunod na linggo pa ako makabalik dito."

"Bakit? Saan ka pupunta?"

"Yung anak ko, kinukuha ako. Bisitahin ko raw muna ang mga apo ko sa Santa Rosa."

"Gano'n ba?" Bumitaw na siya kay Odessa at sinundan ito ng tingin habang papaalis. "Ingat ka!"

"Sige, salamat!"

Napangiti na lang siya dahil nagagawa pa rin ni Odessa na asikasuhin ang puntod ni Clementina dahil sa pakiusap niya. Limang taon pa lang si Odessa ay kalaro na niya ito. Hindi lang niya lubos maisip na lahat ng kaibigan niya noon, isa-isa nang lumilisan sa mundo samantalang siya, nananatili pa ring matibay na nakatayo.

"Clementina," tawag niya sa matalik niyang kaibigan. "Alanganin ang pagbisita ko ngayon sa iyo. Wala pa akong dalang flowers. Ang kuripot kasi ni Gerry. Kung uuwi naman ako sa bahay ko sa Forbes para kumuha ng pera, hindi ako papapasukin doon ng mga guards kasi mukha akong pulubi." Ipinakita niya ang kanyang gula-gulanit na suot. "Look at me. Para akong ni-rape ng sampung okama." Umupo siya sa harap ng puntod para makipag-kwentuhan sa patay niyang kaibigan. "Sabi ni Nitz, basahan na raw ito para sa kusina tapos sinuot ko pa. Huwag daw ako magpakita sa iba na ganito ang ayos kasi baka raw sabihin nila pinababayaan niya ang anak mo. Nagtaka nga ako kung sino ang anak mo, ako na pala ang tinutukoy niya. Abnormal din pala 'yung kapatid mo, pinagkakamalan akong unico hijo mo. Nagsha-shabu ba 'yon? Hindi mo yata sinabi sa kanya lahat ng totoo tungkol sa akin."

Tumahimik siya saglit at tiningnan ang buong paligid.

Nasa gitna ng mga apartment at iba't ibang hugis ng libingan ang maliit na musoleo ni Clementina. Nakakapasok naman ang malamig na hangin sa pwesto niya kaya presko pa rin ang kanyang pakiramdam. Tahimik doon kapag tanghaling tapat kaya wala siyang naririnig na kahit anong ingay.

"Nanonood ako ng Superman series sa TV. Gusto ko sanang gayahin 'yon ngayon kaso ang baduy ng nasa labas ang brief ko habang naka-onesie. Saka ang pangit naman na para akong sumagasa ng sampayan kapag may cape, ano? Para akong lumilipad na labada no'n. Mukha na nga akong tanga, lalo pa akong magmumukhang tanga."

Sinuklay niya ang buhok niyang lumampas na sa balikat gamit ang daliri. Nanlalagkit na ito dahil may limang araw na siyang hindi nakakaligo nang maayos. Hanggang wisik na lang siya dahil nagrereklamo si Aling Nita kapag siya na ang gumagamit ng tubig.

"Tin, miss na kita," malungkot niyang binulong sa hangin. "Sobra."

Dalawang dekada na rin ang nakalipas nang mamatay ang matalik niyang kaibigan at hanggang ngayon ay dala pa rin niya ang alaala nito.

"Gusto kong makita ka ulit." Nilahad niya ang palad at sandaling nag-isip. "Kung kaya ko lang na buhayin ka..." Pilit siyang ngumiti. "...kung kaya ko lang, ginawa ko na."

Saglit siyang pumikit para damhin ang hangin. Bahagya siyang tumingala upang pigilan ang napipintong pagluha.

"Tin, sorry, wala akong kuwentang kaibigan.

Kumunot ang noo niya nang maramdamang hindi lang siya ang tao sa paligid. Tiningnan niya ang paligid mula sa dulo ng mata. Lumingon siya sa kanan at isang malakas na palo sa ulo mula sa isang matigas na bagay ang natanggap niya na galing sa kanyang likuran.

At nangibabaw ang nagtawanang ingay ng grupo ng mga lalaki.

"Pare, 'di na magigising--"

Natigilan silang lahat nang makita si Ep-ep na nakataas ang kilay sa kanila. "Problema n'yo?"

"Pare, hatawin mo ulit!" utos ng isa.

Hahatawin sana ulit ng lalaki ang ulo ni Ep-ep kaso sinalo lang ng kamay nito ang paparating na metal na tubo. "Alam n'yo, kung wala kayong magawang maganda sa mga buhay n'yo, sana manahimik na lang kayo sa isang tabi. Istorbo kayo sa moment ko, alam n'yo 'yon?" Kinuha niya ang tubo sa lalaki at saka niya iyon binaluktot nang walang kahirap-hirap. "Ano ba ang kailangan n'yo sa akin?"

Napanganga lang ang limang lalaki kay Ep-ep.

"Maraming langaw rito. Good luck sa mga bibig ninyo." Tiningnan pa niya ang puntod ni Clementina sa huling pagkakataon. "Bye, Tin. Bisitahin kita next time 'pag wala nang istorbo." Naglakad na siya paalis para iwan ang mga lalaking balak siyang gawan ng masama.

Sanay na siyang niloloko at inaagrabyado. Kung masasama silang tao, pwes, handa siyang makipagsukatan ng sungay. Kaso, hindi pa naman siya sinasagad kaya nako-kontrol pa niya ang kanyang sarili.

Bago pa man siya makatapak sa tarangkahan ng sementeryo, isang grupo ng mga lalaking unipormado ang humarang sa kanya.

"Uy! Men in Black? Kukunin na ba ako ng mga aliens?" Tumawa pa si Ep-ep sa mga lalaki. "Nice shades! Pwedeng ma-arbor kahit--" Natigilan siya at sinalo gamit ng dalawang daliri ang isang lumilipad na dart na siya ang puntirya upang patulugin. Dali-daling sumeryoso ang mukha niya at tumayo na siya nang diretso. "Ano na naman ba ang problema? Bakit na naman, ha?"

Humawi ang mga lalaking naka-uniporme at isang may-edad na lalaking naka-amerikanang itim ang lumabas galing sa isang puting van na nakaparada sa harap ng sementeryo. Pansin ang ulo nitong walang buhok at may tinging mukhang mangangain ng tanga. Tumayo ito isang dipa ang layo kay Ep-ep.

"Ikaw ba si Juan Francisco Caltagirone Patriarca Maranzano?" tanong ng ginoo.

Napakamot tuloy ng ulo si Ep-ep. "Francis M. na lang, Sir. Para tunog famous."

Hindi inintindi ng ginoo ang birong iyon sa halip ay naglabas ito ng tsapa. "Tawagin mo na lang akong Mr. Kleen."

Agad na lumaki ang ngisi ni Ep-ep dahil naalala niya ang isang brand ng sabong panlaba sa pangalan at hitsura ng kausap.

"Alam ko ang tumatakbo sa isip mo kaya huwag ka nang magsalita," seryoso nitong sinabi. "Kailangan mong sumama sa amin."

"Para?"

"Nanganganib ang Earth. Kailangan mong iligtas ang mundo mula sa pagkawasak."

Agad na pumorma si Ep-ep at itinaas paturo sa kaliwa ang magkabilang kamay. "Para pagkaisahin ang bawat mamamayan! Para pairalin ang pag-ibig at katotohanan! Para magtagumpay sa pag-abot ng mga bituin. Jesse! James! Team Rocket! Simbilis kami ng liwanag kapag lumipad! Sumuko na kayo o humarap sa inyong katapusan! Meeeeowth, tama 'yan!" At saka siya humirit ng mayabang natawa habang nakapameywang. "Nanonood kayo ng Pokemon?"

At walang natawa sa biro niya.

"Patulugin siya," utos ni Mr. Kleen bago bumalik sa van kung saan ito galing. Samu't saring baril agad ang itinutok kay Ep-ep para lang sundin ang utos niya.

Nagbalik ang seryosong mukha ni Ep-ep at saka umiling. "Nag-aaksaya lang kayo ng oras ninyo sa akin."

Magkakasabay na putok ng baril ang umalingawngaw sa sementeryo sa loob lang ng ilang segundo.

Bago pumasok sa sasakyan, nilingon muna ni Mr. Kleen ang mga tauhan niya para makita ang resulta ng nangyari. Napaatras lang siya dahil nasa likuran na niya si Ep-ep na napakasama ng tingin sa kanya.

"Kung balak mo akong patulugin nang pwersahan, dapat batalyon ang pinadala mo," ani Ep-ep na sapat na upang pakabahin ang ginoo.

Inilipat ni Mr. Kleen ang tingin sa mga tauhan niyang nakahandusay na sa lupa. Napakuyom siya ng kamao at ibinalik ang tingin sa mga nanlilisik na mata ng pakay niya.

"May sasabihin ka?" seryosong tanong ni Ep-ep. "Simulan mo nang magsalita."


______


ang susunod na mga chapters ay naka-private na. Kung gusto po ninyong basahin, mapipilitan po kayong i-follow akez. Kung di naman po, ayos lang din, abangan na lang po ito bilang libro.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top