Ika-labintatlong Kabanata
Ika-labintatlong Kabanata
Isinama ni Ep-ep si Aling Nita sa grupo ng mga taga-Santa Katarina na inililikas na ng mga sundalong naatasang tumulong sa mga mamamayan ng bansa.
Limang oras na ang nakalilipas pagkatapos ng nakalulungkot na nangyari kay Ningning. Wala nang tao sa mga kalsada. Tahimik. Iba ang ihip ng hangin gaya ng nakasanayan.
Balisang-balisa si Ep-ep habang nilalakad ang sikat na EDSA na sa mga oras na iyon ay napakaluwag at bakas ang resulta ng lindol na naghati sa iba't ibang bahagi ng kalsada. Papalubog na ang araw at maganda ang tama ng malungkot na kulay kahel na liwanag sa dinaraanan niya.
Gumuho na ang malaking bahagi ng Maynila. Nagkalat ang mga patay na katawan sa paligid. Pinaliligiran si Ep-ep ng mga patunay na papalapit na ang katapusan—hindi man sa mismong araw na iyon, kundi alam niyang malapit na.
Huminto siya sa paglakad. Dahan-dahang inangat ang sarili sa hangin at tumuntong sa pagiba nang flyover kung saan maraming mga sasakyan ang nagkarambola. Amoy gasolina at nagtatalo ang mainit na singaw ng lupa mula sa ibaba at lamig naman sa itaas.
Pansamantala siyang umupo sa nagsisilbing harang ng flyover at tinanaw ang araw na unti-unti nang naglalaho gaya ng kanyang pag-asa.
Isang malalim na buntong-hininga. Kinapa niya ang bulsa para hanapin si Clementina. Napapikit si Ep-ep dahil wala ang kanyang orasan. Kinagat niya ang labi dahil kung kailan niya kailangan ang tangi niyang pinagkukuhaan ng lakas ay saka pa ito wala sa kanyang kamay.
Muli niyang tinitigan ang papalubog na araw at binalot ng lungkot ang kanyang buong pagkatao.
Gaano nga ba kasaya ang mag-isa kung ang lahat ng tao ay walang ibang idinudulot kay Ep-ep kundi puro problema?
Maraming tumatakbo sa isip ni Ep-ep. Sa sobrang dami'y hindi na niya maisa-isa pa ang mga iyon kung ihahambing sa salita.
Tumingala si Ep-ep at tinanaw ang pinakamakinang na bituin sa langit na sinasabing papatay sa lahat ng makasalanan sa mundo—mga taong kailangan niyang iligtas mula sa katapusan ng lahat.
"Hindi ako nagdadasal, alam mo 'yan," sabi ni Ep-ep sa langit, pinatutungkulan ang Diyos na pinaniniwalaan niya. "Mula pa sa panahon nina Adan at Eba, gustong-gusto mo talagang pinarurusahan ang lahat ng hindi sumusunod sa iyo. Alam kong makasalanan itong mga tao rito sa lupa pero..." Saglit na ngiti at nagpalit sa pagkadismaya ang mukha. "Pero sana binigyan mo rin sila ng pagkakataon. Kahit si Ningning sana... kahit yung bata man lang sana pinagbigyan mong mabuhay. Sana hindi mo na dinamay yung bata!" galit niyang sigaw at marahas na ikinumpas ang kamay niyang nakapagpalipad ng sasakyang nagkarambola sa flyover. "Inosente pa 'yon! May kinabukasan pa 'yon! Hindi ka ba talaga marunong mamili ng kukunin, ha?"
Patuloy sa pagpatak ang luha ni Ep-ep habang pinupuno ng galit ang damdamin niya.
Bumaba si Ep-ep sa kinauupuan at binabalot na siya ng poot sa itaas. "Kung papatayin mo lahat, patayin mo na lang lahat!" Idinipa niya ang mga kamay sa hangin at tiningala ang langit. "Kung tatapusin mo kami, tapusin mo na kami! Hindi yung pinahihirapan mo pa ang mga tao! Diyos ka! May kapangyarihan ka! Kung ang bulalakaw na 'yon ang tatapos sa mundo, ihatid mo na yung buwisit na bulalakaw na 'yon dito ngayon na mismo!"
Ibinagsak ni Ep-ep ang magkabilang kamay at nagiba ang malaking parte ng kalsada sa kaliwa't kanang gilid niya dahil sa sariling kapangyarihan.
"Tapusin mo na lahat ng 'to dahil nakokonsensya na ako! Bakit ako, ha? Bakit ako lang? Bakit ako pa ang pinili mong maging ganito? Gumaganti ka ba? Ano ba ang kasalanan ko sa iyo, ha? Kung matapang ka, magpakita ka!"
Muling ikinumpas ni Ep-ep ang kamay niya sa hangin dahilan upang magliparan ang mga sasakyan patungo sa ibabang kalsada sa ilalim niya.
"Ngayon mo ipakita sa akin ang kapangyarihan mo! Ngayon mo ako parusahan dahil naging masama ako! Ngayon mo 'ko patayin! Huwag ka nang mandamay pa ng iba dahil hindi ko na kaya! Hindi ko na kaya!"
Nagpatuloy lang sa pagwawala si Ep-ep at malaking bahagi na ng kalsada ang nasisira niya.
Nakahanap siya ng masisisi maliban sa sarili. Kinakain na siya ng magkakahalong lungkot, pangamba at kawalang pag-asa. Nilulukob na siya ng poot dahil wala siyang kuwenta. Nararamdaman na niya ang pagiging mag-isa. At sa mga oras na iyon ay bumibigay na siya.
Kinakain na siya ng katotohanang tinatalo na siya ng sarili niya mismo. Pinapatay na siya sa loob ng kanyang mga pagkakamali. Dinudurog na siya ng lahat ng kanyang kasalanan.
Sampung minutong pagpapahirap sa sarili.
Ilang sandaling oras para sa paninisi.
At ang malakas ay natuto ring mapagod.
Nakaramdam na siya ng lubusang panghihina.
Kasinungalingan ang propesiya. At maling nilalang ang itinakda ng tadhana.
Naupo si Ep-ep sa isang malaking tipak ng semento mula sa pagguho at doon tumulala nang maisipang huminto. Mugto ang mga mata niya habang iniikutan ng napakaraming bagay ang isipan.
Muling umihip ang hangin. Kakaibang lamig ang naramdaman ni Ep-ep.
"Mr. Maranzano."
Napalingon si Ep-ep sa kanan at nakita si Kristin Nuevo na naglalakad papalapit sa kanya. Kumunot agad ang noo niya at napuno ng pagtataka.
"Miss Nuevo?"
"Mr. Maranzano, nailikas na ang karamihan ng mga buhay rito sa Kamaynilaan."
Huminto si Kristin sa paglalakad at pinaghiwalay ang dalawa ng isang metrong distansya.
"Ano ang ginagawa mo rito?" tanong ni Ep-ep.
"Mino-monitor ka pa rin ng samahan namin." Itinuro ni Kristin ang likuran. "Saka ilang metro lang ang layo ng SEC dito. At kanina pa kita nakikita sa mga ginagawa mo."
Walang itinugon si Ep-ep.
Hindi nagsalita si Kristin.
Unti-unti nang nawawala ang araw.
"Ililigtas ko pa ba ang mundo mo?" matinong tanong ni Ep-ep. "May mundo ka pa bang ililigtas ko?"
"Kung hihilingin ko pa bang iligtas mo ang mundo, ililigtas mo nga ba talaga ang mundo?"
"Hindi ko kasalanan ang lahat ng nangyari."
"Hindi kita sinisisi, tinatanong lang kita kung gagawin mo nga ba ang pinapakiusap ko."
Agad na nag-iwas ng tingin si Ep-ep. Bahagyang tumungo. Alanganing umiling at nanatili ang dismayadong mukha.
"Marami nang namatay," mahinang sabi ni Ep-ep. "Kung gaano sila karami, ganoon karami ang hindi ko nailigtas. Bawas na ang bilyong taong gusto mong iligtas ko. Maniniwala ka pa ba sa propesiya?"
Lumapit si Kristin Nuevo kay Ep-ep at inabot dito ang pocketwatch na may larawan ni Clementina.
Nagsalita si Kristin. "Nakita ko ang picture sa loob. Kamukha ko yung laman. Iisipin ko sanang asawa mo siya pero ang nakalagay sa civil status sa profile mo sa amin ay single ka."
"Forever single, ilang siglo na," biro sana ni Ep-ep na masyadong totoo para ibanat. Kinuha na lang niya ang pocketwatch at sinilip si Clementina na nakangiti sa kanya.
"Clementina ang pangalan niya, tama? Siya ba yung bestfriend mong pinatay?" tanong ni Kristin. "Maganda siya. Kasing-edad ko lang ba?"
"Kuwarenta anyos siya noong—" Buntong-hininga. "Noong nawala siya rito, twenty years ago na rin 'yon. Malayo ang agwat ng edad ninyo." Inilipat niya ang tingin sa babae. "Salamat sa pagbalik kay Clementina. Ilang dekada ko rin siyang hinanap mula noong kunin siya sa akin."
Tumango na lang si Kristin at nagtanong uli. "Ayos ka lang ba? Pansin ko kanina, ilang beses tumulo ang dugo sa ilong mo." Itinuro ni Kristin ang bandang tainga. "Pati pala sa tainga mo may dugo."
"Buhay pa naman ako. Dumadalas ang pag-aalala mo sa akin a. Nakakahalata na ako sa 'yo."
"Huwag ka nang magsalita pa ng kahit anong nonsense lines. Baka lalo lang akong mainis sa iyo. Nanira ka pang kalsada." Umupo si Kristin sa tabi ni Ep-ep. Itinukod ang mga kamay sa malaking tipak ng bato at tiningala ang langit.
Nangibabaw na naman sa dalawa ang katahimikan.
Sa gitna ng magulong lugar na iyon, nakapahanap sila ng di-inaasahang kapayapaan.
Isang mortal na nagtataglay ng matapang na pusong nangangailangan ng tulong mula sa isang makapangyarihang taong unti-unti nang pinapanawan ng tapang sa loob.
Unti-unti nang nagiging asul ang kahel na langit. Humawi na lahat ng manipis na ulap at lalong lumulungkot ang paligid.
"Juan Francisco Caltagirone Patriarca Maranzano," pagbasag ni Kristin sa katahimikan. "Ang ganda ng laman ng profile mo. Marami kang assets at pwede ka nang ihilera sa mga mayayamang tao sa bansa. Nagulat lang ako sa lagay mo ngayon at sa lahat ng kasong napasok mo. May pangalan ka na, bakit hindi mo ginagamit iyon para kumontrol ng batas?"
"Kaya nga may batas. Para patas ang buhay."
"Hindi patas ang buhay para sa ibang tao. Ano ang nangyari, bakit ka napunta sa Santa Katarina? Maraming mahihirap doon a. Marami ka namang pera para bumili ng sariling bahay."
Ipinakita ni Ep-ep ang pocketwatch. "Dahil sa kanya kaya hindi ako umaalis doon. At may paggagamitan ako ng mga kayamanan ko. Huwag ninyong pakialaman iyon."
Muling tumahimik. Tinanaw ng dalawa ang malinis na langit.
Gumagapang na ang dilim sa kalangitan.
"Kung mamamatay ka ba ngayon, magagalit ka ba sa akin?" tanong ni Ep-ep sa katabi.
Tiningnan ni Kristin ang lalaki na nakatanaw lang sa itaas.
Nagdagdag ng tanong si Ep-ep. "Magagalit kaya sa akin ang mga taong namatay dahil hindi ko sila nailigtas?"
Napansin ni Kristin ang pabigat na pabigat na paghinga ni Ep-ep sa bawat binibitawan nitong salita.
"Magagalit kaya sa akin si Ningning dahil noong kailangan niya ng tulong..." Natahimik si Ep-ep. Itinuro niya ang langit. "Kapag ba nawala iyon, magbabago ba ang lahat?"
Tumingala si Kristin at tinanaw ang makinang na bagay sa langit habang nangingibabaw na ang asul na kulay dahil sa lumubog nang araw. "Hindi ko masasabi. Pero ang ganda niyang tingnan sa langit."
"Tingnan mo ang paligid mo, maganda ba ang nakikita mo?"
Agad na sumeryoso ang mukha ni Kristin Nuevo.
Umalis si Ep-ep sa kinauupuan at tumapak sa sirang kalsada. "Pipigilan ko na yung bulalakaw na 'yon para matapos na ang lahat ng 'to. Hindi ko na kaya lahat ng nakikita ko. Walang maganda sa mundo ko ngayon, pero hindi ko kayang makita ang mundong ito na nasisira dahil mundo rin ito ng mga taong mahalaga sa akin. Ayoko nang dumami ang mga gaya ni Ningning na mamamatay dahil lang ayoko kayong tulungan. Ayoko nang madagdagan ang gaya ni Clementina na mawawala sa akin dahil lang naging pabaya ako. Ayoko nang umupo rito habang tinatanong ang sarili ko kung ano ang mangyayari habang hinihintay na magunaw ang lahat."
Sa huling pagkakataon, tinitigan ni Ep-ep si Clementina mula sa gintong orasan.
"Sana bago ako mawala, makita uli kita."
Huling hiling ni Ep-ep sa tadhana na alam niyang imposible niyang makuha.
Hindi na malinaw ang bagsak ng liwanag. Madilim na sa paningin ang paligid. Walang bumukas na ilaw sa malawak na kalsada ng EDSA.
"Nakapagdesisyon ka na ba, Mr. Maranzano?"
Inilipat ni Ep-ep ang tingin kay Kristin na nakatayo na sa harapan niya at hindi naiwasang maalala ang matalik na kaibigan na kamukhang-kamukha nito.
Makitang muli si Clementina. Posible nga kaya para sa kanya?
"Gaya ng sabi mo, mamamatay ka kapag—"
Hindi na natapos ni Kristin ang sinasabi nang biglang hatakin ni Ep-ep ang kanang kamay niya papalapit dito at niyakap siya nito nang mahigpit.
Kumalansing ang tunog ng nalaglag na orasan sa nawasak na kalsada at si Kristin ay nagitla.
"Pwede bang humiling sa iyo?" bulong ni Ep-ep kay Kristin na pinupuno ng pinakamabigat niyang pakiusap sa lahat. "Pwede bang kahit sandaling oras lang maging ikaw siya? Gusto ko lang sabihin sa kanya lahat ng gusto kong sabihin."
Natahimik si Kristin at hindi na nakasagot pa. Kakaibang init ang nararamdaman niya na nagpapakalma sa kanyang buong pagkatao.
Nakakawala ng takot.
Nakakaubos ng pangamba.
Nakararamdam si Kristin ng malaking pag-asa.
"Kahit kailan hindi ako nagsisi dahil pinili ko ang buhay mo sa Santa Katarina," panimula ni Ep-ep.
Malakas na tibok ng puso ang naririnig ni Kristin.
"Hindi ako nagsisi dahil bumaba ako sa itaas para lang makasama ka sa ibaba..."
Kinuyom niya ang kamao at pinigilan ang sariling yakapin si Ep-ep.
"Hindi ko kahit kailan pinagsisihan lahat ng ginawa ko para sa iyo..."
Pumikit na lang siya at humugot ng malalim na hininga.
"Pinahalagahan ko lahat ng mahahalaga sa iyo kahit walang halaga ang tingin nila sa akin."
Hindi sanay si Kristin na nakaririnig ng mga ganoong salita, ngunit iba ang oras na iyon para sa kanya.
"Alam kong imposible nang makasama ka."
Bumitaw sa pagkakayakap si Ep-ep at hinawakan sa pisngi si Kristin. Idinampi niya sa noo nito ang mga labi at saka nagwika.
"Mahal na mahal kita, Clementina. At mamahalin pa rin kita kahit hindi na dadating pa ang tamang oras para sa ating dalawa."
Ngumiti nang simple si Ep-ep at umatras ng dalawang hakbang. Nakita niya ang mukha ni Kristin na bakas ang lungkot sa mukha at pinangiliran na ng luha ang mata.
"Masyadong mahaba ang araw na ito para sa lahat," nakangiting sabi ni Ep-ep. "Maraming salamat sa oras mo, Miss Nuevo. Gagawin ko na ang pinagagawa ninyo."
Muling umangat sa lupa si Ep-ep at humanda sa mabilis na paglipad.
"Mr. Maranzano..." mahinang tawag ni Kristin. Pipigilan sana niya ang lalaki kaso walang kahit anong salita ang sumunod na lumabas sa kanyang bibig.
Kinain na ng dilim ang araw. Sinundan na lang ni Kristin si Ep-ep na lumipad patungong kalawakan.
Ang liwanag ng mundong nagsisilbing pag-asa'y naglaho na. Tumitingkad ang makinang na bituin sa langit na masamang balita ang dala. Ang bunga ng kasalanan ng mundo'y sasalubungin na ang kanyang tadhana.
Sa gitna ng kadiliman ay kumalat ang napakaliwanag na ilaw sa langit. Napakagandang maliliit na ilaw ang tila ba paputok na nagbigay kulay sa kalangitan na nasilayan sa mga mata ni Kristin. Para bang ang nagaganap ay umuulan ng patak ng nagkikislapang liwanag sa hangin.
Ilang sandali pa'y, naglaho na ang pinakamakinang na tala sa kalangitan. At kasabay noon ay ang pagkawala ni Ep-ep mula sa kalawakan.
Tiningnan ni Kristin ang ibaba at pinulot doon ang orasang may mukha ni Clementina.
"Magandang alaala." Muling tinanaw niyang ang langit na pinupuno na ng panibagong pag-asa. "Sa gulo ng araw na ito, ikaw lang yata ang nakita kong maganda."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top