Ikaanim na Kabanata
Unedited version po ito :)
Ikaanim na Kabanata
Alas nuebe ng gabi at rinig na rinig ang tunog ng pagkukumpuni ni Ep-ep sa bubong ng second floor ng bahay ni Aling Nita na nabutas pagtalon niya tanghali ng araw ring iyon. Kapag humihinto siya, tiyan naman niyang nananawagan ng hustisya ang kanyang naririnig.
"It means no worries for the rest of your days. It's a problem-free philosophy... Hakuna Matata." Pakanta-kanta pa siya habang tinatapalan ng kahoy at piraso ng yero ang butas. Alam niyang pagbaba niya'y makakakain na rin siya dahil naamoy na niya ang masarap na menudo ni Aling Nita.
Samantala, sa isang kanto ng kalye kung saan nakatirik ang bahay ni Aling Nita, nakatayo ang isang estrangherong namumuo na ang pawis sa sentido at noo dahil kalagitnaan ng tag-init ay nakuha pang magsuot ng itim na leather jacket, itim na turtleneck, itim na pantalon at balat na botang may balahibo pa. Dinagdagan pa ng itim na face mask at shades na nakakahiya naman sa kadiliman ng puwesto niya. Nasa likod siya ng sementadong posteng iniilawan ng papatay-patay na bumbilyang dilaw na mga taga-Santa Katarina na lang ang naglagay kahit nagbabayad naman sila ng buwis.
Isang oras na siyang naroon at pinanonood si Ep-ep sa ginagawa nitong pagkukumpuni.
"Alis," sabi niya habang nakatingin pa rin kay Ep-ep sa taas. Isang minuto ang lumipas at nagsalita na naman siya. "Alis sabi." Sinilip niya ang relo. "Sabi nang alis! Ano ba?" Pigil ang lakas ng boses niya dahil gabi na at nagsisimula nang tumahimik sa lugar. Tiningnan niya nang masama ang batang lalaking nakatingin sa kanya ilang minuto na habang nakatambay siya roon.
"Iihi po ako," sabi ng bata.
"E di umihi ka! Bakit nakatingin ka pa sa 'kin?"
Itinuro ng bata ang poste. "Diya'an po ako iihi. Ihian po kasi namin d'yan."
Tiningnan niya ang poste, sunod ang bata. Poste ulit pagkatapos ay ang bata. Nakaramdam siya ng kaunting pagkapahiya at kahit hindi magsalita'y gusto na niyang iuntog ang sarili sa posteng katabi. Naisip niya: kaya pala kumukurot sa ilong ang amoy sa pwestong iyon kahit naka-mask na siya. Ihian... at naroon siya isang oras na.
"Fine!" masungit na sabi niya, at saka siya tumalikod upang umalis doon habang pinananatili ang matalim na tingin sa bata. "Peste. Tsk!" Hindi pa man siya nakaka-tatlong hakbang ay napaatras siya agad nang makita si Ep-ep na bumulaga sa harapan niya. "Oh, sh—!"
"Kanina pa kita nakikita sa taas," pagsisimula ni Ep-ep. "Fan ba kita? Stalker?"
"Excuse me!" Hinubad niya agad ang shades at tinaasan ng kilay si Ep-ep. "Fan? Stalker? Ako?"
"Uy!" Napapalakpak si Ep-ep at saka natawa nang may kalakasan. "Kristin Nuevo! Wow!"
Nanlaki agad ang mata ng estrangherong itago na lang natin sa pangalang Kristin Nuevo at agad na ibinalik ang shades niya. Nakaramdam siya ng dagdag na pagkapahiya dahil nabisto na siya ng pakay.
"Alam mo, huli ka na, ganda. Saka, hanep ka sa outfit! Incognito mode on!" Hindi mawala ang ngisi ni Ep-ep habang hinahagod ng tingin si Kristin. "Para kang kampon ni Blade! Bampira ka ba? Ang lamig ngayon, 'no?"
Kahit napapahiya na, pinanatili ni Kristin ang finesse niya, taas-noong inalis ang mga takip niya sa mukha at tinaasan ng kilay si Ep-ep.
Unti-unting nabawasan ang ngisi ni Ep-ep at simpleng ngiti na lang ang makikita sa labi niya habang nakatingin kay Kristin.
"Mas maganda ka sa gabi," sabi ni Ep-ep, hindi sinasadyang lumabas sa bibig ngunit sinsero naman kung paaamining totoo iyon.
"I don't have time for your one-liners, Mr. Maranzano," mataray na sinabi ni Kristin at nagpamaywang.
"Pero may oras kang panoorin akong mag-ayos ng bubong." Saglit na nilawayan ni Ep-ep ang kanang hinlalaki at ipinangsuklay sa kaliwang kilay niya sabay kindat kay Kristin. "Type mo 'ko, 'no? Tsk! Ang gwapo ko talaga. Sabi na nga ba, crush mo 'ko e. Can't resist, huh? Talagang dinalaw mo pa ako rito." At natawa na naman siya at bahagyang itinaas ang kanang kamay. "Na-touch ako, promise! Saka na 'yung autograph. Private person ako e."
Pinaikutan na lang si Kristin ng mata si Ep-ep sabay iling.
"Maliban sa akin, ano pala'ng gusto mo't naligaw ka sa Santa Katarina?" muling tanong ni Ep-ep.
"Save the world, that's what I want," puno ng pagmamataas na sinabi ni Kristin sabay lakad paalis.
"Pa'no kung ayoko?" tanong ni Ep-ep nang malampasan na siya ng babae.
Huminto si Kristin. "Wala ka nang magagawa, Mr. Maranzano. Nakalagay sa propesiya na wala kang magagawa kundi gawin ang gusto ko."
"Gawin ang gusto mo?" Napangisi si Ep-ep at tumalikod para tingnan ang babae. "Wow! Akala ko, kumpiyansa ko lang ang mataas. Ibang lebel pala ang sa iyo. Bakit? Sino ka ba para sundin kita, ha?"
Dahan-dahang napapangiti si Kristin at agad niyang nilingon si Ep-ep. "I'm Kristin Nuevo, and I know, sa likod ng pagmamatigas mo, hindi pa rin no'n mababago ang katotohanang hindi mo makakayang umupo lang sa isang tabi habang alam mo sa sarili mong may magagawa ka."
Naging blangko ang reaksyon ni Ep-ep dahil sa sinabi ni Kristin.
"Isinilang kang superhero, Mr. Maranzano. Matutulog kang superhero, magigising kang superhero, kakain kang superhero—iyon ka. Alam ko ang ginagawa ng mga masasama, at kahit na mabilang pa namin ang mga krimeng nagawa mo, kahit balutin mo ang sarili mo ng dumi, kahit itago mo ang sarili mo sa kinalimutang lugar na ito, hindi pa rin no'n mababago ang katotohanang superhero ka pa rin. Kami ang nagbigay ng kapangyarihan mo, hindi ikaw... at alam kong alam mo 'yan."
At nagpatuloy na sa paglalakad si Kristin sa bagong palitadang kalsada ng Santa Katarina, iniwan si Ep-ep na nakatingin lang sa kanya. Unti-unti, naglaho na sa dilim si Kristin sa dulo ng kalsada at hindi na natanaw pa.
Napailing si Ep-ep at bumuga ng hangin. Nagpamaywang at hinawi agad ang malagkit pa ring buhok.
"Akala ko pa naman mayaman siya. Wala ba siyang dalang van o kaya bike man lang? Nakakapagod kaya lakarin 'tong lugar namin papuntang SEC," bulong niya at tinungo na agad ang pabalik sa bahay ni Aling Nita.
***
"Ano na ba'ng balak mong gawin sa buhay mo, ha, bata ka? Puro ka kulong sa kwarto mo! Hindi ko malaman kung sa'ng impyerno mo kinukuha ang mga binibigay mo rito sa bahay na 'to! Saang lupalop mo nakukuha ang mga pera mong bata ka, ha? Hindi ka pa nga naglilinis ng banyo! E di ba ang sabi ko na sa 'yo kanina maglinis ka! Saan na 'yung nilinisan mo? Buti pa 'yung kulungan ng baboy, nalinisan! Itong bahay hindi! Alam kong nagbibigay ka ng pera sa 'min pero ako pa rin ang nagpapakain sa iyo!"
Sampung minuto nang umaariba ang boombastic na bibig ni Aling Nita habang ine-enjoy naman ni Ep-ep ang hapunan niya. Pinupuri nito ang pagbibigay niya ng pera sa mga nakatira sa bahay na tinitirhan niya habang nilalait siya at ang katamaran niya dahil wala siyang ibang ginawa kundi manood at manood na lang ng mga saved videos at re-runs na naka-save sa kanyang USB.
Malaki ang problema ng mundo pero sa tingin niya'y wala nang tatalo pa sa problema ni Aling Nita na sapat na para wasakin ang mundo ng kahit sinong matapatan ng bibig nito.
"Juan Francisco! Ikaw na bata ka, hindi ka na naman nakikinig!"
Humapuras na naman ang makapangyarihang sandok sa ulo ni Ep-ep.
"Tapos na po akong kumain, mahal na reyna. Maghuhugas na po ako ng kinainan." Dinala ni Ep-ep ang plato at baso niya sa lababo na may lamang pinagkainan ni Aling Nita at ni Georgie. Nagbingi-bingihan na naman siya dahil wala nang bago sa reklamo ng kapatid ni Clementina. Mabilis niyang hinugasan ang lahat ng gamit sa lababo at iniligpit.
"Mamamatay ako nang maaga sa konsumisyon dahil sa iyo! Naku ka talaga, oo!"
Saglit niyang nilingon ang likod at nakitang wala na si Aling Nita. Isang ngiti ang nabuo sa labi ni Ep-ep at mabilis na naghilamos ng maruming mukha.
Masyadong matagal ang araw na iyon para kay Ep-ep, at pasado alas onse na ng gabi nang muli niyang masilayan ang kanyang kwarto. Binuksan niya ang ilaw at muling nakita ang maliit niyang tahanan. Una niyang nakita ang bote ng Royal na tinamad nang salinan ng tubig bago siya umalis ng bahay.
Doon sa silid na iyon nakakulong ang buhay niya. Doon niya pinanatili ang sarili sa loob ng apat na taon mula nang ampunin siya ni Aling Nita. Isinara niya ang pinto, pinatay muli ang ilaw at humilata sa kama. Sinilip ang maliit na bintana sa ulunan at saka tinakpan ang mata.
"Masama kang tao! Kriminal ka, pumapatay ka ng inosente, nagnanakaw ka, isa kang malaking makasalanan! Baka lang gusto mong gumawa ng kabutihan pakunswelo na lang sa mga kasamaan mo."
Hindi maiwasang hindi niya iyon isipin dahil kapag naririnig niya ang ganoong katwirang ay nanliliit siya. Alam niya sa sarili niyang hindi siya masama. Pinilit lang siya ng mga tao na maging ganoon dahil kasalanan din nila ang lahat.
"Obligado kang iligtas ang lahat ng tao mula sa nalalapit na katapusan ng mundo, Mr. Maranzano."
Obligasyon: isang pangangailangang ibinibigay, ginagawa o hindi ginagawa. Obligasyon ng taong iligtas ang mundo hindi lang siya. At kung tutuusin, hindi nga siya purong tao dahil hindi naman normal ang mga nagagawa at kakayahan niya.
"Kailangang may magsakripisyo, Mr. Maranzano. Hindi naman siguro kawalan ang isa na tutumbas sa buhay ng bilyon."
Gaano nga ba kalaking kawalan sa karagatan ang isang patak ng tubig?
Magkasing-halaga na lang ba ang buhay niya at buhay ng bilyong tao?
Kung ganoon ba ang labanan, masasabi ba niyang mahalaga siya? At kung oo nga, mahalaga pa ba siya kung trip ng buong mundong ipasagupa siya sa asteroid na papatay sa kanila?
"Isinilang kang superhero, Mr. Maranzano. Matutulog kang superhero, magigising kang superhero, kakain kang superhero—iyon ka."
Alam ni Ep-ep na super siya, pero hindi niya tinatanggap ang pagiging hero. Sa dami ng pwedeng gawing bayani sa mundo, mas mabuting sa iba na lang nila ialay ang titulo.
Dinukot niya ang pocketwatch sa bulsa at tinitigan ang larawan ni Clementina.
"Tin, may nakilala akong kamukha mo kanina," bulong niya. "May nunal nga lang siya sa ilalim ng mata saka mas pantay ang ngipin kaysa iyo. Mukha rin siyang pang-Asia's Top Model kaso may attitude. Pero 'wag kang magselos sa kanya kasi hindi pa naman kami friends. Alam mo naman na ikaw pa rin ang love ko." Ngumiti siya at itinabi sa ulunan ang pocketwatch. "Good night, Clementina. Kung hindi ka nila pinatay, hindi na siguro ako magdadalawang-isip na gawin ang pinagagawa nila."
�=/��n
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top