Ikalabing-isang Kabanata


Ikalabing-isang Kabanata


Dama na ang sunud-sunod na pananalasa ng iba't ibang klaseng kalamidad sa buong mundo. At sa mga oras na iyon ay nakikita ni Ep-ep ang paparating na masamang balitang dala ng kalikasan.

Imbis na umuwi sa kanila ay mabilis niyang nilipad ang pababa sa Seaside Boulevard para balaan ang lahat ng taong naroon.

"Umalis na kayong lahat dito! Alis na!" Mabilis na nilapitan ni Ep-ep si Kristin. "Siguro naman may nakahanda kayong plano kung sakaling dumating ang araw na ito, tama?" bulyaw niya sa babae.

"Bakit? Ano ba'ng nangyayari?" takang tanong nito dahil nalilito rin siya kung bakit pinaaalis ni Ep-ep ang lahat ng tao.

"Tawagan mo na 'yung organisasyon ninyo dahil hindi maganda ang susunod na mangyayari sa loob lang ng ilang oras! Dali na!"

"Ha? T-teka! Teka, ano ba kasing problema mo? Huminahon ka nga muna! Bakit ka ba sumisigaw hindi naman ako bingi!"

Huminahon si Ep-ep at itinuro ang katubigan. "May tsunaming paparating, beh," kalmado niyang sinabi. "Baka gusto pa ninyong mabuhay... baka lang naman. Pero kung ayaw mo, it's your choice. Tatakbo o hindi?"

"Ano?!" sigaw ni Kristin.

"Palinis ka ng tainga mo. Maganda ka sana, bingi ka lang." Niyakap niya ang baywang ni Kristin at isinama sa muling paglipad niya sa ere.

"Mr. Maranzano, ibaba mo 'ko!" reklamo nito kay Ep-ep.

"Dadalhin kita sa ligtas na lugar! Kunin mo ang cellphone mo at tawagan mo ang mga kasamahan mo para iligtas ang mga tao!"

"Paano ko gagawin 'yon?! Naiwan sa resto ang bag ko! At saka—" Natigilan si Kristin nang makita ang tila malaking pader ng tubig na nagdadala ng mga barko na papalapit sa seaside kung saan sila galing. "Oh, my God." Agad siyang ibinaba ni Ep-ep sa bubungan ng malaking convention center sa lugar.

"Siguro naman safe ka rito," sabi ni Ep-ep kay Kristin na nakatulala sa tubig na papalapit sa kanila. Idinampi niya ang hintuturo sa noo nito. "Wala na akong magagawa, kailangan na silang kausapin."

"Hey! Ano bang—" Aalisin sana ni Kristin ang daliri ni Ep-ep sa noo niya ngunit hindi niya nagawa. "Kausapin sino?"

"Ang sabi mo wala kang dalang cellphone kaya kakausapin natin sila at kailangan kita."

"Sinong sila?"

"Kailangan ko ng utak ng tao para kumonekta sa lahat. Huwag ka na lang magtanong ng detalye, okay?"

Pumikit si Ep-ep at kinontrol ang dimensiyon niya at ni Kristin. Malakas na hangin ang bumalot sa dalawa at sa isang iglap ay biglang dumilim ang buong paligid at naglabasan ang maliliit na maliwanag na tuldok na tila bituin sa langit tuwing gabi. Pakiramdam ni Kristin ay dinala siya ni Ep-ep sa gitna ng kalawakan sa labas ng mundo. Napakarami niyang naririnig na mga boses. Maraming usap-usapan. Maraming sumisigaw. Maraming humihingi ng tulong. Maraming nagmamakaawa. Maraming bumubulong. Maraming umiiyak.

"Makinig ang lahat. Lumikas na kayo at pumunta sa ligtas na lugar," panimula ni Ep-ep.

"Mr. Maranzano? N-nasaan tayo?"

"Iligtas ninyo ang mga sarili ninyo. Hindi magandang balita ang paparating sa bansa. Sa mga kinauukulan, mangyaring tulungan ang lahat ng mamamayan sa paglikas at— Ah!"

Naputol ang pagsasalita ni Ep-ep nang makarinig ng napakatining na tunog na sapat upang pangiluhin siya. Bigla siyang nanghina at napaluhod habang hinihingal.

Isang malakas na hangin na naman ang tila ba biglang humigop kay Kristin pabalik sa bubong ng convention center na kinatatayuan nila mula sa dimensiyong kanilang pinanggalingan ilang segundo pa lang ang nakalilipas.

Unti-unting ibinaba ni Kristin ang tingin kay Ep-ep. "What the hell was that?"

Umubo si Ep-ep at pinunasan ang ilong niyang dumudugo na pala. "Mas maganda ang phone," mahinang sinabi ni Ep-ep at bahagyang tumango. "Tama. Mas madali kumonekta sa cellphone. Bakit ko ba pinahirapan ang sarili ko?"

"Mr. Maranzano?" Lumuhod din sa harapan ni Ep-ep si Kristin at tiningnan ang lagay nito. "A-ayos ka lang?"

Tumango si Ep-ep at lumunok. Hinubad niya ang suot na suit jacket at pinunasan ang ilong niyang dumudugo pa rin. "Ayoko talaga ng mental telepathy. Nakakaubos ng kapangyarihan." Idinipa niya sa hangin ang kaliwang kamay at inutusan ang isip. Wala pang ilang segundo'y isang lumilipad na cellphone ang sinalo ng kamay niya mula sa ere. Inabot niya iyon kay Kristin at saka siya tumayo nang diretso. "Tawagan mo ang mga kasamahan mo. Iligtas ninyo ang mundo."

"P-pero trabaho mo iyon! Saka, bakit ka— bakit nagdudugo ang ilong mo? Hindi ba superhero ka?"

"Kayo lang ang nagsasabi niyan. At saka si Hesus nga noong ipinako sa krus, dinugo, ako pa kaya?" Suminga siya ng buong dugo at pinunasan ang noong pinagpawisan. "Pati ba naman nosebleed bawal? Wow! Grabe na kayo sa 'kin, ha!" Hinatak niya patayo si Kristin. "Kumilos ka na. Trabaho ko lang na tulungan kayo. Tulungan din sana ninyo ang mga sarili ninyo dahil hindi ko pagmamay-ari ang buhay ng mga tao."

Muli siyang lumipad sa hangin upang pigilan ang papalapit na tsunami sa lugar kung nasaan sila.

Hindi pa rin nawawala ang nakangingilong tunog na narinig niya kaya hindi niya naiwasang tingnan ang pinakamakinang na bituin sa langit.

"Ang aga yata ng lahat," mahina niyang bulong at inilipat ang atensyon sa ibaba.

Mula sa ere ay nakikita niya ang mga taong imbis na tumakbo'y nakuha pang i-video ang papalapit na tubig sa kanila o di kaya'y mas pinili pang kunan siya ng picture para i-post sa mga social media dahil may lumilipad na tao sa ere kahit wala naman itong jetpack na suot. Lalo lang nabuwisit si Ep-ep dahil may mga tao talagang hindi marurunong gumamit ng kokote.

"Wala ba kayong interes mabuhay nang matagal, ha?" sigaw niya sa mga tao. "Bakit ang daming tangang suicidal sa Pilipinas?!"

Trumiple ang pagkadismaya ni Ep-ep dahil tama ang sinabi niya: katangahan nga talaga ng tao ang papatay sa lahat.

Huminga nang malalim si Ep-ep at mariing pumikit. Idinipa niya ang mga kamay nang higit pitumpung metro na lang ang layo ng isandaang metrong taas na tubig sa tabi ng baybayin ng Maynila.

Ang mabilis na pagdating ng tubig ay dahan-dahang bumagal.

Binalot ng mataas na anino ang baybaying sapat na upang takpan ang araw.

Lumakas ang panginginig ng mga braso ni Ep-ep habang naglalabasan ang mga ugat niya magmula sa pulso paakyat sa braso hanggang sa leeg. Tumulo ang dugo sa magkabilang tainga niya, maging sa ilong din.

Biglang huminto ang paggalaw ng tubig at nahinto ang mataas na pader ng tubig na nagdadala ng mga barkong pangisda.

Umawang ang bibig ng lahat ng taong naroong hindi mabitawan ang hawak na mga gadgets habang nakatingin at kinukuhanan ng video para i-livestream ang pagkataas-taas na tubig na sana'y mananalasa sa lugar.

Mula sa itaas ng daang metrong taas ng tubig ay unti-unti itong nagiging usok at biglaang tumaas ang temperatura sa buong paligid.

Binalot ng makapal na usok ang buong baybayin at bumagsak ang mga barko sa natitirang parte ng katubigan at nakagawa ito ng malakas na pagyanig ng lupang agad na nagpabiyak sa sementadong kalsada sa baybaying dagat.

Napuno ng malalakas na sigawan sa lupa. Sa mga oras lang na iyon naisipan ng mga tao na tumakbo para sa mga buhay nila.

Tatlong malakas na pintig ng puso ang kanyang narinig mula sa sarili at agad siyang nawalan nang malay. Naibagsak ni Ep-ep ang mga braso at mabilis ang naging pagbulusok niya pababa sa lupa. Panandaliang huminto ang pagtibok ng kanyang puso maging ang kanyang paghinga. Sinalo siya ng isang malaking berdeng payong na pagmamay-ari ng isang sikat na kapihan bago siya tuluyang bumagsak sa mesa sa ilalim nito.

Panandaliang katahimikan kay Ep-ep sa gitna ng kaguluhang bumabalot sa kabayanan.

Pansamantalang kamatayan mula sa isang taong makapangyarihan.

Sampung segundo.

Tatlumpung segundo.

Umabot ng isang minuto.

Isang minutong pagpanaw sa lupa bago ang muling pagbabalik.

Nanumbalik ang matining na tunog.

Naririnig na muli ni Ep-ep ang lahat nang magbalik ang tibok ng kanyang puso at malalabong sigaw ang pumapasok sa kanyang pandinig. Bahagya niyang idinilat ang mga mata at muling pinunasan ang ilong na dumugo na naman. Matagal na panahon na rin noong huli niyang ginamit ang ang buo niyang kakayahan kaya hindi na rin sanay ang katawan niya sa pag-inda ng matinding paggamit ng kanyang kapangyarihan.

"D-dapat talaga..." Hinihingal at bumangon na siyang muli upang tingnan ang baybaying dagat. Nanlalabo pa ang kanyang paningin dahil sa makapal na usok ngunit nakikita niya ang resulta ng ginawa. Nagtambakan ang mga barko sa harapan ng baybayin at durog na halos ang malaking bahagi ng kalsada kung nasaan siya. "Ay, buhay talaga, oo."

Inayos niya ang sarili at binalikan na si Kristin Nuevo. Bahagyang bumagal ang paglipad niya pabalik sa bubungan ng convention center kung saan niya iniwan ang babae. Walang diretsong linya ang kanyang paglipad at pagtapak ng paa niya sa bubong ay muntik pa siyang matumba.

"Mr. Maranzano!" Lumapit agad si Kristin at inakay si Ep-ep. "Sigurado ka bang ayos ka lang? Mukha ka nang mamamatay!"

Gumawa naman ng OK sign si Ep-ep at tumango. "Puwede bang ipako na lang din ako sa krus? Lugi ako e." Natawa nang mahina si Ep-ep at pinunasan ng manggas niyang puti ang dugo sa ilong na ayaw tumigil sa pagtulo. "Hirap umasikaso ng mga gaya ninyo! Literal na dinudugo ako sa trabaho ko!"

Binuhat ni Ep-ep si Kristin Nuevo at kahit na pagewang-gewang pa sila'y nagawa pa rin niya itong ibaba nang maayos sa lupa kung saan nagkakagulo pa rin ang mga tao.

"Tulungan mo sila," nanghihinang pakiusap ni Ep-ep kay Kristin habang tinuturo ang mga taong nagkakagulo.

"Tulungan sila?" Inilibot ni Kristin ang paningin at lahat ng naroon ay nagmamadaling iligtas ang kani-kanilang mga sarili. Ibinalik niya ang tingin kay Ep-ep "Hindi ako superhero gaya mo! Hindi ko kayang iligtas ang lahat ng tao, okay? Huwag kang makiusap sa akin!" reklamo ng babae.

"Hindi mo kailangang maging gaya ko. Gawin mo lang ang tama, maililigtas mo ang buhay nila... hindi man ng bilyon pero ng nakararami." Inilabas ni Ep-ep ang pocketwatch na naglalaman ng mukha ni Clementina. Kinuha niya ang palad ni Kristin at ibinigay ang pinakamahalaga niyang kayamanan rito. "Ingatan mo si Clementina. Babalikan ko siya pagkatapos nito."

"Clementina?" takang tanong ni Kristin at tiningnan ang mamahaling orasan sa kamay.

"Ililigtas ko muna ang pamilya niya," pagpapatuloy ni Ep-ep. "Pagkatapos kong iligtas ang mga taga-Santa Katarina, gagawin ko na ang sinaasad sa propesiya. Ang bulalakaw na iyon ang gumawa nitong mga kalamidad... pipigilan ko na iyon kung iyon ang gusto mo."

"Ha?" Pinanood naman ni Kristin si Ep-ep na muling umangat sa ere at hinanda ang sarili sa paglipad. "P-pero ang sabi mo, mamamatay ka! Hoy! Mukhang hindi ka pa okay!"

Hindi naiwasan ni Ep-ep ang matuwa. "Himala, naisip mo iyan. Salamat sa pag-aalala."

Malakas na hangin ang bumalot sa lugar na iyon nang bilisan ni Ep-ep ang paglipad patungo sa Santa Katarina.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top