Ikaapat na Kabanata
Unedited po ito...
Ikaapat na Kabanata
Tulala lang si Ep-ep habang nakatingin sa mala-modelong babaeng nakikita niya. Hindi siya makapaniwala sa nasisilayan ng kanyang mga mata.
"Clementina?" mahina niyang tawag dito.
"Ikaw ba si Juan Francisco Caltagirone Patriarca Maranzano?" tanong pa nito.
"Ako nga."
"Kristin Nuevo," pagpapakilala ng babae. "Mukhang hindi naging maganda ang pag-uusap ninyo ng board members. Pwede ka bang makausap nang personal? Hindi ako tumatanggap ng sagot na hindi at ayoko."
Napangiwi si Ep-ep dahil nalito rin siya sa sinabi ni Kristin. May pagpipilian naman siya, wala nga lang sa nabanggit.
Nagpunta ang dalawa sa pinakamalapit na waiting area ng malaking gusali kung saan sila naroon. Tanaw sa pwesto nilang dalawa ang overlooking ng buong siyudad, ang maaliwalas na langit at ang taas ng ikapitong palapag ng SEC.
Asiwang-asiwa si Ep-ep sa suot niyang gula-gulanit. Nahihiya siya dahil pakiramdam niya ay nakahubad siya sa harap ng kanyang matalik na kaibigan. Matagal na siyang walang ligo kaya triple ang hiya.
"Pasensya na sa suot ko. Hindi ako na-orient," katwiran ni Ep-ep na kanina pa kamot nang kamot sa ulo niyang nalalaglagan na ng balakubak. Nakataas lang ang kilay ni Kristin sa kanya habang nakahalukipkip ito. Napayuko na lang siya dahil sa natanggap niyang reaksyon mula sa babae.
"Ang sabi sa research namin at sa ilang intelligence reports, may super powers ka," pagsisimula sa kanya ni Kristin. "May ancient prophecy tungkol sa asteroid at sa pipigil no'n. Given na ang asteroid, ang pipigil na lang ang kailangan. At ikaw lang, higit sa lahat, ang may kakayahang pigilan iyon." Itinuro nito ang langit kung saan makikita ang bukod tanging bituin na nakikita nila kahit tirik ang araw.
Tinitigan ni Ep-ep ang tinuturo ni Kristin at inisip na mukhang alam na niya ang gustong puntuhin ng babaeng kamukhang-kamukha ni Clementina.
"Obligado kang iligtas ang lahat ng tao mula sa nalalapit na katapusan ng mundo, Mr. Maranzano. Hindi magtatagal, malalaman na ng lahat ang tungkol sa bulalakaw na iyon, at dapat ngayon pa lang, nakikita mo na kung gaano kalaki ang gulo na idudulot no'n sa sanlibutan."
"Mamamatay ako kung gagawin ko ang inuutos ninyo." Inilipat ni Ep-ep ang tingin kay Kristin at muling nagtagpo ang mga mata nila. "Alam mo ba ang tungkol sa propesiya? Darating ang oras na babalutin ng kasamaan ang buong daigdig. Bubuhayin ang nilalang mula sa purong kasalanan ng lahat ng nabubuhay sa mundo na siyang magliligtas sa sanlibutan. Paulit-ulit na magdadala ang langit ng papatay sa lahat ng makasalanan hangga't hindi natututo ang mga taong balansehin ang pagiging mabuti at masama. Buhay kapalit ng buhay ang tinutukoy sa propesiyang sinasabi mo. Kung kilala mo si Hesus, baka may ideya ka na."
Nanatiling blangko ang ekspresyon sa mukha ni Kristin. "Kilala ko si Hesus, at gaya niya, kailangang may magsakripisyo, Mr. Maranzano. Hindi naman siguro kawalan ang isa na tutumbas sa buhay ng bilyon."
Napakuyom ng kamao si Ep-ep. Nakagat niya ang ibabang labi. Napuno siya ng lungkot at kaunting galit. Hindi niya binitawan ang titig ni Kristin sa kanya. Nakikita niya ang reaksyon nito ang kakulangan ng damdamin. Sa isang iglap lang ay parang pinatay na rin nito ang puso niya at masakit iyon sa kanyang parte.
"Miss Nuevo," malungkot na pagtawag ni Ep-ep, "may mga buhay na hindi kayang tumbasan ng bilyong tao. Kung para sa iyo, hindi kawalan ang buhay ng isa, para sa akin ang buhay ng isang taong mahalaga ay malaking kawalan."
Umasa si Ep-ep ng kahit kaunting pagsisisi sa mukha ng kausap. Kahit bawiin man lang nito ang binitawang salita, kaso wala siyang napala. Ni isang salita wala.
"Alam mo, kamukha mo ang best friend ko. Mahal ko 'yon. Mahal na mahal ko 'yon. Isusuko lahat para sa kanya. Papatay ako para sa kanya. Gagawin ko ang lahat para sa kanya," malungkot na sinabi ni Ep-ep. "Kaso, wala na siya. Pinatay kasi siya noong huling beses kong iniligtas ang mundo mula sa muntik nitong pagkawasak. Pinatay siya... ng mga taong sinasabi mong kailangan kong iligtas."
Tumayo na si Ep-ep at bumuga ng malalim na hininga para lang pigilan ang galit na nais kumawala sa kanya. "Iniligtas ko ang buong mundo na may bilyong tao noon. Kaso, hindi ko nailigtas ang mundo ko na binubuo lang ng nag-iisang taong pinapangarap ko. Sa tingin mo, sino ang nawalan, hmm? Sino ang kawalan?"
Tinalikuran na ni Ep-ep ang kausap dahil pakiramdam niya'y kailangan niya iyong gawin. May kung ano sa loob niya na nais manakit dahil may inaasahan siya.
Nakita niya sa babaeng nakausap ang babaeng halos replika na ni Clementina... ngunit siya'y nabigo.
Nabigo sa dahilang hindi iyon ang Clementina na nakilala niya.
Si Kristin Nuevo. Babaeng may tinging hindi kumikilala ng halaga ng buhay ng isang tao. May kilos na puno ng pagmamataas. May tono ng pagsasalitang sanay na sanay na nag-uutos at hindi maaaring suwayin. May pusong hindi marunong makaramdam.
Umalis siya sa gusaling pinagdalhan sa kanya ni Mr. Kleen. Wala na rin namang dahilan upang magtagal pa roon.
Kaya niyang lumipad ngunit hindi niya ginagawa. Mas gusto niyang nilalakad ang lupa para lang malamang parte siya ng mundo at maramdamang hindi siya naiiba.
Nilalakad niya ang sementadong daan. Uuwi siya, hindi nga lang niya alam kung saan. Dumarating din siya sa puntong nililito siya ng damdamin sa tunay na lokasyon ng kanyang tahanan. Nakikita niya ang sariling imahe sa mga salaming dingding ng matataas na gusaling nakapaligid sa kanya. Sinasalamin ng magagarang istruktura ang buhay ng mga bigating tao na hindi basta-basta nakakanti. Kaiba sa kabilang parte ng pinaninirahan niya kung saan laganap ang kahirapan. Maraming maysakit, bihira ang senyales ng kaunlaran, mga bahay na pinagtatagpi-tagpi lang, at doon nananatili ang buhay niyang hirap siyang iwanan.
Saglit niyang tiningala ang nagtataasang mga building na sumisimbolo ng papausbong na kaunlaran ng bansang pinaninirahan niya. Mga simbolong sapat na ang taas upang maliitin siya.
Agad niyang tiningnan ang sarili sa mga salaming dingding.
Gusgusin. Mukhang basura. Pasok ang hitsura niya sa pagiging taong-grasa. Kung may pageant para sa mga taong itatatwa ng lipunan, malaki ang tyansa niya para sa maaaring mapanalunan.
"Tabi! Tabi! Huwag kayong humarang sa daan!" sigaw ng isang lalaking tumatakbo. Nasa mukha nito ang pagmamadali. Marumi ang suot nito at gula-gulanit—gaya ng suot ni Ep-ep. Kapansin-pansin ang dala nitong kumikinang na ladies bag. Kahit hindi na magtanong pa, alam na ni Ep-ep kung ano ang kaganapan. "Sabi nang tabi! Lintik!" Itinulak nito si Ep-ep para lang makalampas.
May krimeng nagaganap. Parte ng buhay sa mundo ang krimen. Lahat ng tao ay kailangang mabiktima—iyon kasi ang batas ng buhay. Kaya nga nagkaroon ng husgado at mga pulis. Kailangang magkaroon ng masama upang magkaroon ng mabuti.
Sinundan lang ni Ep-ep ng tingin ang lalaking tumatakbo upang matakasan ang pulisya. Napailing siya at nahagip ng kanyang tingin ang kung anong makinang sa paanan niya. Agad niya iyong dinampot at isang kuwintas pala ang kanyang pinulot.
"Iyan! Mamang Pulis, kasabwat 'yan!" sigaw ng isang babaeng napakaganda ng suot na damit at nagkikinangan ang alahas sa katawan. Dali-dali nitong nilapitan si Ep-ep at buong lakas niyang hinapuras ito sa ulo gamit ang palad. "Mga hayop talaga kayo! Mga wala kayong kaluluwa! Mga walang kwenta!"
Tiniis lang ni Ep-ep ang sapok na iyon mula sa babae. Hindi man sa pisikal ang tama ngunit sa emosyonal na aspekto. Buong galang pa rin niyang inabot ang kwintas dito kahit na punung-puno ang mukha nito ng galit.
"Sa inyo ho ba itong—?" Hindi niya natapos ang kanyang sinasabi nang magdatingan ang mga tao sa kanyang paligid at walang anu-ano'y kinuyog siya ng mga ito. Nabitawan niya ang hawak at agad na bumagsak ang katawan niya sa lupa dahil sa ilang pagtulak.
"Ang laki-laki ng katawan mo pero hindi ka lumalaban nang patas!"
"Hayop!"
"Walang kwenta!"
"Dapat sa 'yo pinakukulong!"
"Kuyugin na 'yan!"
Samu't saring masasakit na salita ang natanggap ni Ep-ep sa mga galit na taong bumubugbog sa kanya—walang-wala kumpara sa pisikal na sakit na natitiis niya.
Hindi niya alam kung bakit ba siya kailangang bugbugin ng mga taong iyon.
Hindi niya makita ang kasalanan niya.
Hindi niya maintindihan kung bakit napaka-brutal ng mga taong hindi marunong makinig at umunawa ng sitwasyon.
Hindi niya maintindihan kung bakit niya kailangang iligtas mula sa pagkawasak ang mga taong gaya ng mga bumubugbog sa kanya.
Isang pito ang umalingawngaw at nagpahinto sa ilan sa pangunguyog nila.
"Tama na 'yan! Tama na 'yan!" Isang pulis at isang guwardiya ang pumigil sa mga galit na tao sa pambubugbog kay Ep-ep. Inakay nila ito patayo dahil inaasahan nilang hindi na ito nakagagalaw pa.
"Kaya mo pang tumayo?" tanong ng pulis na hindi mawari kung nag-aalala ba o nagtatanong lang para hindi na mahirapan pang umakay.
"Wala akong kasalanan..." malungkot na sinabi ni Ep-ep habang nakatulala.
"Sa presinto ka na lang magpaliwanag."
Marahas na hinatak ng pulis ni Ep-ep kaya natisod siya sa tinatapakang kalsada. Hindi sinasadyang nahulog ang pocket watch sa butas na bulsa niyang may larawan ni Clementina.
"Sandali!" sigaw ni Ep-ep kaya napahinto ang lahat. Dadamputin sana niya ang nalaglag na orasan nang kuhain ito ng babaeng sumapok sa kanya.
"Akin 'to! Huli ka na, magnanakaw ka pa rin!" sabi pa ng babae at muntik nang ibulsa ang pocket watch.
Agad na nagdilim ang paningin ni Ep-ep at umapaw ang matinding galit sa loob ng sistema niya.
"Huwag mong pakikialam ang orasan ko!" malakas niyang sigaw at malakas na hangin ang dumaan sa kanila.
Napatakip ng mukha ang lahat. Napaatras pa nang bahagya dahil sa hangin. Gumapang sa mga bintana ng sasakyan at salaming dingding ng mga gusali ang naglalakihang mga basag.
Mabilis na hinalbot ni Ep-ep ang pocket watch niya sa babaeng umaangkin nito. Itinutok niya ang palad niya rito at ilang sandali pa'y umangat sa lupa ang ginang.
"A-Anong...? Tulong... tulong! Tulong!" tili ng babae sa mga taong nakapaligid sa kanila. Buong lakas na ibinaba ni Ep-ep ang kamay niya at kasabay no'n ay ang pagbagsak sa lupa ng babae. Itinaas niya muli ang kamay at umangat na naman ito sa hangin. Muli, ibinaba niya ang kamay kaya sumunod ang katawan ng ginang at bumagsak na naman sa kalsada. Halos bumaon ito sa sementadong lugar na tinatapakan nila at ilang sandali pa'y unti-unti nang naglalabas ang katawan nito ng naghalong pula at buong itim na dugo.
Ang mga taong kumukuyog kay Ep-ep at ang pulis na humuli sa kanya ay umatras na upang lumayo.
"Walang gagalaw kay Clementina." Kinuyom niya ng palad ang pocket watch niya at binigyan ng napakatalim na tingin ang lahat ng nakapaligid sa kanya. "Isang beses pang kunin n'yo si Clementina sa akin, hindi na ako magdadalawang-isip pang tapusin kayong lahat. Naiintindihan ninyo?"
"Mr. Maranzano!" malakas na tawag ng isang babae mula sa malayo.
Bahagyang lumingon si Ep-ep sa likuran niya.
"Mr. Maranzano, sandali!"
Hindi na pinansin pa ni Ep-ep ang tawag na iyon at mabilis na lang na naglakad paalis sa kinaroroonan niya.
JWv$?v
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top