Chapter 4
Kung sa orihinal na gawa, si Romeo ay para talaga kay Juliet. Wala ng iba kahit pa pagbali-baliktarin natin ang anggulo at mundo ng piksiyon. Kaya lang ang ending? Para sa akin, malungkot.
Bilang isang mahilig sa mga fictional books, syempre ayoko sa mga gano'ng klase ng ending. Nasasaktan kasi ako para sa mga characters kaya nga natutuwa ako sa version na ginawa namin sa role play ng Romeo at Juliet. Sa wakas, magkakaroon narin si Romeo at Juliet ng magandang wakas.
Para sa waksa na 'yan, heto kami ngayon sa backstage, pinapanood ang nakakikilig na eksena bilang pagtatapos sa aming mumunting duladulaan.
Naka-dungaw si Juliet sa veranda ng kaniyang kwarto habang si Romeo ay nakatingin sa kaniya mula sa baba. Puno ng pagmamahal at paghanga ang mga mata nila para sa isa't isa. Iyon bang tingin na kahit alam mong scripted, hindi mukhang scripted kasi halatang totoo. Halatang may pinanghuhugutan, at ramdam mo talagang malalim ang pinanggagalingan.
Magka-siklop ang kamay ko hawak ang script ko habang pinagmamasdan sila. They look good together. Walang halong biro. Para bang nage-exist talaga sila para sa isa't isa.
Napangiti ako kasabay ng pag-higpit ng hawak ko sa script nang simulang galawin ni Arc ang string ng gitarang hawak niya. Ito 'yong scene na sinadya kong ipadagdag kay Hailey para sa ikagaganda ng role play adaptation. Ito 'yong eksena na gusto kong maranasan sa tunay na buhay. 'Yong pagkakataon na dapat sana ay ginawan ko ng paraan para ibigay sa sarili ko, pero alam kong mas deserve ng iba.
♪ Wise men say
Only fools rush in
Oh, but I, can't help falling in love with you ♪
Bakit ba sobrang galing mo, Arc? Paano mo nagagawang galawin ang gitara't napatutunog 'to na parang daloy ng kalmadong sapa? Paano nagagawang sabayan ng malamig mong boses ang bawat notang tinutugtog ng mga daliri mo?
♪ Shall I stay?
Would it be, would it be a sin?
If I can't help falling in love with you ♪
Kung kasalanan nga lang ang pagkakahulog ko sa 'yo, siguro isa na ako sa mga makakasalanang tao sa mundo. Kung pagkakamali lang ang mahulog sa isang tulad mo, pwes hindi ko alam kung paano ko itatama at itutuwid ang kamalian ko. Na kung krimen lang ang nararamdaman ko, hindi ko alam kung kaya ko nga bang linisin ang mga kamay ko.
♪ Like a river flows
Surely to the sea
Darling, so it goes
Some things, you know, are meant to be ♪
♪ Take my hand
Take my whole life too
For I can"t help falling in love with you ♪
And I can't help falling in love with you, Arche Callisto Salviez.
Napahawak ako sa pisngi ko nang maramdaman ko ang mainit na likido. Ito na nga bang sinasabi ko! Ba't ako umiiyak?! Sobra na ba akong na-touch sa scene?
"Ayan, suggest pa more ng mga nakakakilig na eksena." Tumabi sa akin nang nakahalukipkip si Darrel. "Ngayon, sino ang nag-benefit? Ikaw ba, huh, Aelia? Hindi 'di ba? Kita mo may paiyak-iyak ka pang nalalaman. Sige, babae, isipin nating tears of joy 'yan."
"Ang ganda kaya ng scene. Tyaka nag-benefit tayong lahat noh! For sure namang nagustuhan ng mga judges 'yong role play natin." Kontra ko. Nakita ko kasi 'yong mga judges kanina. Patango-tango sila at ang lawak ng mga ngiti habang pinapanood halos ang buong duladulaan. That was a good sign, tingin ko.
Naagaw ng atensyon namin ang biglaang pag-sigaw at ayiee ng mga manonood kaya napatingin kami sa entablado. "OH. MY. HOLY. SH*TYNESS." Napatakip pa sa bibig si Darrel dahil sa gulat at ako ay naiwang nakatulala habang pinagmamasdan si Arc na nakaluhod sa harap ni Tamara. Hawak ni Arc ang kamay ng kaniyang leading leady at halik nito ang likod ng kanyang palad.
"P*tang ina, wala 'yon sa script, pero kinikilig ako mga t*ng ina." - Yuri
"Yiieeeee! Da-move ang Arko ni'yo!" - Miggy
"Mabuhay ang bagong kasal!" - Grey
"I didn't know Arc would do an adlib. That's...perfect." - Hailey
Halos pati ang mga classmates naming nandito sa gilid ng stage ay puro tili na ang ginawa. Oo, wala naman talaga sa script ang halik sa kamay na 'yon.
Nag-usap ba sina Arc at Tamara na gawin 'yon? O sadyang on the spot lang talaga ang ginawa ni Arc para pagandahin ang eksena? Hindi ko alam kung ano sa dalawa dahil kung ako lang ang tatanungin, wala namang pakealam si Arc sa role play. O baka sobrang mahalaga lang para sa kaniya ng grades niya kaya gano'n? Pero involve parin ang kiss do'n! Bakit...Bakit gumawa siya ng gano'ng klaseng adlib?
Bakit parang ang bilis naman yatang tumagos sa puso niya ang binato kong palaso para mabihag siya kay Tamara? Bakit parang siya na mismo ang kumilos?
"Hoy, babae, natulala ka na."
Pinilit kong ngumiti, pero mahigpit parin ang hawak ko sa script. "Ang ganda kasi. Nakita mo ba? Nakapikit pa si Arc habang halik niya 'yong kamay ni Tamara."
Oo, hindi ko 'yon itatanggi. Maganda ang ginawang adlib ni Arc. Sa pagkakataong 'to, hindi scripted dahil halata ang gulat sa reaksiyon ni Tamara. Parang hinarana lang niya sa harap ng madla ang pinakamamahal niyang girlfriend.
Ito ang daloy ng kwentong gusto ko...pero required ba talagang masaktan ako sa ganito kagandang eksena?
...
Kinabukasan ay back to normal ang lahat. Sa wakas ay natapos na rin ang role play. Wala na kaming pagkaka-abalahan every weekend, wala na ring gagastusan at aasikasuhing mga props. Ang role play kasi ang magiging final exam na namin sa english. Next week pa naman ang simula ng finals para sa third quarter kaya sa ibang subject ay kailangan padin naming mag-review dahil written ang exams maliban sa TLE-subs namin. Sa amin kasing nasa IT, actual kami, hindi malabong gano'n din sa iba.
"T*ng ina, kinakabahan ako baka hindi mag-open." Napahawak pa sa puso niya si Faith, halatang kabado matapos niyang binuksan ang desktop. Nandito kasi kami ngayon sa comlab, nagpa-practice ng assembling and disassembling ng system unit. Bale ito ang magiging finals namin kay Ma'am Linda. Walang second chance sa finals, kapag hindi mo napagana ang system unit, kawawa ka.
"Hoy, babae, tara milk tea." Aya sa akin ni Darrel. Katatapos lang niyang mag-sulat ng lecture namin sa History. Nag-inat pa siya. Kahit masipag 'yan makinig, tamad naman magsulat. Pini-picturan lang niya tapos ira-rush sulatin kapag due na ng pasahan. Pasalamat nga siya hindi agad ipinapapasa ni Ma'am Noraine 'yong mga notebook namin pagkatapos ng klase niya.
"Libre mo." Panghuthot ko sa kaniya. Inirapan pa talaga niya ako bago tumayo. Nakangiti ko siyang sinundan.
"Pres, meryenda lang kami sa labas." Paalam ko. Tumango naman siya. Buti hindi mahigpit si Hailey sa amin dito sa IT. Masunurin kasi kami.
"Nakita mo na 'yong ganap sa news board?" Tanong ni Darrel habang naglalakad kami.
Napakunot ako. Hindi naman kasi ako pala-tingin do'n. "Anong featured news?" Ang boring kaya ng journalism. Sorry dito sa kaibigan kong member ng journalism, para sa akin ay nakababagot lang kasi 'yon.
Hindi siya sumagot. Saktong natanaw namin ang ilang kumpol ng mga estudyante hindi kalayuan malapit sa journalist studio. Halos mga kababaihan. Nakalabas ang phone nila at may pinipicturan do'n sa board sa gilid. "Anong mayro'n?"
"Unfortunately, na-discover na ng buong school ang treasure ng Ravens." I-nginuso ni Darrel ang board nang umalis sa harap namin ang mga magkakaibigan na nagtitilian pa paalis. Pagtingin ko sa board ay hinanap ng mga mata ko ang latest news.
Anong....Do'n ko lang napagtanto ang tinutukoy ni Darrel na treasure ng section namin. Isang picture ang nakadikit sa featured story section ng board. Picture 'yon do'n sa role play namin kung saan patapos na 'yong dula-dulaan. Kung sino man ang kumuha nito, ang galing niya. Ang ganda ng pagkakakuha. Candid shot kasi 'yon ni Arc at Tamara habang nakatingin sila sa isa't isa at magkahawak ang kamay.
"Oh ayan sige, titigan mo pa. Ba't di mo rin picturan para masulit mo? Gawin mong phone wallpaper." Sarkastikong komento ni Darrel.
"Ang ganda kasi. Tingnan mo oh." Itinuro ko pa ang picture kahit na may fiber glass sliding 'to na takip. Totoo naman kasi. Ang gwapo ni Arc at ang ganda ni Tamara.
"Uy, Darrel!" Sabay kaming napatingin ni Darrel sa hagdanan kung saan paakyat si Grey kasunod si Miggy. Automatic na hinanap ng mga mata ko si Arc.
"Ginagawa ni'yo rito? Wala kayong klase?" Tanong ni Miggy. Napatingin pa siya sa board. Malawak na napangisi at napailing, "Famous talaga si Arc. Daming fans. Buti walang nagnanakaw ng picture niyang nakapaskil diyan."
"Matagal na sanang wala 'yan dyan kung solo pic lang 'yan ni Arc." Mataray na sagot ni Darrel. "Tara na, Ae."
"Sama kami!" Masiglang sumunod sa amin Si Grey. Sumunod din si Miggy.
May pinag-uusapan sila sa likuran namin ni Darrel tungkol sa sports, pero hindi ko nalang pinansin dahil 'di rin naman ako relate. Nang makarating kami sa cafeteria ay kaagad na umorder si Darrel ng milk tea.
"Okinawa sa 'kin." Nakangiting sabi ni Miggy. Tinaasan siya ng kilay ni Darrel. "Invited ka rito? Alis. 'Di ka belong dito." Pantataboy niya.
"Luh, parang wala naman tayong pinagsamahan, Darrel." Hinaplos pa ni Grey si Darrel na parang nanlalandi. Hinawi ni Darrel si Grey kaya natawa kami. "Ang dugyot mo, 'tol, mukha kang patatas kapag tumabi ka sa 'kin." At mas lalo pa kaming natawa sa sinabi ni Darrel.
"Harsh mo, parang milk tea lang. Poor." Nagmamaktol pa ni Grey. Natawa nalang ako. "Isang okinawa pa po, tyaka...ano sa 'yo, Miggy?" Tanong ko.
"Wintermelon!" Malawak ang ngiting sagot niya. Kawawa naman sila kung kami lang ang iinom nitong si Darrel na tnaasan pa ako ng kilay.
"Buti pa 'tong si Ae. Ikaw nalang i-reto ko sa kaibigan ko, hindi na si Darrel." Pangongonsensiya ni Miggy.
"Pake ko sa kaibigan mo? Sapakin ko pa 'yon." Inirapan siya ni Darrel.
"Sus! Kapag sinabi kong si Arc, baka bilhin mo 'tong tindahan ng milk tea eh para sa kaniya." Pang-aasar ni Miggy. Natawa ako sa reaksiyon ni Darrel.
"Hindi ko pa afford 'tong buong store, pero limang milk tea sige."
Kahit kailan talaga. Napailing nalang ako. Matapos naming hintayin ang milk tea nila Grey ay sabay-sabay kaming lumabas ng cafeteria. Saktong naka-salubong namin 'yong tatlong lalaki na nakipag-high five kay Grey.
"Oh, 'yong practice mamayang 5, baka makalimutan mo na naman." Paalala ng isa sa kanila. Obvious na mga soccer players dahil suot nila ang mga uniform nila.
"Ako bahala." Sumaludo pa si Grey bago tuluyang makapasok sa cafeteria 'yong mga barkada niya.
"Bakit parang ang lakas ng datingan nung mga ka-tropa mo sa soccer, ikaw lang 'yata ang nalihis ng landas." Komento ni Darrel. Natawa tuloy kami pareho ni Miggy.
"Alam kong ako ang pinaka-gwapo. Given na 'yon. Tsk."
"Hindi. Naiiba ka kasi ikaw lang 'yong soccer player na dugyutin ang dating." Mas malakas na ang tawa namin ni Miggy. Ang lakas talaga mang-asar nitong si Darrel.
"Tyaka mahiya ka naman Grey sa sinabi mong given ng gwapo ka. 'Di ka ba nahihiya kay Arc?" Gatong ko pa tyaka ako sumipsip sa straw ng milk tea ko. Tiningnan ko sila dahil biglang nanahimik. Nakatingin pala silang tatlo sa akin at talagang nasa bibig pa nila pare-pareho ang straw ng milk tea nila na parang natigil sila sa pag-sipsip do'n.
Napakunot ako. "Bakit?"
Napangisi si Grey. "Trip mo rin si Arc noh? Ayieee~ Tinamaan ka rin pala ng Callisto syndrome ah."
Bigla tuloy akong kinabahan kaya napasipsip ako ng tuloy-tuloy sa inumin ko. Natawa si Miggy at nakangisi si Darrel, hindi man lang ako ipagtanggol. Wala na, buking na.
"Karibal mo pala 'tong si Darrel eh." Natatawang asar ni Miggy.
"Anong kari----"
"Oh ayan na pala 'yong talk-of-the-town oh. Hoy, Arc!" Mas na-doble ang kaba ko nang tawagin ni Grey si Arc na galing sa likuran ko.
Nakipag-high-five pa siya kay Miggy. "Ginagawa ni'yo rito? Hinahanap ka ni Sir, Jim." Boses palang...
"Sinabi ko ng tinatamad akong sumali sa banda. Bahala sila ro'n." Reklamo ni Miggy. Last year kasi na-feature silang tatlo nila Grey sa school board. Malaki ang potential nila sa pagba-banda kahit na katuwaan lang talaga nila 'yon sa classroom. Ewan ko rito kay Arc.
"Ikaw, Grey? Ayaw mo rin?" Tanong ni Arc.
"Pass muna ako ngayong school year. Sa soccer muna ako, tol."
"Ako, hindi mo tatanungin?" Napatingin kami kay Darrel na may halong landi pa 'yong boses. Feeling ko nga sanay na si Arc sa kaniya eh.
"Wala kang potential sa music."
"Ay t*ng ina, derestahan." Natawa kami sa reaksiyon ni Darrel. "Ica-cancel ko na 'yong milk tea store. Red flag ka na sa 'kin."
"'Di ba naghahanap kayo ng temporary vocalist para sa teacher's day?" Tanong ni Grey. Tiningnan ko si Arc na nasa tabi ni Miggy. Ngayon ko lang napansin ang bag ng gitarang nakasukbit sa balikat niya. Ang cool niya.
"Si Gracelyn, golden voice 'yon." Suhestiyon ni Miggy.
Ngayon ko lang napagtanto ang setup. Sa maga-apat na taon naming magka-kaklase dito sa Valenciano, ito ang first time na nagka-usap-usap kami ng ganito. I mean, ng kasama si Arc dahil madalas nakakausap ko naman si Grey at Miggy.
"Mahiyain 'yon tol." Sagot ni Grey. Oo nga, mahiyain din si Gracelyn. Matalino siya at magaling kumanta, pero shy type katulad ko.
"Kung ayaw niya may kilala ako." Napatingin kaming lahat kay Darrel. Tiningnan niya ako at tinaasan ako ng kilay. Napatingin tuloy sa akin 'yong tatlo.
"Anong ako? Wala akong----"
"Naks! May hidden talent ka pala, Ae!" Pangtutusta ni Grey.
"May pag-asa ka." Sabad pa ni Miggy na nakangisi ng makahulugan. Ipinatong pa niya ang braso niya sa balikat ni Arc sabay sipsip sa straw ng milk tea niya. Nang tingnan ko si Arc ay nakatingin din pala siya sa akin. Napaiwas tuloy ako ng tingin at napasipsip sa straw ng milk tea ko.
"Can I hear your voice?" Halos ma-ubo ako nang magtanong si Arc. Ba't ba nage-english siya? Ganyan 'yong mga leading man sa binabasa ko eh. Natawa pa 'yong dalawang boys. Nakakainis naman! Oo, aaminin kong kinikilig ako pero....tama ba 'to?
"Can I hear you sing?" Bakit ba direstahan 'tong si Arc? Hindi ako na-inform. Alam kong malawak na malawak ang ngisi ni Darrel kahit hindi ko siya tingnan. Alam kong alam niya kung ano ang kasalukuyang nararamdaman ko.
Sasagot palang sana ako nang biglang may tumawag kay Arc. Isang lalaki na may hawak ng drumsticks. "Tawag ka ni Sir Jim sandali sa office niya." Tumango lang siya at umalis na rin 'yong lalaki.
"Kita tayo mamaya sa park after class." Kung hindi lang sa akin nakatingin si Arc, baka isipin kong hindi ako ang kinakausap niya, pero sa akin kasi siya nakatingin diretso sa mga mata ko. At ano raw? Magkikita kami? Sa park? After class? Naglinis naman ako ng tainga kaninang pumasok ako ah.
"Hoy, babae! Laway mo!" Nagbalik katinuan ako nang tampalin ni Darrel ang braso ko. Nakangisi siya sa akin. Nakaalis na pala si Arc. "Landi mo rin eh noh?"
"Bilis mo naman maka-score, Ae. Inaya ka agad ng date ng campus heartthrob." Pang-aasar ni Grey.
"Anong date? Utak mo rin eh noh, may kalawang." Napailing ako. Pero sa loob-loob ko ay hindi parin ako nakaka-move on sa sinabi ni Arc.
Magkasabay kaming bumalik ni Darrel sa com lab at 'yong dalawang boys ay magkasamang umalis. "Alam mo ang weak mo rin lumandi no? Dapat sumagot ka agad sa alok ni Arc. Dapat nag-I do ka."
"I do agad? Ano ka ba, Darrel? Para 'yon sa temporary vocalist na kailangan ng school band. Masyado kayong malisyoso." Kontra ko.
Alam ko naman kasing walang meaning kay Arc 'yon. Pero dahil gusto ko siya syempre iba talaga ang dating ng sinabi niya sa akin. First time yatang nakausap ko ng matino 'yon.
"Dami mong reasoning, babae. Aminin mo nalang na kinikilig kang malandi ka." Tinampal na naman niya ang braso ko. Hindi ko maitago ang ngiti ko.
"Hindi ako prepared kumanta sa harap niya, Darrel. Wala akong practice. Tyaka anong kakantahin ko? Bahay kubo nalang kaya para easy lang. O 'di kaya 'yong lupang hinirang? Ay, 'di ko pala memorize 'yon. Baka pumiyok pa ako." Kinakabahan at tuloy-tuloy na sabi ko.
"Nega mo naman. Biritan mo agad, tanga para ma-inlove." Natawa ako sa sinabi niya. Hindi naman ako biritera.
Oo na, may talent ako. Aaminin ko na. Kung si Tamara magaling sumayaw, ako naman sa pagkanta may potential. Mayro'n nga ba? Hobby ko lang naman talaga ang kumanta tyaka sa youtube lang ako nagvi-videoke, tyaka madalas kapag may mga special occasion ang pamilya namin.
"Kinakabahan ako, Darrel." Pag-amin ko.
"Gaga, 'wag kang excited. Kabahan ka kapag sinabi niyang 'I have to tell you something important.' Asahan mo aamin na 'yon kapag gano'n."
Natawa nalang ako sa sinasabi niya. Palabasa rin kasi 'to minsan ng mga comics kaya may alam sa mga ganyan. Talagang push na push ako ni Darrel kay Arc. Siya pa 'tong naiinis kapag pinupuri ko 'yong chemistry ni Arc at Tamara. Napaka-supportive talaga ng baklang 'to.
Ngayon lang yata ako nakaramdaman ng magkahalong tuwa at kaba. Kapag exam kasi kaba lang at kapag pasado naman sa mga quizzes at finals pati mga requirements, syempre masaya 'yon, pero iba ang pakiramdam na mapansin ng isang Arche Callisto Salviez.
Nakakakaba na nakakatuwa na hindi ko alam. Hindi ko masabi 'yong tamang term. Basta kinikilig ako.
Siguro ganito rin ang pakiramdam ni Tamara. I wonder kung mas pa sa nararamdaman ko ang naramdaman niya noong role play namin.
Kung chance lang ang usapan, alam kong talo ako kung iko-kompara kay Tamara. Maganda siya, matalino, talentado, active sa mga extra curricular activities, famous, mayaman...'Yon bang tipikal na leading lady sa mga high school romance na kwento.
Ako ang kupido sa love story nila, pero pwede bang sumali ako? Kahit extra lang. Kahit sandali lang. Pwede ko bang pagbigyan ang nararamdaman ko para kay Arc? Kahit alam ko kung hanggang saan lang ako.
Pwede ba 'yon?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top